Tuesday, September 3, 2013

Ang Pedicab Driver (part 1)



Ang nakaparadang mga tricycle sa harap ng bahay ni Mang Louie ang nagsisilbing isa sa motibasyon ni Junjun upang kumayod ng doble gamit ang pedicab na pagmamay-ari ng Aling Salyang. Umulan, umaraw, may pasok o wala, walang palya niyang pinapasada ito araw-araw upang makaipon ng paunang-bayad sa inaasam at pinapangarap na tricycle at ang kakulangan ay plano niyang hulugan kada buwan.


Ang ingay at tunog ng mga motor ng mga tricycle na ito tuwing umaga ay parang tugtog ng musikang napakaswabe sa pandinig ni Junjun na nagpapasayaw at bumubuhay sa kanyang kakapiranggot na pag-asa. Matagal na niyang pangarap ito at sigurado siya na malaking tulong ito sa kinabukasan ng kanyang mag-ina.


Kailangan niyang kumita ng hindi bababa sa tatlong daang piso kada araw. Kwentado niya na ito; sitenta pesos ang inggreso sa pedicab, singkwenta pesos ang kanyang isinusubi at ang natitira naman'y pinagkakasya ng kanyang misis na si Mylene sa pambili ng kanilang pagkain, pang-upa, kuryente, diaper at gatas ng magdadalawang taong gulang na kanilang anak at kung anu-ano pang gastusin. Ngunit kadalasan hindi siya nakapagtatabi ng kahit na magkano dahil sa gastos pa lang sa gatas ng anak ay ubos na agad ang kanyang kinita.


Batid ni Junjun na hindi madali ang makaipon dahil sa dami ng naglipang tricycle, pedicab at mga astig na kuliglig sa kalsada agawan na sila ng mga pasahero sa area ng Divisoria, Binondo, Sta. Cruz at mga kalapit na lugar. Nadagdagan pa nga ang kanyang pangamba ngayon dahil baka tuluyan nang ipagbawal ang mga katulad niyang pedicab driver sa mga pangunahing kalsada dahil sa kampanya ng nakaupong alkalde na tuluyan nang tanggalin sa daan ang mga katulad niyang pedicab driver.


Samantalang hindi naman lumalaki ang kanyang naiipon hindi dahil sa siya'y mabisyo o magastos kundi dahil dito rin nila kinukuha ang pangangailangang wala sa kanilang budget. Madalas kasing nadadala sa doktor ang nag-iisang anak na si Maymay, sa mahal ng mga gamot na nirereseta para sa anak mabilis na nasasaid ang kakatiting na perang kanyang naitatabi. Katulad ngayon na may bahagya na namang lagnat ang bata.


Kahit lumaki at nagkaisip na si Junjun sa Isla Puting Bato sa Tondo na bantog na isa sa pinakamagulong lugar sa Maynila maaring sabihing matino siya - dahil siya'y walang bisyo, umiiwas sa barkada at simula pagkabata'y masipag at puno ng pangarap at ito ang mga katangiang nagustuhan sa kanya ni Mylene. Bagamat marami siyang kakilalang nasangkot sa holdap at snatching hindi sumasagi sa isip niyang gagawin niya rin ito isang araw.


Walang malapit na kaanak ang mag-asawa. Parehong maagang pumanaw ang kani-kanilang mga magulang at sa murang edad natuto siyang magbanat ng buto; nagtinda ng pandesal, yosi at dyaryo, naglinis ng pampasaherong jeep at ngayon nga'y pedicab driver. Hindi na siya nakapagtapos ng hayskul dahil sa kahirapan at sa kawalan ng oportunidad. Bagamat hindi madali ang kanyang pinagdadaanan sa buhay hindi naman ito naging hadlang para sumuko at patuloy na mangarap.


Tulad ng dati, alas sais pa lang ay bumangon na si Junjun upang pumasada ng pedicab bago pa ito ay bumili muna siya na dalawang pirasong pancit canton at sampung pisong pandesal, almusal niya ito at ng kanyang mag-ina.
Maulan at may kalakasan ang hangin ng umagang iyon kinumbinsi pa nga siya ng kanyang asawa na pumirmi na lang muna sa bahay at 'wag nang pumasada dahil sa madulas at mga bahang kalsada. Ngunit hindi nagpapigil si Junjun kailangan niyang kumita para sa pamilya, para sa pangarap.


"Pare, 'wag ka nang pumasada, maulan naman wala gaanong pasahero ngayon suspendido ang klase saka 'yung ibang opisina! Mag-inom na lang tayo mamaya!", sigaw at panunuya ng kapitbahay na si Bong habang isinusuot niya ang kapote sa katawan.


"Okay lang pare kailangang kumita eh!", balik niyang sagot.


Inumpisahan niyang ipedal ang pedicab palayo sa makipot na eskinita ng lugar na kanyang kinagisnan. Habang binabagtas minamasdan niya ang mga batang karamiha'y walang damit na nagkalat sa kung saan-saan; may nagtatakbuhan, may naglalaro na kapag nagkapikunan ay malutong na magmumura, may naliligo at nagtatampisaw sa maruming bahang ginawang swimming pool.


Matatanaw din ang dikit-dikit na mga barong-barong na takaw-sunog dahil sa malaispageting kawad ng kuryenteng nakalawit at kawing-kawing sa poste ng Meralco. Ang mga kababaihan kahit na maaga pa lang ay makikitang nagkukumpulan sa maliliit na tindahan samantalang ang mga kalalakihan kahit na walang permanenteng hanapbuhay ay otomatikong tumutoma sa tuwing sasapit ang alas-kwatro ng hapon.


Nakagapos siya sa iskwater na lugar na ito ngunit inaasam niyang makaalpas at makatakas dito balang-araw. Alipin siya ng pagiging dukha at mahirap pero umaasa siya na makakawala rin siya sa malapiitang lugar na ito pagdating ng tamang pagkakataon. Hindi niya matutupad ang naisin niyang ito kung pedicab lang ang kanyang katuwang sa paghabi ng kanyang pangarap. Hindi niya nais na dito lumaki at magkaisip ang kanyang anak na si Maymay, hindi niya gustong matulad ang kanyang anak sa kanya na kapos sa edukasyon.


Simula ng makita niya ang kauna-unahang pamasadang tricycle na nabili ng kapitbahay na si Mang Louie nakadama siya ng kakaibang kiliti sa kanyang utak at wari'y may isang tinig na palaging bumubulong sa kanyang tainga.


"Magkakaroon din ako niyan." ang bukambibig niya lagi sa asawang si Mylene. Ang asawa naman ay titingin at ngingiti lang sa kanya di mawari kung sumasang-ayon o sumasasalungat sa tinuran ng asawang pedicab driver.


Sa Delpan pa lang ay may nakuha na siyang pasahero, isang babaeng nagpapahatid sa kanto ng Ilaya sa may Divisoria. Maluwag ang bawat kalsadang kanyang dinadaanan hindi dahil sa suspendido ang klase at ilang opisina kundi dahil kakaunti ang pumapasadang tricycle, pedicab at kuliglig. Bagama't bahagyang nagtataka, lihim niyang ikinatuwa ito dahil pagkakataon niyang kumita ng medyo malaki-laki. 


itutuloy...

1 comment:

  1. mukhang isang magandang kwento ang inilalatag mo kapanalig ha! susubaybayan ko 'to. galing ng pagkaka-habi. navi-visualized kumbaga.

    ReplyDelete