(Ang artikulong ito ay tugon at
karugtong ng akdang "What makes you lonely")
At
pagkatapos mong makaranas ng kapighatiang halos tumungo sa depresyon at
desperasyon o makalipas ang mga sandaling pagmumuni at pagsisisi sa mga bagay
na hindi dapat nangyari at sa pagtila ng ilang araw at gabing pagtangis na
halos ikatuyo ng iyong luha at ikawala ng katinuan, panahon na upang malampasan mo ang kalungkutang
posibleng baka maging susi at sanhi pa ng pagkasira ng iyong buhay at kinabukasan.
Lahat tayo may kanya-kanyang problema, depende na lang sa
atin kung paano natin ito mahahandle at
mariresolve, hindi mo alam 'yung taong kaharap
mong malakas tumawa o akala mong perpekto ang buhay ay may mabigat pala na problema pa kaysa iyo.
Walang perpektong buhay, lahat ay may
kakulangan, pag-aralan natin kung paano maging kontento sa kung ano ang nasa posesyon natin at
ipinagkaloob sa atin. Be thankful, be grateful,
isipin natin na may mga taong mas mabigat pang suliranin kaysa sa atin.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga suhestiyon upang maibsan o mabawasan, kung hindi man
tuluyang mawala ang dinaranas na pighati; mga pananaw na maaaring makatulong
upang kahit papaano'y makaiwas sa kalungkutan o depresyon.
1. Right perspective - Maraming bagay na
dumadating sa ating buhay na hindi natin alam ang kahulugan at layunin nito sa
atin ngunit pagkatapos mong malampasan ang lahat ng pagsubok, pagkatapos nilang
lumisan sa ating buhay asahan mo 'yung mga bagay na noon ay iniyakan mo ang
magpapangiti sa'yo sa pagdating ng panahon. Mahirap unawain ang mga problema,
mga problemang halos ikabaliw at ikasuko mo na, ngunit katulad ng kaligayahan
bahagi din ang kalungkutan ng ating buhay. Totoong ang pagiging positibo ay
hindi lubusang nakakaresolba ng problema ngunit malaki ang naitutulong nito
upang magpursigi kang labanan ang nakahambalang na suliranin at kung sakaling
mabigo ka naman pinagagaan nito ang iyong pakiramdam at madaling matanggap ang
negatibong resulta.
2.
Decide to be happy - palagi nating
naririnig ang katagang 'happiness is a choice', maniwala ka totoo ito. Kung
gugustuhin mong maging maligaya kahit marami kang tanong sa buhay pwede ito,
maaari kang ngumiti sa kabila ng iyong mga agam-agam. Minsan ang mga problemang
kinakaharap natin likhang isip lang din; bakit pinoproblema natin na luma ang
gadget o celphone natin? Bakit pati ang kakulangan mo sa wikang ingles problema
pa rin? Narealize mo ba na kaya may problema kang pinansyal dahil lampas ang
iyong gastusin kumpara sa iyong kinikita? Ang inggit ay pumapatay ng
appreciation habang binubuhay naman nito ang lungkot na hindi naman kailangan. 'Wag magpatalo sa kalungkutan, hindi ka lulubayan nito kung ayaw mo siyang iwanan. Kung hinayaan mo ang iyong sarili na maging malungkot umaga pa lang, mas malamang na ang buong maghapon mo ay malungkot na rin at damay na rin ang mga taong nakapaligid sa'yo. Ang pagiging malungkutin ay nakaka-attract ng negatibo, samantalang nakakaginhawa naman sa pakiramdam ang pagiging masiyahin.
3.
Accept the truth (embrace the truth) -
kahit anong gawin mo hindi mo na kayang bumalik sa nakaraan, kahit anong gawin
hindi mo na mababago pa ang nangyari; ang nangyari ay nangyari na, kung hindi
mo matanggap na lahat ng bagay ay may dahilan tanggapin mo na lang na ang lahat
ng bagay ay may hangganan. Irespeto natin kung ano ang mayroon ang iba at 'di
dapat na ito ang maging dahilan ng ikakaproblema mo. In due time, in God's will
and with your willingness to strive makakamit mo ang mga bagay na ukol para
sa'yo. May mga bagay na sadyang hindi nakatakda para sa atin at katumbas lang
nito ay pagtanggap sa katotohanan. Ang pagyakap sa katotohanan ay magpapakawala
sa kalungkutang naghahari sa iyong puso.
4.
Love yourself (accept yourself) - sa
sobrang focus natin sa ating problema minsan nakalilimutan natin ang ating
sarili mismo. Sa paglublob at pagtatampisaw natin sa karagatan ng suliranin
hindi natin nakikita ang mga taong nakalahad ang mga kamay para sa atin, silang
may pagnanais na tayo'y iahon at sagipin. Sa pagwawalang bahala natin sa ating
sarili hindi natin napapansin ang mga taong nagmamahal sa atin ay nadadamay na
rin sa problemang iyong pinagpaparausan, kung silang nagmamahal sa iyo ay
tanggap ka bilang ikaw marapat lang din na tanggapin mo ang lahat sa iyong
sarili; ang iyong kahinaan, ang iyong kapintasan, ang iyong kakulangan at ang
mga naging pagkakasala. 'Pag muli mong tinanggap at minahal ang iyong sarili,
marirealize mong may igaganda pa ang buhay na kinakaharap mo ngayon na kesa
magmukmok ka sa kaiisip ng problemang overdue, mas okay na kalimutan na ang
negative vibes, ang pagsiself-pity and it's time to moved on with your life.
Hindi
nga madaling dumaan sa emosyong kalungkutan ngunit hindi rin naman dapat na ito't
winawalang bahala at pinatatagal. May oras para malungkot at may oras para
iwanan ito at gawing masaya ang iyong buhay lahat tayo ay deserve ito. May oras
para sa pagluha may oras para sa walang kunwaring pagngiti. May mga bagay na
hindi natin kayang kontrolin lalo na ang oras at pag-iisip ng iba, minsan kahit
gawin mo ang pinakamainam na paraang alam mo hindi pa rin aayon ang resulta sa
gusto mo, may mga tanong na hindi natin kayang sagutin ngunit ang buhay ay
hindi nakadisenyo upang sagutin ang LAHAT ng gusto nating malaman at makamtan
ang LAHAT ng ating naisin at gustuhin.
At kahit
ano pa ang iyong pinagdadaanan ikaw at ikaw pa rin ang makalulutas kung paano
at kailan mo matatakasan ang kalungkutan.