Thursday, September 3, 2015

Simoy ng Halalan

Nagkukumahog na (halos) lahat ng pulitikong kakandidato sa 2016 election. Ang itinakdang petsa para sa campaign period ay nagsisilbing payo lang para sa kanila dahil ang katotohanan kanya-kanya na silang diskarte kung papaano sila magkakaroon ng sapat na pondo, kung papaano sila makakaungos sa kanilang mga kalaban at kung paano sila magiging “mabango at mabait” sa mga botante.

Nakakatawang nakakainis lang, na ang plataporma at slogan ng (halos) lahat ng mga pulitikong ito ay may kinalaman at kaugnayan sa pagmamahal sa mahihirap na kababayan at sa bayan.
Isa-isahin natin.


1. Pagmamahal sa mahihirap – Sa papaanong paraan ba nila minamahal ang mahihirap? ‘Yun ba ‘yung pagmamahal na gagamitin, babayaran at pagtutuunan sila ng pansin sa tuwing may halalan? O sa tuwing may pangsarili silang motibo? ‘Tangna ‘wag na tayong maglokohan, kailan ba nila niyakap, minahal at binigyan ng pansin at importansiya ang mga nasa ibaba? Kung papaano nila binibigkas ang concern nila sa mga nagdarahop ganunding pagkamuhi ang kanilang sinasambit pagkatapos nilang manalo sa halalan. Dahil kung totoong may malasakit sila sa mga mahihirap, may matino sana silang programa para sa pabahay, trabaho at kaayusan. Hindi maikakaila na sa ilang dekadang nakalipas ang bahagdan ng mahihirap sa bansa ay hindi nababawasan bagkus patuloy itong lumulobo habang tumatagal. Ang programang 4P’s, nakakatulong ba talaga ito sa kanila? Wala bang anomalyang nakakubli dito?


Maaaring nakakatulong nga ito pero hindi ito ang sagot para maibsan ang kahirapan, ika nga sa kasabihang ingles: “Give a man a fish and you feed him for a day; teach a man to fish and you feed him for a lifetime.” Trabaho ang kailangan ng mga tao hindi ‘yung pansamantalang pagbibigay sa kanila ng kung ilang libo.
‘Wag nila sabihing wala silang kakayahan, talino at pondo para dito dahil unang-una (halos) lahat silang nasa puwesto ay may sapat na kaalaman at talino, kung hindi ba naman ay papaano sila naging matagumpay at mayaman sa kanilang napiling larangan? Pondo? ‘Tol, trilyong piso ang kabuuang pondo ng gobyerno taon-taon – nararamdaman mo ba ito? ‘Yung milyon o bilyong dolyar na donasyon sa Yolanda, ano na nga ulit ang nangyari dun? Ewan, baka kulang pa. Kung tototong may pagmamahal sila sa mga hikahos sa buhay hindi sana aabot sa 13 milyong pilipino ang walang sapat na makain at walang matinong natitirhan.


2. Pagmamahal sa bayan – Paano ba natin bibigyan ng bagong kahulugan ang pagmamahal sa bayan? Hindi na ba akma at pasok ang pagmamahal sa bayan na ginawa noon nina Bonifacio, Rizal, mga bayani ng digmaan, atbp. Sila na hindi nagdalawang-isip na magbuwis ng buhay para sa kalayaan pero heto lang pala ang mapapala nila. Sa’n ka ba naman nakahanap ng bansa na ang mga presidente nila’y hinahabla dahil sa katiwalian? Mga mambabatas na may kanya-kanyang diskarte ng kickback sa bawat kontrata o scam na maiisip nila. Mga kasapakat o kasabwat na paminsan-minsan nakakasuhan pero shet naman, hayun VIP treatment at tila inuupuan ang kaso. At kung sakaling mapatunayan ang pagnanakaw at pandarambong, mababawi ba natin ang mga ninakaw nila? Putsa, siyempre hindi. May nangyari/mangyayari ba sa mga kinurakot noon ng Pamilya Marcos? O sa perang kinulimbat ni Erap? Ni Bong. Ni GMA. Ni Enrile. Ni Jinggoy. Ni Jocjoc. Ni Binay. Marami pa ‘yan kayo na lang magdagdag. ‘Yang mga pangalan na ‘yan sooner or later, sa maniwala ka’t hindi maghahari at maghahari pa rin sa kaawang-awang Pilipinas.


Halimbawa, sa Batasan. Bakit walang quorom palagi ang mga congressmen? Kasi ang mga ulol hindi nagsisi-attend. Busy-busyhan sa kung ano-anong proyekto na may kinalaman at kaugnayan sa pagmamahal sa bayan. (Mahal niyo your face!) Naghahagilap sila ng mga pagkakakitaan nila para may panggastos sila sa Mayo, daig nang maagap ang masipag ‘di ba? Kaya hayun siyam na buwan pa bago ang eleksyon nagtatrabaho na sila – hindi ‘yung trabaho bilang mambabatas ha, ‘yung trabahong magkakapera sila. Yung trabahong may mapapala sila. Kaya nga binubutas ang mga kalsadang hindi naman dapat butasin para mayroon silang kitain. Kung totoong may pagmamahal sila sa bansa hindi dapat ganiito ang ugali nila, dapat may ginagawa pa sila doon sa Batasan, may hinahain, pinag-aaralan, pinagdedebatehan at pinagbobotohang batas. Pero ‘tangna (ulit) sino bang maniniwala na mahal nila ang Pilipinas? Ako? Ikaw? Bolahin niyo lelong niyo.



May mga hinahangaan din naman akong mga pulitiko sa bansa, na kakikitaan mo nang pagpupirisigi at pagiging masigasig na kahit papaano’y makikita mong ginagawa ang kaya nila kahit alam nilang maliit ang tsansa at kahit na matigas ang ulo ng karamihan sa atin. Sayang si Raul Roco –siya ‘yung dapat na presidente natin na hindi naging presidente. Si Bayani Fernando pero tinalo siya ni Haring Binay, tsk ganun talaga. Si Duterte at si Hagedorn na istrikto ang pamamahala. Okay din sana si Gordon, kaya lang…Si Salceda ng Bicol na walang pinipiling panahon ang serbisyo. Marami pa ‘yan suriin niyo na lang ‘yung iba. Saka pala si Governor Vilma ng Batanggas napanood ko kasi sa sine ‘yung pelikula niyang “Anak” – ang husay niya dun, napaiyak ako sa pelikulang ‘yun ng dalawang beses. Ganun siya kagaling.


Mayo 2016. Mangangarap na naman tayo na sana magkaroon ng isang messiah na mag-aahon sa bansa sa kinasasadlakan niyang kahirapan. Pangarap na isang siglo ng pinapangarap na hanggang ngayon ay pinapangarap pa rin.


Mamili na lang tayo: Binay o Roxas?

Ayos. Mabuhay ang Pilipinas.

2 comments: