Bukambibig ng mga maralitang
hikahos na nananahan sa gilid ng maliliit ngunit multi-milyong pisong
halaga ng kalsada mayroon din sa ilalim ng tulay na nakikinig sa saliw
ng musikang nanggagaling sa busina ng magagarang oto at dumadagundong na
mga trak. Halos tinakwil na sila ng lipunan at pinagkaitan ng biyaya ng
kalangitan, may mga tumatawag pa ngang sila ay salot. Hindi ba’t sa
hanay umano nila nanggagaling ang kumukupit ng iyong kalupi? O pumipitas
ng kumikinang na balagat? O ng seleponong nakuha sa koersyon? Maaring
oo, maaring hindi pero sigurado hindi lahat. Ngunit teka saan ba nagmula
ang umuumit sa kaban ng bayan? O umaabuso sa pobreng obrero? O
gumagahasa sa sagradong saligang batas? May piring nga pala si
Katarungan. Bulag nga pala ang hustisya.
Ilang beses na ba silang
iniahon at iniligtas? Ilang ulit na ba silang kinalinga at inayudahan?
Ilang beses na ba silang biniyayaan at tinulungan? Marahil mali ang
katanungan. Dapat yata’y ganito: Ilang beses na ba silang ginamit at
pinagsamantalahan? Ilang ulit na ba silang biniktima at binusabos? Ilang
beses na ba silang inalipin at inalipusta? Libong pangako libo rin ang
napako ng mga pulitikong umaastang santo na nagmumumog ng tubig na may
basbas ngunit ang katauha’y kataliwasaan sa pagiging banal. Mga katawang
gusgusin at nanlilimahid pero kinakamayan sa tuwing ikatlong taon ng
mga tapat na lingkod-bayan. Tuloy po kayo sa mapagkunwaring mundo ng
magkabilang mundo! Balatkayo sa balatkayo. Isang ang habol ay boto, ang
isa nama’y habol ang ilang daan piso.
Dumadanak ng dugo, bumabaha ng luha.
Umuulan ng bote, ng bato, ng apoy, ng tae, ng bala. Literal.
Walang pakundangan kung
sinuman ang tamaan, walang pakialam kung maging sanhi ng kamatayan.
Iskwater sa sariling bansa, alipin ng mga may utak-banyaga. Salamin ng
Pilipino, repleksyon ng Pilipinas. Wala kang dangal kung wala kang pera.
Busabos ka kung taga-iskwater ka habang daig pa ang bathala kung umasta
ang mga may kwarta at kapangyarihan. Ngunit ang Diyos sa langit hindi
sinusuri kung ang bahay mo’y yari sa pader o pusali, kung ikaw man ay
hikahos o sa kayamanan ay puspos. Mabuti na lamang.
Ngunit paano mo ba iuuri ang “Ugaling Iskwater”? Ito ba’y metapora sa mga taong sinaniban ng masamang asal o niliteral ng mga taong higit pa sa halang ang pang-unawa? Bakit sa taga-iskwater hinahalintulad ang kriminal sa lansangan? Higit na nakakatakot naman ang heneral na protektor ng tumutulak ng droga. Bakit sa taga-iskwater hinahambing ang may kabastusang pag-aasal? E higit pa nga sa kabastusan ang halayin ang batas at katarungan? Bakit sa taga-iskwater hinahanay ang may barumbadong pag-uugali? Ano bang uri ng tao ang umaalipusta o tumututok ng baril sa sentido ng kaawa-awang traffic enforcer? Bakit sa taga-iskwater lang ibinibintang ang krimeng holdapan at snatching? Sandali..may ipiniit na ba sa hanay ng pulitikong kumukulimbat sa pondo ng bayan?
Diskriminasyon makalipas ang diskriminasyon. Dahil ba sa ang taga-iskwater ay gusgusin? At ang mga disenteng kriminal ay mababango at nakapustura? Siguro nga.
Ilang sandali na lang at bubuwagin na ng otoridad ang kani-kanilang tahanan. Igugupo gamit ang kalawanging piko na hawak ng mamang inaambahan ang sinumang humaharang, mayroon ding gamit ang bareta de kabra na winawasiwas ng bata ni Meyor na makutim ang kulay ng pagkatao’t balat at ang iba’y tangan ang martilyong handang ihampas sa hamba at dingding na ilang beses na inabuso o sa haligi ng tahanang humihiram ng katapangan sa taglay na kahirapan. At kung hindi kakayanin ng mano-manong pwersa’t lakas itutumba ito sa ayuda ng dambuhalang buldoser na di kumikilala ng habag at pagkaawa.
Sa isang kisap mabubuwag na ang kanilang barong-barong na ang pundasyon ay pinatibay ng sapin-saping suliranin, mga bubong na kinalsohan ng lumang gulong ng sedan na pumuprotekta sa iba’t ibang unos na kanilang dinaranas, mga dingding na pinagdikit-dikit ng iba’t ibang kadalamhatian sa buhay, mga bintana na pinalamutian ng inaagiw na kurtinang ipinangtatabing sa mga mukhang puno ng pighati na panakanaka’y sinusulyapan ang iba ring may gutom na diwa’t kaluluwa at pintuang yari sa gulanit na lawanit na di-hamak na mas matibay pa ang pintuan ng kulungan ng mabagsik na Rottweiler na laging nakapinid upang hindi masilip ang kalungkutang nananahan sa loob nito.
Kahit anong pagsisigaw,
pagtutol at pag-aklas ay wala ring nangyari nanaig pa rin ang utos ng
korte na palayasin ang umano’y sagabal at masakit sa paningin ng mga
timawa at salaula.
Binusabos na busabos. Aliping inaalipin.
Binusabos na busabos. Aliping inaalipin.
Malabo ang mundo. Mabuti pa ang aso may tahanang gawa sa matatag at di kinakalawang na bakal na higit ang halaga sa sampung libong piso na ang sukat lang ay wala pa sa tatlong metro kwadrado, may pagkaing mula sa karne na halos doble ang halaga ng isang kilong bigas ng nagdarahop na maralita, aabot o hihigit sa dalawampung libong piso ang halaga ng isang matakaw na aso pero ang halaga ng isang anghel na sanggol ay ‘di pa aabot sa sampung libo. Mapapalad na mga aso; kinakalinga at inaaruga. Kulong ang katumbas kapag inabuso, pinatay o kinatay pero parang lunatikong walang nag-alala, walang napiit at walang nag-imbestiga noong may tumimbuwang na taga-iskwater na dukha. Lumaban daw kasi. Ganon ba? Bakit ‘di ninyo paslangin ang mga sundalong pulitiko na lumaban noon sa gobyerno? Si Panfilo, si Antonio o ang matikas na si Gringo na mga loyalista raw ng kalayaan at demokrasya. Ito ang mundong mas matimbang na ang karapatang pang-aso kaysa karapatang pangtao.
“Buti nga sa kanila!
Pagkatapos ng mahigit dalawang dekada napalayas din sila. Ang tagal na
nga nilang napakinabangan ang lupang ‘yan ayaw pa rin nilang ibigay sa
tunay na may-ari. Tapos, ngayon galit na galit sila sa gobyerno dahil
inaapi daw sila. Binibigyan naman sila ng sapat na pera saka malilipatan
ayaw naman nila. Malayo daw kasi sa pinagtatrabuhan nila kaya hayun mas
ginusto nilang makipagmurahan, makipagbatuhan, makipaglaban at
makipagpatayan sa mga otoridad. Sa kabilang banda, oo nakakaawa sila
pero paano kung ikaw naman ang may-ari ng lupang kinatitirikan ng lupa
nila? Anong gagawin mo? Sino ba sa tingin mo ang naagrabyado?” Litanya at pangangatwiran ng kapitbahay kong si Nanay Conching habang pinanonood ang demolisyon sa 24 Oras.
Uy, may bago na palang tawag
sa mga iskwater, “informal settlers” na daw ang dapat nating itinatawag
sa kanila. Maganda raw kasing pakinggan, eh ano ba namang pinagkaiba
nito kung tawagin man natin silang ‘iskwater’ o ‘informal settler’?
Tulad ng nakikita mo sa tuwing ipipikit mo ang iyong mga mata at sa
tuwing madilim ang paligid, WALA.
I love this post... Tagos sa laman...
ReplyDeleteActually, naalala talaga kita Senyor nang muli kong nabasa ang post na ito. Iniisip kong sana hindi ka ma-offend sa mga nakasulat sa hamak na akdang ito, since isang word na lang ang kulang at ikaw na ang bida sa titulong ito.
Deletenaging abala sa paghahandang demolition...pasensya at ngayon lang nakabalik. hindi naman ako na-offend.
Deletehmmnn... nostalgic nga actually... hehehe
Buti may nagsusulat ng ganito. Kailangang gisingin ang mga konsensya ng marami. Keep writing.
ReplyDeleteNag-aalala rin ako kung makakasulat na muli ako ng ganitong tema ng sulatin dahil tulad ng marami dumadaan ako ngayon sa pagkatuyot ng ideya at pag-uutak.
DeleteSDalamat Ms. joy sa pag-appreciate.
Ang ibang tao'y nabubulagan sa kung ano ang totoong itsura ng mundong kanilang ginagalawan. Nakakalungkot dahil, walang sinuman makakapagtanggal ng piring sa kanilang mga mata kundi ang kanilang sarili.
ReplyDeletehello, Limarx... kapatid, nakadalaw na ako rito ng marami-raming beses, wari ko ay nag-iwan na rin ako ng comments, dalawang beses yata. parang di pumasok, hirap talaga sa comment sa blogspot, hihi, pag taga ibang host site, hala pa... salamat sa dalaw at bakas mo, ha...
ReplyDeletenatutuwa ako sa writings mo - matatas managalog at intense madalas ang eksena, ahaha. paano ba? noong first time akong nakanood ng demolition dito sa MM (sa pasig yata), mga one week ang lola mong di makatulog, whihihi. tapos, where I live, surrounded kami ng sinasabi mong iskwater, as in. and, ang blogger dito, nakatira sa isang medyo malaki, two-story house na mala-fortress ang pader, hahaha. wala yatang linggong dumaraan na di sumasagi sa isip (gustuhin man o hindi) ang inequality sa lipunan natin... ^^
anyway, throughout the years, sa work man at sa personal na buhay, nasilip ko nang malaki at komplikado ang social housing issue dito sa bansa natin. institutionalized ang kahirapan... extremes ang views ng both polar ends - mahihirap at mayayaman... for now, doon muna ako sa linyang tao rin ang mga taga-iskwater, may buhay at pintig din... wala rin akong karapatan masyadong magsalita at mangaral, may biases din ako at negative experiences, sa mahihirap man at sa mayayaman, maging sa nasa middle class. anupaman, doon sa dpsa site, may naisulat na ang lola mo ukol dyaan, sa Hindi na Maputik ang Daan sa Amin - bandang part 7 to 13 yata...pag may time ka, minsan dalaw ka... :)
nakakatuwa ang writings mo, may fire, ahaha. good day and kind regards... :) ~ san
Hi, Ms. San!
DeleteParang bigla akong natakot dun sa "may fire" na sinabi mo, haha. Hirap yata pangatawanan nun.
Hindi rin ako nadalian ng isulat ko ang paksang iyan parang dapat hindi bias, paano mo ilalahad ang magkabilang panig ng hindi (gaanong) offensive at the same time my touch of poetry at may pagka-"fire" (as you say, hehe)pero hindi naman yata minsan maiwasan ang pagka-bias sa anumang mga writings lalo na 'pag ganitong post. kung marunong ako sumulat ng mga negative post kinundisyon ko na rin ang sarili ko na dapat handa rin ako sa reaction ng mga bumabasa negative man ito o positibo.
Masalimuot ang problema sa mga informal settlers since time immemorial marami na ang nagtangkang i-solve ito pero bibilang pa ng kung ilang dekada para sabihing wala na tayong problema dito. Mahirap, mayaman halos pareho lang may masama, may mabuti. Mahirap din magmalinis maganda nang isulat ang mga saloobin kaysa mag-aklas aat magrebelde sa gobyerno (haha, just kidding).
P.S.
Kasalukuyan akong nagbaback-read sa mga post mo.
May napansin lang ako, parang pareho tayong mahaba kung sumulat. :)
Gandang araw ulit.
a, e, meron e, hahaha. sa isang banda, marami talaga ang nakakagalit sa times natin, ahaha - indifference, stereotyping and bigotry noong iba. may ilan nga, porke sila ay may lablayp, haha, may bias agad "ah, kaya sya nagsasalita sa isyu-isyu kasi sawi lang sa pag-ibig. or, walang nakakaibig" biased sa mga loveless, ahaha.
Deletein a way, tama rin naman, haha. mas marami talagang napapansing mali sa earth and society ang mga taong di-pinalad gaano sa pag-ibig, ahaha. pero, i guess, di rin naman pwedeng i-reduce lang sa ganoon ang equation. tingnan rin naman muna kung may merits din ba ang arguments ni blogger bago ilagay sa kanilang mga kahon and stereotypes... kasi, di rin naman laging tama at sapol at nasa lugar ang sinasabi at opinyon noong mga pinalad, hakhak...kung minsan, masyado silang gloating in their righteousness. na porke, successful sila sa personal na buhay, panggulo lang 'yong mga nag-iisip na may mali sa lipunan. na being negative and sourgraping lamang...may isyu naman, di ba at kung nai-argue naman, not in a basag-ulo kind of way, deserves somehow na mapakinggan. gaya nitong akda mo about the sentiments ng mga nasa iskwater... :)
ahaha, pasensya ka na. older generation na ang lola mo, marami pang litanya sa buhay, hihi. actually, mas sa Tagalog//. sa English, mas kaya yatang magpa-iksi. sa blogs pa lang nagsulat in Tagalog, di ko kabisado ang medium - may tendency madalas na humaba. pasensya naman... helo, hello :)
isang mainam na post.. pang-puna sa may mga maling kamalayan ng nakararami, inspirasyon naman sa maraming nilo-look down ng mga mapang-api sa lipunan..
ReplyDeleteuy, may napadaang mahusay na blogger sa sapot ko.
Deletesalamat sa pagbisita ser!
minsan, kung sino 'yung mapang-api siya ang problema.
imbes na tulungan ang nasa ibaba lalo pang inaalipusta.
Mentalidad na, mayaman at makapangyarihan ay kagalang-galang at lahat ng mga busabos na mahirap ay walang modo 'yun ang dapat nang ibasura.
Sa lahat ng gubat - may ahas.
Sabi nga sa isang kanta:
"We All Know That People Are The Same Where Ever We Go
There Is Good And Bad In Ev'ryone, "
salamat ng marami for reading sa site, ha... nalimutan nang mag-teynk you, hehe... :)
ReplyDeleteBinusabos na busabos. Aliping inaalipin.
ReplyDeleteAng bibigat ng salita. Ang ganda po ng inyong akda :) Madalas na ko dadalaw dito XD