At ang lahat ay magyayabang na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay.
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop.
Kung papaano umasenso mula sa kawalan.
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos.
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain.
At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman'
kahit paulit-ulit na lokohin,
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling,
kahit paulit-ulit ang pangako.
Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman?
Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka?
Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila?
Pera, talino at kapangyarihan.
Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim.
Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi?
Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.
May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil
sa pagkadismaya sa mundo,
sa sarili,
sa tadhana at doon sa nasa Itaas.
Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi.
Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan?
Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.
Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
Mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka,
sinadya mo man o hindi
gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.
Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa.
Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitiwan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas.
Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa
o lupaypay sa tambak na problema
o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.
Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing kasama ang syota,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.
Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan.
Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat.
Kahit ang pasasalamat.
Paano kung ang rapture ay sa isang linggo?
O bukas?
O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi?
Mainit daw doon.
Ewan.
Bahala na.
Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan...
Madami.
Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa.
Pare-pareho ang katuwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko.
Ikaw rin.
At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.
Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao,
ng masama at mabuti,
ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal,
ng pagmamagaling at
ng kasakiman,
karamdamang walang lunas,
walang medisina.
May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano'y) naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan.
Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan,
ang prediksyong bulaan,
parang maligno na maghahasik ng lagim,
ng sindak,
ng takot.
Sa lahat.
Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.
At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax',
ng panggagago,
ng pang-uuto sa mga tao.
Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating.
Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan,
lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan,
lalo't may kasamang pangsuhol na bigas
o de-lata
o noodles
o tatlong daang piso
o rosaryo na may letrang B.
Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.
'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Ampatwan, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan. Ah, muntik ko nang malimutan ang VP na may maitim na balak.
Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan.
Marami pa sila.
Hindi na mabilang dahil nagkukubli
sa ganda ng ngiti,
sa mabuting salita,
sa talumpati,
sa pagkalinga,
sa huwad na surbey,
sa pagiging makatao,
sa pagiging maka-Diyos.
Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.
Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot.
Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari.
Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.
Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman.
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng satirical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan.
Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi
scandal,
tsimis sa idolo,
kalibugan,
ang mga pabebe,
ang magnae-nae
at kahalayan.
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam.
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong
sa alak,
sa droga rin,
sa kontrobersiya at
sa kababuyan.
Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos;
iiyakan,
ipaglalaban,
hahagilapin,
tutunguhin,
sasambahin.
Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani.
May respeto.
May dangal.
May karangalan.
Isa na lamang itong panaginip.
Isang guni-guni.
No comments:
Post a Comment