Monday, September 9, 2013

"Tara"



Inabutan kita ng 'sandaang piso, ngunit sa halip na bumili ka ng ating makakain, ibinili mo ito ng isang bote ng alak na may kasamang ilang piraso ng tsitsirya at apat na stick ng sigarilyo.
Nakasalampak ka sa malamig na sementadong sahig habang ako'y nakaupo sa bangkitong iniabot mo sa akin.


Banaag pa rin sa tindig at kilos mo ang katalinuhang hinangaan ko sa iyo noong nag-aaral pa tayo sa highschool. Sinindihan mo ang unang yosi at paitaas na ibinuga ang usok nito,  wari’y sinusulit ang pisong halaga sa iyong bawat paghitit at buga. Sinabayan mo ito ng isang buntong hininga na singhaba nang ngiyaw ng isang pusang gutom sa pagkain at kalinga.


Iniabot mo sa akin ang isang baso tila imbitasyon na sabayan kitang uminom.
"Tara!" maiksi ngunit makahulugan mong paanyaya.

Hindi ako tumanggi. Kinuha ko ang baso at sinalinan mo ito ng alak na hindi nalalayo ang kulay sa bakal na puno ng kalawang. Sabay nating nilagok ito. Bagama't naduduwal ako sa tapang ng lasa nito hindi ko ito ipinahalata sa iyo, ayaw ko kasing iparamdam sa iyo na malaki na ang ipinagbago ko simula nang lisanin ko ang probinsya nating ito.


Bilanggo ka pa rin ng karukhaan samantalang ako'y nakahanap na ng susi upang takasan ang kahirapan, hindi ko man nakamit ang lahat ng mga pangarap ko sa buhay masasabing matagumpay na rin ako sa sarili kong kahulugan at pamantayan. Ganunpaman, hindi pa rin nabawasan ang respeto at pagtingin ko sa iyo, ikaw pa rin ang dati kong kaibigang tumulong at gumabay sa akin sa mga panahong nangangamote ako sa ating mga aralin.


Aaminin ko, naninibago ako sa iyo. Hindi ko inasahang aabutan kita sa ganyang kalunos-lunos na kalagayan, ikaw na noo’y puspos ng pangarap – may pangarap na magarang bahay, masayang pamilya at maalwan na buhay.
Bagama't 'di hamak na malayo ang itsura mo sa mga nakikita kong taong-grasa sa Maynila, ngunit sa tingin ko hindi naman nagkakalayo ang inyong kalooban. Kahit hindi mo sabihin batid ko ito. Kahit mayroon kang kakarampot na pinagkakakitaan ngayon bilang taga-saka ng bukid ni Tatang Igme, batid kong hindi madali ang iyong pinagdadaanan, kulang na nga lang siguro ay sisihin mo ang Diyos sa iyong dinaranas na paghihirap.


Inumpisahan mong magkwento. Habang hawak ang baso ng alak sa kanang kamay sa kabila naman’y ang iyong sigarilyo.
Nalaman kong naging guro ka pala ng eskwelahang pinasukan natin noong tayo'y nasa elementarya. Kunsabagay, bata pa lang tayo noon ay ito na ang ambisyon mo - ang maging isang guro. Sa katunayan, ang ating paaralan na nga ang itinuring mong iyong ikalawang tahanan dahil paslit ka pa lang nang ikaw ay maulila sa iyong mga magulang. Tanging ang iyong tiyahin lang ang siyang nagpalaki at nagtiyagang nagpaaral sa iyo.


Matagal bago mo ulit sinundan ng pangungusap ang pauna mong kwento. Inabangan ko ito. Bahagyang nanabik.
Ngunit muli mong kinuha ang iyong baso, sinalinan ng alak. Mabilis mo itong nilagok. Halos pagsabayin mo ang pagtungga, pagnguya ng tsitsirya at pagsubo ng yosi sa iyong bibig. Siguro'y iyon ang paraan mo upang pigilan ang kanina pang nais na kumawalang mga luha, luhang hindi galing sa iyong mga mata kundi galing sa iyong tumatangis na puso.


Binaling ko ang aking mga mata sa apat na sulok ng tinatawag mong tahanan. Pumukaw sa aking pansin ang mga nakasabit na diploma at iba't ibang sertipikong nakakwadro sa isang bahagi ng dingding. Halos katabi nito ang mga medalya at tropeyong may iba’t ibang hugis at laki na tila napabayaan; sama-sama ito sa isang may kahabaang istanteng gawa mula sa kahoy na tulad ng iyong pagkatao - inaagiw.


Bukod sa maliit na mesa at dalawang plastik na silya na marahil ay iyong ginagamit sa tuwing ikaw ay kumakain, makikita rin ang lumang sofa na gula-gulanit, isang sirang durabox na lalagyan ng mga damit. Walang salamin, walang banyo. Kung gaano kahumpak ang iyong mukha ganundin ang laman ng iyong tahanang pawid.


Ayaw kong mag-usisa dahil baka lalo lang magpalala ito sa pakiramdam mong ikaw ay isang api.
Gusto kong malaman ang lahat ng tungkol sa iyo pero nais kong kusang-loob mo itong ilahad sa akin.
Sa tagal ng aking pagkawala tila naliligaw ako sa aking kinalakhan, estranghero ako sa aking dating kaibigan.


Ang sumunod mong paglagok ay nagbigay ng lakas ng loob sa iyo upang ituloy ang paglalahad ng iyong kwento.

Ikatlong taon mo noon bilang guro nang makaalitan mo ang punong-guro ng eskwelahang iyong pinapasukan. Kahit walang malisya ang iyong pag-uusisa tungkol sa kung paano ang sistema ng paggastos ng eskwelahan sa pasahod, pondo at donasyon ng mga mayayamang negosyante at pulitiko ng bayan, minasama niya ito. Simula noon, naging matabang na ang pagtrato niya sa iyo at pati ang halos lahat ng miyembro ng faculty na iyong kinabibilangan.


At isang umaga, nagulat ka na lamang sa paratang ng punong-guro sa pagkawala ng kanyang pitakang may laman na higit daw sa pitong libong piso, na natagpuan sa iyo kasama ng mga blangkong test paper ng iba't ibang mga subjects para sa susunod na periodical exam.


Halos tatlumpung taon na ang lumipas pero hindi mo pa rin ito makalimutan, detalyado mo itong ibinahagi sa akin. Tila naging isang multo sa iyong isipan ang iyong nakaraan na pabalik-balik at paulit-ulit na gumugulo sa iyong kasalukuyan.

“Ang paaralang aking itinuring na ikalawang tahanan – ang siyang nagkanulo at sumira sa aking mga pangarap at ambisyon.” Paulit-ulit mo itong binibigkas.

Hindi ko alam kung pagkaawa o simpatiya ng panghihinayang ang nararamdaman ko para sa iyo habang ako’y nakikinig sa mga kwento mo.


Naaalala ko pa noon kung papaano ka hangaan ng ating mga guro at mga kaklase ang iyong galing at talino sa recitation at sa anumang pagsusulit na binibigay sa atin.


Maraming mga pagkakataon ngang naging tanyag ang ating paaralan dahil sa inihatid mong tagumpay sa mga kompetisyon at patimpalak na iyong sinalihan. Kapalit ng karangalang ito ang pagka-inggit ng ilan nating kaklase at kamag-aral ngunit bilang matalik na kaibigan palagi kitang ipinagtatanggol sa kanila, batid kong hindi iyon lingid sa iyong kaalaman.


Ilang buwan kang hindi nakapasok dahil sa ipinataw na suspensyon sa iyo ng pamunuan ng paaralan. Dinamdam mo ito nang husto ngunit hindi ka basta nagpatalo, sa halip, idinulog mo ito sa opisyal ng Deped ng rehiyon na kalaunan'y nagpalala ng sitwasyon. Nagresulta ito sa tuluyang pagbawi ng iyong lisensya sa pagtuturo ng Komisyon sa Regulasyon ng mga Propesyonal sa rekomendasyon ng Deped.


Tila doon na huminto ang iyong mundo. 
Isinuko mo na ang iyong kinabukasan dahil sa desisyong iyon lalo na nang malaman mong kaanak pala ng punong-guro ang opisyal ng Deped na humawak ng iyong kaso.


Isa pang kwento ang nagpaantig sa akin bago mo nilagok ang huling patak ng alak sa iyong baso, sariling desisyon mong hindi magkaroon ng pamilya sa pangambang hindi mo sila mabigyan ng magandang tahanan at matinong kinabukasan.


Muli akong nanglumo, napailing. Kung may taong dapat na manghinayang sa iyo ngayong kinahitnan ay ako iyon. Kilala kita simula pagkabata, alam kong higit na may talino ka kaysa sa’kin, marami kang nakamit na mga karangalan, may angking galing ka kumpara sa akin, ngunit nasaan ka ngayon? Ang mismong sarili mo’y ‘di mo mahanap at ‘di mo maharap.


Nakapanghihinayang na ang tulad mong may eksepsyonal na kaalaman ay iginupo ng isang pagsubok lamang, nakalulungkot na ang tulad mong may talino at pinag-aralan sa isang iglap lamang ay sumuko at mistulang naging mangmang.
Isa kang taong may karunungan at karangalan ngunit hindi mo natutunan kung papaano bumangon mula sa pagkakadapa.


Ngunit maaring mali ako.
Sino nga naman ako para ikaw ay husgahan?
Sino nga naman ako para ipamukha sa iyo kung ano ang tama?
Kaibigan nga ako pero nasaan ako nang panahong higit mo akong kailangan?


Nilisan ko ang ating lalawigan upang makipagsapalaran sa Maynila at kabilang sa aking iniwan ay ang lahat ng hirap at alaala ng aking kabataan at pagkatapos ng napakahabang tatlumpu't limang taon, ito ako bumibisita, nangungumusta.
Pinilit kita noong sumama ngunit pinili mong magpakupkop at maghanap ng kalinga sa itinuring mong ikalawang tahanan, pinili mong manatili dahil nais mong maglingkod sa pamamagitan ng pagtuturo sa ating kababayan ngunit ikaw pala ang dapat na mag-aral pa tungkol sa tunay na kahulugan ng buhay.


Alam kong mabigat ang iyong dinadala at ayaw ko nang dumagdag pa sa iyong mga suliranin ngunit hindi ko napigilan ang aking sarili na sabihing:
“Hindi sagot ang pagsuko sa isang problema lamang, maaring naging hindi maganda ang karanasan mo sa una mong tahanan ngunit maari ka namang humanap ng iba pang tahanang mag-aaruga, lilingap at tatanggap sa kung ano ka at kung sino ka.”


Mahabang katahimikan ang naghari.
Sa unang pagkakataon, nagkrus ang ating mga tingin. Kita ko sa iyong mata ang lungkot at labis na pagkadismaya pero hindi mo pa rin nakuhang lumuha. Matapang mong pinipigilan ang kanina pang gustong kumawala na pagtangis subalit nabahag kang harapin ang isang pagsubok ng buhay.


Gusto kong sabihin sa iyo na: “Sige, lumuha ka lang dahil ang pagluha ay hindi isang karuwagan, mas karuwagan pa ang talikdan ang isang paghamong itinakda para sa atin.” Ngunit mas minabuti kong sarilinin na lang ito.


Ubos na ang alak sa bote ngunit hindi ang iyong kwento ng nakaraan.
Upos na ang iyong sigarilyo katulad ng pangarap mong tila patungo sa kawalan.
Palubog na ang araw katulad ng pag-asa mong unti-unting nililisan ang kaliwanagan.

Tatlong oras mong isinalaysay ang nakaraang tatlumpu’t limang taon ng iyong buhay na punong-puno ng magkakahalong lungkot, pagkabigo, takot, pangamba at pagsuko. Lahat ito’y masusi kong napakinggan hindi lang ng aking tainga kundi pati ng aking pusong nakikidalmahati rin sa iyong kapalaran.


Bukas, babalik na ako ng Maynila upang harapin ang panibagong hamong sasalubong sa akin. Ikaw naman’y maiiwan sa pawid na tahanang ito na katulad mo’y tila lumilimos ng kaligayahan.


Inabutan kita ng sampung libong piso hindi bilang limos kundi tulong at kahit ito’y iyong tinangggihan, ako na ang nagpumilit na ito'y iyong tanggapin. Sa halip na alak at sigarilyo ang iyong bilhin, ang halagang iyan sana ay mailaan para sa iyong pagtatanim, pagtatanim ng bagong pag-asa na iyong ipupunla sa paghahanap mo ng masaya at bagong tahanan, dahil naniniwala akong hindi pa ganap na huli ang lahat.


Bago kita iwan at ang iyong tahanan, isang mahabang paalala mula sa akin bilang kaibigan ang lakas-loob kong ipinarating sa iyo:


“Malungkot ang buhay kung ito ang iyong gugustuhin, masaya rin ito kung iyong nanaisin. Walang nagsabing madali ang mabuhay ngunit hindi ito dahilan para malugmok sa kalungkutan.

Hindi kailanman mawawala ang mga pagsubok ngunit hindi ito dapat tumbasan ng pagsuko. Lahat tayo ay may kanya-kanyang pangarap, simple man o imposible, maliit man o malaki at kabilang sa pangarap nating ito ang magkaroon ng sariling tahanan; hindi mahalaga kung yari man ito sa pawid o bato, sa kahoy man o sa barong-barong - ang mahalaga ay kaligayahan ang naghahari dito at kapayapaan sa isip sa bawat miyembrong dito’y nananahan dahil ang tahanan ay hindi likha ng anumang materyal sa mundo kundi ito’y likha ng pagmamahal na galing sa puso.

Hindi man naging maganda ang kapalaran sa itinuring mong una o ikalawang tahanan paka-isiping palaging may bukas na pagkakataon na makahanap ng tahanang magiging bagong kanlungan na tatanggap at uunawa sa lahat ng iyong kamalian at kahinaan, maglilinang ng iyong galing at katalinuhan.

Maaaring magkaroon ka ng magandang bahay ngunit hindi ibig sabihin nito na mayroon ka rin ng masayang tahanan, maaaring mabigo ka sa iyong pangarap na magarang bahay ngunit hindi dahilan ito para hindi ka na mangarap ng maganda at payapang tahanan dahil ang tahanan ay hindi tungkol sa dami ng biyaya kundi tungkol ito sa kung papaano ka mabubuhay ng payapa.”


Napansin kong bahagyang nangilid ang luha sa iyong mga mata.
Tinangka mo pang ikubli ito sa akin, pinilit mo pa itong pigilan, ngunit maya-maya pa’y tuluyan na ngang tumulo ang luhang galing sa iyong pusong matagal nang puno ng hapis at labis na paghihinagpis.

- E N D -
--------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards.

Sa pakikipagtulungan ng:




15 comments:

  1. Sir,

    I'm a fan. Kinikilig ako.

    At natakot tuloy akong sumabak sa SBA dahil dito.

    Galing!

    ReplyDelete
  2. Napakaganda ng pagkakasulat. Hirap talaga pag amg isa ay gusto gumawa ng tama, ang.mga corrupt na namumuno kalaban. But ang aral, wag mag give up.
    Good luck!

    ReplyDelete
  3. kahit paulit-ulit kong binasa kinikilabutan pa rin ako.

    ReplyDelete
  4. well written... grabe... baka wala nang sumali! entry to beat! as always... hindi na ako gagawa ng kwento...hehehe

    ReplyDelete
  5. nakaka antig ng puso...
    very inspiring
    i like your interpretation of Tahanan - "ang tahanan ay hindi tungkol sa dami ng biyaya kundi tungkol ito sa kung papaano ka mabubuhay ng payapa.”

    ReplyDelete
  6. Salamat sa inyong pagdalaw at pag-appreciate (lalo na kay Sir Joey - alam mo na kung bakit.)

    Ang isa sa purpose ko kaya isa ako sa mga naunang magsubmit ng entry ay para makahikayat at makainspired na lumahok sa SBA thru this.

    Alam ko sa susunod na mga araw marami nang magsa-submit ng kani-kanilang akda na may sariling galing at interpretasyon sa temang "tahanan".

    Sana lang makalusot ang akdang ito.

    ReplyDelete
  7. kadalasan ngang nangyayari, nakahimpil sa daan at hindi umuusad ang hamon ng buhay, naghihintay na ito'y sagasaan o di kaya'y banggin at harapin kung sakaling pumalag at lumaban.

    subalit paano ba natin ito haharapin kung ang mismong ang ating mga sarili ay hindi tayo tinutulungan o masahol pa kung ang mismong sarili natin ang ating kalaban.

    May paraan pa, maaring magsimulang muli. Postibong pananaw sa mga pagkukulang at wag hayaang maging ito'y isang kahinaan.

    napakagandang basahin ang akdang ito sir. SBA pala ulit. :)

    magandang araw po

    ReplyDelete
    Replies
    1. SBA na nga at lahat ay dapat tanggapin ang hamong ito. :)
      Salamat sa pagbasa

      Delete
  8. ayan nahhhhhhhhhhhhhhhhhhhh..... di na ko sasali... dyuk!... ang husay husay naman kasi....ehe.... ikaw kuya Limarxx ikaw na.... :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Minsan ang husay ng isang tao ay nakadepende sa kung sinong babasa nito.
      Sali na hanggang Oct. 15 pa naman ang deadline mahaba-habang panahon pa ng brain storming ang natitira.
      Salamat sa pagbisita. :)

      Delete
  9. May puso. Ako ay naantig. Nawa'y palarin tayong pareho. Gayunpaman wala pa rin akong naisusulat. Goodluck! :D

    ReplyDelete
  10. ayos.. kaya pala konti pa lang sumasali.. eh ang husay naman pala nito.. ganda ng kwento at maraming kapupulutan ng aral.. tsk! sana makahanap pa siya ng kanyang bagong tahanan.. habang may buhay may pag-asa.. sana makahanap pa siya ng katapangan para harapin ang bagong hamon ng buhay at matagpuan ang tunay na tahanan na kanyang kinakailangan...

    goodluck :)

    ReplyDelete
  11. Maraming salamat sa inyong mga goodluck, sana nga. :)

    @Ms. Leeh - nahiya naman ako sa sinabi mong kaya kaunti ang sumasali dahil sa husay ng entry na 'yan, marami ang sumasali hindi pa lang naipopost ni Sir Bernard, hintay lang tayo. Anyways, salamat muli.

    ReplyDelete
  12. wow... Goodluck! kakaibang kwento.... galing ng pagkakalikha....

    ReplyDelete