Monday, September 11, 2017

Ambulansya ni Mang Rudy

Humahagibis sa bilis ang ambulansyang minamaneho ni Mang Rudy.
Destinasyon ng kanyang ambulansya at ng pasyenteng sakay nito na si Aling Fely ay ang pagamutang makapagsasalba umano sa mahalagang buhay ng kanyang pasahero. Agaw-buhay, liyo at tila wala sa sariling pag-iisip ang pasyenteng si Aling Fely. Marahil dahil ito sa labis na pag-abuso at pag-alila ng kanyang mga suwail na anak na sa loob ng ilang dekada'y hindi nagawang arugain at mahalin nang totoo ang kanilang pobreng ina.

Karaniwang anim na buwan lamang ang tinatagal ng opisyal na tsuper ng ambulansya sa bayang ito. May ilang namasukan na humigit dito at mayroon din namang napatalsik bago pa sumapit ang kanyang termino. Nagmula si Mang Rudy sa malayong lalawigan sa Katimugan na halos walang pinag-iba ang kalagayan kung saan siya nakadestino ngayon -- magulo.

Animnapung kilometro ang lubak-lubak na daang patungo sa pagamutan.
Makapal ang putik nito kung maulan at animo'y madilim na ulap ang alikabok kung tirik ang mainit na araw. Dagdag sa pagkaantala nang pagbiyahe ng ambulansya ang mga sutil na residenteng nananadyang hinaharang ang kalsada, pinupukol ang sasakyan o 'di kaya'y binubutas ang mga upod na gulong nito.
Ang ambulansiya ni Mang Rudy ay 'di maipagkakailang luma na -- kung hindi nga lang nakakahiya sa mga may sensitibong pandinig maari na ring sabihing ito'y bulok na. Kakarag-karag ika nga. Nababalutan ang kalawanging bakal nito nang naghuhulas na pinturang alanganing puti o abuhin, marumi ang kanyang maitim na usok na kahit ang pinakamadilim na gabi'y mahihirapan itong ikubli.

Ang kalsada't ambulansiya'y kapwa mukha ng lumalala at laganap na korapsyon sa bayang ito.
Nakakaaawang pagmasdan: isang kakarag-karag na ambulansiya, lulan ang isang babaeng pinatanda ng kahirapan, na minamaneho ng isang matandang tsuper na maangas at may pagkamainitin ang ulo, na naglalakbay sa malubak na kalsadang ilang dekada nang walang progreso at pagbabago.

Sa pagnanais na mailigtas ang buhay ng pasyente hindi inalintana ni Mang Rudy ang kabi-kabila niyang paglabag sa umiiral na batas-trapiko. Maraming pulang ilaw ang hindi niya hinintuan, maraming motorista ang kanyang naaksidente at ilang nakaharang sa kanyang daraanan ang halatang sinadyang sinagasaan. Nagmistulang hari ng kalsada ang ambulansiya ni Mang Rudy na ang lahat ng kanyang makakasalubong at madadaanan ay dapat na magbigay daan sa kanya at kanyang sasakyan.

Sa kabila ng negatibong ugali at 'di magandang impresyon ng mga tao kay Mang Rudy, masipag at mahal nito ang kanyang trabaho at ito marahil ang dahilan kung bakit siya'y may pagkaagresibo. Bagama't mabilis at may kakaiba siyang husay sa pagmamaneho hindi rin naman maiiwasang kuwestiyunin ang ugali niyang pagiging barumbado at mahirap pakisamahan.
Datapwa't sanay at beterano na sa nakagisnang trabaho marami-rami na rin ang kanyang naging kapalpakan at kamalian na walang pag-ako o pag-amin man lang. Ngunit nakapagtatakang sa kabila ng mga kapalpakan at kamalian niyang ito marami pa rin ang sa kanya'y nagtitiwala at sumusuporta. At 'yun ang nagbigay ng lakas ng loob kay Mang Rudy upang gawin ang sa tingin niya'y tama kahit pa marami ang lantarang paglabag, maraming ari-arian ang nawawasak at maraming buhay ang nadadamay.

Sa una pa lamang ay napukaw na ni Mang Rudy ang damdamin ng mga perpeksiyunistang mga kritiko ng bayan. Kritikong walang nakikitang tama sa sipag at pagsisikap ng matanda. Anila, at kung masusing susuriin hindi sasapat ang sipag at pagsisikap lang sa bawat kanyang ginagawa dapat ay mayroon ding puso at pagmamalasakit sa kapwa upang hindi mapahamak ang iba, upang may sapat na pag-iingat, upang walang madamay na inosente.
Ang pagiging matigas ang damdamin ay magdudulot ng hindi magandang impresyon sa iba bagama't ang intensiyon ay mabuti hindi ito makikita ng mga kritikong sa iisang panig lang na nakakiling. Ngunit isang malaking tanong at palaisipan sa marami kung si Mang Rudy nga'y taglay ang mga katangiang ito na tila imposible nang mahanap sa panahong ito.

Maraming nagsasabing kakaiba si Mang Rudy sa nakalipas na mga tsuper ng ambulansiya ng bayan kumpara sa mga ibang humawak ng manibela nito at marami sa nagsasabing ito ang may tangan-tangang pag-asa. Nakakatawa lang na malaman na marami rin sa mga ito ang nagiging sanhi at dahilan ng abala at pagkaantala ng ambulansiya kaya hindi mabilis na umuusad ang ambulansiyang may isang misyon: ang magsalba ng buhay.

Hindi maiiwasang maikumpara si Mang Rudy sa ibang nagtangkang tumulong sa kalagayan ni Aling Fely. Marami-rami na rin kasi sila na pawang mga nabigo; dalawang tsuper na babae, may isang may pagkaarogante, may naging kawatan, may maangas lang magmaniobra, at may lampang malumanay magsalita. Ngunit ang mga ito'y tila hindi nakabuti sa kalagayan ng kalusugan ni Aling Fely -- papaano'y hindi naman naihahatid agad at nalalapatan ng lunas ang sakiting ale, ilan pa nga sa kanila'y inuumit ang krudo ng sasakyan.
Ilang beses nalagay sa panganib ang buhay ni Aling Fely at ilang beses na rin itong nagpabalik-balik sa pagamutan ngunit wala yata ni isa man sa mga ito ang may tunay at totoong may malasakit sa kalusugan at kalagayan ng pasyente. Nakalulungkot lang na kung sana'y kagyat na nabibigyan ng gamot at karampatang lunas ang pasyente'y hindi sana aabot ito sa ganitong kalagayan -- KRITIKAL.

Ang mayuming si Aling Fely na sa kanyang edad ay namamalas pa rin ang ganda ngunit tila walang magandang kinabukasan, buhay nga ngunit mistulang buto't balat, may suot na damit ngunit animo'y nakahubad, malubha ang sakit na tila walang kalunasan, likas na mayaman ngunit walang kayamanan.

Malayo-layo pa ang biyaheng ito ni Mang Rudy at ng kanyang pasyente at 'di ko batid ang kahihinatnan ng kalagayan at kalusugan ni Aling Fely sa kamay nito kung mahahatid man siya nang ligtas o hindi sa pagamutan. Ang inaalala nang marami kabilang na marahil ako ay baka matulad lang ang kuwento at istorya nilang dalawa sa nakaraang mga kuwento at istorya na ang kinahantungan ay pagkadismaya, kalungkutan at kabiguan.


Kahit na malubak humahagibis sa bilis ang ambulansiyang minamaneho ni Mang Rudy.
Destinasyon ng kanyang ambulansiya at ng pasyenteng sakay nito na si Aling Fely ay ang pagamutang makapagsasalba umano sa buhay ng kanyang pasahero. 
Isa bang kakatwa na sa proseso nang pagsagip sa mas mahalagang buhay ay maraming buhay ang dapat na mautas? 
Siguro'y may ibang paraan para gawin ito pero wala sa bokabularyo ni Mang Rudy ang maghinay-hinay at huminahon.

Tuesday, July 18, 2017

Huwebes Noon

Huwebes noon.
Hindi ko alam kung dahil ba sa nakulitan ka lang sa akin o dahil ginusto mo na rin -- kaya ka pumayag na tayo'y mag-lunch out. Ilang beses ko na ring sinubok na ayain kang lumabas para kumain at ilang beses na rin naman akong nabigo. Sa maraming beses na 'yon hindi ako nagkaroon ng sama ng loob sa'yo, kahit kaunti. Nauunawan ko naman kasi at ang lahat nang sa iyo'y kaya kong maunawaan. Alam ko kasi ayaw mong malagay sa isang sitwasyong malalagay sa'yo sa alanganin, sa isang lugar kung saan mas lamang ang ligalig kaysa katiwasayan.
Ni minsan hindi ko sinabi sa'yo na masaya ako sa tuwing kausap ka. 'Yung saya na hindi ko kayang ipaliwanag, 'yung saya na 'pag tinanong mo ako kung gaano ito kasaya, ang isasagot ko lang ay "Basta". Siguro mayroon talagang mga bagay na hindi madaling ipaliwanag hindi naman kasi naisasalarawan ang lahat ng ating nararamdaman, sabi nga'y, minsan hindi sapat ang mga salita para mabulalas ang lahat ng nais sabihin ng ating puso.

Huwebes noon.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ko dahil sa wakas, makalipas ang ilang pakiusap at pagbabaka-sakali ay tumango ka at pumayag na makasama ako sa isang tanghaliang sa aki'y magpapabusog hindi dahil sa pagsasaluhan nating pagkain kundi dahil sa humigit-kumulang na isang oras na ilalaan mo para sa akin. Hindi ko alam kung anong himala ang nanaog sa lupa at biglang-bigla na sagot mo'y "oo'' sa tanong kong "tara lunch tayo?" Hindi mo batid napangiti mo ako. Hindi lang basta ngiti na matatanaw mo sa labi ko kundi 'yung ngiti na pati ang puso ko'y nakaramdam ng kakaibang kasiyahan. Dumoble ang pintig nito at tulad ko'y tila hindi makapaniwala.

Huwebes noon.
Matapos ang ating pag-uusap ay iniisip ko na ang isusuot ko para bukas. Iniisip ko kung ano pa bang damit ang mayroon ako na magiging kaaya-aya sa paningin mo. Iniisip ko kung anong scent ng pabango kaya ang magugustuhan mo 'pag nagkaharap tayo. Iniisip ko kung anong klase ng pagkain kaya ang tiyak na masasarapan at magugustuhan mo. Iniisip ko kung anong paksa pa kaya ng usapan ang 'di pa natin napagkukuwentuhan ang dapat kong buksan. Gusto ko kasing sa kahit anong paraan ay hindi ka maiinip sa pagkikita nating ito, gusto ko kasing maibigay ang kung ano man ang nais mo. Gusto ko sanang... Basta.

- - - - - -

Biyernes noon.
Makalipas ang magdamagang pag-iisip sa'yo at sa nakatakda nating pagkikita lumipas din ang kaba at isang desisyon ang nabuo mula sa maraming piraso ng pag-alala at agam-agam.

"Pasensya na, hindi tayo matutuloy."  Wala na akong naidugtong pang ibang salita. Kung gaano ko kinasabikan at hinintay ang iyong pagsang-ayon ganun ko rin naman binigo ang dapat sana'y masayang tanghalian at kwentuhan. Hindi ko na dinetalye sa'yo ang dahilan ko para rito pero ang alam ko kasi mali ito. Ang totoo hindi ko talaga kayang maidetalye.

Hindi ko alam kung nalungkot ka rin nang sabihin ko sa'yo ang katagang 'yon pero sana nauunawaan mo kung bakit ko ginawa ang gano'n. Naisip kong baka nagalit ka sa akin dahil kapwa tayo umasa pero naisip ko rin kasi na napakahirap maglinis kung sakaling malublob sa putik ng kamalian.
:(

Thursday, June 1, 2017

May Gulo sa Mindanao (Sa Visayas at Luzon din)

photo from philstar.com
Habang tayo na nasa malayo, payapa at ligtas na lugar, marami sa mga kapwa nating pilipino doon sa Kamindanawan ang dumaranas ngayon ng pagkaligalig, balisa, pighati, gutom, lungkot at pag-alala. Kasalukuyan kasing may nagaganap na digmaan sa siyudad ng Marawi sa pagitan ng mga rebelde at pwersa ng pamahalaan. Digmaang sumisira ng bahay, buhay, kabuhayan, tahanan at kinabukasan. Deka-dekadang taon na ang binibilang ang gulong ito sa maraming lugar sa Mindanao minsan ang kaguluhang ito'y nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan at pagkakasundo sa relihiyon at prinsipyo at ngayon naman ang kaguluhang ito'y pumutok nang tila walang matinong kadahilanan at walang ideolohiyang ipinaglalaban.
Oo, magulo ang maraming lugar sa Mindanao pero kung ating susuriin may gulo saan mang bahagi ng bansa. Ang basehan ng kaguluhan ay hindi lang dahil may literal na digmaaan sa dalawang panig, ang gulo na nangyayari sa bansa ay ang ating pagkakawatak-watak, ang hindi natin pagkakasundo sa napakaraming mga bagay, ang pagyurak at paghila natin sa isa't isa at kung sino man ang nakapuwesto sa gobyerno.

Sa tuwing may pagsabog na nangyayari sa ibang bansa napakabilis nating makisimpatiya sa kanila. Kagyat tayong nagpapaskil ng pakikiramay, nagpapa-trend tayo ng hashtag, nagpapalit tayo ng profile pic bilang pakikiisa sa kanila. Isang kakatwa na hindi natin ito ginagawa sa ating bansa na sa halip na lahat tayo'y magluksa at makisimpatya ang ginagawa ng marami sa atin ay magtawa, mangutya at manuligsa na para bang napakalaki ng kontribusyon nila sa pagbabago at pag-unlad ng bansa, na para bang walang ginagawang katinuan ang sinumang namumuno, na para bang walang pinuno ang papasa sa sensitibo nilang panglasa.

May gulo sa Mindanao (Marawi). Maraming buhay ang nalalagas, maraming kaluluwa ang pumapalahaw, maraming tahanan ang nawawasak, maraming walang linaw ang kinabukasan. Tila ang gulo rito ay walang katapusan at nauulit lang sa ibang panahon at sa ibang kalapit na lugar.
Isipin at ilagay mo ang iyong sarili sa kanilang sitwasyon. Nakakatakot at nakalulungkot. Kung bakit hindi ito matuldukan nang ganap ay hindi madaling ipaliwanag at hindi madaling gawin. Walang makakaunawa sa mga taga-Mindanao kundi taga-Mindanao o 'di mo naranasan ang tumira rito, at walang makakaintindi sa kanilang pangangailangan kung hindi mo sila mauunawaan. Kung hanggang saan at hanggang kailan aabot ang sitwasyong ganito ay walang makapagsasabi.

May gulo sa Luzon (at Visayas din). Marami ang may magkakasalungat na opinyon, marami ang may 'mahuhusay' na panukala, marami ang may pansariling interes at marami ang may baluktot na obserbasyon sa sitwasyon. Hindi kailanman natin makakamit ang pag-unlad at kapayapaan kung wala tayong pagkakaisa. Sa pag-usad at unti-unting pag-unlad ng mga bansang kalapit natin tayo'y naiwan na ng ilang dekada tila nalubog at nadapa tayo sa nakaraan at 'di na tayo nakaahon pa sa pagkakalubog na ito. Nagkaroon tayo ng mentalidad na 'kanya-kanya system' na ang nais nati'y mauna at makaisa. Ang dapat sanang simpleng batas ay binabalewala natin at wala man lang matapang na otoridad na pursigidong supilin ang lumalabag sa mga batas nang tuloy-tuloy at hindi ningas-kugon lamang. Madalas pa nga na ang mga lumalabag ang sila pa ang matatapang na akala mong sila ang naagrabyado at nalagay sa alanganin.

Sa biglang tingin ang deklarasyon ng batas militar sa kapuluan ng Mindanao ay nakababahala hindi kasi natin maiwasang maikumpara ito sa batas militar na ipinatupad noong panahon ni Marcos na nagdulot ng pangamba at takot sa marami nating kababayan noon. Magkaiba ang sitwasyon, magkaiba ang panahon, magkaiba ang pinuno. Marami ang hindi mo dapat sang-ayunan sa gobyernong ito ngunit may mga bagay siyang ginagawa na dapat mo ring obserbahan na maaring magresulta sa positibo at hindi kagyat na husgahan at batikusin. Habang marami sa mga taga Mindanao ang tila positibo ang tingin sa deklarasyon ng batas militar doon heto tayo komportableng nasa lokasyon ng Luzon, Visayas at iba pang panig ng mundo ay tumutuligsa at binabatikos ang desisyon at operasyon ng gobyerno.

May gulo sa Mindanao, sa Visayas at sa Luzon din. Magpalit man tayo ng gobyerno at ng ilan pang pangulo hangga't hindi natin sinasapuso ang pagmamahal sa bansa, hindi natin pinaiiral ang disiplina sa sarili at wala ang pagrespeto natin sa batas at sa kapwa anuman ang kanyang relihiyon at prinsipyo mananatili ang gulong ito hanggang sa susunod pang mga taon at henerasyon at 'di na natin kailangan pang itanong ito.






Thursday, May 11, 2017

PASYON SA PAGSULAT

Sadyang may mga bagay na gustong-gusto mo dati pero sa kalaunan at sa katagalan ay ating kasasawaan, pwede rin namang gusto mo pa itong gawin pero sa kung anong kadahilanan hindi na natin magawa.

Sa magkaibang panahon (noon at ngayon) gusto ko ang sumulat at magsulat, ang pasyon ko para rito ay 'di pa rin nawawala hanggang sa kasalukuyan ngunit ang gigil at pagpupursigi ay napakalayo na ang naging agwat tila lumamlam ang dating may ningas na pasyon, nabuhusan ng maligamgam na tubig at tila nawalan nang alab at init. Marami akong dapat ipagpasalamat sa pagsusulat dahil malaki ang naging epekto nito sa aking buhay. Ang pagsusulat kong ito ang nagsilbing tulay sa maraming bagay; nagkaroon ng maraming kaibigan na may parehong interes, nagkaroon ng ilang parangal, nagkaroon ng sariling akdang libro, naging bahagi ng ilang libro, at marami pang positibong pangyayari.

Ang bawat akdang aking naisulat ay somehow bahagi ng aking buhay maging ito man ay kathang-isip o katotohanan. Sa pagitan ng mga nalikhang kwento, sanaysay at tula sa nakalipas na walong taon ay nasa likod nito ang mga inspirasyong hinugot sa sariling karanasan, sa kapwa at sa lipunan. May mga akdang may label na non-fiction ngunit sadyang itinago bilang kathang-isip lang at may mga akda namang fiction na nagkukunwaring base sa totoong pangyayari. 

Hanggang sa kasalukuyan may mga paandap-andap at piraso pa rin ako ng kwento na nasa aking isip ang nais kong mabuo balang-araw, mayroon pa rin akong mga berso ng tula na nais kong pagdugtungin, at may mga saloobin at opinyon akong nais kong ipahayag bilang isang sanaysay.
Hinahanap ko pa rin ang libog na nagdala sa akin dito sa blogsite na ito at sa namayapang friendster,  hinihintay kong bumalik ang sipag sa pagsusulat na pansamantalang ako'y nilisan, umaasa na sana'y muling ipagkaloob sa akin ng 'diyos ng literatura' (kung literatura man ang tawag sa aking ginagawa) ang talentong iilan lang ang naniniwala.

May tatlong alibi dahilan daw kung bakit tumitigil sa nakasanayang pagsusulat ang isang tao; una ay ang pagkasawa rito, ikalawa ay kawalan nang oras at panahon at ang ikatlo'y sadyang mahirap ang sumulat kung walang inspirasyon (ang pagiging kontento at labis na kasayahan ay maaring nabibilang dito). Kung tama nga ang mga dahilang ito gusto kong 'yung ikatlo ang aking dahilan sa pagkawala ng aking pasyon sa pagsulat.

Sa aking pagsubaybay sa ibang sumusulat sa blogosperyo kapansin-pansin na marami sa kanila ang hindi na aktibo at ang iba pa nga ay tuluyan nang nagretiro. Kahit papaano'y makararamdam ka ng lungkot sa kanilang paglisan, hindi mo man sila personal na kakilala sa pamamagitan ng kanilang pagsusulat ay nagmistulang kapamilya mo sila na iisang tahanan lang ang ginagalawan. Somehow, ang mga ito rin ang madalas ang nakapagbibigay ng ideya para sa bago mong isusulat at kung papaano pa mahahasa ang iyong ginagawa.

Hangga't maari ay ayaw ko (pang) tumulad sa kanila na tila bigla na lamang lumayas, biglang nagpaalam at 'di na nagpapigil -- nagpakalayo-layo at iba-ibang landas ang tinahak.
Ang kalagayan ko ngayo'y tila isang estudyanteng nakatingin sa itaas, nangangamote dahil walang sagot na maisulat sa isang pagsusulit, isang mangingibig na nilisan ng kanyang nililiyag at umaasang pagdating ng araw siya'y mabalikan at muli silang magniniig, isang piloto na nagising ng isang umaga na maraming nalimutang proseso sa pagpapalipd ng eroplano, isang doktor na sa 'di mawaring dahilan ay biglang natakot na magsagawa ng operasyon.

Makakasulat muli ako, kapit lang.

At kung hindi na, ituring n'yong isa itong pamamaalam.

Wednesday, March 1, 2017

D A H I L A N

Maaaring walang sagot sa tanong na 'kung bakit ka mahalaga?' Ngunit paano mo tutugunin ang katanungang 'paano ka magiging akin?' kung itinadhana kayo sa iba?


Hindi mabilang ang mga kadahilanan para ika'y magustuhan at ang mga dahilang ito ang nag-uugnay sa akin patungo sa'yo. 
Ang walang pagsidlang kasiyahan sa tuwing kausap ka, 
ang ngiti mong nasisilayan kahit 'di ka kasama, 
ang nagkukulay sa bawat umagang 'di madaling ipinta, 
ang 'yong tinig na umaalingawngaw sa isip ang bawat salita.



Gusto kong pagsisihan at pahalagahan ang unang araw na akin kitang nakilala.
Pagsisihan, dahil hindi ko ginusto ang malagay sa ganitong kalagayan, pinilit na itinatanggi ang nararamdaman ngunit mas lalo lang akong nahihirapan -- mas lalo lang umaalpas ang damdaming hindi pala kayang pigilan ng anuman at ninuman.
Pahalagahan, dahil ikaw ang presensiya ng pagkalinga sa panahong lumisan ang tiwala at pag-asa, ang sandigan sa mga sandaling kinailangan ko ng taingang makikinig sa tinig at hinaing na 'di maaring ipagkatiwala sa iba -- naging sandalan at bukaspalad na tinanggap ang negatibong asal na iilan lamang ang nakakaunawa.

Ikaw ang pumapayapa sa mga araw na ako'y naguguluhan ngunit ikaw rin ang bumabagabag sa gabing dapat sana'y kapayapaan.


Mahirap maintindihan ngunit unti-unti't dahan-dahang ika'y aking hinahanap.
Sa bawat pagtunog ng telepono sa tuwing umaga dahil alam kong 'yon ay may dulot na saya.
Sa bawat pag-alerto ng mensahe sa cellphone na kahit ang simpleng 'magandang umaga' ay tila napakahalaga.
Sa bawat email na natatanggap na magiging motibasyon sa maghapong sinusubok ang pasensiya.


Ikaw ang nagpapaalala na ang araw ay 'di dapat nag-uumpisa at nagtatapos nang alas-otso hanggang alas-singko.
Ikaw ang nagpapaalala na ang buhay ay 'di lang tungkol sa hanapbuhay at trabaho.
Ikaw ang nagpapaalala na ang kasiyahan ay 'di dapat nakasalalay sa dami ng dokumento.


Ikaw ang nagpapaalala na may pag-asa at saya sa pagitan ng pagsubok at problema.


Nakalulungkot lang na hindi sasapat ang mga dahilang ito para maiguho natin ang pader na naghihiwalay sa ating dalawa. Siguro'y mas dapat na magpasalamat dahil tayo'y nagtagpo sa pagkakataong mahirap unawain ang mundo, sa panahong ang kahulugan ng maraming bagay ay negatibo, sa mga oras na kinailangan nating ngumiti sa kabila ng maraming nagbabalat-kayo. 


Kung 'paano ka magiging akin' ay 'di ko kayang sagutin ngunit sapat nang malaman mo ang mga dahilan kung bakit mahalaga ka para sa akin.


Monday, January 16, 2017

Tagumpay At Pagbabago

Sa tuwing sasapit ang bagong taon marami ang namamanata nang pagbabago. Pagbabago na makalipas ang labingdalawang buwan ay wala namang nabago, pagbabago na tila sa unang mga buwan lang ng taon ginagawa. Marahil dahil kulang sa pagpupursigi, pananalig, puso at dedikasyon ay palaging hindi naisasakatuparan ang pagnanais na magbago. Hindi madaling sila'y sisihin, hindi madaling sila'y husgahan dahil minsan tayo mismo ay may pagbabagong nais na mangyari sa ating buhay pero hindi natin magawa. Maraming dahilan at maraming dapat na ikonsidera ngunit ang pinakamahalaga kung nais mo nang pagbabago dapat handa ka para rito; may sakripisyo para makuha mo ang iyong gusto at hindi darating ang pagpapala kung wala kang gagawin para makuha mo ito.

Lahat tayo ay may pagnanais na makamit ang tagumpay, tagumpay na kadalasan ay ginagawa ang lahat kahit na makasakit/ makaagrabyado ng iba. Ang tagumpay kasi para sa marami ay katumbas ng kapangyarihan, kasikatan at kuwarta. Naalala ko 'yung isang quote sa isang pelikula na 'sa pagnanais nating maging magaling kinakalimutan natin ang pagiging mabuti'. Kung bakit ba kasi obsessed ang mga tao sa kapangyarihan, kasikatan at kuwarta, kung bakit na naman kasi ang batayan ng pagiging matagumpay ay ang pagiging mataas ng iyong estado sa buhay kumpara sa nakararami.

Kadalasan, ang pananaw natin sa pagiging matagumpay ay ang magwagi sa hangganan ng buhay -- ang siyang tugatog o pedestal na dapat nating abutin. Sa karera ng buhay hindi dapat tayo nakatanaw sa may dulo lang para magtagumpay dapat ang tagumpay ay nakasalalay sa bawat hakbang ng ating buhay, sa bawat araw na ating nilalakbay. Ang maging masaya sa bawat araw ay isang tagumpay hindi ang magmukmok dahil hindi nakamit ang isang materyal na bagay. May oras at panahon sa bawat bagay at kung ang bawat araw ay iyong kinayayamutan mahirap hanapin ang tagumpay sa mga araw na darating pa.

Minsan, ang tagumpay ay gaya rin ng pagkabigo -- natatanaw.
Anong tagumpay ang mayroon ka kung ikaw ay tatamad-tamad sa buhay? Gaya ng pagkabigo madaling mawari kung ikaw ay magtatagumpay o hindi.

Upang magtagumpay at makamit ang nais na pagbabago dapat mapanatili ang tatlong bagay:
  • Puso - sa lahat ng bagay na iyong gagawin at nanaisin dapat ito'y laging nasa puso. Hindi maaring gawin mo ang isang bagay dahil ito'y nais ng iba, para ma-please ang iba at para sa kapakanan ng iba, gawin lang motibasyon ito para sa gagampanan at gagawin ngunit higit sa lahat ang iyong puso ay 'di dapat mawawala. Ang anumang bagay na hindi ginampanan mula sa puso ay siguradong may kakulangan na tanging sinseridad lang ng puso ang makapupuno.
  • Layunin - kung walang layunin mong gagawin ang isang bagay hindi ito matatawag na tagumpay. Kung ang nais mo lang ay makipagkumpitensiya sa mga taong gusto mong makita na nasa ilalim mo anong uri ng tagumpay ang dapat ditong itawag? Ang layuning tinutukoy dito ay ang 'mabuting layunin' hindi ang layuning ipamukha sa iba kung gaano ka naging makapangyarihan, kung gaano na karami ang iyong pera at kung gaano ka naging kasikat. Ang layuning magtagumpay at ang layunin para sa pagbabago ay dapat sa kapakanan ng ikabubuti ng pamilya at para sa sarili.
  • Disiplina - sa likod ng isang tagumpay ay ang pagiging disiplinado. Kailangan mong kontrolin ang iyong sarili sa mga bagay na magpapabagal sa iyo sa pagkamit ng tagumpay at pagbabago. Ang lahat ng mga taong naging matagumpay sa buhay ay tiyak na dumaan sa puntong ito. Papaano mo makakamit ang mala-Adonis o mala-Venus na katawan kung wala kang kontrol sa pagkain? Papaano mo mabibili ang pangarap na bahay at lupa kung laman ka ng mall sa tuwing ito'y may Sale? Ang pagkamit ng tagumpay ay kakambal ng disiplina at sakripisyo. 
Sa paglalakbay mo patungo sa Tagumpay hindi maaring hindi ka magkakamali. Dahil bahagi ito ng pagiging tao, bahagi ito ng pagiging sino ka sa darating na panahon. Hindi maiiwasan ang pagkakamali ngunit ang mahalaga ay maging leksyon ang pagkakamaling ito para sa inaasam nating tagumpay. May tatlong uri raw ng tao pagdating sa pagkakamali; Ang Taong Tanga, Ang Taong Matalino, at Ang Taong Mautak.
Ang taong tanga sila 'yung nga tao na nagkakamali ngunit hindi nagsisisi at hindi natututo sa kanilang pagkakamali. Ang taong matalino sila 'yung nagkakamali pero sinasabuhay nila ang leksyon sa likod ng kanyang pagkakamali. Samantalang ang taong mautak sila 'yung mga taong sinasabuhay ang leksyon sa likod ng pagkakamali ng iba.

Hindi madaling maging taong mautak sa lahat ng pagkakataon pero sana sa tuwing tayo'y magkakamali maharap natin ang naging resulta ng bawat pagkakamaling ating ginawa. Hindi tayo perpekto pero hindi natin kailangang maging perpekto para maging mabuting tao, hindi tayo anghel pero hindi natin maging santo para gumawa ng mabuti para sa ibang tao, hindi lahat tayo matalino pero hindi tayo bobo para malamang ang tagumpay ay wala sa pag-apak sa ibang tao.