Segundo lang ang pagitan ng buhay at ng kamatayan.
Segundo lang ang kailangan upang agawin ang buhay mula kay Kamatayan.
- - - - -
Walang bisa ang pagsita ko
sa mga jeepney driver na nakahimpil sa may gitna ng kalsada na nagbababa at
nagsasakay ng pasaherong kapwa matitigas ang ulo.
Hindi umubra ang pilit kong
galing sa pagmamaneho upang lusutan ang mga astig sa lansangang mga kuliglig,
tricycle at pedicab na walang respeto sa ibang motorista.
At tila hindi sapat ang
malakas, walang patid at nakaririndi kong busina para paraanin ang aking
sasakyan upang maisalba ang buhay ng lulan kong si Aljur.
Mga wala silang pakialam
kahit na ang isinisigaw ko'y 'EMERGENCY' at kahit halos mapatid na ang litid ko
sa kasisigaw at pagmamakaawa sa kanila na ako'y kanilang paraanin at pagbigyan.
Hindi ko naman nais na
sila'y agawan ng pasahero, ang nais ko lang ay umusad at umandar sila dahil
berde ang ilaw ng trapiko --- kahit ngayon lang.
At wala rin akong balak na
silang lahat ay aking manduhan at awayin, ang nais ko lang ay mabigyan ng kahit
kaunting espasyo ang sasakyang aking minamaneho --- kahit sandali lang.
Dahil lahat nga (raw) sila'y
nais na makapag-uwi ng ilang daang pisong para sa pamilya, okay lang sa kanila
ang makaabala sa ibang motorista at 'di nila alintana na ang pagbibigay ng
kahit kaunti sa kalsada ay makapagsasalba ng isang mahalagang buhay para sa
ibang pamilya.
"Putang ina mo, lumipad
ka!"
ganting sigaw sa akin ng driver nang nakabalagbag niyang jeepney, siguro'y
nairita sa tuloy-tuloy kong pagbusina sa kanya. Nagbababa siya ng isang
pasaherong tila wala sa sariling pumapanaog nang pagkabagal-bagal na tila
nang-aasar. Silang lahat, kabilang na ang maraming mga commuter at pedestrian
na walang iniisip kundi ang kanilang mga sarili ay mga walang pakialam sa
posibleng kahihinatnan ng aking sakay na si Aljur, na sa sandaling
iyon ay nasa pagitan ng buhay at kamatayan.
Tanaw ko mula sa aking
kinauupuan ang mga traffic enforcer na sa pakiwari ko'y walang pakinabang. Suot
ang unimporme nilang matingkad na kulay dilaw, sila'y nakatanghod lang sa mga
pedestrian na walang kawawaang tumatawid sa gitna ng lansangan sa halip na sa
footbridge na nasa kanilang ulunan;
nakatanaw lang sa mga jeepney na walang pakundangan sa paghinto sa kung
saan-saan --- parang mga asong iluluwal ang kanilang tae kung saan sila abutan;
nakatingin lang sa mga sasakyang tatlo ang gulong na bigla-bigla na lang
sumusulpot at hinaharang ang daanan na dinadaig ang isang taxi sa dami ng
bilang ng mga sakay.
Ang ilaw ng trapiko kada
kanto na nakainstala sa kahabaan ng kalsadang binabagtas ko'y tila isa lamang
banderitas na dekorasyon sa tuwing may piyesta --- ang mga ito'y walang silbi
para sa mga naghahari-harian sa kalsada dahil umaabante at humihinto sila kung
kailan nila naisin. At ang mga haring ito rin ang nagpoprotesta at humihiling
ng matinong pagbabago sa lipunan at sa gobyerno. Samantalang sila ang kailangan
ng drastiko at kagyat na pagbabago.
"Okay ka lang ba, Aljur?" tanong ko kay Aljur na noo'y nakahiga sa likuran
ng autong aking minamaneho. Hindi siya kumibo. Nakatingin lang siya sa akin
nang tinawag ko ang kanyang pansin at pangalan. Wari ko'y gusto
na niyang sukuan ang buhay. Banaag ko sa kanyang mga mata ang kanyang pakadismaya sa
maraming bagay.
Si Aljur ay isang magandang
halimbawa ng taong walang kakuntentuhan sa buhay.
Kung tutuusin maganda ang
trabaho ni Aljur, may tinitingalang karera at malaki ang kinikita kaya't sinong
mag-aakala na sa kabila ng tinatamasa niyang tagumpay ay ang pagnanais niyang
kitilin ang sariling buhay. Ang kanyang hanap-buhay ay kinaiinggitan ng marami,
sabihin na nating: kabilang na ako. Subalit sa mababaw at makasariling dahilan
ay nais niyang talikuran ang suwerte at pagpapalang ito --- dahil lang umano sa
ilang mga bagay na sapilitan niyang ginagawa na sa tingin ko nama'y simple
lamang at hindi gaanong mahirap.
"Wala namang madaling trabaho, kailangan ng sakripisyo upang
kumita ng pera para sa kinabukasan, para sa pamilya at para sa ating mga
sarili. 'Yung iba nga kulang ang buong maghapon at magdamag para kumita ng
sapat ngunit hindi sumusuko at patuloy na nilalabanan ang hamon ng buhay." payo ko noon kay Aljur na
ewan ko kung kanyang pinakinggan at kung narinig man niya ay ewan ko kung
kanyang lubos na naunawaan.
Hindi lingid kay Aljur na
marami ang hikahos at naghihirap ngayon ngunit hindi niya ito pansin dahil
binubulag siya ng napakatayog niyang ambisyon sa buhay.
Ano't kinailangan niyang
tanggihan ang trabahong may malaking kabayaran kada buwan para sa ilang gabing
pagsasakripisyo?
Ano't kinailangan niyang
angilan at ambaan ang mga taong nagsusubo ng pagkain sa kanyang bibig?
Ano't bigla na lamang niyang
naisipang isara ang pintuan ng oportunidad na sa halos isang dekada ay nagbigay
kaginhawaan sa kanyang buhay?
"Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao." pangangatwiran ni Aljur sa
akin. Sinang-ayunan ko ang kanyang punto ngunit hindi naman ibig sabihin nun na
kagyat siyang magdedesisyong abandunahin ang kompanyang kanyang pinapasukan.
Hindi ko 'yun inaasahan. Dahil alam kong may sapat siyang talino at hindi
magpapadala sa bugso ng damdamin at panibughong tiyak na magpapahamak sa kanya
at makakaapekto sa kanyang kinabukasan. May tamang oras at panahon para sa
lahat ng bagay at sa tingin ko'y hindi ito ang tamang panahon para gawin niya
ang maling desisyong ito.
Naalala ko pa noong halos
lumuhod siya sa pagmamakaawa matanggap lang siya sa kompanyang kumupkop at
nagbigay sa kanya ng isang magandang oportunidad. Gusgusin pa si Aljur noon at
halatang kulang sa bitamina at nutrisyon dahil sa pispis niyang pangangatawan.
Ngunit dahil sa taglay niyang karisma at talentong hindi pa ganap na nahihinog
ay napagbigyan ang kanyang pangarap at pagkakataon. Pagkakataong hinahangad at
naipagkait sa maraming taong patuloy na nangangarap nito. Unti-unti sa tulong
ng kanyang pinagtatrabahuhan ay nabubuo ang kanyang mga pangarap na dati'y
panaginip lang at sa hindi ko malirip na dahilan ay humantong sa ganito ang
lahat.
Halos isang oras pa ang
lumipas nang marating ko ang pinakamalapit na ospital --- ang biyaheng ito na
dapat ay labinglimang minuto lang kung tutuusin. Pagkatapos kong makalusot sa
masikip na trapikong maari namang malunasan kung may disiplina lang sana ang
lahat. Nagpadagdag pa sa problema ang mga traffic enforcer na namimili ng
motoristang kanilang sisitahin at huhulihin. Nakakadismaya lang malaman at
napakahirap maunawaan na mas mahigpit na binabantayan nila ang lumalabag
umanong pribadong motorista samantalang lantaran ang pagwawalanghiya at
pambababoy sa batas-trapiko ng mga pampublikong sasakyan kumpara sa kanila.
Wala ako sa posisyon para
husgahan si Aljur at ang kanyang naging desisyon ngunit masyadong marahas ito,
sa tingin ko. Sa palagay ko'y wala pa siyang napapatunayan ng husto sa
industriyang kanyang kinabibilangan para magdemand. Nakalulungkot na kailangang
humantong ang lahat sa ganitong marahas na sitwasyon.
Ngunit sana ang paghatid ko
kay Aljur dito sa ospital na ito'y magbukas ng bagong pag-asa at kaliwanagan sa
kanyang isipan na hindi lahat ng gusto natin ay maipagkakaloob sa atin minsan
kailangan nating yakapin kung anong biyaya ang ibinigay sa atin.
Sana
pagkalipas ng pagsubok na ito ay marealize ni Aljur na ang tunay na kahulugan
ng kaligayahan dapat ay ang pagkagusto mo sa kung anong bagay ang meron ka, hindi ‘yung maligaya
ka lang dahil meron ka ng mga bagay na gusto mo.
At ‘pag taliwas ang
pananaw mo sa salitang ‘kaligayahan’ malamang ay magdulot ito sa’yo ng pagkayamot at
pagkadismaya sa buhay.
Agad na inasikaso ng mga
nurse at hospital staff si Aljur. Inilagay siya sa stretcher at kagyat na
dinala sa Emergency Room upang maobserbahan ng doktor. Sa puntong iyon ay hindi
ko na nakita ang susunod na gagawin kay Aljur at hindi ko rin alam kung
mapaglalabanan at maliligtasan ba niya ang panganib na kanyang sinuong.
Nasa kamay na ito ng mga
doktor na magsasagawa ng kanyang maselang operasyon. Oo nga't hindi diyos ang
mga doktor ngunit may kakayahan at kapasidad silang magligtas ng buhay --- gaya
ng buhay ngayon ni Aljur. Hindi sila mga diyos ngunit handa silang tanggapin
ang sinumang taong nangailangan ng kanilang tulong.
At sa tulong ng mga doktor
at sapat na panahon, sana'y masalba pa ang naghihingalong buhay ni Aljur dahil segundo lang ang pagitan ng buhay at ng
kamatayan, segundo lang ang kailangan upang agawin ang buhay mula kay
Kamatayan.
Tuwing binabasa ko ang mga bago mong paskil, humahanga ako.
ReplyDeleteNai-inspire akong magsulat at magkuwento.
Nakakaaliw kasing basahin ang mga sinusulat mo. :)
Meron lang po sana akong pakiusap nais ko lang po sanang hingin ang inyong pahintulot na gamitin ko ang inyong dalawang akda para suriin. At kung mamarapatin po sana ninyo baka po maaaring makuha ang inyong buong pangalan o kaya naman ay email add. Salamat po.
I agree. Mataba po talaga ang utak ni Kuya Ramil. Halimbawa na ang post na ito. :)
DeleteHi Marvie, Hi Joesef, (kaway-kaway)
DeleteNatakot naman ako Marvie sa 'susuriin' mong akda ko, alam ko may mga flaw ang mga ginagawa ko kaya parang sa tingin ko hindi aakma sa panglasa ng mga nakapag-aral ng tamang pagsulat ng literature. Anyways, salamat sa pag-appreciate. Pwede mo kong email dito: limarx214@yahoo.com.ph then bigay ko sa'yo real name ko sa'yo sa FB para kunwari close tayong dalawa, hehe.
@Sep, mas mataba ang aligi ng crab kaysa sa akin, kaya nga may term na crab mentality. haha, makasagot lang.
Magandang araw sa lahat, lalo na kay Aljur na nasa 50/50 situation pa rin. :)