Nilalayon ng timpalak na lalo pang pasiglahin at pataasin ang uri ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mga batikan at baguhang talino.
Mga (Ilang) Tuntunin:
1. Bukas ang timpalak sa lahat, maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak.
2. Ang lahok ay kailangang orihinal at nasusulat sa Filipino, hindi salin mula sa ibang wika at hindi pa nalalathala sa alinmang publikasyon. Hindi patatawarin ang sino mang nahuli at napatunayang nagkasala ng pangongopya. Kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok nito sa timpalak at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.
3. Ang paksa para sa Makata ng Taon 2014 ay tungkol sa kabayanihan. Tatalakayin ng tulang ipapasa ang isang malaki at makabagong problema at kung paano kikilos ang isang makabagong bayani upang lutasin ito. Ilalahok ang mga tulang may sukat at tugma na nasa antas tudlikan pataas. Ang mga taludtod ng tulang ilalahok ay hindi bababa sa apatnapung (40) taludtod, at lalagpas sa walumpung (80) taludtod.
--------
Bayani
ang Puta
Habang tila may kalso ang pag-uutak
Ng mga pulitikong animo'y latak
Sa lipunang nakalugmok na at bagsak
Na patuloy pa rin nilang winawasak.
Habang wari’y huminto na sa pag-usad
At kinakapa sa dilim ang pag-unlad
Ng bayang sinasaid at sinasagad,
Patuloy ang mga sakim sa paglikwad.
Habang ligalig sa pagpapakasasa
At sa pagbabalatkayo ay bihasa
‘Di mapipigilan ang panggagahasa
Sa perlas ng silangang kanilang bansa.
Habang pinagmamalaki'y bilyong dolyar
Na reserba’t naipong yamang pang-asar
Sa kamalayan ng mangmang at iskolar;
Lantad na kasinungalingang popular.
Habang trabahong dapat sa ‘ting estado
Ay winaglit ng senado’t deputado
Dahil gigil sa pangungupit ng pondo,
Milyo’y tutungo sa pagkadesperado.
‘Di makikita ng matang nakasara
‘Di maririnig ng taingang may bara
Mga kalabisang dapat nang mabura
Dahil lunod ng pagkaganid sa pera.
Anong ilalaman sa sikmurang kalam?
Paano tatalino ang walang alam?
Anong ibabayad sa tahanang hiram?
Paano’ng karamdaman ay mapaparam?
Propesyong pagpuputa, ang sasadlakan
Ng hindi mabilang na kababaihan
Na kapos sa mailap na kapalaran,
Supog sa katawan, marahang lilisan.
Pansamantalang lunas sa habangbuhay
Na problemang isusudlong, isusuhay
Upang makausad ang bukas at buhay,
Trabahong sa moralidad ay pagsuway
Sa mata ng malilinis at marangal
Sa bansang naligaw at umaatungal
Umano'y walang puwang sa mga banal
Ang puta na kung ituring ay kriminal.
Para sa pamilya’y handang humilata
Kunwang halinghing ‘di ipahahalata
Dahil sa dagdag-kitang para sa bata,
Batang walang ama tulad nang sa tuta.
Upang sa ospital ay may ipambayad
Walang dalawang isip na maghuhubad,
Upang sa kagutuman ay makaigtad
Walang alinlangang luluhod, tutuwad.
Maglililis upang may makapagbihis
Akusahan mang paradigma ay lihis
Hanggang ang gamlay tumila'y magtitiis
Kahit puri at sanghaya'y maibuwis.
Handang lumusong, lumublob sa putikan
Kahit pa masumbatan at mahusgahan
Ng kapitbahay dahil sa kasalanan
Perpektong simbolo (raw) ng kahalayan.
Magpapakatanga upang may mag-aral
Gagawin ang lahat kahit maging hangal
Para sa pamilyang labis niyang mahal
Kahit lurayin pa't babuyin ang dangal.
Humihiga upang muling makabangon
Kasama ng pangarap na nakabaon
Sa lukay na pipiliting maiahon
'Wag lang magutom papaanod sa alon.
Umiiyak upang gumalak ang iba
Hahalakhak kahit puno ng pangamba
Iluluha, lahat ng takot at kaba
Itatawa, lahat ng uri ng aba
Matrikula, palit ng himas sa suso
Magpapahipo nang walang puso’t pulso
Hahalik sa mga malibog at tuso
Makikipagtalik sa ngalan ng piso.
Magpapalaway kapalit ng pagkain
Na ihahain habang dumadalangin
Nang pagtubos, pag-ahon mula sa bangin
Papatak ang luha, sa Langit titingin.
Putang sa sakripisyo ay ikinasal
Sa gitna ng pagkakasala’t kumpisal
Sa pagitan ng dusa at pagmamahal
Ay bayaning marapat na maitanghal.
--------
Ang tulang inyong nabasa ay ang aking ipinasang lahok sa 2014 Komisyon Sa Wikang Filipino, na sa hindi malamang kadahalinan ay hindi ko alam kung ito'y naging opisyal na kasali dahil wala man lang akong natanggap na abiso ng rejection o recognition. Nalaman ko na lang na mayroon na palang nagwagi sa kanilang kompetisyon. Ganunpaman, masaya pa rin akong ibabahagi sa lahat ang isa sa 'pinakamadugo' at 'pinakamahirap' na akdang ginawa ko.
Ang ginamit kong Antas ng Tula ay Pantigan. May labingdalawang pantig sa bawat taludtod na may kabuuang walumpung taludtod.
matitindi ang mga salitang binitiwan... mabigat talaga ang tulang ito...
ReplyDelete