Friday, April 25, 2014

'The Legal Wife' Insights



Mapaaraw o gabi, may mababasa ka sa newsfeed ng FB mo tungkol sa #TheLegalWife;  mga maaanghang na linya ng mga character nito, mga nababanas kay Adrian, mga hater ni Nicole, mga nakikisimpatya kay Monica at reaksyon sa nakaraang episode ng teleserye. Kaya kung hindi ka tagasubaybay nito mapipilitan ka na ring alamin kung ano ba 'yung pinagsasasabi nila sa kanilang wall.
- - - - -


Patuloy na tumitrending at tumataas ang rating ng teleseryeng 'The Legal Wife' ng ABS-CBN, bida rito ang mag-asawang sina Adrian (Jericho Rosales) at Monica (Angel Locsin) at ang kalove triangle na si Nicole (Maja Salvador).
Classic story ng pangangalunya at pakikiapid.
Kathang isip na istorya ngunit tunay na nangyayari sa paligid.
Marami ang nakarirelate at marami rin ang in-denial. Basta tungkol sa pagtataksil ang tema mas malamang na mag-rate at mag-hit ang programa at tulad ng 'My Husband's Lover' ng GMA 7, interesting, mapangahas at kaabang-abang ang bawat episode nito (lalo na ang mga love scene nina Adrian at Nicole/Monica).


Kung tutuusin wala namang bago sa palabas na ito, marami nang pelikula, libro, pocketbook, novel, kwento ang ginawa tungkol sa ganitong paksa ngunit dahil hindi nalalaos ang temang 'cheating husband' masidhi pa rin ang pagtanggap ng manonood rito lalo't ang 'other woman' na involved ay ang bestfriend ng asawang babae.

'Wag muna nating isipin na fiction lang ang istorya kunwari'y totoo ito at kakilala natin ang mga character na involved (kunsabagay may bahid naman talaga ng katotohanan ang naturang teleserye). May mga tanong na uukilkil at lulutang na hindi madaling ipaliwanag.



  • Bakit may mga bestfriend 'di umano na nakukuhang pumatol sa asawa ng kanyang kaibigan?
  • May pagmamahal ba sila sa isa't isa o libog lang ang kanilang nararamdaman?
  • Hindi ba sila natatakot sa kahihinatnan ng kanilang relasyon?
  • May tumatagal ba ng forever sa lihim na 'pagmamahalan'?
  • Hindi ba sila kinukurot ng kanilang konsiyensya sa tuwing sila'y magtatalik?
  • Hindi ba sila nag-aalala sa sinisira nilang pamilya?
  • Wala ba sa katinuan ang mga taong involved sa ganitong bawal na relasyon?
  • Nawala na ba ang pag-ibig ng lalaki sa kanyang tunay na asawa?

 
Marami pang tanong na hindi madaling sagutin at hindi madaling maunawaan lalo na 'pag hindi naman natin ito naranasan. Hindi rin madaling sabihin na dapat natin silang unawain dahil may mga tao silang natatapakan. Hindi rin naman makatutulong ang paghuhusga dahil lubhang mahirap ang kanilang pinagdaraanan.


Balik tayo sa istorya; Bakit kahit mahal na mahal ni Adrian si Monica, eh pumatol pa rin siya sa iba sa katauhan ni Nicole?

Sagot: Hindi porke ang lalaki ay may labis na pagmamahal sa kanyang asawa hindi ibig sabihin nito na na hindi siya mahuhulog sa ganda at karisma ng iba, sa kabilang banda hindi porke pumatol ang lalaki sa sa ibang babae hindi na niya mahal ang kanyang asawa.


Masakit man sa tainga at nakasasawa nang marinig ang hinaing ng iba na: 'Bakit ang lalaki 'pag nagloko (cheat) ay okay lang? Then, sa babae ay parang mortal sin at hindi kapata-patawad. Parang unfair 'di ba?
Wala namang matinong tao na nagsabing OKAY ang mambabae dahil kahit ano oang rason, dahilan o katwiran mo ay kasalanan pa rin ito, nagkataon lang na sa lipunan natin nakadaragdag (raw) ng machismo ang pagiging playboy.


Tanggap ng marami na likas na ganoon ang lalaki kaya nga halos walang panghuhusga tayong naririnig sa mga katulad nina Ramon Revilla Sr., Dolphy, Erap Estrada, Joey Marquez at marami pang kilala sa pagiging matinik sa babae. Sabi pa nga ng iba; "men by nature is polygamous" pero marami ring hindi sasang-ayon diyan.


So, anong dahilan bakit nagchi-cheat ang lalaki?
Para sa aking pananaw, ito ang mga posibleng dahilan:


  • sadyang marupok kasi sila na paglabanan ang tukso
  •  madali silang mabighani sa mga magaganda/sexy/malambing na babae
  •  may hinahanap sila na akala nila ay makikita nila sa ibang katauhan
  •  bugso lang ito ng puson at damdamin
  •  nakaka-challenge at nakadaragdag raw ng pagkalalaki ang pagkakaroon ng 'iba'


Take note na 'pag ang lalaki ay nagcheat hindi kailangang may pag-ibig.
Ang mas mapanganib ay 'pag ang babae na ang nagcheat dahil mas malamang na ang dahilan nito ay ang pagkawala o paglamlam niya ng pagmamahal sa kanyang kinakasama/asawa, ibig sabihin kasi no'n may MAS mabigat na problema na ang pamilya. Problemang higit pa sa isyung 'pangangaliwa' lang.


Ang bawat desisyon ay may kaakibat na responsibilidad na hindi dapat winawalang bahala.
Hindi sa lahat ng oras ay pagsisisi lang ang katapat ng isang kasalanan minsan buhay at kinabukasan ang ipinatatalo mo sa hindi pag-iwas sa temtasyon.
Hindi sa lahat ng oras ay maari kang mapatawad at mabigyan ng isa pang pagkakataon dahil para sa iba minsan mas mahalaga ang respeto sa sarili kaysa pagmamahal. May mga indibidwal na labis ang pagpapahalaga sa tiwala na ‘pag sakaling ito na ang masira ay ‘di na kailanman maibabalik pa.


Tulad ng bisyo, ang pag-iwas sa tukso ay kayang kontrolin at iwasan hindi tamang ikatwiran na tayo ay ‘tao lang na nagkakamali at madaling nadadarang’ dahilan lang ito ng mga taong may pagkamakasariling layunin.


Siguro nga masarap ang bawal.
Ang problema, paano kung dumating na ang sandaling ikaw ay mabisto o hindi mo na ito kayang iwanan at iwasan?
Sino ba ang pipiliin at mas matimbang para sa’yo? Ang pamilya mo o ang iyong kalaguyo?
Kaya kayang maresolba ang lahat ng problema sa isang ‘patawad’ lang?

No comments:

Post a Comment