"At
ayon sa Kawikaan Talata Tres, Bersikulo 28: Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa,
Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay
mayroon."
"Dahil madalas mga kapatid na ang
nagbibigay ang siyang laging pinagpapala, kaya't kung ano mang blessings ang
meron ka ngayon lahat ito ay galing sa itaas na marapat lang na maishare sa mga
taong higit na nangangailangan nito. Hindi mo mapapansin mga kapatid na ang
balik nito sa'yo ay higit pa sa pitong ulit!" si
Bro. Vincent ang nagsasalita, nakatayo ito sa loob ng pampasaherong bus na
biyaheng Fairview.
Humigit-kumulang
labing-limang minuto na si Bro. Vincent na nagpapahayag ng mabuting balita sa
mga pasaherong naririto, hawak ang bibliya sa kaliwang kamay habang ang kanyang
kamay naman nito'y nakahawak sa stainless na poste ng bus, malapit sa estribo.
Nakasuporta ang kanang paa nito para sa biglaang paghinto ng sasakyan.
Nakapostura ng husto si Bro. Vincent, nakarosas na longsleeve na tinernuhan ng
itim na pantalon at brown na leather shoes.
Pasado
alas-dose na ng tanghali. Mula alas-nuwebe kaninang umaga ay pang-apat na bus
na ito na kanyang binahaginan ng magandang balita. Limang beses isang linggo ay
ginagawa niya ito, magmula sa kanto ng Litex Road sa Commonwealth Ave. ay
mag-aabang na siya ng pampasaherong bus na biyaheng Makati. Tatantiyahin ni
Bro. Vincent na tapos na ang kanyang pagpapahayag bago pa dumating ang Cubao
dahil tatawid na siya pakabilang kalsada upang sumakay naman ng bus patungong
Fairview at bababa naman siya ng Don Mariano.
Pagkatapos
ng kanyang mahabang pagpapahayag ng mabuting balita sa mga pasahero ng bus ay
mamahagi siya ng puting sobreng may nakatatak na 'LOVE OFFERING' sa mga
pasaherong sakay ng bus.
Kahit
halos wala ng espasyo sa loob ng bus sa tuwing rush hour sa dami ng pasaherong
sakaynito, matiyaga pa rin siyang nakikisiksik upang magpahayag ng mabuting
balita.
Kahit
minsan ay halos ipinagtatabuyan na siya ng kundoktor ng bus na kanyang nais
akyatin ay hindi siya sumusuko at ipinagkikibit-balikat niya lang ang mga ito.
Kahit
tagaktak na ang katawan niya ng pawis dahil sa kasagsagan ng init ng araw ay
hindi siya nagdadalawang isip na magbahagi ng mabuting balita sa mga
nangangailangan nito.
Dalawang
beses maghapon ginagawa ito ni Bro. Vincent, umaga hanggang tanghali at hapon
hanggang sa mag-gabi. Sa pagitan ng alas siyete at alas otso ng gabi'y uuwi na
siya at sa tanghali nama'y sasaglit muna siya sa bahay upang mananghalian.
Maglilimang
taon na niyang gawain ito. Naging bihasa siya sa pagpapahayag ng mabuting
balita nang mapadalas ang pag-attend niya sa Bible Study dalawang beses isang
linggo sa kapilyang malapit sa kanilang lugar.
Dating
researcher si Bro. Vincent sa isang tabloid ngunit nang tumamlay ang benta ng
diyaryo dahil sa halos libreng access ng mga tao sa internet, humina na rin ang
kompanyang kanyang pinapasukan. At dahil doon napilitang magbawas ng empleyado
ang kanyang employer at kabilang siya sa minalas na masisante, kaunti lang ang
nakuha niyang kabayaran mula sa kanyang kompanya dahil ilang taon pa lang mula
ng lumipat siya dito. Sa edad niyang apatnaput-apat hirap siyang humanap ng
bagong mapapasukan, paubos na rin ang perang kanyang natanggap mula sa huling
kompanyang pinasukan niya nang maging aktibo siya sa bible study.
Sanay
na si Bro. Vincent sa eksena sa loob ng bus sa tuwing siya'y nagpapahayag ng
mabuting balita; may nagtutulog-tulugan, may patay-malisya, may nakatingin sa
labas ng bintana, may mga nakasuksok na earphone sa tainga, may kunwari'y
ka-text, may naglalaro ng android, may hindi tumitigil sa pagkukwentuhan, may
mangilan-ngilang kunwa'y nakikinig ngunit sa kabuuan ay iilan lang ang talagang
binibigyan siya ng atensyon. Sinasanay na lamang niya ang kanyang sarili sa
ganung senaryo, sa loob ng limang taon manhid na rin siya sa pasaring ng ibang
tao lalo na sa tuwing iaabot niya ang puting sobre sa mga pasahero.
Tulad
ngayon, tila walang interes ang mga tao sa kanyang pinagsasabi pagkatapos ng
labing-limang minutong pagpapahayag ng mabuting balita iilan lang kaya ang
nakaintindi sa kanyang salita? Halos walang pagnanais ang mga pasahero na
tanggapin ang kanyang puting sobreng kanyang inaabot. Alam na niya ang takbo ng
utak ng mga tao sa bus na ito, sa hirap nga naman ng buhay ngayon mahalaga ang
bawat pisong lumalabas sa kanilang bulsa bukod pa sa pagsasamantala ng mga
oportunista na gagawin ang lahat kumita lang sa ngalan ng pera.
Matapos
kolektahin ang mga puting sobre sa mga pasahero, isang pamamaalam at
pasasalamat ang kanyang binitiwan bago bumaba: "Batid kong hindi sapat ang salitang salamat sa pagtanggap niyo ng
maluwat sa akin, na sa kabila ng kaabalahan niyo'y pinatuloy niyo ako rito. At
sabi nga sa Salmo Bersikulo Beinte, Talata Tres hanggang
Kuwatro, Alalahanin nawa ang lahat ng iyong mga handog, at tanggapin niya ang
iyong mga haing sinunog; Pagkalooban ka nawa ng nais ng
iyong puso, at tuparin ang lahat ng iyong payo. Muli, maraming salamat at
magandang araw sa inyong lahat, pagpalain nawa tayong lahat ng Maykapal."
Sa kanto ng Litex Road siya bumaba. Dumaan muna siya sa isang karinderya, bumili ito ng dalawang putahe ng ulam. Pagkatapos nito'y sumakay na siya ng tricycle.
"Yehey, nandiyan na si Papa! Makakakain
na tayo!" tanaw ni Jewel ang ama mula sa pagbaba nito
sa tricycle. Panganay na anak nina Bro. Vincent at Amy si Jewel - anim na taong
gulang na ito at bunso nila si Sonny na mag-iisang taong gulang na sa susunod
na buwan.
Inilapag
ni Bro. Vincent ang dala-dalang pagkain, sabay halik sa asawa't mga anak.
Nakahain na ang kanin sa mesa, nakahanda na rin ang apat na pirasong pinggan at
mga kubyertos. Pasado ala-una na ng hapon nang makarating si Vincent sa bahay
tiyak niyang gutom na ang kanyang mag-iina, mabuti na lamang at hindi gaanong
trapik sa EDSA kundi'y magugutom sila ng husto.
"Kumusta?" bungad ni Amy sa asawa.
"Heto,
matumal. Parang ayaw na magbigay sa love offering ng mga tao." sagot ni
Vincent.
"Kung
bakit naman kasi hindi ka pa maghanap ng matinong trabaho, mahirap umasa sa
ganyang uri ng hanapbuhay baka dumating ang panahon na wala ka nang maiuwing
pera para sa pamilya mo. Hala ka, ikaw din."
"Hindi naman siguro, hangga't
nakakarinig ang mga tao ng mabubuting balita may magbibigay at magbabahagi
kahit papaano ng biyaya. Hayaan mo makalipas lang ang birthday ni Sonny,
mag-aapply na talaga ako ng trabaho pero hangga't wala pa akong mapapasukan,
ito ang alam kong pinakamabilis na paraan para kumita ng pera. Tara, kain na
tayo, gutom na rin ang mga bata. Mamayang alas-dos lalarga pa ako para
dumilihensya ng pagkain natin mamayang gabi at para na rin makaipon sa birthday
ng bunso natin." paanyaya ni Bro. Vincent sa asawa na halatang
pagod at gutom na rin.
No comments:
Post a Comment