Showing posts with label traffic. Show all posts
Showing posts with label traffic. Show all posts

Thursday, January 29, 2015

Park You!

Hindi lang natin gaanong pansin pero malaking suliranin na ng bansa partikular na sa Kalakhang Maynila ang espasyo ng parking. Kadalasan, nagiging sanhi ng kaguluhan at awayan ang agawan sa parking. Meron ngang isang insidenteng ganito sa Marikina na nagresulta sa pagkamatay ng isang ginang dahil hindi nagbigayan sa parada.


Sa Kamaynilaan, may malaking bahagi at kontribusyon sa pagsikip ng daloy ng trapiko ang mga nakahambalang at nakabalagbag na iba't ibang uri ng sasakyan. Sa maraming car/vehicle owner dito sa atin ipinagpapalagay nila na ang tapat ng bahay nila ay extension ng kanilang pag-aari at may karapatan silang iparada ang kanilang sasakyan (jeep, tricycle, pedicab, AUV, SUV, sedan, trak, etc.) kesehodang nasa masikip na eskinita lang sila o nasa main road na daanan sana ng mabibilis na sasakyan.


Dahil sa kaisipang ganito, may mga insidenteng binabasag ang windshield, pina-flat ang gulong o ginagasgasan ang isang sasakyang 'di sinasadyang makapag-park sa parking space umano nila. At ang kaawa-awang biktima ay clueless sa kung sino ang maysala sa kagaguhang ginawa sa kanyang sasakyan.


Napakalabong maisulong ang batas na magbabawal sa mga sasakyang (pribado man o pampubliko) magparada sa kalsada. Napakalabo dahil malaking porsiyento ng mga car/vehicle owner dito sa atin ay wala namang paradahan. At kung mayroon mang 'available parking space with pay' malabo pa sa tubig-kanal na may pumatos dito dahil bakit ka nga naman gagastos ka ng isang libong piso o mahigit pa para sa maliit na espasyo ng parada kung libre lang naman sa kalsada at wala pang sumisita.


Halos hindi nababawasan ang sasakyan sa Kamaynilaan bagkus lalo pa itong dumarami, at sa pagtantiya ng LTO ay libo rin ang dinadagdag sa kalsada ng Kamaynilaan kada taon kabilang na ang mga dambuhalang trak at bus. At sa pagdagsa ng maraming bilang na ito, asahan mo na rin ang pagsikip ng kalye hindi lang dahil sa mabagal na daloy ng trapiko kundi dahil ang mga kalyeng dapat sana'y maluwag na ating dinaraanan ay pinasikip at sinakop ng mga sasakyang ipinarada ng mga iresponsable at walang pakialam sa ibang motorista na mga car/vehicle owners.


Ang iligal na pagparada sa kalsada ay hindi lang sektor ng ekonomiya o negosyo ang apektado, sa maraming pagkakataon nagiging sanhi rin ito ng pagkaantala ng mga bumbero sa tuwing sila'y rumiresponde sa isang sunog saanmang lugar sa Kamaynilaan. Ang dati nang masikip na kalsada'y lalong sumisikip dahil sa kabi-kabilang nakabalagbag na sasakyan. At sa oras ng isang emergency hindi kaagad makakapasok ang mga otoridad na sasawata o may kapasidad na pumigil sa 'di inaasahang sakuna o aksidente.


May kaukulang multa para sa mga motoristang iligal na nagpaparada ng kanilang sasakyan sa Kamaynilaan pero tila walang silbi ito para sa kanila. Hindi nila iniinda o ‘di sila nababahala kung sakaling may mag-tow ng kanilang sasakyan dahil ang lahat ng kampanya para mabawasan (kundi man mawala) ang illegal parking ay pawang mga ningas-cogon lang – muli nating napatunayan na walang ngipin ang batas dito sa atin. May pagkakataon namang ang may-ari ng sasakyan kung sisitahin ay kakasa at magbabanta sa pobreng magpapatupad ng batas.

May mga kalsadang medyo maluwag naman kung susuriin gaya ng R-10, Abad Santos Ave., Rizal Ave., maraming kalye sa Maynila, Quezon City, Parañaque, Caloocan at iba pa, pero dahil nga open space for parking ang LAHAT ng kalsada sa atin at dahil din walang kakayanan ang mga tagapagpatupad ng batas na sitahin ang mga iligal na naka-park -- nagmimistula itong masikip na nagreresulta sa "traffic". Isipin mo na lang kung maaalis LAHAT ng mga sasakyang nakaharang sa kalsada, hindi ba't may mas mailuluwag pa ang daloy ng trapiko?


Hindi nagkakaroon ng widening project ang DPWH o MMDA para sa convenience ng pribadong mamamayan, ginagawa ang mga ganitong proyekto dahil nais ng pamahalaan na mas maluwag, mas swabe at maibsan kahit papaano ang problemang trapiko. Ngunit marami ang nag-a-assume na ang pinalawak at sinimento o inaspaltong kalsada sa tapat ng bahay nila ay pag-aari rin nila kaya't asahan mo na ang komportableng pagpa-park ng kani-kanilang sasakyan, na 'yung iba sa sobrang pagiging komportable ay naglalagay pa ng tent sa kotse nila na proteksyon sa mainit na araw at hamog ng ulan.


Mahirap masanay sa mali pero 'yun ang pinapamulat sa atin ng karamihan at kahit ang mga otoridad. Ang pangatwiranan ang isang mali ay pagpapakita ng kamangmangan at kaarogantehan at mahirap kalabanin ang mga taong may ganitong pangangatwiran dahil siguradong mawawalang saysay ang lahat ng iyong ipinaglalaban. Ang akala nating maliit na bagay lang ay lumalago kalaunan at dahil sa pagkunsinti ng mga dapat sana'y may kakayahang supilin ang isang mali magiging parang anay ito na bubuwag at guguho sa matibay na pundasyon ng isang lipunan.


Kahit saan man tingnan o suriin, ang mali ay mali -- maliit man ito o malaki.
Ngunit ang nakalulungkot walang ginagawang inisyatibo ang sinuman para ito'y umayos at itama. Madalas pa nga, hinayaan na lang nila ang ganito dahil ito na ang nakasanayan. At kung mayroon mang maglalakas loob na sumita dalawang bagay lang: una, makukuha lang ito sa lagay at areglo, ikalawa, may padrino o may katungkulan ang sinisita.

At hindi lang sa Illegal Parking ito applicable kundi sa halos lahat ng ilegal na aktibidades sa ating bansa.

Tuesday, August 26, 2014

50/50



Segundo lang ang pagitan ng buhay at ng kamatayan.
Segundo lang ang kailangan upang agawin ang buhay mula kay Kamatayan.
- - - - -

Walang bisa ang pagsita ko sa mga jeepney driver na nakahimpil sa may gitna ng kalsada na nagbababa at nagsasakay ng pasaherong kapwa matitigas ang ulo.
Hindi umubra ang pilit kong galing sa pagmamaneho upang lusutan ang mga astig sa lansangang mga kuliglig, tricycle at pedicab na walang respeto sa ibang motorista.
At tila hindi sapat ang malakas, walang patid at nakaririndi kong busina para paraanin ang aking sasakyan upang maisalba ang buhay ng lulan kong si Aljur.


Mga wala silang pakialam kahit na ang isinisigaw ko'y 'EMERGENCY' at kahit halos mapatid na ang litid ko sa kasisigaw at pagmamakaawa sa kanila na ako'y kanilang paraanin at pagbigyan.


Hindi ko naman nais na sila'y agawan ng pasahero, ang nais ko lang ay umusad at umandar sila dahil berde ang ilaw ng trapiko --- kahit ngayon lang.
At wala rin akong balak na silang lahat ay aking manduhan at awayin, ang nais ko lang ay mabigyan ng kahit kaunting espasyo ang sasakyang aking minamaneho --- kahit sandali lang.
Dahil lahat nga (raw) sila'y nais na makapag-uwi ng ilang daang pisong para sa pamilya, okay lang sa kanila ang makaabala sa ibang motorista at 'di nila alintana na ang pagbibigay ng kahit kaunti sa kalsada ay makapagsasalba ng isang mahalagang buhay para sa ibang pamilya.


"Putang ina mo, lumipad ka!" ganting sigaw sa akin ng driver nang nakabalagbag niyang jeepney, siguro'y nairita sa tuloy-tuloy kong pagbusina sa kanya. Nagbababa siya ng isang pasaherong tila wala sa sariling pumapanaog nang pagkabagal-bagal na tila nang-aasar. Silang lahat, kabilang na ang maraming mga commuter at pedestrian na walang iniisip kundi ang kanilang mga sarili ay mga walang pakialam sa posibleng kahihinatnan ng aking sakay na si Aljur, na sa sandaling iyon ay nasa pagitan ng buhay at kamatayan.


Tanaw ko mula sa aking kinauupuan ang mga traffic enforcer na sa pakiwari ko'y walang pakinabang. Suot ang unimporme nilang matingkad na kulay dilaw, sila'y nakatanghod lang sa mga pedestrian na walang kawawaang tumatawid sa gitna ng lansangan sa halip na sa footbridge na nasa kanilang ulunan;  nakatanaw lang sa mga jeepney na walang pakundangan sa paghinto sa kung saan-saan --- parang mga asong iluluwal ang kanilang tae kung saan sila abutan; nakatingin lang sa mga sasakyang tatlo ang gulong na bigla-bigla na lang sumusulpot at hinaharang ang daanan na dinadaig ang isang taxi sa dami ng bilang ng mga sakay.


Ang ilaw ng trapiko kada kanto na nakainstala sa kahabaan ng kalsadang binabagtas ko'y tila isa lamang banderitas na dekorasyon sa tuwing may piyesta --- ang mga ito'y walang silbi para sa mga naghahari-harian sa kalsada dahil umaabante at humihinto sila kung kailan nila naisin. At ang mga haring ito rin ang nagpoprotesta at humihiling ng matinong pagbabago sa lipunan at sa gobyerno. Samantalang sila ang kailangan ng drastiko at kagyat na pagbabago.


"Okay ka lang ba, Aljur?" tanong ko kay Aljur na noo'y nakahiga sa likuran ng autong aking minamaneho. Hindi siya kumibo. Nakatingin lang siya sa akin nang tinawag ko ang kanyang pansin at pangalan. Wari ko'y gusto na niyang sukuan ang buhay. Banaag ko sa kanyang mga mata ang kanyang pakadismaya sa maraming bagay.

Si Aljur ay isang magandang halimbawa ng taong walang kakuntentuhan sa buhay.


Kung tutuusin maganda ang trabaho ni Aljur, may tinitingalang karera at malaki ang kinikita kaya't sinong mag-aakala na sa kabila ng tinatamasa niyang tagumpay ay ang pagnanais niyang kitilin ang sariling buhay. Ang kanyang hanap-buhay ay kinaiinggitan ng marami, sabihin na nating: kabilang na ako. Subalit sa mababaw at makasariling dahilan ay nais niyang talikuran ang suwerte at pagpapalang ito --- dahil lang umano sa ilang mga bagay na sapilitan niyang ginagawa na sa tingin ko nama'y simple lamang at hindi gaanong mahirap.


"Wala namang madaling trabaho, kailangan ng sakripisyo upang kumita ng pera para sa kinabukasan, para sa pamilya at para sa ating mga sarili. 'Yung iba nga kulang ang buong maghapon at magdamag para kumita ng sapat ngunit hindi sumusuko at patuloy na nilalabanan ang hamon ng buhay." payo ko noon kay Aljur na ewan ko kung kanyang pinakinggan at kung narinig man niya ay ewan ko kung kanyang lubos na naunawaan.


Hindi lingid kay Aljur na marami ang hikahos at naghihirap ngayon ngunit hindi niya ito pansin dahil binubulag siya ng napakatayog niyang ambisyon sa buhay.
Ano't kinailangan niyang tanggihan ang trabahong may malaking kabayaran kada buwan para sa ilang gabing pagsasakripisyo?
Ano't kinailangan niyang angilan at ambaan ang mga taong nagsusubo ng pagkain sa kanyang bibig? 
Ano't bigla na lamang niyang naisipang isara ang pintuan ng oportunidad na sa halos isang dekada ay nagbigay kaginhawaan sa kanyang buhay?


"Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao." pangangatwiran ni Aljur sa akin. Sinang-ayunan ko ang kanyang punto ngunit hindi naman ibig sabihin nun na kagyat siyang magdedesisyong abandunahin ang kompanyang kanyang pinapasukan. Hindi ko 'yun inaasahan. Dahil alam kong may sapat siyang talino at hindi magpapadala sa bugso ng damdamin at panibughong tiyak na magpapahamak sa kanya at makakaapekto sa kanyang kinabukasan. May tamang oras at panahon para sa lahat ng bagay at sa tingin ko'y hindi ito ang tamang panahon para gawin niya ang maling desisyong ito.


Naalala ko pa noong halos lumuhod siya sa pagmamakaawa matanggap lang siya sa kompanyang kumupkop at nagbigay sa kanya ng isang magandang oportunidad. Gusgusin pa si Aljur noon at halatang kulang sa bitamina at nutrisyon dahil sa pispis niyang pangangatawan. Ngunit dahil sa taglay niyang karisma at talentong hindi pa ganap na nahihinog ay napagbigyan ang kanyang pangarap at pagkakataon. Pagkakataong hinahangad at naipagkait sa maraming taong patuloy na nangangarap nito. Unti-unti sa tulong ng kanyang pinagtatrabahuhan ay nabubuo ang kanyang mga pangarap na dati'y panaginip lang at sa hindi ko malirip na dahilan ay humantong sa ganito ang lahat.


Halos isang oras pa ang lumipas nang marating ko ang pinakamalapit na ospital --- ang biyaheng ito na dapat ay labinglimang minuto lang kung tutuusin. Pagkatapos kong makalusot sa masikip na trapikong maari namang malunasan kung may disiplina lang sana ang lahat. Nagpadagdag pa sa problema ang mga traffic enforcer na namimili ng motoristang kanilang sisitahin at huhulihin. Nakakadismaya lang malaman at napakahirap maunawaan na mas mahigpit na binabantayan nila ang lumalabag umanong pribadong motorista samantalang lantaran ang pagwawalanghiya at pambababoy sa batas-trapiko ng mga pampublikong sasakyan kumpara sa kanila.


Wala ako sa posisyon para husgahan si Aljur at ang kanyang naging desisyon ngunit masyadong marahas ito, sa tingin ko. Sa palagay ko'y wala pa siyang napapatunayan ng husto sa industriyang kanyang kinabibilangan para magdemand. Nakalulungkot na kailangang humantong ang lahat sa ganitong marahas na sitwasyon.
Ngunit sana ang paghatid ko kay Aljur dito sa ospital na ito'y magbukas ng bagong pag-asa at kaliwanagan sa kanyang isipan na hindi lahat ng gusto natin ay maipagkakaloob sa atin minsan kailangan nating yakapin kung anong biyaya ang ibinigay sa atin.
Sana pagkalipas ng pagsubok na ito ay marealize ni Aljur na ang tunay na kahulugan ng kaligayahan dapat ay ang pagkagusto mo sa kung anong bagay ang meron ka, hindi ‘yung maligaya ka lang dahil meron ka ng mga bagay na gusto mo.

At ‘pag taliwas ang pananaw mo sa salitang ‘kaligayahan’ malamang ay magdulot ito sa’yo ng pagkayamot at pagkadismaya sa buhay.

Agad na inasikaso ng mga nurse at hospital staff si Aljur. Inilagay siya sa stretcher at kagyat na dinala sa Emergency Room upang maobserbahan ng doktor. Sa puntong iyon ay hindi ko na nakita ang susunod na gagawin kay Aljur at hindi ko rin alam kung mapaglalabanan at maliligtasan ba niya ang panganib na kanyang sinuong.
Nasa kamay na ito ng mga doktor na magsasagawa ng kanyang maselang operasyon. Oo nga't hindi diyos ang mga doktor ngunit may kakayahan at kapasidad silang magligtas ng buhay --- gaya ng buhay ngayon ni Aljur. Hindi sila mga diyos ngunit handa silang tanggapin ang sinumang taong nangailangan ng kanilang tulong.


At sa tulong ng mga doktor at sapat na panahon, sana'y masalba pa ang naghihingalong buhay ni Aljur dahil segundo lang ang pagitan ng buhay at ng kamatayan, segundo lang ang kailangan upang agawin ang buhay mula kay Kamatayan.

Friday, August 1, 2014

Maynila, Sa Kuko ng Manileño



Kung pilipino ka hindi mo na dapat pagtakhan ang napakasikip na trapiko sa Kamaynilaan at sa karatig nitong lalawigan, hindi na bago sa paningin mo at sa iyong pang-amoy ang marumi at mabahong Kalakhang Maynila. Minsan na ring binansagan ng isang english author na ang Maynila raw ay 'Gates of Hell', marami ang tumuligsa dito ngunit marami ring sumang-ayon, umamin at hindi na nagmaang-maangan pa sa tunay na kalagayan ng lungsod.
Dahil sa deka-dekadang problema at senaryong ito tila nasanay na tayo sa ganitong sitwasyon. Mabuti sana kung wala na tayong nakikitang solusyon at kaparaanan, mabuti sana kung wala tayong nakikitang mga opisyal na tagapagpatupad ng batas o walang nakahaing batas para sa sari-saring paglabag na ito - pero hindi e, mayroon at mayroong solusyon para dito, na sa kasamaang-palad at sa hindi malamang kadahilanan ay tila naging bulag  at naging inutil ang mga opisyales na may otoridad para dito.


Maynila. Tunay ngang kabisera ng Pilipinas dahil ito ang salamin ng kabuuan ng bansa. Populated. Marumi. Matrapik. Abala. Kanya-kanya. Kulang sa seguridad. Mapolusyon. Kulang sa disiplina. Masaya. Magulo. Maingay. Maraming shopping mall at maraming negosyo. Masaya.
Kung ano ang makikita mo sa Maynila, humigit-kumulang ay siya mo ring makikita sa kabuuan ng bansa. Sa napakaraming sutil na mga pilipino (hindi lang Manileño) kailangan natin ng opisyal na may tapang at bayag upang supilin at suwayin ang pagkasutil na ito. Isa lang ang mabagal na trapiko sa maraming problema ng bansa pero kung mababawasan at maiibsan lang ito ng kahit na kaunti malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya ng bansa.


Marami na ang nagpapalit-palit na opisyales sa MMDA ganundin sa opisina ng alkalde ng iba't ibang lungsod ng Kamaynilaan pero tila nakagapos ang kanilang mga kamay para hambalusin ang mga pasaway sa kalsada. Sigurado naman tayong alam nila ang nangyayari sa kanilang nasasakupan.
Naawa ba sila sa mga huhulihin nila o gusto talaga nila ang masikip na trapiko?
Kulang ba ang sweldo ng mga traffic enforcers o naduduwag silang ipatupad ang batas?
Hindi ba sila komportable sa magandang dulot ng maluwag na trapiko o ineffective sila bilang opisyal ng gobyerno?


Madalas na ipinagmamalaki ng kung sinong pangulo ang pag-angat (umano) ng ekonomiya ng bansa. Kahit hindi maramdaman ng mga ordinaryong pilipino ang pahayag na ito gusto kong paniwalaan ito ng may halong pagdududa. Kung may kakayanan pala tayong umangat at umunlad bakit hindi natin kayang ipatupad ang mga batas sa lansangan? Siguro'y kalabisang ihambing ang ibang mga bansa sa atin pero hindi maiiwasang ikumpara ang trapiko at mga traffic enforcer nila sa atin. Walang problema sa ating batas kaya't hindi na natin kailangan pa ng karagdagang multa (na isinusulong ngayon) sa mga traffic violator kailangan lang ay ang mahigpit na pagpapatupad nito.


Noong golden age ng Subic, walang sinuman ang sumubok na suwayin ang batas trapiko doon na hindi hinuli kahit na walang nakaistasyong enforcer sa lugar na pinangyarihan. Kahit walang traffic light, ang lahat ng sasakyan sa intersection ay kusang humihinto upang magbigay daan sa kung sino ang nauna. Walang motoristang nag-uunahan o nagkakarerahan sa kalsada. Walang pedestrian na basta-basta na lamang tumatawid. Walang sasakyang lumalampas sa itinakdang speed limit.
Bagama't ngayon ay mangilan-ngilang pang motorista gumagawa nito sa Subic mas marami nang hindi ito alintana, walang pakundangan dahil sa nakasanayang pagmamaneho sa kalsada ng Maynila.


Magkakahalong inis, pagkadismaya, inggit at tukso ang iyong mararamdaman sa tuwing may mga motoristang intensiyonal na nagkacounterflow o nagbeating the red light upang makauna sa kalsada. Inis at pagkadismaya dahil malaking dahilan sila kung bakit lumalala ang masikip na trapiko sa Kamaynilaan. Inggit at tukso dahil kahit papaano'y may pagnanais ka ring gawin ito sa pagnanais na maaga kang makauwi at makasama ang pamilya. Ngunit hangga't maari bilang isang matino at may pagnanasang magbago ang sistema maghihintay kang umandar ang linya kung saan naroroon ang sasakyan mo. Ang paghihintay ng ilang minuto sa pagpapalit ng ilaw na berde ay hindi makakabawas sa pagkatao bagkus isa kang ehemplo sa paningin ng iba pang motorista.


To be fair, mayroon pa namang mga lugar sa Pilipinas ang malinis at disiplinado ang mga taong naninirahan dito kahit hindi gaanong progresibo. Sinusunod ang batas trapiko at ginagalang ang nagpapatupad ng batas bilang ganti ay nirirespeto rin ang motorista at pedestrian at hindi kanya-kanya ang sistema. Dahil dito at bilang isang motorista ay mapapasunod ka sa pinaiiral na batas, marahil ito rin ang dahilan kung bakit ang mga pilipino sa ibang bansa ay matinong sumusunod sa batas na pinapatupad doon.


Naging epektibo ang mahigpit na batas at polisiya noon sa Subic kaya ito'y naging maunlad at disiplinadong lugar na nagresulta rin sa napakaganda at napakaluwag na daloy na trapikong dapat na tularan ng lahat ng lungsod at bayan sa Kamaynilaan at iba pang lalawigan. Kung ipapatupad natin ang batas sa mahirap man o mayaman, kung may bayag ang mga traffic enforcer o pulis na hulihin ang lahat ng lumalabag sa batas (pedicab driver man o driver ni congressman), kung hindi tayo maaawa sa mga lantarang nanggagago sa batas at kung may political will lang sana ang lahat ng mga nanunungkulan at nasa pwesto, maaari at posibleng mabawasan ang ilang dekadang mga problema nating ito:
 

  • tambak ng basura sa gilid at gitna ng daan 
  • marumi at baradong kanal, ilog at estero
  • mga tricyle/pedicab/kuliglig sa main road
  • nagkacounterflow na mga motorista
  • illegal na vendor sa sidewalk man o hindi
  • motoristang nagbi-beating the red light
  • pedestrian na nagji-jaywalking
  • sinarang kalsada dahil sa paliga ng baranggay o sa pasakla ng may patay o may nagbirthday na taong maimpluwensiya
  • mga sasakyang nakabalagbag at iligal na nakaparada sa kalsada
  • matagal na pagsasaayos ng daan
  • hindi sinusunod na traffic lights at traffic regulations
  • smoke belcher na mga sasakyan
  • overloaded na truck, kuliglig, tricycle, buses at jeepney
  • iligal na structure na nakasagabal sa daan; bahay man o tindahan
  • mga kunsintidor na traffic enforcer
  • mga violator ng number coding at truck ban 
  • mga astig at walang modong motorista
  • dumaraming pulis na nasusuhulan  


Hindi maikakaila na kawalang galang at kakulangan sa pagmamahal sa bayan ang malaking dahilan ng mga hindi kanais-nais na gawaing ito ng ating mga kababayan pero may malaking kontribusyon sa paglala nito ay ang ating mga tagapagpatupad ng batas. Nakakasawa na ang marumi at matrapik na Kamaynilaan at sa mahaba-habang panahon ay ito na ang ating nakagisnan. Kung kulang o walang disiplina ang mga Manileño o kahit sinong pilipino, dapat tumbasan ito ng paghihigpit at pagpapatupad sa batas sa kahit kanino ng walang sinisino. 'Yun lang at tapos ang kwento.