Tuesday, August 26, 2014

50/50



Segundo lang ang pagitan ng buhay at ng kamatayan.
Segundo lang ang kailangan upang agawin ang buhay mula kay Kamatayan.
- - - - -

Walang bisa ang pagsita ko sa mga jeepney driver na nakahimpil sa may gitna ng kalsada na nagbababa at nagsasakay ng pasaherong kapwa matitigas ang ulo.
Hindi umubra ang pilit kong galing sa pagmamaneho upang lusutan ang mga astig sa lansangang mga kuliglig, tricycle at pedicab na walang respeto sa ibang motorista.
At tila hindi sapat ang malakas, walang patid at nakaririndi kong busina para paraanin ang aking sasakyan upang maisalba ang buhay ng lulan kong si Aljur.


Mga wala silang pakialam kahit na ang isinisigaw ko'y 'EMERGENCY' at kahit halos mapatid na ang litid ko sa kasisigaw at pagmamakaawa sa kanila na ako'y kanilang paraanin at pagbigyan.


Hindi ko naman nais na sila'y agawan ng pasahero, ang nais ko lang ay umusad at umandar sila dahil berde ang ilaw ng trapiko --- kahit ngayon lang.
At wala rin akong balak na silang lahat ay aking manduhan at awayin, ang nais ko lang ay mabigyan ng kahit kaunting espasyo ang sasakyang aking minamaneho --- kahit sandali lang.
Dahil lahat nga (raw) sila'y nais na makapag-uwi ng ilang daang pisong para sa pamilya, okay lang sa kanila ang makaabala sa ibang motorista at 'di nila alintana na ang pagbibigay ng kahit kaunti sa kalsada ay makapagsasalba ng isang mahalagang buhay para sa ibang pamilya.


"Putang ina mo, lumipad ka!" ganting sigaw sa akin ng driver nang nakabalagbag niyang jeepney, siguro'y nairita sa tuloy-tuloy kong pagbusina sa kanya. Nagbababa siya ng isang pasaherong tila wala sa sariling pumapanaog nang pagkabagal-bagal na tila nang-aasar. Silang lahat, kabilang na ang maraming mga commuter at pedestrian na walang iniisip kundi ang kanilang mga sarili ay mga walang pakialam sa posibleng kahihinatnan ng aking sakay na si Aljur, na sa sandaling iyon ay nasa pagitan ng buhay at kamatayan.


Tanaw ko mula sa aking kinauupuan ang mga traffic enforcer na sa pakiwari ko'y walang pakinabang. Suot ang unimporme nilang matingkad na kulay dilaw, sila'y nakatanghod lang sa mga pedestrian na walang kawawaang tumatawid sa gitna ng lansangan sa halip na sa footbridge na nasa kanilang ulunan;  nakatanaw lang sa mga jeepney na walang pakundangan sa paghinto sa kung saan-saan --- parang mga asong iluluwal ang kanilang tae kung saan sila abutan; nakatingin lang sa mga sasakyang tatlo ang gulong na bigla-bigla na lang sumusulpot at hinaharang ang daanan na dinadaig ang isang taxi sa dami ng bilang ng mga sakay.


Ang ilaw ng trapiko kada kanto na nakainstala sa kahabaan ng kalsadang binabagtas ko'y tila isa lamang banderitas na dekorasyon sa tuwing may piyesta --- ang mga ito'y walang silbi para sa mga naghahari-harian sa kalsada dahil umaabante at humihinto sila kung kailan nila naisin. At ang mga haring ito rin ang nagpoprotesta at humihiling ng matinong pagbabago sa lipunan at sa gobyerno. Samantalang sila ang kailangan ng drastiko at kagyat na pagbabago.


"Okay ka lang ba, Aljur?" tanong ko kay Aljur na noo'y nakahiga sa likuran ng autong aking minamaneho. Hindi siya kumibo. Nakatingin lang siya sa akin nang tinawag ko ang kanyang pansin at pangalan. Wari ko'y gusto na niyang sukuan ang buhay. Banaag ko sa kanyang mga mata ang kanyang pakadismaya sa maraming bagay.

Si Aljur ay isang magandang halimbawa ng taong walang kakuntentuhan sa buhay.


Kung tutuusin maganda ang trabaho ni Aljur, may tinitingalang karera at malaki ang kinikita kaya't sinong mag-aakala na sa kabila ng tinatamasa niyang tagumpay ay ang pagnanais niyang kitilin ang sariling buhay. Ang kanyang hanap-buhay ay kinaiinggitan ng marami, sabihin na nating: kabilang na ako. Subalit sa mababaw at makasariling dahilan ay nais niyang talikuran ang suwerte at pagpapalang ito --- dahil lang umano sa ilang mga bagay na sapilitan niyang ginagawa na sa tingin ko nama'y simple lamang at hindi gaanong mahirap.


"Wala namang madaling trabaho, kailangan ng sakripisyo upang kumita ng pera para sa kinabukasan, para sa pamilya at para sa ating mga sarili. 'Yung iba nga kulang ang buong maghapon at magdamag para kumita ng sapat ngunit hindi sumusuko at patuloy na nilalabanan ang hamon ng buhay." payo ko noon kay Aljur na ewan ko kung kanyang pinakinggan at kung narinig man niya ay ewan ko kung kanyang lubos na naunawaan.


Hindi lingid kay Aljur na marami ang hikahos at naghihirap ngayon ngunit hindi niya ito pansin dahil binubulag siya ng napakatayog niyang ambisyon sa buhay.
Ano't kinailangan niyang tanggihan ang trabahong may malaking kabayaran kada buwan para sa ilang gabing pagsasakripisyo?
Ano't kinailangan niyang angilan at ambaan ang mga taong nagsusubo ng pagkain sa kanyang bibig? 
Ano't bigla na lamang niyang naisipang isara ang pintuan ng oportunidad na sa halos isang dekada ay nagbigay kaginhawaan sa kanyang buhay?


"Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao." pangangatwiran ni Aljur sa akin. Sinang-ayunan ko ang kanyang punto ngunit hindi naman ibig sabihin nun na kagyat siyang magdedesisyong abandunahin ang kompanyang kanyang pinapasukan. Hindi ko 'yun inaasahan. Dahil alam kong may sapat siyang talino at hindi magpapadala sa bugso ng damdamin at panibughong tiyak na magpapahamak sa kanya at makakaapekto sa kanyang kinabukasan. May tamang oras at panahon para sa lahat ng bagay at sa tingin ko'y hindi ito ang tamang panahon para gawin niya ang maling desisyong ito.


Naalala ko pa noong halos lumuhod siya sa pagmamakaawa matanggap lang siya sa kompanyang kumupkop at nagbigay sa kanya ng isang magandang oportunidad. Gusgusin pa si Aljur noon at halatang kulang sa bitamina at nutrisyon dahil sa pispis niyang pangangatawan. Ngunit dahil sa taglay niyang karisma at talentong hindi pa ganap na nahihinog ay napagbigyan ang kanyang pangarap at pagkakataon. Pagkakataong hinahangad at naipagkait sa maraming taong patuloy na nangangarap nito. Unti-unti sa tulong ng kanyang pinagtatrabahuhan ay nabubuo ang kanyang mga pangarap na dati'y panaginip lang at sa hindi ko malirip na dahilan ay humantong sa ganito ang lahat.


Halos isang oras pa ang lumipas nang marating ko ang pinakamalapit na ospital --- ang biyaheng ito na dapat ay labinglimang minuto lang kung tutuusin. Pagkatapos kong makalusot sa masikip na trapikong maari namang malunasan kung may disiplina lang sana ang lahat. Nagpadagdag pa sa problema ang mga traffic enforcer na namimili ng motoristang kanilang sisitahin at huhulihin. Nakakadismaya lang malaman at napakahirap maunawaan na mas mahigpit na binabantayan nila ang lumalabag umanong pribadong motorista samantalang lantaran ang pagwawalanghiya at pambababoy sa batas-trapiko ng mga pampublikong sasakyan kumpara sa kanila.


Wala ako sa posisyon para husgahan si Aljur at ang kanyang naging desisyon ngunit masyadong marahas ito, sa tingin ko. Sa palagay ko'y wala pa siyang napapatunayan ng husto sa industriyang kanyang kinabibilangan para magdemand. Nakalulungkot na kailangang humantong ang lahat sa ganitong marahas na sitwasyon.
Ngunit sana ang paghatid ko kay Aljur dito sa ospital na ito'y magbukas ng bagong pag-asa at kaliwanagan sa kanyang isipan na hindi lahat ng gusto natin ay maipagkakaloob sa atin minsan kailangan nating yakapin kung anong biyaya ang ibinigay sa atin.
Sana pagkalipas ng pagsubok na ito ay marealize ni Aljur na ang tunay na kahulugan ng kaligayahan dapat ay ang pagkagusto mo sa kung anong bagay ang meron ka, hindi ‘yung maligaya ka lang dahil meron ka ng mga bagay na gusto mo.

At ‘pag taliwas ang pananaw mo sa salitang ‘kaligayahan’ malamang ay magdulot ito sa’yo ng pagkayamot at pagkadismaya sa buhay.

Agad na inasikaso ng mga nurse at hospital staff si Aljur. Inilagay siya sa stretcher at kagyat na dinala sa Emergency Room upang maobserbahan ng doktor. Sa puntong iyon ay hindi ko na nakita ang susunod na gagawin kay Aljur at hindi ko rin alam kung mapaglalabanan at maliligtasan ba niya ang panganib na kanyang sinuong.
Nasa kamay na ito ng mga doktor na magsasagawa ng kanyang maselang operasyon. Oo nga't hindi diyos ang mga doktor ngunit may kakayahan at kapasidad silang magligtas ng buhay --- gaya ng buhay ngayon ni Aljur. Hindi sila mga diyos ngunit handa silang tanggapin ang sinumang taong nangailangan ng kanilang tulong.


At sa tulong ng mga doktor at sapat na panahon, sana'y masalba pa ang naghihingalong buhay ni Aljur dahil segundo lang ang pagitan ng buhay at ng kamatayan, segundo lang ang kailangan upang agawin ang buhay mula kay Kamatayan.

Friday, August 22, 2014

Glutathione



Noong araw pa
--- ninais na niyang baguhin
ang kanyang kutis na morena
upang siya ay mas maging
maganda, mas maging
kaakit-akit, mas katanggap
-tanggap sa madlang may
matang mapanuri at
tinitingala ang mga taong
may kutis na singtingkad
nang sa Esperma.


Libo-libong piso ang
kailangan upang mamalas
sa kanyang balat ang
kulay ng kutis na matagal
na niyang pinapangarap,
kutis na pangarap din
ng milyon-milyong
pilipinong patuloy na
binubulag at nilalason
ng komersiyalismo,
ng kolonyalismo at
ng konsumerismo.


Noong araw pa
--- ninais na niyang maging
kulay busilak ang kanyang
balat kahit pa maubos ang
ipon para sa kinabukasan
ng pamilya, kahit pa
mabawasan ang perang
para sa pag-aaral ng mga
anak. Mas mainam (raw)
kasi ang magmukhang
mayaman ang balat kaysa
magmukhang marungis
at salat.


Libo-libong oras ang
kailangan upang maganap
ang pagpapalit ng kulay
ng kanyang balat mula sa
kulay ng kahoy na kamagong
o ng paborito niyang tsokolate
patungo sa kulay ng damit
na bagong kula o ng maamong
tupa. Mula sa kulay (raw) ng
indio at hampas-lupa hanggang
sa maging kulay ito ng mga
maharlikang mukhang
walang dungis,
walang sala.


Noong araw pa
--- pinangarap na niyang kutis niya'y pumuti
samantalang mas dapat na pumuti ang kanyang umiitim na budhi.

Monday, August 18, 2014

Kung Bakit May Port Congestion

Ang problemang Port Congestion sa ating dalawang pinakapangunahing pantalan (MICP - North Harbor, Port of Manila - South Harbor) sa Pilipinas ay hindi lang problema ng iilang negosyanteng naapektuhan nito na nag-aangkat ng kani-kanilang mga produkto, kundi ang Port Congestion ay maari nang ikonsiderang national issue na may kakayahang magparalisa sa lumalakas daw na ekonomiya ng Pilipinas. Sa bawat araw na pagkaantala ng ilalabas na container ay milyong pisong pagkalugi sa mga negosyante at bilyong piso naman sa ating gobyerno, kaya't hindi ito simpleng problema lang. Datapwa't ang MICP at Port of Manila ay dalawa lang sa labing-apat na Ports of Entry sa Pilipinas, sa dalawang port din na ito ibinababa ang majority ng mga imported goods sa bansa.


Kakambal nang pag-angat ng ekonomiya ay ang paglago ng kalakalang importasyon ng bansa ngunit hindi ba dapat na mas i-promote natin ang produktong sariling atin sa ibang nasyon at paigtingin ang ating exports sa halip na imports? Napakalaking bahagi kasi nang lumalalang port congestion natin ay ang kakulangan nating tumbasan ang libo-libong container na pumapasok sa ating pier bawat araw. Kunsabagay, iilang produkto lang naman kasi ang pwede nating i-export at ipagmalaki sa ibang bansa. Kung hindi pa dahil sa mga Export Processing Zone ay tuluyan na tayong nangangamote pagdating sa exportation.


Magmula sa suot mong damit at sapatos, mga gamit mong gadget o cellphone, mga appliances ninyo sa bahay, spareparts ng sasakyang ginagamit mo patungong eskwela o opisina, machine at equipment ng anumang telecommunication/network giants, mga gamot at medisina ng mga botika at ospital, mga pagkaing kinakain mo sa paborito mong fastfood chain --- ang lahat ng mga ito ay imported. Sa katunayan hindi makakausad ang bansang ito kung walang pag-aangkat ng produktong magaganap dahil hindi tayo self-sustaining country at ang ekonomiya natin ay nakasalalay sa mga inaangkat nating produkto. Kaya't kung iniisip mong hindi ka apektado ng problemang port congestion, nagkakamali ka.


As early as 2011, ay nag-umpisa nang magdagdag ng singil na Container Imbalance Charges (CIC) ang mga Carrier (Shipping Lines) sa bawat importation ng anumang bansang mula Asya, naglalaro ito sa $200 - $300 depende sa size ng container. Samantalang bago ito, ang binabayaran lang sa mga carrier ay Docs Fee na $30 at Terminal Handling Charges na higit lang sa pitong libong piso. Kung 2011 pa lang ay may CIC nang ipinapatong ang mga Carrier sa mga importer ibig sabihin nito'y nag-uumpisa nang magkaroon ng TRADE IMBALANCE sa kalakalan ng ating bansa. Mas marami ang import natin kaysa sa ating export --- kahulugan nito'y pagkatengga ng mga empty container sa CY/Depot ng Carrier at malaking porsiyento nito'y nasa yarda lang ng MICP at Port of Manila. Sa halip na mapunan ito ng mga loaded container ay nagko-contribute pa ang mga empty containers sa kakulangan ng espasyo sa port.


Pagkalipas ng dalawang taon pa'y nagkaroon muli ng additional charges ang mga Carrier; Port Congestion Surcharge (PCS) - $150 para sa 20' van at $300 naman sa 40' at Emergency Cost Recovery Surcharge (ECRS) - $100/$200, respectively. Ngunit sa kabila ng napakalaking expenses na kinukubra ng mga carrier sa mga importer nakapagtatakang hindi naiibsan ang problema sa Port Congestion. Samantalang sa laki nang naidagdag na charges ay kaya na nitong i-cover ang freight/pamasahe upang mabawasan/ibalik sa origin ang dumaraming container vans sa pier.


Ang dagdag na araw na inilalagi ng imported container vans sa pier ay katumbas ng karagdagang gastusin na ikinakarga sa mga importer (hindi pa kasama ang CIC, PCS, ECRS) gaya ng container demurrage, storage charges, electrical charges (para sa mga reefer container) bukod pa diyan ang posibleng karagdagang container detention charges na sinisingil ng Carrier (shipping lines) tatlong araw matapos na lumabas ang container mula sa pier. Sa paglala ng port congestion ay tila pantal na namaga ang bayad sa mga inuupahang truck sa Maynila; mula sa P7,000 na biyahe patungong Pasig ay naging mahigit na ito sa P20,000. Naging triple o higit pa ang itinaas nito mula sa kanyang orihinal na presyo nang magkaroon ng port congestion. May pagkakataon pang pumapalo ang truck rates sa singkwenta mil kung ang designated depot ng empty container ay sa napakalayong Cavitex. At isa pang dahilan ng paglaki ng bayad sa truck ay ang kakulangan ng space ng mga empty container sa ALINMANG container depot ng Carrier.

Para mas madaling maintindihan, humigit kumulang ay may karagdagang expenses na P40,000 para sa 20' van at P45,000 naman para sa 40' van ang nasasakripisyo ng mga importer dahil sa Port Congestion, at mas malaki pa ito kung reefer container ang ginamit sa importasyon --- halimbawa nito'y importation ng mga meat, chicken, vegetables, aquatic products and other agricultural goods. Kung halimbawang sampung container ang iyong importasyon tumataginting na P400,000 ang nadagdag sa iyong puhunan.
At siguradong sa bawat pisong idinadagdag na gastos sa mga container na ito ay ikinakarga at ipinapatong naman ito sa mga produktong binibili o kinokonsumo natin --- tayong mga end user. Dahil hindi naman papayag ang mga negosyante/importer na i-shoulder ang lahat ng mga unnecessary expenses na ito.


Dahil sa Port Congestion, muli na namang naging tanyag ang Pilipinas sa ibang bansa dahil hindi maikakaila ang problemang dawit na rin pati sila. May pagkakataong nag-i-skip port ang mga barkong nakatakdang mag-dock sa MICP o Port of Manila sapagkat isang malaking abala ang dulot nito sa mga barko nila --- nasisira ang kanilang vessel's iterenary. At may pagkakataong sa labis na pagkainip ng mga foreign vessel na magbababa sana ng mga libo-libong container sa Pier ay bumabalik na lang ito sa kung saang port sila nanggaling, resulta: maghihintay ka ulit ng ilang linggo/buwan sa muling pagdating nito para marelease ang container mo.


Dati-rati, nag-a-average lang ng tatlo o apat na araw ang biyahe ng barkong patungong Pilipinas mula sa bansang Taiwan, Hong Kong, Singapore, Malaysia at China ngunit dahil sa port congestion ay mahigit na ito isang linggo, idagdag pa ang paghihintay sa breakwater ng mga barkong ito at naghihintay ng 'go signal' na sila'y maserbisyuhan ng ating mga Port Operator. Kadalasan, apat hanggang anim na araw ang paghihintay na ito. Ang dating 30+ days na sailing time mula America o Europa ay umaabot ng halos dalawang buwan. Isipin mo na lang ang damage nito sa iyong negosyo kung ganito katagal mo hihintayin ang produkto para sa iyong kompanya o pabrika. At dahil nga dito ay maraming empleyadyo/manggagawa ang pansamantalang nawalan ng trabaho dahil wala ang materyales/produkto na kailangan nila sa production.


Sa isang araw, humigit-kumulang limang-libong container ang naibaba sa mga pantalan natin at ang mga container na ito ay hindi naman agad narirelease at nadideliver ng mga broker sa kani-kanilang kliyente, dumadaan kasi ito sa proseso. Ngunit bago pa ang port congestion pumapalo lang sa dalawa hanggang tatlong araw ang kakailanganin mo upang mailabas ang iyong container. Ngayon dahil sa problemang ito, maswerte o milagro nang maituturing kung mailabas mo ang iyong shipment sa loob ng isang linggo lang.


Nang in-implement ang day-time truck ban noong February 2014 ng gobyerno ng Maynila sa bisa ng City Ordinance 8336 , lalong lumala ang dati nang problemang Port Congestion, para kang naglagay ng karagdagang hiwa sa isang malaki at lumalalang sugat. Sugat na hindi na gagaling sa pagbudbod lang ng penicillin o pag-inom lang ng anti-biotic kundi kailangan ng medical attention mula sa eksperto at dalubhasa upang ito'y tuluyang malunasan.
Around 30% ng mga container na dapat sana'y nadedeliver na sa mga bodega ng importer ang natetengga sa bawat araw at dahil dito napilitang ngang magtaas ng rate ang mga truck, isa pang dahilan ay ang apat na araw na dagdag sa kanilang biyahe (paghintay na makargahan at pagsauli ng container). Upang maibsan ang problemang ito ang band-aid solution ng dalawang pier ay kontrolin ang mga trak na pumapasok sa kanilang jurisdiction, sa bawat pagsauli ng empty ay may ilalabas silang loaded. Aminin man o hindi ng Manila Mayor's office, ang ipinatupad na daytime truck ban ay malaki rin ang naging epekto sa congestion.


May truck ban pa rin pero pakonswelo sa mga trucker na mayroon silang “Express” Trade Lane , hindi naman naibsan ang problema at ang port congestion ay nagpatuloy pa rin sapagkat hindi ginagawa ng Carrier ang obligasyon nilang ibalik ang mga empty containers sa kani-kanilang origin, kung ano ang dahilan sa likod ng tanong na ito ay sila lang ang tanging makakasagot. At sa pagwawalang-bahalang ito ay naglalaro sa 70%  hanggang 80% na nang kabuuang bilang ng kapasidad ng pier ang na-occupy ng magkasamang empty at loaded containers.

Bilang kapalit sa pagluwag umano ng City Government of Manila sa mga trucker ay ang dalawang kondisyong sumusunod:
  • una, magbayad ang importer ng dispatch fee sa halagang P112 bawat container na lumalabas sa Pier (wala nito dati noong iba pa ang alkalde ng Maynila)
  • ikalawa, ang mga dambuhalang truck na ito ay dapat sa isang lane lang mananatili (outer lane) kundi ay iri-wrecker sila ng tow truck na accredited ng City Hall ng Manila o kaya naman pagbabayad ng malaking fine na karagdagang gastos para sa mga trucker operator


At sa dami at sa napakahabang pila-pila ng mga truck sa kahabaan ng R-10 hanggang sa mga gates ng MICP at Port of Manila dinaig pa nito ang pinagsama-samang sagala o santacruzan sa Kamaynilaan tuwing buwan ng Mayo. Ang Port Congestion ay nagresulta na rin sa matinding Traffic Congestion na minsan ay umaabot hanggang sa Caloocan at minsang tumatagal nang hanggang dalawang araw. Dahil sa kagustuhang makabiyahe, kumita at huwag masingitan sa pila --- ang mga truck driver ay matiyagang naghihintay sa kanilang turn/pila umulan o umaraw man at kahit pa dis-oras ng gabi, ang malungkot ay may pagkakataong nahoholdap sila ng 'mababait' at mga notoryus na Jumper Boys ng R-10.


May mga nagmumungkahi na dapat daw na i-divert ang mga container na dumarating sa Subic Port o Batanggas Port sa halip na MICP at South Harbor. At maraming importer na nga ang nagparating sa Batanggas port sa kagustuhang mapabilis at makalabas kaagad ang kanilang shipment. Ngunit kung patuloy sa pagdami ang importation sa Batanggas Port at hindi pa rin nasosolusyunan ang pag-export ng empty container ng mga carrier, hindi magtatagal ay sa Batanggas Port naman magkakaroon ng Port Congestion --- inilipat lang natin ang problema at hindi nasolusyunan.
Sa layo ng Subic Port at sa higpit ng patakarang ipinapatupad ng free port na ito (panibagong accreditation sa broker) may mangilan-ngilang importer/broker ang nagkakasya na dito na lang maglabas ng kargamento. Ngunit ilang porsyento lang ba ang mga importasyong ito sa kabuuang bilang na dumarating na mga container sa bansa?


Napakakaunti ng mga barkong nagdadocked sa dalawang port na ito at hindi praktikal na magtungo ka rito at magsalit-salit sa dalawa pang pier dahil hindi lang isang importer ang kliyente ng mga broker at hindi rin ito uubra kung ang parating mo ay hindi naman full container load. Idagdag pa na karamihan sa lokasyon ng mga freight forwarder, shipping lines at broker ay nakakalat sa Kamaynilaan.
Kung komportable at mas nais ng mga importer/broker na makipagtransact sa Adwana ng MICP at Port of Manila ay walang makapagdidikta sa kanila, karapatan nila ito --- ang solusyong ganito ay pansamantala lang at hindi lubos na nakatulong sa sektor ng mga negosyante.


May mga importer na hindi tumatanggap ng katwirang 'Port Congestion' ang dahilan kung bakit lumaki ang kanilang binabayaran at tumagal ng husto ang delivery ng kanilang kargamento kaya na nagreresulta ito sa bangayan ng Importer at Broker, Importer at Freight Forwarder, at Trucker sa broker at forwarder. Darating na ang panahon ng kapaskuhan at kasagsagan ito ng maraming importasyon at kung tatagal pa ang ganitong sitwasyon asahan mo na ang posibleng pagbagsak ng ekonomiya o ang paglobo ng presyo ng maraming produkto sa merkado.


Napakaganda sanang pakinggan at malaman na ang mga taong may kapasidad at may otoridad na magresolba sa problemang ito ay nagtutulungan at nagbibigay ng magandang suhestiyon at opinyon para sa ikabubuti ng sitwasyon sa pier ngunit sa halip kapansin-pansing sila ay nagtuturuan at nagsisisihan pa, nagmamang-maangan at tila inosenteng walang alam sa tunay na dahilan ng Port Congestion.


May batas na dapat ay 150 days lang ang inilalagi ng empty containers sa Pier ng Pilipinas, nakasaad ito sa Customs Administrative Order No. 2-97 at may otoridad ang District Collector of Customs na ipatupad ang kahit anong batas na may kaugnayan sa pagpapatakbo at pagpapalakad ng Aduana. At kung maghihigpit at parurusahan lang ng Bureau of Customs ang mga Carrier/Shipping Lines na hindi nagbabalik ng container sa dapat nitong paglagyan (port of origin) siguro'y unti-unti nang mariresolba ang lumalang problema ng port congestion. Port Congestion na noo'y tila hindi binibigyang pinapansin --- kung hindi pa naiulat at napagtuunan ng dalawang malaking news network sa bansa ay malamang na hindi pa rin ito ginagawan ng paraang masolusyunan ng kung sinuman, gobyerno man o pribadong sektor.


Ayon sa huling press release ng Bureau of Customs ay maiibsan na raw (sooner or later) ang Port Congestion sa bansa datapwa't walang tiyak na araw, masasabing may nagpupursigi nang kumilos at lumutas sa problemang inaakala ng marami na simple lang. Ang tanong ay, kung sa susunod na mga buwan ay masolusyunan na nga ang Port Congestion sa dalawang port (hopefully) maibabalik kayang muli mula sa dati nitong charges ang lahat ng expenses na ipinatong at idinagdag ng mga Carrier at Trucking sa bawat import container? Ewan. Tingnan muna natin kung masosolusyunan nga agad ang problema.

At ito ang kasaysayan ng Port Congestion sa Maynila.

Thursday, August 14, 2014

Sa Looban (Hindi ito Fiction)

Isang hapon ng Miyerkules, sa kagustuhan kong mapadali nang uwi, dumaan ako sa masikip na eskinita ng Delpan. Sa looban. Normal na sa akin ang pagdaan doon (dahil ilang beses na rin akong nakapagdrive sa naturang lugar) kahit alam kong may kasikipan ang kalsada at maraming batang pakalat-kalye sa kalye.


Inaasahan kong normal na araw lang 'yon para sa akin ngunit ilang metro lang pagkaliko ko mula sa kanto, eksakto na may batang babaeng nadapa sa gilid ng aking sasakyan, tumama ang mukha sa pinto ng auto at napabagsak siya sa daan.

Sa isang iglap, nagkaroon kaagad ng komosyon.

Ilang saglit pa ay dumagsa ang tao sa kalsada; tambay, usisero, baranggay, kamag-anak, kabarkada, kapamilya, kapuso, etc.
At sa halos lahat ng parte ng sasakyan ko ay may kumakatok. Pinilit kong magpakalma kahit alam kong pwedeng bigla na lang hampasin ng kahoy ang salamin ng kotse o batuhin ng bato ang kotse 
mismo.

Walang pagdadalawang-isip, binuksan ko ang pinto. Ngunit hindi ako bumaba.

“Tara, dalhin natin sa Ospital!” nagmamadaling sabi ko sa nanay ng batang ‘nabundol’ ko.

Sumakay ang bata at ang kanyang nanay sa likod ng kotse.

Habang nagdadrive patungong pagamutan, ang lakas ng iyak ng bata – dahil nga nasa likuran ko hindi ko alam kung ano ang damage na tinamo niya.
Sari-saring pangitain ang nasa isip ko;
“Paano kung napuruhan ang bata? “
“Paano kung malala ang lagay niya? “
“Makakapatay ba ako?”
“Makukulong ba ako ngayong gabi?”
“Paano na ang mga dokumento kong gagawin para bukas?”


Isa pa sa inaala ko ay ang pera ko sa wallet. Isang libo lang kasi ang laman ng pitaka ko. No more. No less. Iniisip kong sa X-Ray Fee pa lang ay baka kapusin na ako.
Ganun pala ang pakiramdam kung labis ang kabang iyong nararamdaman, kahit ilang daang metro lang ang lapit ng hospital sa lugar na pinangyarihan parang napakalayo nito para sa akin.


Nanginginig ang kamay ko at nangangatog ang tuhod ko. 


At sa dami talaga ng bata sa kalsadang aking binabagtas sobra ang ingat ko, dahil ayokong maka-two hits sa isang araw lang.
Gamit ang kaliwang kamay – kailangang tumawag sa opisina upang magpadala ng extrang pera at sa misis ko para abisuhang siguradong mali-late ako dahil nakasagi ako ng bata. Hindi ko na pinahaba pa ang detalye dahil baka siya naman ang nerbyosin.


Sa wakas, ilang minuto pa ang lumipas ay narating ko rin ang ospital. 
Kasama ang nanay ng bata ay sabay kaming bumaba nang marating namin ang pinakamalapit na ospital.   


Agad kong sinuri ang bata hindi para i-estimate ang posibleng gastos ko kundi para malaman kung okay ba ang lagay niya. Sa puntong ‘yon medyo tahimik na siya hindi na rin umiiyak --- siguro’y nahimasmasan.
May gasgas sa kaliwang noong niya pero kailangang makasiguro.
Habang inililista ang pangalan ng bata at ng kanyang nanay sa logbook ng hospital ay bina-blotter naman ng officer of the day ng hospital ang aksidente. Ibinigay ko ang aking lisensya for record purposes daw. Kahit hindi ko ipinapahalata napansin niyang nandun pa rin ang panginginig ko.  


“Relax ka lang sir, maayos din natin ‘yan”, sabi niya.


Ang isa pa sa inaalala ko ay ang posibleng bayolanteng reaksyon ng nanay ng bata. Hindi naman kasi lingid sa lahat na posible akong maharass sa lugar na ‘yon, hindi ako makakareklamo/makakaangal kung sakaling magdemand ang nanay ng 'naaksidente' ko.


Pinahugasan ng doktor ang sugat ng bata. Sinuri. Inobserbahan. Tinanong kung nawalan ng malay, nahilo o nagsuka. Clear.
Nagbayad ako ng medico legal at kung ano-ano pang expenses sa ospital. Eksakto may Php500 pang natira sa akin.
Naghintay pa ng ilang sandali, maya-maya pa’y nagreseta ang doktor na agad naming binili sa mismong pharmacy ng ospital.


“Saan ba kayo sir, nakatira?” bungad na tanong ng nanay habang papunta kami ng pharmacy upang bumili ng niresetang gamot ng doktor.

“Sa Bulacan.” maikli at matipid kong sagot. Medyo asiwa ako sa magaganap na pag-uusap parang mayroong bakod na mesh wire na namamagitan sa aming dalawa. 
"Nakikiramdam ba siya o ako ang nakikiramdam?" tanong ko sa aking isip.

“Ganun po ba, ang layo niyo pala. Pasensya na po kayo ha naabala pa kayo.”

Mukhang mali yata ang iniisip ko at ng maraming iba pa na ‘pag nakatira sa slum area ay barubal na ang ugali.

“Hindi. Okay lang. Aksidente naman ang nangyari. Mabuti’t ganyan lang ang nangyari at hindi napahamak ang bata” bukas na ako sa isang usapan.

“Ikaw na muna ang magpunta sa pharmacy may kakausapan lang muna ako sa cellphone” sabay abot ko ng 500 pesos.


Ilang minuto pagkatapos kong sagutin ang isang tawag sa telepono nakasalubong ko siya sa hallway ng ospital. Ibinalik ang kaninang 500 pesos na inabot ko dahil siya na lang daw ang nag-abono ng gamot at walang panukli ang pharmacy.


Ilang sandali  pa dumating ang isang kagawad ng baranggay upang i-assist ang babae at i-assess ang naganap na aksidente. Ipinasulat ko ang cellphone number ko just in case may kakaibang sintomas na naramdaman ang bata.

Dumating na rin ang SOS kong pera mula sa opisina.

Muling binilinan ng doktor ang nanay ng pasyente. Clear.

Matapos ang humigit-kumulang dalawang oras at since may go signal na galing sa doktor ng ospital at officer of the day ay nagpapaalam na ang nanay at ang baranggay sa akin.

Nag-abot ako ng pera sa nanay pero pilit siyang tumanggi.

“Wag na po okay naman ang bata. Salamat na lang.” aniya.

Unusual ito, sabi ko sa sarili. Kung ang ibang mga tao ay sasamantalahin ang ganitong pagkakataon upang magkapera ang babaeng ito ay hindi.
Sa isang sulok ng aking isipan ay medyo nahiya ako sa aking sarili dahil unang impresyon ko sa ugali niya’y katulad ng mga taong oportunista. Pasensya naman.

“Sige na, kunin mo na ‘yan. Hindi ‘yan para sa’yo kundi para sa anak mo. Nasaan ba ang tatay niyan?” usisa ko.

Single mom po ako. Tatlo nga po ‘yan eh” pagtatapat niya,

“O, tatlo pala ‘yan eh. Sige na kunin mo ‘yang pera para sakali may pambili ka ng gamot o ng pagkain para sa kanila” pagpipilit ko.

Ser, hindi ako humihingi ng pera ha?” muli niyang pagtanggi.

Habang nakatingin ang baranggay official at ang officer of the day ng ospital na siya namang nagkumbinsi na tanggapin ang pera para makauwi na kami pare-pareho.

Ser, salamat ha? Ingat po kayo at pasensya na uli sa abala.” ang mga huling katagang sinabi niya sa akin bago namin iwan ang ospital. 

 - - - - -
Kahit hindi maganda ang gabing ‘yon para sa akin nagbigay naman ito ng isang magandang aral na naidulot na matagal bago ko makakalimutan.

Hindi porke sa "looban" nakatira, may masamang loob na.
Hindi porke hindi nabigyan ng magandang oportunidad, oportunista na. 

Dapat siguro na ang ‘ugaling iskwater’ na madalas nating naririnig ay hindi ikinakabit sa mga taong nakatira sa looban dahil marami sa kanila ang malinis kung lumaban.
Meron nga tayong kilala nakatira sa tila mansyong tahanan pero masahol pa ang ugali doon sa mga nasa kulungan. Ang problema, nananalo pa sila sa tuwing may halalan.

- E N D -