Tuesday, April 8, 2014

Pag-ibig, Buwan at Tag-init



Maalinsangan.
Nagpasya akong lumabas ng bahay upang magpahangin.
Minalas ko ang buwan. Kulang pa sa kalahati ang bilog nito.
Bigla kitang naalala at ang pagmamahal mo dahil tulad ng buwan, ang pag-ibig mo'y hindi husto.
Hinahanap ko rin ang mga bituing palagiang maningning. Mga bituing sana'y magpapasigla sa gabing ito na tila sumasabay sa kalungkutan ng marami.
Kabilang na ako.
Ewan ko ba. Ngunit sa dinami-dami ng mga gabing palagi silang nandiyan ngayong gabi'y ayaw nilang magpakita.
Nagkataon lang ba o ang tadhana'y nananadya?
Siguro'y mapanuya lang talaga ang mundo o kaya'y natapat na nagdadamot ngayon ang kalangitan.


Walang senyales na uulan o aambon man lang.
Katunayan, ang hangin na lumalabas sa bentilador ay mainit ang singaw parang usok na nagmumula sa bagong inin na sinaing hindi tulad ng pagtingin mong tila nawawalan na ng alab at init.
Sabi sa balita maghanda na raw sa inaasahang mataas na temperatura.
Tag-init na nga talaga. Pero bakit kaya hanggang ngayon wala ka pa? Ilang buwan na rin ng huli kang dumito.
Ano na naman kaya ang bago mong dahilan? Ganun ka naman parati. Napakahusay mong mangatwiran.
Mas mahaba na nga ang maghapon kaysa sa magdamag ngunit sa tulad kong tila panakip-butas lang sa relasyong dinadaig pa ang mga ilaw tuwing sasapit ang pasko sa pagpatay-sindi, mahaba at malamig pa rin ang darating kong mga gabi.
Maswerte nang maituturing kung sa loob ng isang buwan ay makita kita o mabisita mo ako sa kubling lugar na ito. Kahit nga tawag sa telepono hindi mo magawa. Maramot ka.
Sinasabi mo lang yata na ako'y mahal mo sa tuwing kapiling mo ako o sa tuwing ako'y kaniig mo pero sa mga panahong hindi tayo magkasama daig mo pa ang malalim na batis sa isang liblib na lalawigan. Walang imik. Walang kibo.


Tulad ng nakaraang mga gabi tiyak na malungkot na naman ang gabing ito.
Sabi mo dapat masanay na ako.
Pero 'tangina. Sino ang gustong makasanayan ang ganitong set-up?
Sinong martir ang tatagal sa ganitong klaseng relasyon?
Magpapakita ka lang kung kailan mo gusto. Para kang miyembro ng pusakal na riding in tandem na manunurpresa anumang oras ng anumang araw.
Ayokong isiping pinagpaparausan mo lang ako, ayokong isiping ginagamit mo lang ako. Ang lahat ng iyong kakulangan ay pinasisinungalingan ng aking pag-asa, pag-asang bumubuhay sa aking pangarap na tayo'y magsasama ng tahimik at habangbuhay. At gaya ng sampalataya ko sa iyong pangako, may sampalataya ako sa'yo.
Alam ko naman mahal mo ako. Ramdam ko 'yun sa tuwing nandito ka, sa tuwing namamalagi ka rito.
Pero ilang mga taon na rin pala ang binilang.
Ganoon pa rin ang mga sinasabi mo, ganoon pa rin ang mga pangako mo.
Nakabinbin ako sa kawalan samantalang ang pangarap ko nama'y patuloy na nakabitin.
- - -

Naalala ko noon, full moon. Sabi mo kung gaano kaperpekto ang bilog ng buwan ganoon din ang pag-ibig mo para sa akin, kung gaano kaganda ang liwanag na hatid nito ganoon din ang ipadarama mo sa akin.
Langit iyon para sa akin. Walang katumbas na kaligayahan.
Sa mga panahong iyon ginawa ko itong sandigan, labis-labis ang aking inasahan mula sa'yo. Ngunit gaya ng perpektong buwan, sandali lang ito nagtagal. Ilang gabi lang ang nakalipas nabawasan ang hugis ng buwan kasabay sa paglamlam ng liwanag nito.

Siguro kasalanan ko rin.
Masyado akong nagpadala sa'yo, sa mga matatamis mong mga pangako at salita. Dapat hindi ako masyadong umasa. Hindi mo naman ako masisisi, ang nais ko lang naman ay ang magmahal at mahalin. Pag-ibig ang laging nananaig sa tuwing nagpapasya akong komprontahin ka.
Ayokong sabihin na wala kang pinagkaiba sa iba dahil alam ko darating ang panahon na tutuparin mo ang lahat ng binitiwan mong mga pangako sa akin. Kahit katiting na lang ang liwanag na hatid ng iyong buwan, kahit natatabingan na ng ulap ang hugis nito; batid kong mangyayari ang lahat ng aking pinapangarap.

Sinindihan ko ang yosi.
Kahit alam kong hindi ito makakatulong sa aking mga agam-agam, kahit papaano'y makababawas ito ng aking pagkainis at pagkainip. Siguro kung mayroong dapat na magkaroon ng malubhang sakit dahil sa labis na pagyoyosi, ako na 'yun. Kung iipunin ang lahat ng mga nayosi ko simula ng ibahay mo ako rito siguro pwede na itong gawing pundasyon ng isang pangkaraniwang bahay, ganun karami. Bukod sa pagtingin ko sa kalangitan mapaaraw man o gabi, sa pagyoyosi na lang ang ako naaaliw at nalilibang.
Mabuti na rin sigurong sariling kalusugan ko na lang ang masira kaysa sirain ko ang aking bawat araw sa labis na pag-iisip at pag-alala ko sa'yo.

- - -
'Tangina talagang pagmamahal ito.
Kahit anong gawin ko hindi mawala sa aking isip na ginagago mo lang ako.
O pinaglalaruan mo lang ako pero hindi ko man lang makuhang manumbat at magtanong sa'yo. At kahit ganoon, sinasakyan ko pa rin ang tila pagkukunwari at huwad mong pag-ibig sa akin pero hindi ako sigurado. Ewan ko.
Aaminin ko, sa tuwing nalalasap ko ang sarap ng iyong laway ay nagigiyang ako para akong isang batang hinahanap-hanap ang tamis ng maruming sorbetes.
Sa tuwing dumidikit ang iyong kaselanan sa aking katawan ay nagdudulot ito ng kakaibang sensasyon sa sistema ko. Para akong baliw, para akong may sayad na nilisan ang lahat ng katinuan sa utak mapagbigyan lang ang libog at pananabik ko sa'yo.
Eh, 'tangina naman kasi.
Ano bang meron ka?
Anong meron sa pagitan ng iyong dalawang hita na hindi ko mahindian at matanggihan?
Sa tuwing hinihimod mo ang aking kaselanan kumakawala naman ang lahat ng tampo at hinagpis na nararamdaman ko para sa'yo. Sa loob lamang ilang sandali muling lalambot ang puso kong matagal na umipon ng pangamba, pag-alala at mga himutok.


Dahil sa iyong 'pag-ibig' at taglay na galing mo na aking pinakahahangaan at kinababaliwan para kang lason na dahan-dahang kumikitil ng aking
takot at lungkot,
ng inis at inip,
ng konsiyensya at awa,
ng galit at hinanakit.
ng pagkamuhi at pandidiri.

At kahit gaano pa kahaba ang gabing ito, kahit gaano pa kaalinsangan ang magdamag na ito tiyak kong isang araw ito rin ay magwawakas at matatapos.
At gaya ng aking paghihintay sa'yo at sa 'pagmamahal' mo tiyak kong isang gabi'y ikaw ay muling darating at babalik.
Muli mong pupunan ang mga gabing labis kong pinanabikan, muli mong pag-aalabin at pagniningasin ang aking gabing nakararanas ng lamig kahit sa kasagsagan ng tag-init.
- - -

No comments:

Post a Comment