Friday, September 6, 2013

Ang Pedicab Driver (part 2)



"Napakabihira dumating ng ganitong oportunidad kaya dapat lang na samantalahin ko ito."  sabi niya sa sarili.


Pagkababang-pagkababa pa lang ng unang pasahero ni Junjun ay mayroon na agad na tumatawag sa kanyang serbisyo.


"Kuya, pwedeng pakihatid mo ako sa may bandang Intramuros?" sabi ng isang babaeng may kapayatan ngunit maraming dala-dalahing malalaking plastik na supot na halatang paninda sa sari-sari store.


"Medyo malayo po iyon eh saka malalim po ang baha doon", pagtanggi niya sa babae.


"Sige na, kanina pa ako dito eh wala akong makitang tricycle o kuliglig na maghahatid sa'kin. Ang dami ko pa namang mga dala-dala."

"Saka alam ko po mataas ang baha papunta doon mahihirapan po ako wala naman pong motor itong pedicab ko, de-padyak lang ito." alam niya ito dahil minsan na rin siyang nakapaghatid dito nang maulan.
"Sa pagkakaalam ko po bawal na kami sa Intramuros ngayon dahil may mga prangkisa lang po ang mga pumapasada doon."


"Kahit na magbayad ako ng 150 pesos hanggang dun, baka kasi tuluyan nang mabasa itong mga paninda ko mas malaki ang malulugi ko."


Sa narinig na ibabayad ng babae sa kanya naisip niya kaagad na malaking tulong ito sa kanyang pamilya maaga pa'y may pang-boundary na siya at kaunti na lang ay sambot na agad ang maghapong target niya sa pagpasada.
Wala rin siyang nagawa kundi isakay ang babae, tinulungan at iniayos ng mabuti ang mga paninda para hindi ito mabasa bago muling ipinadyak ang kanyang pedicab.


Hindi nga siya nagkamali, kahit saan nga siya lumusot ay puro baha ang kanyang dinadaanan. Hindi madali ang magpedal sa gitna ng baha, ibayong lakas ang kailangan para makausad dahil sa dagdag na pwersa ng tubig na pumipigil sa bawat pag-ikot ng gulong. Ang dating mga hindi binabahang kalsada ay may baha na ngayon kahit ang Plaza Lorenzo Ruiz sa tapat ng Binondo Church ay mataas na rin ang tubig.


Kumanan na siya rito patungong Jones Bridge. Dahil sa kataasan ng tubig na halos aabot na sa kalahati ng gulong ng isang sedan kakaunti lamang ang nakikita niyang mga maliliit na kotse na karamihan naman'y nasa gilid lang, pulos mga AUV at SUV ang matatapang na sinasalubong ang ragasa ng tubig, may mangilan-ngilan din namang pedicab, tricycle at kuliglig pero lubos na kakaunti ito kumpara sa mga bumibyahe tuwing ganitong maulan.

Nasa kalahati pa lang siya ng Jones Bridge ay tanaw na niya ang dilaw na uniporme ng mga traffic enforcer ng MTPB na hindi pangkaraniwan ang bilang.


"Patay, may operasyon yata sila meyor! Sana hindi ako sitahin.", bulong niya sa sarili.


Wala siyang pagpipilian kundi ideretso ang kanyang pedicab, hindi siya pwedeng mag-u-turn dahil baka lalo siyang paghinalaan at habulin ng yellow boys. Patay-malisya siyang gumilid sa isang jeep sa pagbabaka-sakaling hindi siya mapansin ng mga enforcer. Ngunit sa harap mismo ng mga traffic enforcer ay huminto ang jeep na ginawa niyang pananggalang at sa dami ng mga enforcer ay nakita rin siya nito.


"Prrt...pakigild na lang 'yung pedicab mo!" utos ng enforcer kay Junjun habang nakasuksok ang silbato sa bibig nito.
"Ah miss, kung pwede bumaba na lang po muna kayo." patungkol naman ito sa pasahero ng pedicab driver. Walang nagawa ang babae kundi bumaba at maglakad ngunit bago bumaba ay iniabot muna nito ang 150 pesos na bayad kay Junjun.

"Boss, bakit po?"

"Matagal na kayong sinabihan na bawal kayo sa malalaking kalsada pero  matitigas talaga ang ulo niyo, pasensya na pero utos ni meyor na ipa-impound ang mga pedicab at kuliglig na sagabal sa kalye saka isa pa wala naman kayong prangkisa." mahabang paliwanag ng enforcer.


Binigyan muna siya ng tiket at instruction kung saan, magkano at papaano matutubos sa compound ng MTPB ang pedicab na naimpound na pinagkukunan ng kabuhayan ng kanyang pamilya sa araw-araw.


Maluha-luhang minamasdan ni Junjun ang kanyang pedicab habang hinihila ng mga bata ni meyor at isinama sa iba pang mga pedicab na kanilang kinumpiska na nakabalagbag sa harap ng malapit sa opisina ng Immigration. Ngayon niya lang napagtanto na kaya pala kakaunti ang mga pumapasadang tricycle, kuliglig at pedicab dahil may operation pala ang city hall na sitahin at iimpound ang mga katulad nila. Sino ba naman ang mag-aakala na sa ganitong maulan ay matiyagang nag-aabang at manghuhuli ang mga taga MTPB?


Ang kanina lang na kasiyahang kanyang naramdaman ay napalitan ng pagkalungkot at pagkadismaya.
"Bwisit na araw 'to!" aniya pa.


Napaaga ang kanyang uwi, wala pang alas diyes ay pabalik na siya sa kanyang barong-barong. Lulugo-lugong nilalakad ni Junjun ang eskinita na halos walang pinagbago ang senaryo nang kanya itong iwan kaninang maaga pa. Nakatambay pa rin ang kapitbahay na si Bong habang nagyoyosi, masasayang naghaharutan at naglalaro ang mga bata sa kalsada at sa gitna ng baha, mga misis ng tahanan na naghihigikgikan sa maliit na tindahan. Dumaan muna siya kay Aling Salyang upang iabot ang tiket na inisyu ng MTPB at ipaalam na in-impound ng city hall ang pedicab na kanyang ipinasada.


"Eh ano pa nga bang magagawa ko?!? Siguro bumiyahe ka ng papuntang Intramuros, sinabi na kasing bawal kayo dun eh, pa'no 'yan eh 'di gastos na naman 'yan!" paninita ni Aling Salyang.


Hindi na siya kumibo at sumagot sa tinurang 'yon ni Aling Salyang para hindi na humaba ang usapan. Hindi rin niya binigyang pansin ang pagkumusta ni Bong sa kanyang napurnadang biyahe.

No comments:

Post a Comment