Monday, April 21, 2014

#LDR



Mahal mo siya, mahal ka niya pero kailangan niyong mabuhay nang hindi magkasama hindi para kapwa saktan ang isa't isa kundi dahil ito ang sa palagay niyo ay makakabuti sa kinabukasan ninyong dalawa sampu ng inyong pamilya.


LDR. 
Isang relasyon kung saan hindi mo alam kung ang pagkamiss mo sa kanya ay kapareho ng pagkamiss niya sa'yo, isang relasyong puno ng pag-alala at agam agam, isang relasyong sinusubok at pinagtitibay ng panahon, isang relasyong hinuhubog at pinapanday ng bawat araw upang ito'y mabuwag o manatiling matatag, isang relasyon kung saan ang naiwan at lumisan ay parehong dumaranas ng hindi matatawarang pagtitiis at sakripisyo na dahil sa labis na pagkasabik niyo sa isa't isa minsan pa nga'y may nagiging sanhi pa ito upang pagdududahan ang inyong katapatan.


Hindi dahil nagkalayo pansamantala ay kahulugan na 'yun na 'di na kayo muli pang magsasama ng habangbuhay, hindi dahil hindi kayo magkasama ngayon ay 'di na kayo magkakasama pa sa darating na mga bukas at hindi dahil malungkot ang inyong kasalukuyan ay wala na kayong karapatang gumawa ng maliligayang mga araw.

Minsan kailangan talaga nating isakripisyo at isugal ang ngayon upang mas guminhawa at mapagtagumpayan ang bukas.


Lubhang napakahirap iwasan na ang relasyong magkalayo sa isa't isa ay may bahagyang bahid ng pagdududa hindi dahil sa wala kayong inuukol na pagmamahal kundi dahil sa labis na pagkainip at sa mga negatibong bagay na sumasagi sa isip. Sa dami nga naman ng mga taong hindi napaglabanan ang temptasyon hindi maiiwasang baka ito'y mangyari sa inyong dalawa. Minsan kahit itanggi at ipagwalang bahala mo ay hindi maiiwasan ang panibugho at selos na kung tutuusin ay wala namang kongkretong basehan.
Hindi mo maiiwasan ang mga tanong na...
'Di kaya siya ay natatabangan na sa'yo?
'Di kaya nagbago na siya?
'Di kaya may iba na siyang kinagigiliwan?
'Di kaya nahuhulog na ang loob niya sa iba?


Marami na ang istorya ng pansamantalang paghihiwalay ang nauwi sa tuluyang hiwalayan, marami ring selos ang dahilan kung bakit hindi na tumagal pa ang isang relasyon marahil dahil ito sa mababaw na pundasyon ng pag-iibigan o dahil isa sa kanila ay hindi kinaya ang temptasyon at lungkot, hindi napaglabanan ang tukso at pagkaburyong, hindi natiis ang pagkainip at pagkainis sa sitwasyon.
Hindi madali ang maghusga lalo't hindi natin alam ang tunay na istorya sa likod ng malungkot na kalagayang ito. Ngunit sana maisaisip at maisapuso ng dalawang panig ang tunay na dahilan kung bakit kapwa sila nagsakripisyo, sana mapanghawakan ng dalawa ang pangakong binitiwan sa isa't isa.
Maraming dahilan upang kayo'y tuluyang magkahiwalay ngunit sasapat ang tiwala at pag-ibig niyo sa bawat isa upang hindi ito mangyari .


Kahit nasaang lugar ka pa, kabi-kabila ang dumadating na temptasyon (ngunit higit ang antas nito kung kayo'y malayo sa isa't isa) minsan ang inaakala mong kaibigan na siyang magpoprotekta sa'yo sa kapahamakan, sila pa mismo ang nagtutulak upang gawin mo ang isang bagay na hindi tama at nararapat.


Hindi dahil marami ang gumagawa, tama na ito.
Hindi dahil pangkaraniwan na itong gawain ng iba makikisali ka na rin.
May sarili tayong isip at pagpapasya upang gawin ang isang bagay na posibleng makakapagpahamak sa atin. Kahit saang lugar ay may pagkakasalang nakaabang at naghihintay lang na ito'y ating sunggaban. Mapaibang bansa man o dito sa atin, kung hindi mo kayang paglabanan ang pagsubok at hindi mo mapanatili ang pagiging matapat, bago ka pa kumawala sa sitwasyong akala mo'y simple lang hindi mo mamamalayan nalubog ka na pala dito.

Normal ang magselos ngunit sana mas mangibabaw ang pagmamahal at tiwala sa isa't isa bago pa lumala ang alitang hindi naman nakukumpirma kung may katotohanan.


Ang sakripisyong hatid ng LDR ay bunsod ng isang pangarap at buhay na pag-asa.
Katuparan ng mga pangarap ang dahilan upang mapaglabanan ang lahat ng mga bagay na gumugulo sa isip at nagpapahirap sa sitwasyon tulad ng selos, pag-aalala, agam-agam inis, inip, paghihirap, pagsasakripisyo at pagtitiis. At pag-asang may darating at sasalubong na magandang kinabukasan sa paglipas ng ilang mga taon. Na pagkatapos ng mahabang panahong ito ng paghihintay ay muling magkakasama ang dalawang taong pinaghiwalay ng pangarap.


Hindi biro ang mapuyat sa pag-iisip gabi-gabi,
o ang mag-alala sa panahong may karamdaman siya,
o ang pagbibilang ng parang baliw sa nalalabing mga buwan o taon,
o kung papaano maiibsan ang nararamdamang kalungkutan,
o ipagdiwang ng mag-isa ang mahahalagang okasyon,
o kung papaano mababawasan ang pagkasabik mo sa kanya,
o nangailangan ng karamay sa panahong ikaw ay may nakaalitan o nakagalitan,
o kung papaano masasawata ang pagluhang bigla na lamang babagsak.


Sa mga panahong ito walang ibang makakatulong sa iyong sarili kundi ang iyong pagiging matatag, ang pagpipigil sa sarili na 'wag magpadala sa emosyon, ang pangarap at pag-asang aayuda sa paggapi sa dahilan nang paghihiwalay, ang pag-ibig at pagtitiwala na hindi dapat nawawala at nababawasan.
Libong milya man ang layo ng distansya niyo sa isa't isa hindi dapat ito maging rason upang magkalayo ang inyong damdaming bumubuo ng pangarap para sa magandang umaga at bukas.


Dahil minsan hindi lang pag-ibig ang sukatan para magsama kayo ng matagal at maligaya.

No comments:

Post a Comment