Showing posts with label pedicab driver. Show all posts
Showing posts with label pedicab driver. Show all posts

Friday, September 13, 2013

Ang Pedicab Driver (part 3)



"O kumusta pasada mo, pa? Bakit ang aga mong gumarahe?" si Mylene.

"Malas! Inimpound ng city hall 'yung pedicab ko sa may bandang Immigration. Kumusta si Maymay, Ma? Bumaba na bang lagnat?"

"Medyo bumaba ngayon ang lagnat pero pabalik-balik eh, ewan ko ba kung bakit, paubos na nga itong gamot niya eh."

"Pag bukas bumalik ulit 'yung lagnat niya dalhin na natin sa Boni." Gat Bonifacio Hospital ang tinutukoy ni Junjun, isang pampublikong ospital sa may Delpan.


Halos lahat ng mga pedicab at kuliglig ng kapitbahay ni Junjun na pumasada ng umagang iyon ay kasamang naimpound ng kanyang pedicab. Ngunit ang mga tricycle ni Mang Louie ay kumpletong nakaparada sa harap ng bahay niya, lima lahat ang bilang nito; kaibigan kasi ni Mang Louie ang kasalukuyang Baranggay Chairman kaya kung sitahin man ito ng mga taga City Hall tiyak na hindi ito maiimpound.


Mula sa kanilang bintana ay tanaw ito ni Junjun. Magkakahalong inggit, agam-agam at pag-aalala ang nararamdam niya; Paano siya ngayon makakaipon kung wala na ang kanyang pedicab? Matutupad pa kaya ang kanyang pangarap? Sana bumuti na ang kalagayan ni Maymay...


"Papa, Papa! Gising!"
Agad na napabalikwas mula sa pagkakatulog si Junjun."Bakit?!" pagtatakang tanong nito sa asawa.
"Si Maymay kasi...ang taas na naman ng lagnat, nagkukumbulsyon na 'yung bata kawawa naman".

"Ha? Napainom mo na ba ng gamot?"

"Oo, pero hindi pa rin bumaba ang lagnat niya. Dalhin na kaya natin siya sa ospital?!"


Kalagitnaan ng hatinggabi'y bumibyahe ang mag-anak patungo sa Gat A. Bonifacio Hospital halos isang kilometro mula sa kanilang barong sa Isla Puting Bato. Agad na sinuri ang bata ng mga nars, dahil sa nakababahalang kalagayan ay in-admit ito at isinama sa maraming pasyenteng nakaconfine, nakasuwero.


"Tatapatin ko na kayo Mister, Misis, sa sinabi ninyong mga senyales ng bata bago siya magkumbulsyon malamang ay may dengue ang anak niyo pero hintayin muna natin ang resulta ng test para makasigurado, for the meantime, binigyan muna namin siya ng pampababa ng lagnat." pagtatapat ng doktor sa mag-asawang Junjun at Mylene.


Balisa at tuliro si Junjun sa tinurang iyon ng doktor, ni wala nga siyang naging reaksyon sa labis niyang pag-aalala; pag-aalala sa kalagayan ng anak at pag-aalala sa siguradong malaking gastos na kanyang kakaharapin.


"I am sorry to say, positibo po na na may dengue ang anak niyo, mas makabubuti sa bata at para na rin sa mabilis na recovery niya na itransfer ninyo siya sa San Lazaro Hospital dahil mas dalubhasa silang maghandle ng dengue cases at saka may sapat silang pasilidad para itreat siya ng husto." payo ng doktor kay Junjun at Mylene, ilang minuto makalipas lumabas ang test na isinagawa sa bata.


Walang nagawa ang mag-asawa kundi sumunod sa payo ng doktor.
Pasado alas-singko na ng umaga ng marating nila ang San Lazaro Hospital tulad ng sinabi ng naunang doktor may dengue nga si Maymay at patuloy na bumababa ang platelet nito na kung hindi kaagad ma-aagapang masalinan ng dugo ay lulubha ang kalagayan nito.


Napayakap na lang sa isa't isa ang mag-asawa. Umiiyak si Mylene samantalang si Junjun ay nakatingin sa kawalan, iniisip kung paano at saan didiskarte ng pambayad sa dugong isasalin. Handa niyang gawin ang lahat, handa siyang magsakripisyo, handa niyang itaya ang kanyang buhay para lang mabuhay ang anak na isa sa dahilan niya upang buhayin ang kanyang aandap-andap na pangarap.


Pansamantalang umuwi si Junjun sa bahay upang kumuha ng ilang gamit na kakailanganin sa ospital. Ilang damit na pamalit sa kanyang mag-ina, termos, bimpo at iba pa. Kinuha na rin niya ang kahuli-hulihang pera sa kanyang ipon na nakaipit sa lalagyan ng kanilang underwear, tatlong daang at limampung piso. 
Kasalukuyan pa lang niyang kinakandado ang pinto ng kanyang barong labas nang lumapit sa kanya ang tambay na si Bong.


"Pare, nabalitaan ko ang nangyari sa anak mo. Alam ko kailangan mo ngayon ng pera wala akong maipapahiram sa'yo pero kung gusto mo may lakad kami mamayang hapon, didiskarte tayo ng pera."

"Salamat, pre." ang maiksi niyang tugon. Hindi batid kung iyon ay isang pagsang-ayon.


Sinalubong siya ng asawang si Mylene na umiiyak.
Hindi na bumubuti ang lagay ni Maymay at kailangan na itong masalinan ng dugo sa lalong madaling panahon. Ngunit para mangyari ito ay kakailangin niya ng kagyat na pera, hindi sasapat ang tatlong daan at limampung pisong nasa kanyang bulsa ngayon.

"Hayaan mo gagawan ko ng paraan!" paniniyak ni Junjun sa asawa.

"Ngunit paano?" si Mylene.

"Basta."

Sa canteen na ng ospital nagpalipas ng tanghalian ang mag-asawa. Makalipas kumain ay nagpaalam na si Junjun sa asawa.

"Alis na muna ko didilihensya lang ako ng pambayad sa ospital." Huling salitang binitiwan niya bago siya umalis.

"Pre, sige sama ako! Wala bang sabit 'yan?" kausap ni Junjun si Bong.

"Wag kang mag-alala pre, wala itong kasabit-sabit tatlong linggo namin itong pinag-aralan!" ang tinutukoy na 'namin' ni Bong ay ang makakasama nila sa pagdedelihensya, ang notoryus na si Diego.


Habang binabagtas nina Junjun ang lugar na 'di niya batid kung saan patungo, umaalingawngaw naman sa kanyang tainga ang tunog ng makina ng mga motor ni Mang Louie para itong mitsa ng dinamita na muling nagsindi ng kanyang naudlot na pangarap.

"Pagkatapos na pagkatapos na mailabas namin si Maymay sa ospital ay mabibili ko na sa wakas ang motorsiklong gusto ko." sa isip ni Junjun.


Dahil sa kagustuhang bumuti ang kalagayan ng anak, ginatungan pa ng kanyang pangarap na magkaroon ng sariling motorsiklo, wala sa hinagap ni Junjun na may kakambal na kapahamakan ang gagawin niyang kapangahasang ito. Mas nanaig ang desperasyon. Mas nagwagi ang tukso at tudyo ng tadhana.


Sa isang Money Changer sa Malate huminto ang owner type jeep na sinasakyan nina Bong, Diego at Junjun.

"Tangina ka 'wag kang kikilos ng masama kundi tutuluyan kita!" si Junjun na nakasuot ng bonnet habang nakatutok ang hawak na paltik na baril sa cashier ng Money Changer.
 
- E N D -

Friday, September 6, 2013

Ang Pedicab Driver (part 2)



"Napakabihira dumating ng ganitong oportunidad kaya dapat lang na samantalahin ko ito."  sabi niya sa sarili.


Pagkababang-pagkababa pa lang ng unang pasahero ni Junjun ay mayroon na agad na tumatawag sa kanyang serbisyo.


"Kuya, pwedeng pakihatid mo ako sa may bandang Intramuros?" sabi ng isang babaeng may kapayatan ngunit maraming dala-dalahing malalaking plastik na supot na halatang paninda sa sari-sari store.


"Medyo malayo po iyon eh saka malalim po ang baha doon", pagtanggi niya sa babae.


"Sige na, kanina pa ako dito eh wala akong makitang tricycle o kuliglig na maghahatid sa'kin. Ang dami ko pa namang mga dala-dala."

"Saka alam ko po mataas ang baha papunta doon mahihirapan po ako wala naman pong motor itong pedicab ko, de-padyak lang ito." alam niya ito dahil minsan na rin siyang nakapaghatid dito nang maulan.
"Sa pagkakaalam ko po bawal na kami sa Intramuros ngayon dahil may mga prangkisa lang po ang mga pumapasada doon."


"Kahit na magbayad ako ng 150 pesos hanggang dun, baka kasi tuluyan nang mabasa itong mga paninda ko mas malaki ang malulugi ko."


Sa narinig na ibabayad ng babae sa kanya naisip niya kaagad na malaking tulong ito sa kanyang pamilya maaga pa'y may pang-boundary na siya at kaunti na lang ay sambot na agad ang maghapong target niya sa pagpasada.
Wala rin siyang nagawa kundi isakay ang babae, tinulungan at iniayos ng mabuti ang mga paninda para hindi ito mabasa bago muling ipinadyak ang kanyang pedicab.


Hindi nga siya nagkamali, kahit saan nga siya lumusot ay puro baha ang kanyang dinadaanan. Hindi madali ang magpedal sa gitna ng baha, ibayong lakas ang kailangan para makausad dahil sa dagdag na pwersa ng tubig na pumipigil sa bawat pag-ikot ng gulong. Ang dating mga hindi binabahang kalsada ay may baha na ngayon kahit ang Plaza Lorenzo Ruiz sa tapat ng Binondo Church ay mataas na rin ang tubig.


Kumanan na siya rito patungong Jones Bridge. Dahil sa kataasan ng tubig na halos aabot na sa kalahati ng gulong ng isang sedan kakaunti lamang ang nakikita niyang mga maliliit na kotse na karamihan naman'y nasa gilid lang, pulos mga AUV at SUV ang matatapang na sinasalubong ang ragasa ng tubig, may mangilan-ngilan din namang pedicab, tricycle at kuliglig pero lubos na kakaunti ito kumpara sa mga bumibyahe tuwing ganitong maulan.

Nasa kalahati pa lang siya ng Jones Bridge ay tanaw na niya ang dilaw na uniporme ng mga traffic enforcer ng MTPB na hindi pangkaraniwan ang bilang.


"Patay, may operasyon yata sila meyor! Sana hindi ako sitahin.", bulong niya sa sarili.


Wala siyang pagpipilian kundi ideretso ang kanyang pedicab, hindi siya pwedeng mag-u-turn dahil baka lalo siyang paghinalaan at habulin ng yellow boys. Patay-malisya siyang gumilid sa isang jeep sa pagbabaka-sakaling hindi siya mapansin ng mga enforcer. Ngunit sa harap mismo ng mga traffic enforcer ay huminto ang jeep na ginawa niyang pananggalang at sa dami ng mga enforcer ay nakita rin siya nito.


"Prrt...pakigild na lang 'yung pedicab mo!" utos ng enforcer kay Junjun habang nakasuksok ang silbato sa bibig nito.
"Ah miss, kung pwede bumaba na lang po muna kayo." patungkol naman ito sa pasahero ng pedicab driver. Walang nagawa ang babae kundi bumaba at maglakad ngunit bago bumaba ay iniabot muna nito ang 150 pesos na bayad kay Junjun.

"Boss, bakit po?"

"Matagal na kayong sinabihan na bawal kayo sa malalaking kalsada pero  matitigas talaga ang ulo niyo, pasensya na pero utos ni meyor na ipa-impound ang mga pedicab at kuliglig na sagabal sa kalye saka isa pa wala naman kayong prangkisa." mahabang paliwanag ng enforcer.


Binigyan muna siya ng tiket at instruction kung saan, magkano at papaano matutubos sa compound ng MTPB ang pedicab na naimpound na pinagkukunan ng kabuhayan ng kanyang pamilya sa araw-araw.


Maluha-luhang minamasdan ni Junjun ang kanyang pedicab habang hinihila ng mga bata ni meyor at isinama sa iba pang mga pedicab na kanilang kinumpiska na nakabalagbag sa harap ng malapit sa opisina ng Immigration. Ngayon niya lang napagtanto na kaya pala kakaunti ang mga pumapasadang tricycle, kuliglig at pedicab dahil may operation pala ang city hall na sitahin at iimpound ang mga katulad nila. Sino ba naman ang mag-aakala na sa ganitong maulan ay matiyagang nag-aabang at manghuhuli ang mga taga MTPB?


Ang kanina lang na kasiyahang kanyang naramdaman ay napalitan ng pagkalungkot at pagkadismaya.
"Bwisit na araw 'to!" aniya pa.


Napaaga ang kanyang uwi, wala pang alas diyes ay pabalik na siya sa kanyang barong-barong. Lulugo-lugong nilalakad ni Junjun ang eskinita na halos walang pinagbago ang senaryo nang kanya itong iwan kaninang maaga pa. Nakatambay pa rin ang kapitbahay na si Bong habang nagyoyosi, masasayang naghaharutan at naglalaro ang mga bata sa kalsada at sa gitna ng baha, mga misis ng tahanan na naghihigikgikan sa maliit na tindahan. Dumaan muna siya kay Aling Salyang upang iabot ang tiket na inisyu ng MTPB at ipaalam na in-impound ng city hall ang pedicab na kanyang ipinasada.


"Eh ano pa nga bang magagawa ko?!? Siguro bumiyahe ka ng papuntang Intramuros, sinabi na kasing bawal kayo dun eh, pa'no 'yan eh 'di gastos na naman 'yan!" paninita ni Aling Salyang.


Hindi na siya kumibo at sumagot sa tinurang 'yon ni Aling Salyang para hindi na humaba ang usapan. Hindi rin niya binigyang pansin ang pagkumusta ni Bong sa kanyang napurnadang biyahe.

Tuesday, September 3, 2013

Ang Pedicab Driver (part 1)



Ang nakaparadang mga tricycle sa harap ng bahay ni Mang Louie ang nagsisilbing isa sa motibasyon ni Junjun upang kumayod ng doble gamit ang pedicab na pagmamay-ari ng Aling Salyang. Umulan, umaraw, may pasok o wala, walang palya niyang pinapasada ito araw-araw upang makaipon ng paunang-bayad sa inaasam at pinapangarap na tricycle at ang kakulangan ay plano niyang hulugan kada buwan.


Ang ingay at tunog ng mga motor ng mga tricycle na ito tuwing umaga ay parang tugtog ng musikang napakaswabe sa pandinig ni Junjun na nagpapasayaw at bumubuhay sa kanyang kakapiranggot na pag-asa. Matagal na niyang pangarap ito at sigurado siya na malaking tulong ito sa kinabukasan ng kanyang mag-ina.


Kailangan niyang kumita ng hindi bababa sa tatlong daang piso kada araw. Kwentado niya na ito; sitenta pesos ang inggreso sa pedicab, singkwenta pesos ang kanyang isinusubi at ang natitira naman'y pinagkakasya ng kanyang misis na si Mylene sa pambili ng kanilang pagkain, pang-upa, kuryente, diaper at gatas ng magdadalawang taong gulang na kanilang anak at kung anu-ano pang gastusin. Ngunit kadalasan hindi siya nakapagtatabi ng kahit na magkano dahil sa gastos pa lang sa gatas ng anak ay ubos na agad ang kanyang kinita.


Batid ni Junjun na hindi madali ang makaipon dahil sa dami ng naglipang tricycle, pedicab at mga astig na kuliglig sa kalsada agawan na sila ng mga pasahero sa area ng Divisoria, Binondo, Sta. Cruz at mga kalapit na lugar. Nadagdagan pa nga ang kanyang pangamba ngayon dahil baka tuluyan nang ipagbawal ang mga katulad niyang pedicab driver sa mga pangunahing kalsada dahil sa kampanya ng nakaupong alkalde na tuluyan nang tanggalin sa daan ang mga katulad niyang pedicab driver.


Samantalang hindi naman lumalaki ang kanyang naiipon hindi dahil sa siya'y mabisyo o magastos kundi dahil dito rin nila kinukuha ang pangangailangang wala sa kanilang budget. Madalas kasing nadadala sa doktor ang nag-iisang anak na si Maymay, sa mahal ng mga gamot na nirereseta para sa anak mabilis na nasasaid ang kakatiting na perang kanyang naitatabi. Katulad ngayon na may bahagya na namang lagnat ang bata.


Kahit lumaki at nagkaisip na si Junjun sa Isla Puting Bato sa Tondo na bantog na isa sa pinakamagulong lugar sa Maynila maaring sabihing matino siya - dahil siya'y walang bisyo, umiiwas sa barkada at simula pagkabata'y masipag at puno ng pangarap at ito ang mga katangiang nagustuhan sa kanya ni Mylene. Bagamat marami siyang kakilalang nasangkot sa holdap at snatching hindi sumasagi sa isip niyang gagawin niya rin ito isang araw.


Walang malapit na kaanak ang mag-asawa. Parehong maagang pumanaw ang kani-kanilang mga magulang at sa murang edad natuto siyang magbanat ng buto; nagtinda ng pandesal, yosi at dyaryo, naglinis ng pampasaherong jeep at ngayon nga'y pedicab driver. Hindi na siya nakapagtapos ng hayskul dahil sa kahirapan at sa kawalan ng oportunidad. Bagamat hindi madali ang kanyang pinagdadaanan sa buhay hindi naman ito naging hadlang para sumuko at patuloy na mangarap.


Tulad ng dati, alas sais pa lang ay bumangon na si Junjun upang pumasada ng pedicab bago pa ito ay bumili muna siya na dalawang pirasong pancit canton at sampung pisong pandesal, almusal niya ito at ng kanyang mag-ina.
Maulan at may kalakasan ang hangin ng umagang iyon kinumbinsi pa nga siya ng kanyang asawa na pumirmi na lang muna sa bahay at 'wag nang pumasada dahil sa madulas at mga bahang kalsada. Ngunit hindi nagpapigil si Junjun kailangan niyang kumita para sa pamilya, para sa pangarap.


"Pare, 'wag ka nang pumasada, maulan naman wala gaanong pasahero ngayon suspendido ang klase saka 'yung ibang opisina! Mag-inom na lang tayo mamaya!", sigaw at panunuya ng kapitbahay na si Bong habang isinusuot niya ang kapote sa katawan.


"Okay lang pare kailangang kumita eh!", balik niyang sagot.


Inumpisahan niyang ipedal ang pedicab palayo sa makipot na eskinita ng lugar na kanyang kinagisnan. Habang binabagtas minamasdan niya ang mga batang karamiha'y walang damit na nagkalat sa kung saan-saan; may nagtatakbuhan, may naglalaro na kapag nagkapikunan ay malutong na magmumura, may naliligo at nagtatampisaw sa maruming bahang ginawang swimming pool.


Matatanaw din ang dikit-dikit na mga barong-barong na takaw-sunog dahil sa malaispageting kawad ng kuryenteng nakalawit at kawing-kawing sa poste ng Meralco. Ang mga kababaihan kahit na maaga pa lang ay makikitang nagkukumpulan sa maliliit na tindahan samantalang ang mga kalalakihan kahit na walang permanenteng hanapbuhay ay otomatikong tumutoma sa tuwing sasapit ang alas-kwatro ng hapon.


Nakagapos siya sa iskwater na lugar na ito ngunit inaasam niyang makaalpas at makatakas dito balang-araw. Alipin siya ng pagiging dukha at mahirap pero umaasa siya na makakawala rin siya sa malapiitang lugar na ito pagdating ng tamang pagkakataon. Hindi niya matutupad ang naisin niyang ito kung pedicab lang ang kanyang katuwang sa paghabi ng kanyang pangarap. Hindi niya nais na dito lumaki at magkaisip ang kanyang anak na si Maymay, hindi niya gustong matulad ang kanyang anak sa kanya na kapos sa edukasyon.


Simula ng makita niya ang kauna-unahang pamasadang tricycle na nabili ng kapitbahay na si Mang Louie nakadama siya ng kakaibang kiliti sa kanyang utak at wari'y may isang tinig na palaging bumubulong sa kanyang tainga.


"Magkakaroon din ako niyan." ang bukambibig niya lagi sa asawang si Mylene. Ang asawa naman ay titingin at ngingiti lang sa kanya di mawari kung sumasang-ayon o sumasasalungat sa tinuran ng asawang pedicab driver.


Sa Delpan pa lang ay may nakuha na siyang pasahero, isang babaeng nagpapahatid sa kanto ng Ilaya sa may Divisoria. Maluwag ang bawat kalsadang kanyang dinadaanan hindi dahil sa suspendido ang klase at ilang opisina kundi dahil kakaunti ang pumapasadang tricycle, pedicab at kuliglig. Bagama't bahagyang nagtataka, lihim niyang ikinatuwa ito dahil pagkakataon niyang kumita ng medyo malaki-laki. 


itutuloy...