Tuesday, April 2, 2013

Salamin




Pilit mo mang alisin ang duming nakadikit sa iyong balat ay 'di mo na ito maalis. Paulit-ulit mo man itong hugasan at linisin gamit ang dalisay na daloy ng tubig hindi mo na maikukubli ang dungis na nakakapit sa iyong katawan; balutin mo man ito iba't-ibang mga kasuotan , humahalimuyak na mga pabango o kumikinang na mga alahas.
 

Kahit ang iyong ngiti ngayo'y nagpupumilit; ikaw'y nakatawa ngunit 'di lubos ang ligaya, nakangiti ngunit hindi masaya, tila balakid na ang lahat ng bagay sa iyong tunay na kasiyahan. Batid man ng marami na nakamit mo na ang rurok ng iyong tagumpay pero tila palamuti na lang ang lahat ng iyong materyal na bagay.

Ano ba ang silbi ng iyong magagarang mga sasakyan kung wala ka nang patutunguhan?
Ano ba ang gamit ng mamahalin mong kasangkapan kung wala naman itong halaga?
Para saan ba ang nakakalulang halaga ng iyong mga sisidlan kung puno lang ito ng kalungkutan?
Saan mo ba gagamitin ang iyong mga salaping 'di na mabilang kung wala ka nang nais na bilhin?
Aanhin mo ba ang iyong silid na kay lawak at kamang kay lambot kung 'di na mahimbing ang iyong tulog?
Mayroon kang mga masusustansya at masasarap na pagkain sa hapag-kainan pero nakapagtatakang 'di ka man lang nabubusog.
Mayroon kang malapalasyong bahay subalit kasakiman at kalungkutan lang ang doo'y nakatahan.

Hindi mo na ba maharap ang iyong sarili?
Walang lamat ang iyong salamin pero puno ng lamat ang iyong pagkatao. Wala rin itong bahid pero taliwas naman ito sa iyong katauhan. Natatakot ka na ba na harapin ang iyong repleksyon? O nahihiya ka sa iyong sarili?
Pangarap mo noong yumaman at mabili ang lahat ng kagustuhan. Ngayong ikaw ay higit pa sa mayaman, nakahiga sa karangyaan at lahat ng ibigin ay nakukuha pero tila lahat ito ay kulang pa.
Wala ka bang kabusugan?
Wala ka bang kakuntentuhan?
Wala ka bang kasiyahan?
Batid mong marami ang nagugutom kaya ba binubusog mo sila ng kasinungalingan?
Batid mong marami ang nagdarahop kaya ba pinapayaman mo sila sa utang?
Batid mong marami ang walang tirahan kaya ba pighati ang nagsilbi nilang tahanan?
Batid mong marami ang may karamdaman kaya ba malusog sila ngayon sa katiwalian?
Batid mong maraming biktima ng kalamidad kaya ba ikaw ay nakikidalamhati at nakikihati?

Isa kang taong may pinag-aralan pero daig mo pa ang isang mangmang. Sayang ang iyong talino dahil hindi mo ito ginamit sa matino at progresibo. Dalubhasa ka na sa lahat ng larangan at ang paglulubid ng kasinungalingan ay ginagawa mong libangan. Sa tuwing haharapin mo ang salamin kinukumbinsi mo ang iyong sarili na ikaw ay mabuti at hindi tiwali gayong alam ng lahat ang rungis ng iyong pagkatao. Ikaw, kasama ng mga taong may parehong layunin at sampu ng iyong mga alipores na tagapagtanggol ay sama-samang itinatatwa ang mga paratang at taas-noo pang ipinamumukha at pinangangalandakan ang "buti" mo sa lipunan at ang mga "nagawa" sa ating Inang-bayan. Tila hindi na rin epektibo ang pagpapanggap mong ikaw ay may malubhang karamdaman dahil tingin ng marami sa iyo'y para kang pusakal at mapanganib na holdaper na pumupusturang isang pulubing nagsusumamo ng awa.

Kung makapagsasalita lamang ang winawaksi mong salamin marahil na mamuhi rin siya sa'yo, iuusal nya na ang repleksyong kanyang nakikita ay iba kaysa sa'yong itsura wangis mo ngayo'y halimaw na handang lamunin ang mahihinang iyong binibiktima.

Mayaman ka na. Ano pa ba ang dapat mong asamin? Hindi pa ba sapat ang milyon-milyong iyong kinulimbat sa kaban ng bayan? Nagpakasasa at nagamit mo na ang salaping ito upang hamunin ang talino ng mga tao pero sino ba ngayon ang umaastang bobo?

Makapangyarihan ka na. Ano pa ba ang nais mong kamitin? Hindi pa ba sapat na patuloy at paulit-ulit mong halayin ang batas at katatungan? Naabuso at pinaglaruan mo na ang kapangyarihang ito upang kumawala at makapiglas sa tanikala ng iyong mga kasalanan pero sino ba ngayon ang nagmistulang alipin?

Hindi mo na rin alintana ang salitang dignidad dahil mas ninais mong maging may akda ng isang libro nang kasinungalingan sa halip na magsulat at magsiwalat ng isang pahina nang katotohanan; Na lahat nang namumutawi sa iyong bibig ay pulos taliwas sa totoo at kahit tama na ang iyong sinasambit ay wala na rin itong ipinagkaiba sa mali at kasinungalingan.

Hindi mo man kami kami mapaniwala at makumbinsi na katotohanan ang iyong sinasabi hindi ka rin naman maihatid sa likod ng piitan gayong ang katibayan ay nasa aming harapan lamang. Marahil ang katibayang ito ay nababalutan ng gayuma ng iyong salapi at ang mga nararapat na umusig sa iyo ay kusang-loob na pinagtatakpan ang lahat ng iyong kabuktutan dahil mas madalas sa minsan na nangingibabaw ang kamalian kaysa katotohanan. At dahil din ito sa mga kasapakat na opisyales ng bayan na mas pinili ang sandaling karangyaan kaysa habangbuhay na katiwasayan; mga taong ipinagpapalit ang buong pangalan at karangalan sa piraso ng kayamanan, mga taong patuloy na nabulag sa katotohanan dahil sa salaping nakapiring sa kanilang mga paningin.

Mga kapwa mong hindi na rin makatingin sa salamin. Mga taong takot na humarap sa katotohanan, mga taong hindi makamasid ng sariling repleksyon dahil sa minumultong mga isipan.
Sino na ngayon ang aming tatakbuhan kung ilalapit namin ay pangangailangan?
Sino na ngayon ang aming tatawagan kung isisigaw namin ay katarungan?
Sino na ngayon ang aming kapanalig sa digmaan laban sa katiwalian?
Ito ba ang nararapat sa amin?
Ano ba ang dapat naming asahan sa mga taong tumatangging humarap sa salamin?
Mga taong sa halip na linisin ang sarili'y mas minarapat na basagin ang salamin upang hindi na nila kailanman makita pa ang dungis at putik ng kanilang pagkatao.


2 comments:

  1. Maganda... Tsk... May mga tao talagang mas nakikita ang kasiraan ng salamin at hindi ang kanilang pagkatao...

    Magaling ka. Walang Kupas!

    ReplyDelete
  2. Kaswapangan.. nag uumapaw na kaswapangan sa kapangyarihan at yaman.. na kahit salamin nahihiyang ay nahihiyang isalamin ang repleksyon ng nakakasurang alipin ng kaswapangan.

    ReplyDelete