Thursday, August 14, 2014

Sa Looban (Hindi ito Fiction)

Isang hapon ng Miyerkules, sa kagustuhan kong mapadali nang uwi, dumaan ako sa masikip na eskinita ng Delpan. Sa looban. Normal na sa akin ang pagdaan doon (dahil ilang beses na rin akong nakapagdrive sa naturang lugar) kahit alam kong may kasikipan ang kalsada at maraming batang pakalat-kalye sa kalye.


Inaasahan kong normal na araw lang 'yon para sa akin ngunit ilang metro lang pagkaliko ko mula sa kanto, eksakto na may batang babaeng nadapa sa gilid ng aking sasakyan, tumama ang mukha sa pinto ng auto at napabagsak siya sa daan.

Sa isang iglap, nagkaroon kaagad ng komosyon.

Ilang saglit pa ay dumagsa ang tao sa kalsada; tambay, usisero, baranggay, kamag-anak, kabarkada, kapamilya, kapuso, etc.
At sa halos lahat ng parte ng sasakyan ko ay may kumakatok. Pinilit kong magpakalma kahit alam kong pwedeng bigla na lang hampasin ng kahoy ang salamin ng kotse o batuhin ng bato ang kotse 
mismo.

Walang pagdadalawang-isip, binuksan ko ang pinto. Ngunit hindi ako bumaba.

“Tara, dalhin natin sa Ospital!” nagmamadaling sabi ko sa nanay ng batang ‘nabundol’ ko.

Sumakay ang bata at ang kanyang nanay sa likod ng kotse.

Habang nagdadrive patungong pagamutan, ang lakas ng iyak ng bata – dahil nga nasa likuran ko hindi ko alam kung ano ang damage na tinamo niya.
Sari-saring pangitain ang nasa isip ko;
“Paano kung napuruhan ang bata? “
“Paano kung malala ang lagay niya? “
“Makakapatay ba ako?”
“Makukulong ba ako ngayong gabi?”
“Paano na ang mga dokumento kong gagawin para bukas?”


Isa pa sa inaala ko ay ang pera ko sa wallet. Isang libo lang kasi ang laman ng pitaka ko. No more. No less. Iniisip kong sa X-Ray Fee pa lang ay baka kapusin na ako.
Ganun pala ang pakiramdam kung labis ang kabang iyong nararamdaman, kahit ilang daang metro lang ang lapit ng hospital sa lugar na pinangyarihan parang napakalayo nito para sa akin.


Nanginginig ang kamay ko at nangangatog ang tuhod ko. 


At sa dami talaga ng bata sa kalsadang aking binabagtas sobra ang ingat ko, dahil ayokong maka-two hits sa isang araw lang.
Gamit ang kaliwang kamay – kailangang tumawag sa opisina upang magpadala ng extrang pera at sa misis ko para abisuhang siguradong mali-late ako dahil nakasagi ako ng bata. Hindi ko na pinahaba pa ang detalye dahil baka siya naman ang nerbyosin.


Sa wakas, ilang minuto pa ang lumipas ay narating ko rin ang ospital. 
Kasama ang nanay ng bata ay sabay kaming bumaba nang marating namin ang pinakamalapit na ospital.   


Agad kong sinuri ang bata hindi para i-estimate ang posibleng gastos ko kundi para malaman kung okay ba ang lagay niya. Sa puntong ‘yon medyo tahimik na siya hindi na rin umiiyak --- siguro’y nahimasmasan.
May gasgas sa kaliwang noong niya pero kailangang makasiguro.
Habang inililista ang pangalan ng bata at ng kanyang nanay sa logbook ng hospital ay bina-blotter naman ng officer of the day ng hospital ang aksidente. Ibinigay ko ang aking lisensya for record purposes daw. Kahit hindi ko ipinapahalata napansin niyang nandun pa rin ang panginginig ko.  


“Relax ka lang sir, maayos din natin ‘yan”, sabi niya.


Ang isa pa sa inaalala ko ay ang posibleng bayolanteng reaksyon ng nanay ng bata. Hindi naman kasi lingid sa lahat na posible akong maharass sa lugar na ‘yon, hindi ako makakareklamo/makakaangal kung sakaling magdemand ang nanay ng 'naaksidente' ko.


Pinahugasan ng doktor ang sugat ng bata. Sinuri. Inobserbahan. Tinanong kung nawalan ng malay, nahilo o nagsuka. Clear.
Nagbayad ako ng medico legal at kung ano-ano pang expenses sa ospital. Eksakto may Php500 pang natira sa akin.
Naghintay pa ng ilang sandali, maya-maya pa’y nagreseta ang doktor na agad naming binili sa mismong pharmacy ng ospital.


“Saan ba kayo sir, nakatira?” bungad na tanong ng nanay habang papunta kami ng pharmacy upang bumili ng niresetang gamot ng doktor.

“Sa Bulacan.” maikli at matipid kong sagot. Medyo asiwa ako sa magaganap na pag-uusap parang mayroong bakod na mesh wire na namamagitan sa aming dalawa. 
"Nakikiramdam ba siya o ako ang nakikiramdam?" tanong ko sa aking isip.

“Ganun po ba, ang layo niyo pala. Pasensya na po kayo ha naabala pa kayo.”

Mukhang mali yata ang iniisip ko at ng maraming iba pa na ‘pag nakatira sa slum area ay barubal na ang ugali.

“Hindi. Okay lang. Aksidente naman ang nangyari. Mabuti’t ganyan lang ang nangyari at hindi napahamak ang bata” bukas na ako sa isang usapan.

“Ikaw na muna ang magpunta sa pharmacy may kakausapan lang muna ako sa cellphone” sabay abot ko ng 500 pesos.


Ilang minuto pagkatapos kong sagutin ang isang tawag sa telepono nakasalubong ko siya sa hallway ng ospital. Ibinalik ang kaninang 500 pesos na inabot ko dahil siya na lang daw ang nag-abono ng gamot at walang panukli ang pharmacy.


Ilang sandali  pa dumating ang isang kagawad ng baranggay upang i-assist ang babae at i-assess ang naganap na aksidente. Ipinasulat ko ang cellphone number ko just in case may kakaibang sintomas na naramdaman ang bata.

Dumating na rin ang SOS kong pera mula sa opisina.

Muling binilinan ng doktor ang nanay ng pasyente. Clear.

Matapos ang humigit-kumulang dalawang oras at since may go signal na galing sa doktor ng ospital at officer of the day ay nagpapaalam na ang nanay at ang baranggay sa akin.

Nag-abot ako ng pera sa nanay pero pilit siyang tumanggi.

“Wag na po okay naman ang bata. Salamat na lang.” aniya.

Unusual ito, sabi ko sa sarili. Kung ang ibang mga tao ay sasamantalahin ang ganitong pagkakataon upang magkapera ang babaeng ito ay hindi.
Sa isang sulok ng aking isipan ay medyo nahiya ako sa aking sarili dahil unang impresyon ko sa ugali niya’y katulad ng mga taong oportunista. Pasensya naman.

“Sige na, kunin mo na ‘yan. Hindi ‘yan para sa’yo kundi para sa anak mo. Nasaan ba ang tatay niyan?” usisa ko.

Single mom po ako. Tatlo nga po ‘yan eh” pagtatapat niya,

“O, tatlo pala ‘yan eh. Sige na kunin mo ‘yang pera para sakali may pambili ka ng gamot o ng pagkain para sa kanila” pagpipilit ko.

Ser, hindi ako humihingi ng pera ha?” muli niyang pagtanggi.

Habang nakatingin ang baranggay official at ang officer of the day ng ospital na siya namang nagkumbinsi na tanggapin ang pera para makauwi na kami pare-pareho.

Ser, salamat ha? Ingat po kayo at pasensya na uli sa abala.” ang mga huling katagang sinabi niya sa akin bago namin iwan ang ospital. 

 - - - - -
Kahit hindi maganda ang gabing ‘yon para sa akin nagbigay naman ito ng isang magandang aral na naidulot na matagal bago ko makakalimutan.

Hindi porke sa "looban" nakatira, may masamang loob na.
Hindi porke hindi nabigyan ng magandang oportunidad, oportunista na. 

Dapat siguro na ang ‘ugaling iskwater’ na madalas nating naririnig ay hindi ikinakabit sa mga taong nakatira sa looban dahil marami sa kanila ang malinis kung lumaban.
Meron nga tayong kilala nakatira sa tila mansyong tahanan pero masahol pa ang ugali doon sa mga nasa kulungan. Ang problema, nananalo pa sila sa tuwing may halalan.

- E N D -

3 comments:

  1. That experience was an eye-opener, Kuya Ramil. Di ko sure kung maituturing na swerte ka sa nangyari since gumastos ka at naabala, pero yung lesson na natutunan mo that day is something you'll keep for the rest of your life.

    Thanks for sharing this story. Malaki ang pwedeng maging influence sa mga makakabasa nito. :)

    ReplyDelete
  2. nakakatrauma yon! para kong magugulpi nang narinig kong may sumigaw mula sa likod ko,
    kaya hindi na ko nagtagal sa lugar kasi ayokong pagpiyestahan. mahirap na, alam naman natin ang kapasidad nila.
    siguro swerte na ring matatawag yun kasi pera lang naman ang naging damage saka nakangiti akong umuwi kahit may naaksidente ako. ngiting totoo at walang pagkukunwari.

    basta nabaitan ako sa kanya, mayroon pa talagang ganong ugali sa may looban.

    ReplyDelete
  3. ei, mabuti at di ka dinumog, kunwelyuhan or worse, sinapak agad ng mga taga-roon. sabagay, di ka naman tumanggi o tumakas. saka, medyo okey naman sa may delpan area, nakatira na rin ako dyaan noong araw, sa gawi banda roon kami (pero dumadaan kami, noon sa area ng aksidente). wala naman akong untowards na experience sa mga tao, ahaha. mas problema sa baha meron sa lugar... i mean, compared sa qc na looban, mas likely doon makwelyuhan agad, ahaha. parang... ^^

    a, oo. di naman porke sa poor district e, perahan agad, kapatid. may mga disente rin, among the walang-wala. in the same manner, may magaganda ang bihis pero, nagti-take advantage agad sa sitwasyon, yon... basta, di lagi tama ang stereotype perception, as your experience showed. maigi rin for you, kamo nga.... cheers! :)

    ReplyDelete