Isang-daang milyon na ang bilang ng mga pilipino. Higit sa pitong bilyon na ang bilang ng tao sa mundo. Kung ngayon pa lang ay nakararanas na tayo ng unti-unting kakulangan sa supply ng pagkain paano kaya sa susunod na sampu o dalawampung taon pa? Kung ngayon pa lang ay naglalaho na ang karikitan at yaman ng dagat, bundok at kagubatan paano kaya sa paglipas ng ilang panahon pa?
Kaya bang pigilan ng mga tao
ang pagkaubos ng yamang-dagat at likas-yaman kung siya mismo ang dahilan ng
pagkasira at pagkawala nito?
'Wag na tayong magtanong at
magtaka kung bakit ang bansang agrikultural umano ay kinailangang mag-angkat sa
ibang bansa nang makakain upang matustusan lang ang kanyang sariling
pangangailangan.
Dahil ang dating bukid ay
kinatitirikan na ng dambuhalang mall, ang dating palayan ay ginawa ng magarang
subdivision, ang ilog ay natutuyo at ang dagat ay bumabaho, ang dating bundok
ay pinapasabog at unti-unti nang pinapatag. Paano kung dumating ang panahong
ipagbawal na ng mga bansang ito ang pagluwas at paglabas ng kanilang mga
produkto? Sasapat ba sa sarili niyang bansa ang kanyang mga pananim at pagkain
upang matustusan ang nagugutom niyang mamamayan? Sa halip kasi na linangin at
pagyamanin natin ang kalikasan para sa ating pangangailangan iba ang ginagawa
at pinagkakaabalahan natin.
Itim na nga marahil ang
kulay ng mundo.
Itim dahil sa labis na
polusyon at pag-abuso.
Itim dahil sa malaking pagbabago ng ugali ng tao.
- - - - -
Ang suliranin ng lipunan at
ng mundo ay sumisidhi at lumalala. Wala nang pagmamahal, halaga at respeto ang
tao sa kapwa niya tao, estranghero man ito o kanyang kadugo --- lalo na sa mga
hikahos at patay-gutom. Anak na kikitilin ang buhay ng ina, ama na hahalayin
ang anak o inang ibebenta ang kanyang paslit upang maging puta. Adik na
gagahasain ang sanggol, anak na kakatayin ang kanyang magulang at mga
pagpaslang ng walang kadahilanan. Ang tao ay tao at ang hayop ay hayop ngunit
tila nabaligtad na ito. Mas marahas na ang tao at mas mabangis na tayo kumpara
sa anumang hayop sa mundo. Mas kaibig-ibig na ang hayop kaysa tao at handa
natin itong gastusan ng libo-libo.
Ang buhay ay mahalaga ngunit
marami ang hindi na ito pinahahalagahan. Nakalulungkot na sagrado (raw) ang
buhay ngunit hindi naman ito ang ating nakikita. Tila ang motibo ng buhay
ngayon ay pera at kapangyarihan.
Pera na susuhol upang maging
makapangyarihan at kapangyarihan para sa patuloy na pagkamal ng maraming pera.
Ipinagpapalit natin ang buhay sa kapirasong pera at walang awang papaslang sa
pagtamasa ng huwad na kapangyarihan.
Ang sinumang may pera ay
tila diyos ang kakayanan. Siya ang magdidikta sa mundo, sa bukas at sa buhay.
Gagawin nitong diretso ang baluktot at itutuwid naman ang liko.
Ang sinumang makapangyarihan
ay tila haring mag-uutos. Mga alila'y susunod kahit labag sa batas, tutol sa kanyang
kalooban at susuway sa utos ng tunay na May Kapangyarihan.
Ang mga may pera at may
kapangyarihan, iniidolo at kinaiinggitan. Akala kasi natin perpekto ang
kanilang buhay, walang problema at walang alalahanin. At kung meron man madali
mong malulutas at mareresolba --- marami kasing paraan at impluwensiya. Ngunit
'di natin batid sa kabila ng pamumuhay ng may karangyaan ay ang napakaraming
pag-alala, pag-aalalang bumabagabag sa tila paranoid na pag-uutak. Takot sa
pagbagsak, takot na makanti ang putanginang pride, takot na marungisan ang dati
nang marungis na pangalan. 'Di natin batid (o tayo'y nagkukunwari) na kakambal
nang pagdami ng pera ang pagiging sakim at ganid. 'Pag sinamba ang pera tila
isa itong sumpa na mananahan sa taong gahaman. Ngunit kahit pa, lahat tayo'y
aasamin pa rin ito at ipagpapalagay na hindi tayo magbabago o ipapangakong
manananatili raw na nakaapak ang paa sa lupa. Ipagpapalagay na iba tayo sa
kanila, sa mga taong nag-iba ang pananaw dahil sa impluwensiya ng pera.
Moderno na ang mundo ngunit
paurong mag-isip ang mga tao.
Maligalig ang mundo, sinligalig
ng isip ng tao.
Mahirap intindihin at
mahirap unawain.
- May bibili ng ilang milyong dolyar na halaga ng drowing kesa magpakain at magsalba ng buhay ng milyon-milyong taong literal na pinapatay ng kagutuman.
- May maghahasik ng malalakas na bombang papaslang sa mga inosente't walang malay sa buhay para sa ilang ektaryang teritoryong lupain.
- May handang sumakmal ng (sagradong) buhay ng tao upang makuha lang ang hawak mong isang pirasong selepono o ilang daang piso.
- May alipin ng kanilang pananampalataya at ikakatwirang makatarungan ang kanilang pakikidigma --- aagaw ng buhay dahil sa (maling) paniniwala.
- - - - -
May layunin at dahilan daw
kung bakit tayo nabubuhay ngunit paano mo malalaman ang layuning ito kung bumabangon at nabubuhay ka lang upang maghanap-buhay? Wala tayong magawa at hinahayaan nating
tayo'y maging kasangkapan at alipin ng oras, ng pera, ng kabataan, ng
teknolohiya at ng kababawan.
Aanhin mo ang legasiya kung
nagugutom ang iyong pamilya?
Aanhin mo ang dangal kung
wala kang pambili ng medisina para sa iyong ina?
Aanhin mo ang marangal na
pangalan kung titira kayo sa tahanang walang bubungan?
Aanhin mo ang layunin at
dahilan kung natuto ka nang hindi kumilala ng dahilan?
Kung kahirapan, pagdurusa at kapighatian ang mararanasan nang marami
habang nasa mundong ito, payapa at wala na sanang paghihirap ang ating
kakaharapin doon sa kabilang buhay.
Ano ba ang higit na
mahalaga; ang makabuluhang pamumuhay o ang makahulugang kamatayan?
Kung nabubuhay kang hikahos
at salat sa buhay at kabuhayan, walang silbi sa iyo ang makabuluhang buhay o
walang halaga sa iyo ang makahulugang kamatayan sasang-ayunan mo ba kung sasabihin kong para lamang 'yan sa may
ambisyong maging bayani at dakila? Mas madalas sa minsan na ang asal, karakter
at ugali ng tao ay nakadepende sa kung ano ang kalagayan at katayuan niya sa
buhay, hindi ba't may may mga napipilitang mang-umit dahil salat sa yaman?
Mapalad ang kapos sa pera ngunit puspos sa kagandahang loob. Subalit bakit maraming
humihiga sa kayamanan na sagad sa buto ang kawalanghiyaan?
Mahiwaga nga (raw) ang
buhay. Misteryoso.
Datapwa't tinutuklas na ng
tao ang lihim sa likod ng bawat misteryong ito hindi naman natin binibigyang
kahalagahan ang buhay at karapatan ng tao. Kinakailangan nating abusuhin at
pagsamantalahan ang mundo, ang mga hayop, ang kalikasan, ang karagatan at ang
lahat. At LAHAT tayo'y bahagi ng kalapastangang ito (hindi man natin gusto,
hindi man natin maamin) para magpatuloy ang henerasyon ng tao, para uminog ang
modernong mundo, para magkalaman ang sikmura ng bawat tao.
Mahiwaga nga (raw) ang
buhay. Misteryoso.
Mas marami ang mga tanong
kaysa kasagutan. May mga tanong na may sagot ngunit mas pinili ng taong hindi
ito tugunin dahil marahil sa pagtatakip sa katarungan o sa ipinaglalabang
adhikain at katwiran.
Ang mga dating imposible'y
unti-unting naging posible. Ang milagro ay pinipilit ng taong maging karaniwan
sa tulong ng siyensiya. Darating ang panahong kaya na ng siyensiyang bumuhay ng
patay o bumalik sa nakaraan at gagawin nila ito ekslusibo (malamang) para sa
mga may pera at makapangyarihan.
Nakaapak na ang tao sa buwan at abot-kamay na
rin natin ang iba pang planeta, pangkaraniwan nang may namamasyal sa kalawakan
ngunit nagmamaang-maangan ang marami kung papaano makararating sa LANGIT.
Masaya daw ang buhay kung
pipiliin mong maging masaya. Ngunit paano nga ba ang sumaya kung 'di mo
mahagilap ang katarungan at hustisya?
Masarap daw ang mabuhay kung
masusulit mo ito. Ngunit paano nga ba sasarap ang buhay kung wala ka ni piso sa
iyong bulsa?
Sa modernong panahon ng
agham at siyensiya, malaki na ang ibinaba ang halaga ng iba't ibang uri ng
teknolohiya subalit nakapagtatakang 'di napipigilan ang pagtaas ng halaga ng
gamot at pagkain gayong ito'y pangunahing pangangailangan natin.
Sa pagsulpot at pagdami ng
iba't ibang uri ng komunikasyon at teknolohiya (virtual o kasangkapan, hardware
o software) kakatwa na inilalayo naman natin ang sarili natin sa totoong tao
--- kahit sa sarili nating pamilya. Lumilikha tayo ng sarili nating mundo,
mundong makasarili na lalason sa kanyang isip at papatay sa pakikipagkapwa-tao.
Noon pa man alam na nating
hindi patas ang mundo, batid na nating hindi madali ang buhay ngunit kadalasan
tayo rin ang nagiging dahilan upang humirap ito ng husto.
Hinahanap natin ang kapalarang tila ayaw magpahagilap.
Gutom tayo sa kasiyahan kahit busog tayo sa bagay na materyal.
Lahat ng nais nating malaman ay nasa teknolohiya ngunit
nakapagatatakang marami pa rin ang walang alam dahil hindi pursigidong may
malaman.
Ipinagpapalit natin ang pangangailangan para sa pangsariling interes at
kagustuhan.
At sa kagustuhang makibagay sa mundong kanyang kinabibilangan, ang
tao'y nagiging bihasa sa pagpapanggap kahit labag sa kanyang kalooban.
Kahit anong gawin bahagi na
ng daigdig ang kahirapan, digmaan, diskriminasyon, alipin, pagmamalabis, kagutuman, kasakiman, kaguluhan
at kamatayan. Marami na ang nagtangkang ito'y baguhin at pigilan ngunit gaya ng
ulan at baha noong panahon ni Noah, 'di rin mapipigilan ang pagragasa at pagkalat nito sa mundo.
Sa patuloy na pag-ilanlang paitaas ng makapangyarihan at mayayaman ay ang 'di maitatangging paglaganap ng
kahirapan at kagutuman, kabi-kabila ang karahasan at digmaan, 'di maipaliwanag na delubyo ng kalikasan, at ang pagsulpot ng mga karamdamang tila walang kalunasan.
Kung nalalapit na nga ang araw ng paghuhusga ay walang sinumang tiyak na makapagsasabi
ngunit iba na nga ang mundo kaysa dati at hindi ito ang kaganapan sa mundong
gusto nating MANGYARI.
Datapwa't marami na ang
nagmagalaing at nagprediksyong malapit na nga ang katapusan ng mundo at huhusgahan na ang mga tao ayon
sa kasalanan nito ngunit nananatiling lahat ng pagpapahayag na ito ay bigo at
palso. Walang pa ring makapagpapahayag kung kailan ang ating katapusan. Sabi nga,
bigla itong darating sa panahong 'di mo alam at inaasahan, gaya ng magnanakaw
na may dalang elemento ng sorpresa. Sa dami na ng kasalanan ng tao, kasalanang
lampas pa siguro sa inaasahan nating lahat, maari na marahil na muling malipol
ang tao kasama ng kanyang mga kabuktutan at kasalanan upang tayo'y magbigay daan sa bagong henerasyong walang muwang sa korapsyon,
sa kapalaluan, sa kasakiman at sa kapangyarihan.
Upang mapalitan na ang
umiitim na kulay ng mundo.
No comments:
Post a Comment