Showing posts with label SBA 2014. Show all posts
Showing posts with label SBA 2014. Show all posts

Monday, November 10, 2014

Panatiko


Hindi ka na ba nagigimbal sa kariktan ng iyong sariling wika?
Bakit nalilibugan ka sa wikang hiniram mo lang sa banyaga?
Hindi ka na ba nasasarapan sa hagod ng matalinghagang dila?
Bakit mo niluluran ang wikang pinamana ng mga dakila?


Hindi mo ba alam na ang wikang Filipinong hinandog sa atin
Ay higit pa sa anumang wikang dayuhang kaya mong bigkasin?
Higit pa sa alinmang wikang dayuhang kaya mong aralin
Ang dangal at kayamanan ng bansang 'di ninuman maaangkin.


Hindi ka ba nagagayuma sa "Mahal kita" na sinambit ng kapwa mo pilipino?
Bakit "I Love You" na lamang ang nagpapakislot ng iyong libido?
Ikaw ay naniniphayo sa tuwing nakaririnig ka ng "Putang ina mo!"
Ngunit nalilibang ka naman sa "Fuck You!" na binigkas ng amerikano.


Hindi mo ba batid na ang wikang Filipinong ipinamana sa atin
Ay may angas at tapang na magpapaalab ng damdamin?
May talas na masahol pa sa punyal at patalim
At may kaluluwang dadaigin ang anumang sining.


Hindi ka ba nabighani sa melodiya ng kundimang Filipino?
Bakit sinasamba mo ang awiting 'di nauunawaan ang liriko?
Hindi ba't ginto ang alaala ng unang pagbigkas ng alpabeto?
Bakit ikaw ay nagpantanso sa dayalektong 'di naman iyo?


Hindi mo ba alam na ang wikang Filipinong kinagisnan natin
Ay may tamis at kilig na magpapangiti sa bawat labi?
May puso't lambing na makalulusaw ng poot at galit
May bangis na anumang sandali'y sasambulat at pupulandit.


Hindi na ba maibabalik ang pag-ibig mo sa wika ng iyong bayan?
Mas madali ba ang mag-'twang' kaysa isapuso ang Panatang Makabayan?
Hindi ba't saulado mo ang mga kanta nina Beyoncé, 1D, EXO at 2NE1?
Bakit madalas kang magkamali sa tuwing aawitin ang 'Lupang Hinirang'?


'Di mo ba alam na ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas?
Na tatanglaw sa korapsyon ng kadiliman na tila 'di nagwawakas
Liwanag na magmumulat sa diwang nilalango ng alak ng kabalastugan
Gagabay sa landas na binaliko ng utak ng kalokohan at katarantaduhan.


Ano ba ang dapat maituwid ang 'yong malabnaw na utak o dilang nakalihis?
Bakit mas matatas pa ang 'Harry Potta' mo kaysa totoong mga Inggles?
Hindi mo ba kayang hangaan ang ating wika, kultura at kutis kayumanggi?
Ba't Ikaw'y may pagnanais na lampasan pati ang kulay ni Britney Spears?


'Di mo ba batid na ang wikang Filipino ay tulay patungong tagumpay?
Estruktura ng komunikasyong magdudugtong at mag-uugnay
Sa bayang inuhaw, ginutom at tinimawa ng pagsulong at kaunlaran
Na matagal nang pangarap ng mga 'indiong' dito'y nananahan.


Hindi ba't ang mga dakila't makata'y nakapukaw gamit ang wikang Filipino?
Bakit pinili mong iwaglit ang kasaysayan ng bansa at siya'y pinagkanulo?
Hindi ka ba namangha sa mga bayaning nanindigan para sa mga pilipino?
Bakit ibang lipi at lahi lamang ang siya mo ngayong dinidiyos at iniidolo?


'Di mo ba batid na ang wikang Filipino ay pundasyon ng tapang?
Balangkas ng monumentong susuhay sa tatag ng isang bayang
Pilit na binubuwag ng unos ng pagmamalabis at pagkaganid
Ang tutuos sa tahilang hinahagupit ng delubyong mga balakid.


Hindi pa ba sapat ang aral at leksyong dinulot ng kasaysayan?
Ano ang dahilan sa pagtanggal ng Filipino sa kurikulum ng paaralan?
Hindi ba nila alam na ang pagpapahalaga ng pilipinong kabataan
Sa wika, bayan at kasaysayan ay magsisimula 'di lamang sa tahanan?


'Di mo ba alam na ang wikang Filipino ay bagwis ng karunungan?
Pakpak na magdadala ng runong at impormasyon sa buong kapuluan
Ang maglilipad at maghahatid ng kaalaman sa nagmamaang-mangan
Patungo sa himpapawid ng kalayaang may tinig at tunay na kasarinlan.


Si Dr. Jose Rizal na ating pambansang dakila noo'y nagbilin at nagwika:
"Ang 'di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda."
Ano pa nga bang mas sasahol sa pagkakaila sa sarili mong wika?
Ano pa nga bang mas uulol sa pagtatraidor sa sarili mong bansa?


Walang nagturan na kasalanan ang matutunan ang ibang mga wika
Walang nagbansag na masamang maging eksperto at dalubhasa
Gamit ang lenggwahe at wika ng mga banyaga sa pakikisalamuha
Ang kasalanan ay ipagkanulo mo ang bansa maging ang sarili mong wika.



Hindi ka na ba nagigimbal sa kariktan ng iyong sariling wika?
Bakit nalilibugan ka sa wikang hiram mo lang sa banyaga?
Hindi ka na ba nasasarapan sa hagod ng matalinghagang dila?
Bakit mo kinukupal ang wikang pinamana ng mga dakila?

- - - - - - - -
Ang akdang ito ay ang aking lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards 6 sa kategoryang Tula

Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:

Monday, November 3, 2014

"Ang Bansang Nagpapanggap Na Mahirap"

Ang image ay galing sa: tbhsbca.net
Taon-taon may trilyong pisong nakalaang budget ang ating pamahalaan na ina-allocate sa iba't ibang programa ng bawat kagawaran, bukod pa rito ay mayroon din tayong 8 billion dollar reserves mula sa naipong remittances ng ating mga OFW, gold holdings, revaluation adjustment at iba't ibang investments at sa export industry. Kada taon ay pinagsamang daan-daang bilyong piso ang nakokolektang buwis ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue, ang bawat mambabatas at opisyal na nanunungkulan sa gobyerno ay may milyon-milyong pisong pondong kanilang pinangangalagaan at pinangangasiwaan.

Sa laki at nakalululang mga halagang nabanggit nais ko tuloy paniwalaan na ang bansang Pilipinas ay isang mayamang bansa na nagpapanggap lang na mahirap -- na tayo'y hindi kapos sa pera kundi sa katapatan at disiplina.
-----


Ilang dekada na ring kabilang ang bansang Pilipinas sa listahan ng mga developing countries, sa listahan ng walang pagpapahalaga sa kalikasan at sa listahan ng mga bansang may malalang katiwalian. Ito ay sa kabila ng pagsisikap at sandamakmak na mga pangako at programa ng mga nanunungkulan na pauunlarin at didisiplinahin nila ang bansang ito, lokal man o nasyonal. At sa paglipas pa ng panahon ay tila lumulubha pa ang ating sitwasyon; ilang mga beteranong pulitiko ang nasangkot sa iba't ibang kontrobersiyang may kinalaman sa paglustay sa kaban ng bayan, ilang mga anomalya at katiwalian ang nabunyag at kabi-kabilang opisyales ang naakusahan ng pamahalaan at pati nga ang kalikasan at agrikultura ay napabayaan ng husto.


Tila ba hindi natatapos ang mga ganitong suliranin at kontrobersiya na nagiging dahilan ng pagkaantala ng progreso ng ating bansa. At sa ganitong kalagayan kung kulang sa oportunidad ang mamamayan nagreresulta ito sa 'dog-eat-dog' situation na ang malalakas ang siyang nagpupunyagi na minsa'y nababalewala at nawawalang bahala ang mga nakahaing batas. Kung kalam ang sikmura ng mga tao madalas nawawala ang kanilang disiplina ngunit kahit kailan hindi naman talaga dapat gawin itong katwiran at dahilan para lumabag sa polisiya at batas.


Sa patuloy na paglayo ng agwat ng mga mayayaman sa mahihirap hindi rin naman nagpapabaya ang ating pamahalaan at katulad ng marami sa ating mga kababayan hindi kailanman nawawala ang pag-asa at kaisipang ang Pilipinas ay aasenso at uunlad. Minsan na tayong tinaguriang 'Tiger Economy of Asia' at 'di malayong makakamit natin ito sa pagbalangkas ng mga posibleng solusyon para tuluyan na tayong makaaahon sa pagkakalubog na ito. At kung hindi ito agad na maagapan ng mga nanunungkulan maaaring tuluyan na tayong mapag-iwanan. Hindi tayo dapat makontento na hanggang pangarap na lang ang kaunlaran at hanggang inggit na lang ang mararamdaman natin sa paglago ng ekonomiya ng mga kapitbahay nating South Korea, Japan, Singapore, Hong Kong, China at ang papausbong na ekonomiya ng Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand at iba pa.


Bukod sa intensibong pagpapatupad ng batas dapat din natin isaalang-alang ang ibang bagay na makatutulong para makahulagpos tayo sa tanikala ng kahirapan. Ang mga sumusunod na suhestiyon kung mabibigyan pansin ng husto ay makatutulong sa unti-unting kaginhawaan kung hindi man lubos na kaunlaran ng bansa:

l  epektibong edukasyon para sa lahat
l  karagdagang ayuda sa sektor ng pangingisda at agrikultura
l  pagpapakalat ng ekonomiya at industriya sa buong kapuluan
l  karagdagang sahod sa kawani ng gobyerno
l  mabilis na transportasyon at komunikasyon
l  makataong paglilikas sa mga iskwater
l  oportunidad na mapagkakakitaan sa mga ni-relocate na mahihirap
l  mababa at maaasahang source ng kuryente
l  permanenteng solusyon sa lumalalang port congestion


Ayon sa pag-aaral, tinatayang 1 sa bawat 5 limang pilipino ay mahirap (conservative pa ang bilang na ito) ibig sabihin mahigit sa 12.1 milyong pilipino ang pinagkakasya ang maliit na kinikita para lamang maka-survive sa bawat araw. Sa dami ng bilang na ito, ito rin ang naging dahilang kung bakit lumobo sa mahigit 11 milyong pilipino ngayon ang naghahanapbuhay sa iba't ibang panig ng mundo. Sila 'yung binansagan nating 'Bagong Bayani' pero hindi naman bayani kung ating ituring. Sa ngayon, napakalaki ng kanilang naiaambag sa ekonomiya pero hindi dapat 'yon lang ang solusyon at dapat nating asahan dahil marami pang paraan kung ito'y matutukan lang ng pamahalaan.


Dahil sa sunod-sunod na kalamidad na nagreresulta sa pagkalugi at tila hindi seryosong pagtulong sa sektor ng agrikultura napipilitan ang ating mga magsasaka na ibenta ang kanilang ekta-ektaryang lupain at bukirin sa mga higanteng kapitalista at ilang taon lang ang bibilangin ang mga bukiring ito'y magiging dambuhalang mall o 'di kaya'y magiging malawak at magarang subdivision. Sa dami ng ating populasyon na umaabot sa mahigit isandaang milyon nakakatakot isipin ang posibilidad na kakapusin tayo ng pagkaing mula sa dagat/tubig, ito ay sa kabila ng pagiging arkipelago ng ating bansa. Kapansin-pansin na unti-unting nababawasan na ang bilang ng nahuhuling mga isda sa dagat na nagiging pangunahing dahilan kung bakit mas mahal pa ang halaga ng mga ito kaysa karne ng manok at baboy. Kung maagapan, naniniwala ako na maisasalba pa ang umaandap na sektor na ito kung mabibigyan lang ng pansin at tutok ang mga batas na nagawa para dito.


Samantala, katulad ng mga magsasaka at ating mangingisda, ang mga maliliit na entrepreneur kung mapagkakalooban lang ng oportunidad at kahit maliit na kapital ay posibleng makapag-ambag ng kahit na kaunti sa ekonomiya ng bansa. Subalit hindi pa naman ganap na huli ang lahat, dahil may ilang panukalang batas na may layong tulungan ang mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante na kalauna'y magbibigay ng karagdagang produksiyon ng pagkain at karagdagang trabaho sa mga hikahos na mga pilipino subalit mga masisipag at masisikap. Hangarin ito ng mga sumusunod na mga (panukalang) batas:

l  The Go Negosyo Bill
l  The Microenterprise Development Bill
l  National Land Use Act
l  Comprehensive Agrarian Report Law
l  Agriculture and Fisheries Modernization Act
l  The Philippine Fisheries Code
l  Corporate Farming Act
l  Tulong Kabataan Sa Agrikultura at Kabuhayan Act


Pansamantala, nakatutulong ang programa ng pamahalaan na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Pagkaing Pinoy Para Sa Batang Pinoy Program sa pamilya ng kabataang pinoy na mahihirap. Ang mga programang ito'y nasa ilalim ng pamamahala at pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development. Layunin nitong maibsan ang gutom ng mahihirap nating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbigay pagkain/pera sa kanila. Ang ganitong programa ay naka-pattern sa ibang bansang may ganito ring sistema gaya ng Brazil at Mexico. Sa programang ito higit sa tatlong milyong bilang ng mga pilipinong mahihirap mula sa 79 probinsiya ng Luzon hanggang Mindanao ang nakikinabang sa programa ngunit kung ang malaking bilang na ito ay naiko-convert into manpower higit sanang kapaki-pakinabang sila sa halip na patuloy na umaasa.


Marami ang nag-aakala na maliit na bagay lamang ang kalikasan sa pag-unlad ng bansa. Sa ganitong konsepto tila ba nahuhuli sa prayoridad ang programa para sa pangangalaga ng kalikasan. Ngunit napatunayan ding nararapat na ngang aksyonan at ipatupad ng husto ang batas na magpoprotekta sa kalikasan at natural resources; mga batas na nakatengga lang at dapat ng full implementation dahil kung hindi baka maulit pa ang trahedyang idinulot ng habagat at ng malalakas na bagyong gaya nina Ondoy, Sendong, Yolanda at iba pa. At sa pagwawalang bahala sa kalikasan, walang humpay at walang pakundangan ang marami sa atin sa pagbuga ng maruming usok (pabrika o sasakyan), sa pag-abuso sa kabundukan at kagubatan, sa pagtapon ng kani-kanilang kalat at basura sa kung saan-saan. Resulta nito'y: baha, kalamidad, polusyon at trapik. Sa tulong ng mga sumusunod na batas/programa nakatulong na rin tayo sa pag-recover ng papanipis na ozone layer at muling pagbabalik ng ganda ng kalikasan at posibleng kabawasan ng biktima ng natural disaster na hindi naiiwasan.


l  Total Plastic Bag Ban Act
l  Climate Change Act
l  Illegal Logging Prohibition Act
l  Philippine Mining Act
l  Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act
l  Renewable Energy Act
l  Solid Waste Management Act
l  Environmental Awareness Education Act
l  National CFC Phase-out Plan


Ang kaunlaran ay hindi lang nasusukat sa dami ng pera ng isang bansa -- dahil ang bansang may kaunlaran ay may kaakibat na disiplina sa mamamayan at tagapagpatupad nito, may pagmamahal at pagpapahalaga sa kanyang bayan, may magandang programa para sa edukasyon, agrikutura, industriya at kalikasan.
Hindi madaling gawin ang mga ito ngunit hindi rin naman ito imposible. Magandang maging inspirasyon sa atin ang mga bansang Japan at South Korea dahil sa kabila ng pinagdaanan at naranasan nilang destruction at pagbagsak ng kanilang ekonomiya noong panahon ng digmaan sila ngayon ang isa sa mga hinahangaan, tinitingala at magandang ehemplo ng pag-unlad at disiplina ng maraming nasyon.


Marami na tayong mga batas na may kinalaman at kaugnayan sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Batas para sa pagdidisiplina ng mga tao, para sa ekonomiya, sektor ng agrikultura, mangingisda at manggagawa, pagproteksyon sa likas-yaman at kalikasan, para sa maliliit na negosyante, industriya, transportasyon, komunikasyon at elektrisidad. At ang mga batas na ito kung susuriing mabuti ay kapaki-pakinabang para sa lahat maging sa pinakamaliliit na tao ng lipunan.

Eksakto labinglimang taon mula ngayon o sa taong 2030 kung maipatutupad lang ang lahat ng programa at mga batas na ito at maibalik lang ang disiplinang tila naglalaho sa mga pilipino, hindi malayong maging ganap na tigre ng ekonomiya na tayo sa kontinente ng Asya. At ang kaisipan ng lahat na maganda at mabuting Pilipinas ay hindi hanggang pangarap na lang at para matamasa ang tagumpay na ito kailangan ng sakripisyo hindi lang ng gobyerno kundi ng bawat pilipino.



Sakaling makamit natin ang tunay na kaunlaran at kaayusan, ang katagang 'Proud to be Filipino' na madalas ipangalandakan ng marami nating kababayan ay hindi na occasional at magiging huwad lang kundi bukal at taas noo mong sasambitin ito hindi dahil sa talento, talino at galing ng iilang pilipino kundi dahil sa pag-asenso at disiplina ng Pilipinas na hindi matatawaran at matutumbasan.


------
Ang akdang ito ay aking pakikiisa at opisyal na lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards 6 sa kategoryang Sanaysay:
Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:

Tuesday, October 21, 2014

Relationship: Under Repair



Biyernes. 7:44 PM.
Late na naman ako sa usapan namin ng girlfriend kong si Dianne na 7 o'clock.
Siguro mag-iisang oras na siyang naghihintay sa aming paboritong fastfood rendezvous na may islogang: ‘Love Ko 'To’ pero sa nararanasang pagkainip ni Dianne sa sandaling ito tiyak na mapapapalitan ng 'hate' ang 'love' niya para sa akin.



Kung bakit kasi sa dinadami ng araw, ngayon pa biglang nagloko ang cellphone ko. Badtrip. Hindi ko tuloy na-advise sa kanya na loaded ang paperworks sa office at ako’y mali-late. Sa Binondo siya nag-oopisina, Parañaque ako. Isang oras na biyahe para sa 14.41 kilometers na distansiya pero sa siyudad kung saan parang Facebook na mahirap iwasan ang ‘traffic’ – madalas itong nado-doble.
Ngunit hindi hadlang ang tagal ng biyaheng 'yon para sa akin at ang 14.41 kilometers na layo namin sa isa’t isa ay magsisilbing numero lang para sa tulad kong umiibig.

'Yung iba nga’y LDR ang sitwasyon pero napapanatili ang relasyon, kami pa kaya na hindi naman tawid-dagat ang distansiya.


Kakatila lang ng ulan. Automatic na ang ‘traffic’ dahil – may baha, may mga stranded, may magkakasagiang sasakyan, pundidong traffic lights at idagdag mo pa ang sirang kalsadang ginagawa o gawang kalsadang sinisira.


Habang papalapit ang minamaneho kong sasakyan patungo sa tagpuan namin ni Dianne, patuloy namang nadadagdagan ang aking inis at kaba. Inis, dahil magkakadugtong na halos ang mga kapalpakan ko sa kanya. Kailan lang kami nagkabati pero heto gumawa na naman si Destiny ng paraan upang mayroon kaming bagong pagtatalunan. Kaba, dahil si Dianne kasi ang babaeng kung magalit ay may pagka-sarcastic. Hindi siya nananakit pero 'yung mga banat niya ay kayang daigin ang mga banat nina Papa Jack at Ramon Bautista.


8:25 PM. After the classic tale of the series of unfortunate events, narating ko ang Sta. Cruz. Naghanap ng parking at agad na naglakad. Tanaw ko mula sa aking nilalakaran ang Sta. Cruz Church. Nag-sign of the cross. Pumikit sandali. Humiling sa Kanya na wala sanang maganap na digmaan sa pagitan namin ni Dianne. Pagod ako, ayokong makipagtalo.


Sa entrada ng pintong salamin ng McDo ay kita ko agad si Dianne. Nakaupo. Walang kibo. Maganda siya sa suot niyang kulay beige na uniform. Nakatitig sa kulay beige ring dingding. Kung mayroon siyang optic blast tulad ng kay Cyclops sigurado kanina pa nag-aapoy ang buong establisimyentong kinatitirikan ng fastfood na ito.


Huminga muna ako nang malalim. Binuksan ang pinto.
Hinanda ang sarili sa posibleng labanan ng Brgy. Ginebra at Rain or Shine. Ako 'yung Ginebra, 'yung laging talunan at siya naman 'yung Rain or Shine 'yung laging palaban.


Tsugtsugtsugtsug. Parang tunog ng lumang tren ng PNR ang lakas ng kaba ng dibdib ko. Tiyak kong isa itong fear: Diannaphobia.


"Hi." maiksing bati ko. Pambasag ng tensyong kanina pa marahil naghahari at gustong kumawala sa lugar na ito.


Ayokong tingnan ang mukha ni Dianne. Ayokong makita ang mga mata niyang tila kayang sumugat ng balat dahil sa sobrang talas makatingin at ang dalawang kilay niyang humugis boomerang at 'di na makita ang patlang sa pagitan. Ang maamong si Dianne ay alter ego ng mabangis na dragong si Smaug sa tuwing nagagalit.


Wala akong maisip na sasabihing magpapakalma sa nararamdaman niyang pagka-inis. "Kanina ka pa?!"


Shet. Mali ang approach ni Justin.


"Tinatanong mo kung kanina pa ako?!" at lumabas na nga ang nagngangalit na apoy mula sa bunganga ni Smaug.


"Usapan natin alas-siyete 'di ba? Anong oras na? Taga-Bangkok  ka ba at ‘di mo nalalamang late ka na ng mahigit isang oras? Nabilaukan na ko sa kakakain ng mga nasa menu dito pero ni isang text man lang hindi ka nagparamdam? Kanina pa ako mukhang tanga dito na nakaupo at naghihintay sa ireponsable kong boyfriend na hindi ko alam kung nabunggo ng pedicab ang minamaneho niyang bulok na kotse tapos itatanong mo kung kanina pa ako?!"


Walang patid na rapido ni Dianne.

Pakiramdam ko'y binigwasan ako ng kung ilang ulit ng mga kamao ni Da King at hindi ko man lang makuhang depensahan ang sarili ko. Oo, sira ang cellphone ko pero pwede naman akong maki-text sa ka-officemate ko 'di ba?


"Bakit hindi ka nagti-text! Bakit hindi ka tumatawag? Wala ka bang pang-load? Bakit 'di mo na lang ibenta 'yang kotse mong kakarag-karag para may pangload ka? Nananadya ka bang talaga?! Sobra ka na ah, lagi ka na lang ganyan!"


Gusto kong sumagot. Gusto kong mangatwiran.
Kawawa naman ako at ang 1995 Toyota Corolla ko na lagi na lang pinagdidiskitahan sa tuwing nagkakaroon kami ng diskusyon.

Minsan na rin kasing naghintay ng mahigit dalawang oras sa akin si Dianne at ang dahilan: namamatayan ng makina ang aking ‘vintage’ na kotse. Second anniversary namin nun at may dinner date kami sa isang restoran sa SM North. Mabuti at sa bahay nila sa Malabon ko siya susunduin, hindi gaanong nakakainip, dahil kung nagkataon baka magpantay na ang kulay ng kanyang iris, pupil at cornea sa kahihintay.


"Pasensiya na. Nasira kasi 'yung kotse e, namamatayan ng makina." my valid explanation.



"O, di ba sira ka rin? Bakit 'di ka pa namamatay?" bungad siya sa akin na nakangiti. Siguro'y alam niyang lampas ang kanyang biro, kaya 'yung ngiti niyang iyon ang magsisilbing peacemaker sa kapilyahang kanyang nasabi. Nasiraan ka na, ang dungis mo na, ganun pa ang maririnig mo. At sa awa ng bathala ng mga kotseng palaging sira ay natuloy naman ang dinner date naming ‘yon.




Center of attraction na kaming dalawa ni Dianne.

Nakapako na ang tingin sa amin ng papaunting customer ng fastfood at lahat ng crew ng McDo. Tumigil muna sila panandali sa kanilang ginagawa upang panoorin ang isang championship game sa pagitan ng dalawang magkaribal na team: Brgy. Ginebra at Rain or Shine. Tambak ang Ginebra, 96-69. Mismatch ang laban.


Inis na tumayo si Dianne. Kinuha ang bag. At akmang aalis na nang hawakan ko siya sa braso. "Magpapaliwanag ako!" gusto kong ipaglaban ang aking karapatan bilang isang inaaping mamamayan. "Wala akong kasalanan!" ito ang mga gusto kong ikatwiran sa kanya pero alam kong walang saysay ang anumang aking eksplanasyon, gaya ng pangangatwiran ng isang suspek sa krimen na hindi pinakikinggan ng mga otoridad kahit bago pa nila arestuhin ang mga ito'y sasabihin na nilang: "Sa presinto ka na magpaliwanag!"


"Honey naman, 'wag ka namang umalis, please. Matrapik lang talaga kaya ako late. Hindi kita na-text o natawagan kasi nagloloko 'yung cellphone ko, namamatay." walang joke, 'yun talaga ang rason.


"O di ba nagloloko ka rin? Bakit 'di ka pa namamatay?!" mataas ang kanyang boses.

Pumalo na yata sa 160kph ang gauge ng kanyang Toyometer. Ang sinumang humarang ay tiyak na masasaktan at masasagasaan. Mapapaslang.


Hindi ko siya masisi. Higit limang buwan pa lang ang nakararaan nang mahuli niyang nagloloko ako. Erratum: magloloko. Hindi ko naman kasi alam na naka-saved pala sa conversation history ang lahat ng palitan ng message namin ni Jill, 'yung liberated na dating OJT nila Dianne. Bunga ng katangahan at hindi eksperto sa pagloloko, 'di ko nalogged-out sa laptop 'yung YM ko.
Ang malas ko lang dahil laptop ni Dianne ang gamit ko nun.


Hi. Thanks sa pag-accept, ha?

Welcome. Nauna ka lang na mag-add e, ako sana ang mag-aadd sa'yo. Kumusta?
Okay lang. GF mo si Ma'm Dianne 'di ba?


Yep. Why? Problem?


Wala naman. Just asking. Baka kasi magalit siya, alam mo na...


Ba't naman siya magagalit? May ikakagalit ba siya?


Hmmm. Wala pa naman. Hihihi…


Haha. I like you. You're frank.


Likewise. GTG muna. I have something to do. We'll talk about it sometime.


Okay. Take Care. Next time na lang.


Pero pasalamat na rin akong naagapan ni Dianne ang first and last attempt kong lumandi kundi ay baka may mas malalang nangyari. Baka hindi ako mabigyan ng second chance at tuluyang mawala si Dianne. Hindi worth na mawala sa akin ang Dianne ng buhay ko para lang sa isang estrangherong si Jill.


Ang problema, sa tuwing mayroon kaming pagtatalo – ang isang pagkakamali kong 'yon ang lagi niyang bukambibig, ang lagi niyang sinusumbat. Parang 'yon na ang naging sukatan ng aking pagkalalake.


Kinabukasan, kinompronta ako ni Dianne. Sa Skype.

Pilit ko mang pangatwiranan ang nagawa kong pagkakasala pero tila wala akong lusot para akong miyembro ng Akyat-Bahay gang na huling-huli sa CCTV in HD.

Galit na galit siya. Bagama't hindi ko nakikita ng sandaling 'yon si Dianne ramdam kong nag-transform na naman siya sa pagiging mabangis na dragon.

Pero nang time na 'yun under repair ang laptop ko. Nagka-crash ang internet.

Kaya't ako nang tumawag sa kanya. Kahit alam kong makakatikim ako ng mga 'sweet nothings' mula sa kanya, hindi ko na 'yun inalintana – ang mahalaga ay maplantsa agad ang nagugusot na relasyon namin ni Dianne.


"Honey sorry! Wala naman akong ibig sabihin dun sa chat!"


"Ako pa talagang lolokohin mo?! Na-jireh Lin ka na, ayaw mo pang umamin? Anong palagay mo sa akin, fan ng teleserye na makukuha ng drama at sorry mo? Bakit ayaw mong magreply sa chat? May kachat ka namang iba siguro no?!"


"Hindi, wala akong kachat. Nagloloko kasi 'yung computer ko e, nagka-crash..."


"O, 'di ba nagloloko ka rin? Bakit 'di ka pa magcrash?!"


Parati akong barado sa tuwing mayroon kaming pagtatalo.

Kung pareho kaming abogado at siya ang katunggali ko sa korte malamang lagi akong talo sa kaso dahil sa bilis niyang mag-isip.  


Hinabol ko si Dianne.

Hindi niya kailangang tumakbo dahil 'yung mga hakbang niya’y singbilis ng mga pasaherong humahangos sa jeep tuwing rush hour. Para kaming mga pusang naghahabulan sa ibabaw ng yerong bubungan, siya 'yung pusang tumatakbong palayo at ako 'yung pusang gustong makaiskor.


"Dianne, ano ba? Please naman mag-usap naman tayo!"


Huminto siya sandali.
Binuksan ang bag, tila may hinahanap.
Akala ko'y pagbibigyan ang pakiusap ko ngunit may kinuha lang pala sa bag at tumuloy ulit sa mabilis na paglakad.


Sa LRT ang kanyang destinasyon. Carriedo Station.
LRT card pala ang kanyang kinuha sa bag na agad niyang in-insert sa slot ng barrier. Wala akong card at kung pipila naman ako para bumili nito'y siguradong hindi ko na siya aabutan sa haba nang nakapilang commuter. At isa pa'y baka ma-carnap ang prize possession kong sasakyan. Wala akong magawa kundi tanawin papalayo si Dianne na hindi man lang nakuhang ako'y lingunin.
Wala siyang awa sa isang taong gutom, pagod at alipin ng pagmamahal.


At tuluyan na ngang naglaho si Smaug. Sumuot at nagkubli sa malawak na kabundukan ng Erebor.


Sabado. Pasado alas-diyes ng umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako sa internet shop. Hindi upang i-chat si Dianne. Hindi muna ngayon.
Nag-browse sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 3 days ng walang update. Nagbasa ng dati naming conversation. Naglogged-out.


"Anak, may problema ba kayo ni Dianne? Nag-aaway ba kayo?" magkakasunod na tanong ni Mama na may naka-implant yatang radar sa katawan.


"Wala po." ewan ko kung makukumbinsi siya sa sa sagot kong 'yon. Ayokong mag-open up. May plano ako at alam kong ito’y epektibo.


Linggo. Pasado alas-diyes ng umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako sa internet shop. Hindi upang i-chat si Dianne. Hindi muna ngayon.
Nag-browse sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 4 days ng walang update.
Nagbasa ng dati naming conversation. Naglogged-out.


"Anak, may prob..."


"Wala nga po." putol ko sa itatanong ni Mama. Napailing siya. Alam kong hindi siya naniniwala pero 'di na siya nag-usisa.


Isang weekend ang lumipas na nakatiis akong hindi kausapin si Dianne. Sa three years naming relationship, first time nangyari 'yon. Ni tawag o kahit isang text message mula sa kanya ay wala akong na-receive. Paano nga pala mangyayari 'yun e sira nga ang cellphone ko.


Ang totoo, sinadya kong hindi makipagkita o makipag-communicate sa kanya. Paraan ko ito ng protesta para sa napapadalas na inconsiderate and childish behavior niyang parang riding-in-tandem na bigla-bigla na lang sumusulpot.


Lunes. Holiday. Pasado alas-diyes ng umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako sa internet shop. Upang i-chat si Dianne. Ngayon na ang tamang oras. Dahil hindi na lang cellphone, laptop o ang kotse ko ang dapat na ma-repair kundi ang relationship namin ni Dianne.
Nag-browse ako sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 5 days ng walang update.
Naka-online siya.


Hi.

Hi.

Kumusta?

I'm fine. Ikaw, kumusta?

Heto okay na. Nakausap na kita e. Galit ka pa?

Hindi na. Daya mo.

Bakit?

Two days kang hindi tumawag o nagtext. Do you still care?

Of course, I care. Sorry for being unfair pero gusto ko lang kasi magkaroon ka ng realization.

I’m sorry for being childish and inconsiderate.

Nag-sosorry ka ngayon pero 'pag nagkaroon ako ng kahit kaunting atraso sa'yo isinusumbat mo naman ang dating pagkakamali ko. I love you Dianne. Sana pagkatiwalaan mo ako. Past is past at pinagsisihan ko na kung anuman ang naging kasalanan ko sa'yo. I missed you Dianne. I really missed you.

Sa sobrang pagka-miss ko sa'yo 2 days kong binabalik-balikan 'yung mga conversation natin dati.

O, anong nangyari?

Ayun, imbes na mabawasan'yung pagka-miss ko sa'yo lalo lang kitang na-missed.

Wow. I missed you too, Justin. Sorry talaga.

Wait for me. I'll go there.

Okay, I will wait. I love you.

I love you too.



-End of conversation.




"O humahangos ka, sa’n ang punta mo?" usisa ni Mama.


"Ligo lang ako 'Ma. Punta ko kina Dianne. Iri-repair ko lang ang relationship namin!"


Muling umiling si Mama at napangiti. Siguro nasa isip niya: "sabi ko na eh".


Malayo ang Imus sa Malabon pero walang halaga sa 'kin 'yon dahil mas mahalagang makarating ako kina Dianne. May magandang plano akong matagal-tagal ko nang gustong gawin.


Tumungo muna ako sa mall. Naglunch. Bumili ng favorite ni Dianne na JCO doughnut, dozen of roses, CD, picture frame, cellphone (kapalit ng pahamak kong cellphone) at isang statuette ni Mama Mary. Sumaglit din ako sa Jewerly Shop saka nagdiretso sa giftwrapping counter.


Walang awkward moment sa pagitan namin ni Dianne kahit galing kami sa isang pagtatalo at dalawang araw na 'di nagkita dahil mas nanaig ang pagkasabik namin sa isa't isa. Isang mahigpit na yakap at mainit na halik ang isinalubong ni Dianne sa akin kapalit ng pasalubong kong roses at box of doughnut.


Bumalik na ang maamong Dianne na kilala ko. 


"And here's another box for you..." isang may kalakihang box ang inabot ko sa kanya habang umuupo kami sa sofa.


"At ano naman ito? Nagawa mo na ang gimik na ito dati 'di ba?" nakangiti si Dianne na tinanggap ang kahon. Nakakunot ang noong nag-iisip.


"Hindi. Bago 'yan. Open it." ang tinutukoy niyang nagawa ko na ay ang niregalo kong isang malaking box noong aming first anniversary. Naglalaman ito ng pitong maliliit ding box na may kanya-kanyang label at iba't ibang item sa loob.



For your eyes: contact lens cleaner
For your arms: Guess wristwatch
For your head: isang dosenang Dolfenal
For your ears: a pair of earrings
For your nose: Watson’s nose pack
For your finger: a gold ring
At ang pinakaespesyal kunwari ay ang may label na 'For your heart' na ang laman ay picture kong naka-frame.


Ang araw na 'yon ang isa sa pinakamemorable at pinakamasayang araw namin ni Dianne. 


Isa-isang nilalabas ni Dianne mula sa box ang statuette ni Mama Mary, kahon ng O+ cellphone, flashcard na letter 'U', CD ni Willy Revillame at isang picture kong naka-frame.


Lalong kumunot ang noo ni Dianne, parang papel na nilamukos ng isang writer na na-mental block ang mukha. Hindi niya makonek ang mga bagay na 'yon sa kanya.

Unang-una, hindi siya fan ni Willy Revillame at wala ni isang kanta nito ang kanyang nagustuhan.
Hindi siya Marian Devotee at ‘di rin siya naniniwala sa santo.
Aanhin niya nga naman ang isang empty box ng cellphone at flashcard na letter 'U'.
Ang tanging may koneksyon lang sa kanya sa mga 'yon ay ang nakakaumay na picture kong naka-frame.


"Habang iniisip mo kung ano ang kahulugan ng mga 'yan, mag-CR muna ako,’ ney."


Tila hindi ako narinig ni Dianne. Sa itsura niyang 'yon para siyang chess grandmaster na nasa kalagitnaan ng isang tournament. Nakatungo. Malalim ang iniisip.


Kung paano ko siya iniwan bago ako mag-CR ay ganun pa rin ang posisyon niya ng aking balikan. Nakatungo at nakatuon sa center table habang sinasalansan ang limang mga bagay na nasa ibabaw nito.



Mahabang limang minuto ang lumipas.

At na-arrange din niya sa wakas ang limang bagay na tila jigsaw puzzle na matagal niyang binuo at pinag-isipan. Naunawaan na niya ang mensaheng nais kong sabihin.



>Willy Revillame CD

>O+ cellphone box

>‘U’ Flashcard

>Mama Mary statuette

>Framed picture of myself


Limang bagay na ayon sa pagkasunod-sunod ay mangangahulugang:

WillyOUMaryMe?      


Tila parang batang nasurpresa si Dianne na napatingin sa aking kinauupuan.

Umiiyak sa kaligayahan.


"I love you, Justin. I love you. And yes, I will marry you..." lumuluhang sabi sa akin ni Dianne habang mahigpit niya akong yakap-yakap.


Sa nararamdaman kong 'yon tila gustong kumawala ng puso ko mula sa aking dibdib dahil sa labis-labis na pagkabog nito. Ginantihan ko siya ng mahigpit na yakap at halik. Habang nag-uumpisa na ring tumulo ang aking luha.


Kapwa na kami humihikbi.


"I love you Dianne. I love you so much. Three years ago nang maging boyfriend mo ako, despite the ups and downs, inspite of my shortcomings, tayo pa rin. You may be childish and I have failed you once, pero hindi naman 'yun ang importante dahil ang higit na mahalaga ay natuto tayo sa mga naging mali natin. You are still here with me and I am still here, loving you. I may not promise you forever but I will love you as long as my heart keeps on breathing. I may not be perfect but we can do many things perfectly. Ikaw ang aking gasolina at pamasahe naman ako – ikaw ang dahilan kung bakit patuloy akong nagmamahal..."


"Honey, ang corny mo ha...but I love you. I love you so much.·"  humihikbi pa rin siyang nakayakap sa'kin.


Pakiramdam ko'y parang eksena sa Hollywood movie na love story ang tema ang eksena naming ‘yun ni Dianne. Kahit 'di na halos tumitigil sa pagtulo ang magkahalong sipon at luha namin, masasabi kong kaming dalawa ang pinakamasayang tao sa mga sandaling ito.


Kinuha ko mula sa aking bulsa ang isang maliit na box na naglalaman ng engagement ring na aking pinag-ipunan – ang maliit na bahagi ng aking dahilan kung bakit laging under repair ang aking kotse, cellphone at laptop. At ang kabuuan ng pag-iipong ito’y aking ilalaan para sa kasal namin ni Dianne sa lalong madaling panahon.


"Ms. Dianna Torres of Malabon…Will you marry me?" nakaluhod akong hawak ang singsing sa isang maamong anghel na nasa aking harapan ngayon.


"Yes. Mr.  Justin Gatchalian of Imus. I will marry you!" at muli na namang bumaha ng luha sa Malabon na naging dahilan nang pagkaantala ng mga sasakyang patungo rito.



-wakas 
---------------
Ang akdang ito ay ang aking opisyal na lahok at pakikiisa sa 2014 Saranggola Blog Awards 6:




Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor: