"O ikaw na munang bahala sa bahay at aalis na ako ayokong
tanghaliin dahil wala akong aabutang sariwang isda 'pag mamaya pa'ko aalis." Si Laura sa kanyang
asawang si Jing.
"Eh, bakit hindi ka muna mag-almusal sandali lang naman 'yun,
mahirap lumakad ng walang laman ang sikmura baka bigla kang mahilo sa kalsada
lalo ka lang mahirapan.", sagot ni Jing.
"Nakapagkape na naman ako, okay na 'yun mamaya na lang ako
mag-almusal pagbalik ko galing palengke." si Laura ulit.
Araw ng Linggo.
Araw ng pamamalengke ni
Laura. Empleyado siya ng isang Freight Forwarding Company sa Maynila at sa
Accounting Department siya naka-assigned. Higit limampung
taong gulang na si Laura, may pagkamasungit dahil hindi pinalad magkasupling ng asawa
niyang si Jing. Dalawampu't dalawang taon na silang kasal nito, kahit kapwa hindi baog ang mag-asawa'y
nakapagtatakang hindi sila nabiyayaan kahit isang anak man lang.
Si Jing ay isang taxi
driver pero tatlong beses na lang isang linggo kung pumasada ngayon dahil sa edad
niyang limampu't walong taong gulang madali na siyang mahapo sa maghapong
pagmamaneho. May isang anak ito sa kanyang pagkabinata at batid din iyon ni
Laura ngunit hindi ito naging hadlang upang sila'y magsama at magpakasal.
"Akin nang sukli ko!" tinutukoy ni Laura ay ang sukli niyang
dalawang piso sa iniabot niyang sampung piso sa pobreng tricycle driver. Nasa
palengke na siya.
"Ganyan naman kayo eh, kung kami ang kulang kahit singkwenta
sentimos lang hindi kayo papayag pero 'pag kayo ang walang panukli gusto niyo
pumayag kami!" pahabol pa niya.
Agad na nagpabarya ng
kanyang limang piso ang tricycle driver sa kapwa niya driver na nakasalubong at
iniabot ang walong pirasong beinte-singko sentimos kay Laura.
Gusto pa sanang magreklamo
ni Laura sa binigay sa kanyang mga barya ngunit siya'y nakapagpigil, pabulong
na lamang siyang lumayo at mabilis na lumakad patungo sa pwesto ng mga
nagtitinda ng mga isda.
Sa bilis ng kanyang lakad ay
hindi niya napansin ang magkapatid na Lyn at Luisa, na mabilis din ang kilos;
mga palaboy sa palengke na sumalubong sa kanyang daraanan. Si Lyn ay tinatayang
siyam na taong gulang samantalang si Luisa ay mas bata ng apat na taon.
Humahangos ang magkapatid na may hawak na ilang pirasong iba't ibang uri ng
gulay na halatang pinulot lang sa kalsada.
"Aaaaay!!!", pasigaw na salita ni Laura. Naglaglagan ang kanyang
mga barya, nabitiwan ang kaninang nakahalukipkip na dalawang tote bag at
napunta sa maputik na bahagi ng sahig. Napaupo naman sa lapag ang nakababatang
si Luisa, putikan. Habang si Lyn ay hawak sa kanang braso ang kapatid,
nakatingin kay Laura na mukhang sasabog sa galit.
"Letse! Kung bakit kasi dito pa kayo naghaharutan sa daraanan ng
mga tao. Ang dudungis ninyo, nasaan ba ang mga magulang niyo at pinababayaan
kayong pakalat-kalat dito? Mga iresponsableng magulang, aanak-anak mga pabaya
naman. Bwisit!"
"Sorry po, hindi naman po namin sinasadya saka po hindi naman po
kasi kayo nakatingin sa nilalakaran niyo." pangangatwiran ni Lyn habang
inaalalayan sa pagtayo ang kapatid na si Luisa.
"Aba, kung makasagot kang bata ka ah! Wala kang disiplina, kung
hindi ka lang bata malamang nasampal na kita! Bwisit na araw ito, ang aga-aga
ang daming bwisit!" pasigaw na pasaring ni Laura sa bata habang dinadampot ang naputikang
mga barya at tote bag.
Lampas pa lang alas-siyete
noon pero dama mo na ang kakaibang init ng umagang iyon at nagpadagdag pa ito
sa mainit ng ulo ni Laura. Nakangiwi ang mukhang tumungo sa kanyang suking
tindera ng isda. Si Aling Amelia.
"O, suki bakit ba ang aga-aga eh nakabusangot 'yang mukha mo? May kaaway
ka ba?" ani Aling Amelia.
"Kakainis! 'Yung dalawang batang palaboy diyan sukat ba namang sa
masikip na daanan naghaharutan, ayan tuloy mukha na rin akong marungis. Tingnan
mo itong tote bag ko puro putik, palibhasa kasi mga sanay sa putikan." muling
umalingawngaw ang boses ni Laura habang nagpupunas ng pawis sa kanyang noo.
"Ano ba yan?!? Alas-siyete pa lang
amoy pawis na'ko! Ang init naman sa pwesto mo!"
"Kaya ganyan kainit ang panahon kasi sinasanay lang tayo kung
sakaling sumakabilang-buhay na tayo. Hehe" pabirong banat ni Aling
Amelia.
"Ikaw naman, ang daming pwedeng sabihin iyan pa ang sinabi
mo." hindi
natuwa sa biro si Laura.
"Biro lang naman 'yun suki, 'wag ka na magalit. O sige na, pili ka
na ng isda ko."
"Magkano ba 'yang galunggong mo?"
"Para sa'yo, siyento treinta na lang ang kilo suki kanina siyento
kwarenta iyan" sagot ni Aling Amelia.
"SIYENTO TREINTA? Ibig mong sabihin mas mahal pa 'yang isang
kilong galunggong mo kesa sa isang kilong manok?" painosenteng birada ni Laura
sa tindera. "Sige, bigyan mo ko ng
isang kilo niyan, linisin mo na rin."
Binuklat ni Laura ang unang
tote bag at hinanap dito ang kanyang wallet. Hindi niya ito nakita. Muli niyang
binuklat ang ikalawang tote bag pero muli wala siyang wallet na nakita.
"Sandali ah, balikan ko lang 'yung napagbagsakan ng mga bag ko
baka nalaglag dun 'yung wallet ko."
Dali-dali siyang bumalik sa
kung saan niya nakabangga ang dalawang bata. Tuwad dito, tuwad doon ang kanyang
ginawa. Ginalugad ang bawat sulok kung saan posibleng sumiksik ang kanyang
nawawalang wallet. Higit na sa limang minuto ang nakalipas pero hindi pa rin
niya nakikita ang kanyang wallet. Lalong uminit ang dati nang mainit na ulo ni
Laura. Pawisan. Putikan. Masakit ang likuran. Sa kanyang pag-inat, naalala niya
ang dalawang bata.
Agad siyang naglakad patungo
kung saan naalala niyang tumakbo ang mga bata. Nakita niya ito sa tindahan ng
mga gulay. Namumulot ng mga nalaglag na bawang at sibuyas.
"Hoy, kutong-lupa! Nasaan 'yung wallet ko? Sa'n mo itinago? Kanino mo
ipinasa?" sunod-sunod na tanong ni Laura kay Lyn, habang mahigpit
niyang hawak sa braso ang bata. "Alam
ko miyembro kayo ng sindikato kunwari mga palaboy kayo dito, mga nagpapaawa,
humihingi ng limos pero naghahanap lang ng pagkakataon para makapagnakaw!"
"Ano pong wallet? Wala po akong kinuhang wallet! Saka hindi po
kami magnanakaw, palaboy nga po kami pero hindi po kami nagnanakaw. Nasasaktan
po ako. Bitawan niyo po ako" pangangatwiran at pakiusap ng batang si Lyn kay
Laura.
Sa sakit na nararamdaman ng
bata sa higpit nang pagkakahawak ni Laura, nagpupumiglas siya at sa kanyang
pagpumiglas nasiko niya si Laura at tinamaan sa sikmura. Namilipit sa sakit si
Laura, napaupong sapo-sapo ang kanyang sikmura habang si Lyn ay hinahatak
palayo ang batang kapatid na si Luisa. Patakbo.
Kahit masakit pa ang sikmura
dulot nang pagkakasiko, tumindig at hinabol ni Laura ang dalawang bata.
Inabutan niya ito. Hinatak paharap ang buhok ng kaawa-awang si Lyn at nang nasa
harapan na ito ni Laura ay ubod-lakas niya itong sinampal!
"Walanghiya kang bata ka! Ikaw pa ang may ganang manakit ikaw na nga ang
itong nagnakaw, nasaan ang wallet ko?!?" muling dumapo ang palad ni
Laura sa siyam na taong gulang na si Lyn.
Napaiyak si Lyn sa sakit ng
sampal ni Laura at mamaya pa'y pumalahaw na rin ng iyak ang kanyang kapatid.
Nabaling ang atensyon ng mga tao sa kanilang tatlo; mga tindera, mamimili,
matador at ilan pang mga usisero at usisera. Nagbubulungan. May ibang kampi sa
may edad ng si Laura at ang iba naman'y nakikisimpatiya sa dalawang bata.
"Hindi naman po talaga kami nagkuha ng wallet niyo kahit po kapkapan
niyo pa kami, namumulot nga lang po kami ng mga nahuhulog na gulay para po
mayroon kaming maiulam sa bahay huhuhu", hikbi ni Lyn.
"Hindi ako naniniwala sa'yo alam ko kahit na kapkapin kita, wala na
diyan ang wallet ko kasi ipinasa mo na ito sa ibang mga kasabwat mo! Saan mo
inilagay ang pitaka ko? Kanino mo ipinasa? Sino mga kasabwat mo?" pagalit
na tanong ni Laura kay Lyn sabay pingot nito sa kanang tenga.
"Kung hindi mo ilalabas ang wallet ko, mas maganda siguro kung
tatawag ako ng baranggay o pulis at sila ang magtatanong sa'yo kung sino-sino
ang mga kasabwat mo. Makukulong ka!"
Sa narinig na ito ni Lyn kay
Laura ay lalo itong natakot. Lumakas ang iyak ng magkapatid. Tiyempo namang may
paparating na rumurondang tanod sa kanilang pwesto at natanaw ito ni Lyn.
Nataranta ang bata.
Sa sobrang takot at
pangambang siya'y ikulong kumaripas si Lyn ng takbo at sumiksik sa makapal na
mga usisero at usisera. Umiiyak na lumayo ito sa mga tao habang naiwang
humahagulgol ang nakababatang si Luisa.
"Hoy, ang bata, masasagasaan!" sigaw ng tindera ng buko juice
sa labas ng palengke. Si Lyn ang tinutukoy niya, nadulas ang bata sa bilis ng
kanyang takbo at dahil na rin sa laki ng tsinelas niyang suot-suot.
Hindi na umabot ang preno ng
delivery truck ng gulay dahil sa biglang pagsulpot ng bata sa kanyang daraanan.
Tuluyan na ngang nabundol si Lyn nang rumagasang trak. Nagulat ang lahat nang
nakasaksi. Hindi makapaniwala.
Duguan na hawak ni Lyn ang
ilang pirasong iba't ibang uri ng gulay na nakalagay sa plastik. Habol-hininga.
Sa ganitong kalagayan inabutan ni Laura ang bata, tinanaw niya lang ito mula sa
bukana ng palengke hindi pansin sa dami ng mga tao. Habang si Luisa ay
nakalapit sa kung saan nakabulagta ang kapatid.
"Ate....huhuhu, ateeee!!!" palahaw ng batang si Luisa.
"Luuu...luuuisaa...aa.." At tuluyan nang nalagutan ng hininga si Lyn.
Nagkagulo ang mga tao sa
palengke. Kanya-kanyang kuha ng video gamit ang iba't ibang cellphone. Parang
walang nagtangkang tumawag sa pinakamalapit na ospital o presinto ng pulisya.
Nagpasyang bumalik sa bahay
si Laura. Habang nasa tricycle ay bumubulong-bulong. "Hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit nabundol ang batang iyon,
kung hindi ba naman niya kinuha 'yung wallet ko at hindi siya nagtatakbo, eh di
sana hindi siya nahagip ng trak na iyon. Wala akong kasalanan dun, kundi ang
driver ng trak." depensa ni Laura sa kanyang sarili.
***
"Hoy, kuha mo nga ako ng barya sa itaas at wala akong pambayad dito sa
tricycle!" si Jing ang kausap.
"O, ba't ngayon ka lang dumating? Kanina pa kita hinihintay bumalik.
Tinatawagan naman kita sa cellphone mo, iniwan mo naman pala."
"Umakyat ka nga muna sa itaas at kumuha ng baryang pambayad dito
sa tricycle nang makaalis na ito bago ka magkukwento diyan." bara ni Laura sa asawa.
Iniabot ni Jing ang walong
pisong pamasahe sa tricycle driver at itinuloy ang kwento sa asawa."Ang sabi ko, kanina pa kita hinihintay
bumalik, tinatawagan kita sa cellphone mo pero iniwan mo naman pala. Hindi na
kita sinundan sa palengke kasi baka magkasalisi lang tayo."
"Bakit mo nga ako hinihintay bumalik kaagad? Eh alam mo namang
nasa palengke ako, saka iniiwan ko talaga 'yang cellphone ko tuwing
namamalengke ako dahil baka madukot pa 'yan do'n at ibawas pa 'yan sa sweldo ko
ng opisina." sagot ni Laura.
"Kaya kita tinatawagan sa cellphone mo dahil pababalikin sana kita
dito sa bahay dahil wala kang mabibili nang kahit na isang kilong isda dahil
naiwan mo ang wallet mo! Ito oh." sabay dukot ni Jing ng wallet sa kanyang bulsa at iniabot sa asawang si Laura.
- E N D -