Monday, April 22, 2013

The John Lloyd & Sarah G. Experience








Alam ko medyo late na ang post na ito at dahil pakiramdam ko nasa state of decomposition na yata ang pag-uutak ko pagdating sa paggawa ng "makabuluhan at matalinhagang" paksa naisip kong i-share ang aking saloobin at karanasan sa panonood ko ng pelikukang "It Takes a Man and a Woman" ni Papa John Lloyd at Sarah G.
* * *
Paunawa: Hindi po ito film review dahil hindi naman ito ang aking forte sa katunayan, wala naman talagang akong forte o expertise at hanggang ngayon isa pa rin akong wannabe.
* * *
Sa pagkakatanda ko first time kong manood ng ganitong tema ng Pinoy movie sa big screen hindi dahil sa mataas ang standard ko kundi dahil para sa akin sulit ang aking pera kung ang panonoorin ko ay ang mga big budgeted Hollywood films. Sa pagkakataong ito mas pinili ko ang "It takes a man..." kaysa "G.I. Joe Retaliation" na panoorin. Nanonood naman ako ng lahat ng tema ng Pinoy Film sa Cinema One pero kung sa sine gusto kong sulitin ang aking Php170++ at ang halos dalawang oras sa loob nito.

Late ko na rin nalaman na pangatlo pala ito sa serye ng pelikula nina John Lloyd at Sarah G. una ay ang "A Very Special Love" at ang ikalawa yung "You changed my life". Ganun ako kaignorante at kainosente sa pelikulang ito kaya wala talaga akong karapatang husgahan ang film na ito. Napanood ko naman ang mga pelikulang ito sa TV, putol-putol nga lang kaya more or less, kilala ko na ang bida at ang takbo ng istorya.

Walang duda tumabo sa takilya ang pelikula.
As of this writing lampas na sa Php300 million ang kinita nito sa loob lang ng dalawang linggo! At pangalawa na nga yata ito sa highest grossing Pinoy Film sa ngayon. Malaking pera ito considering na hindi naman ganun kalaki ang budget ng movie - ang pinakamalaki lang yatang ginastos sa movie ay ang pagshoot ng mga bida sa US of A. Pero hindi na ako magtataka, 'di katulad ng aking pagtataka hanggang ngayon kung bakit kumita ng napakalaki ang mga pelikulang hindi gaanong deserving.
Nakakatuwa ang movie. May mga eksenang parang gusto mong bumalik sa pagkabata at kiligin sa away-bati, pa-cute na relasyon ng dalawang bida. Ito 'yung movie na paglabas mo ng sinehan ay nakangiti ka, hindi ka man lubos na na-satisfy sa lupet ng storytelling ay tila lumisan panandali ang lungkot na dulot ng iyong pagiging brokenhearted (sa mga bigo). It's a feel good movie na matatawa ka ng husto kahit hindi naman ito isang comedy film, entertaining yet wholesome.

Mababaw lang naman ang istorya ng movie, the usual love story ng dalawang tao na magkakahiwalay dahil sa mistaken third party (kung si Isabelle Daza ang involved na third party sa totoong buhay malamang tapos na ang istorya doon pa lang, haha) at sa ending sila pa rin ang magkakatuluyan. Huwag kang mag-iexpect na may mamamatay na bidang babae o lalake dahil hindi ito Korean Film o mga nobelang sinulat ng may pagkasadistang si Nicholas Sparks ng The Notebook, A walk to remember, Dear John, The Last Song, etc.
Pero hindi naman kinakailangang napakalalim ng istorya para lubos na mag-enjoy at masatisfy ang ating utak na gutom sa pangarap at imahinasyon kailangan lang ay i-enjoy ang panonood, 'wag pigilan ang sarili sa mga eksenang nakakatawa at ngumiti sa eksenang kwela, ganun lang. Wala itong twist at umaatikabong aksyon na usual sa ending ng maraming pelikula, pinoy film man o hollywood. Ganun kasimple ang pelikula at halos ganun din ang bigat ng love story nito (kahit walang love scenes - haha asa ka pa kay Sarah G!)

Mahusay si Direk Cathy Garcia Molina - alam na alam niyang pakiligin ang mga manonood sa mga eksenang kailangan at kaya ka niyang maging emosyonal sa mga eksenang drama tulad ng drama ng mga bida sa loob ng elevator at ang pag-walkout ni Laida sa Videoke scene. Kung nakakaaliw ang pelikula mas higit akong naaliw sa mga audience na kasama kong nanonood sa SM Manila; ang kanilang tilian, sigawan at pagkakilig sa tuwing "naglalandian" sina Laida at Miggy lalong-lalo na dun sa eksenang natutulog si Miggy sa sahig at si Laida sa kama na halatang nagpapakiramdam at pareho ng mga manonood ay nag-aabang. Isa 'yun sa nakakakilig na eksena lalo na sa mga in-love na kabataan.

Umpisa pa lang naghahanap na ako ng mabibigat at matitinding batuhan ng linya ng mga bida na katulad ng mga linya sa mga dating pelikula nina John Lloyd at Bea - meron din naman. Kahit predictable ang ending hindi ito nagpapigil para tumakbo ang istorya ng swabe at kaabang-abang.
Halos gasgas na rin ang kantang "Kailan" ng Smokey Mountain na natatandaan kong ginamit na rin sa mga naunang pelikula nila. Kung ako lang ang masusunod ang gagamitin kong kanta sa videoke scene nila ay ang kantang lagi kong pinagdidiskitahan ang  "Pusong Bato" parang eksakto ito sa eksena dahil sa pangangaliwa ni Miggy kay Laida. 'Yun nga lang siguradong marami ang hindi ito magugustuhan - jologs kasi! Haha.

Tumatak para sa akin ang speech ng daddy ni Miggy something like: "Sometimes being the best means being the least. Be good even after you make a mistake", dahil ilang araw bago ko mapanood ang movie ay nagpost ako sa FB ng halos kaparehong status. Madalas nag-i-aim tayong maging pinakamahusay at pinakamagaling sa halos lahat ng bagay pero sa pagpupursigi nating ito nakakaligtaan at nasasakripisyo nating ang maging mabuti. Madalas nga sa kagustuhan nating maabot ang rurok ng kagalingan hinahayaan nating masaktan ang ilang taong nasa paligid natin.

Kahit masaya kayo sa inyong relasyon gaya ng pagmamahalan nina Miggy at Laida may pagkakataong hindi kayo magkakaunawaan. Isa ito sa hina-highlight ng movie - na walang perpektong relasyon pero kailangan mayroon tayong perpektong pagkakaunawaan. Ang pag-amin sa pagkakamali at paghingi ng kapatawaran ay hindi madali sa marami pero kung ito naman ang magdudugtong upang humaba ang inyong samahan isantabi muna ang pride at ego. Marami ang naghihiwalay kahit sila'y nagmamahalan dahil isa sa kanila ay ayaw umamin ng pagkakamali, ayaw magbigay ng pagpapatawad o sarado ang tainga at pag-uutak sa balidong paliwanag. Sabi din sa nasabing pelikula: "Piliin mong magmahal. Piliin mong magpatawad", ani Nanay ni Laida patungkol sa pagpapatawad niya sa kanyang asawang nambabae. 

Importante ang Trust sa relasyon  gaya ng relasyon nina Laida at Miggy. "Big Word" sabi ni Laida, pero masakit man sabihin iilan lang ba ang hindi bumasag dito? Bakit kahit anong tamis at wagas ng inyong pag-iibigan ay magagawa pa rin ng isang party na basagin ang tiwalang ipinagkaloob? Mahirap umasa sa "second chance" kaya hangga't maari panghawakan sana natin ang tiwalang ibinigay sa atin. Subukan nating ilagay ang sarili natin sa ating mao-offend (kung sakali) kung sa tingin mo masasaktan siya - sigurado masasaktan talaga siya. Magkakadugtong ang pagmamahal, pagtitiwala at pagpapatawad pero kung ito'y masyadong naabuso walang silbi ang lahat ng ito.

"Ganun pala kapag nagmahal ka ng totoo, kasama lahat ng maganda, pangit, ng malungkot at ng masakit". - Laida Magtalas.
Walang nagsabing puro langit at sarap ang pag-ibig. 'Pag nagmahal ka asahan mo nang masasaktan ka sooner or later, 'pag umibig ka asahan mo ng may katumbas itong kabiguang hindi mo inaasahan. Nasabi ko na dati na isang ironic na; ang taong labis na nagpapasaya sa iyo ay ang siya ring taong may kakayanang saktan ka ng ganun ding katindi. Totoong hindi lahat ng bagay ay may happy ending sa totoong buhay pero hindi ipakahulugan nun na habangbuhay ka nang magmukmok at mag-iiyak. May panahon sa lahat ng bagay; may panahon sa pag-iyak, sa pagtanggap at sa pagbangon gaya ni Laida Magtalas version 2.0. Na wiser. Braver. Stronger. Bolder. Fiercer.

Nakakabilib ang mga taong ginagawang challenge at inspirasyon ang pagbu-bully, pang-aapi at pagkabigo sa buhay nila. Nagsisilbi itong motibasyon upang sila'y magsikap at ipakita sa mundo na mayroon silang mararating na higit sa panghuhusga at kabiguan na kanilang nakamit. Si Laida Magtalas version 2.0. From nothing into something, from no one into someone at from zero into hero. Kung hindi ba naman ay halos solo katawan niyang inangat ang pangalan at dignidad ng isang Miggy Montenegro. Kung lahat lang ng tao ay may ganitong mentalidad marami ang gustong mabigo at magpaapi. 

Maraming binasag na formula ang pelikulang ito tulad ng; hindi kailangan ng mga halinghing at love scene para magkainteres ang mga manonood (isang matinong istorya at mahusay na pagkadirehe, pwede na), hindi kailangan ng six-pack abs ang bidang lalake para pangarapin ng kababaihan at isama na rin natin ang kabadingan (kaya may pag-asa pa tayong may beer belly), hindi kailangan ng napakalaking budget o malupit na special effects para maging interesting sa tao ang pelikula. Tulad din natin, minsan 'wag tayong magpakulong sa nakakahong ideya, ilabas natin ang angking galing at husay nang hindi nakadepende sa umiiral na panuntunan; mapangahas? Oo pero halos lahat ng mga naging matagumpay na tao ay nag-isip at kumawala sa "Boxed Ideas".

Bilang panghuli, muli kong sasabihin na mahusay ang pelikulang ito para itong Godfather movie na mas maganda ang sequel kaysa sa prequel. At kung tatangkain ng mga writer ng pelikulang ito na dugtungan ito sa ikaapat na pagkakataon, mahihirapan silang higitan o pantayan man lang ang success nito; in terms of gross sales, story, soundtrack, script and charisma.

Sa pagtaas ng standard natin sa buhay tumataas din ang standard ng kaligayahan natin sa buhay, hindi na tayo natutuwa sa mga simpleng bagay lang at hindi natatawa sa medyo may kababawang patawa. Hindi ko sinasabi na mababaw ang pelikula ngunit gusto kong ipunto na huwag tayong magpakulong sa kung ano-anong rules ng ating buhay na imahinasyon lang natin ang nagtakda, tumawa kung nais mo at humalakhak pa kung kinakailangan. Makinig sa mga kantang gusto mo kahit jologs ito sa iba, manood ng pelikulang magpapasaya sa iyo, makitawa kasama ng mga corny na kaibigan paminsan-minsan. Maiksi lang ang buhay para pigilan ang sarili sa tumawa at maglibang at hindi na maibabalik pa ang ating kabataan.
Huwag hayaang ibang tao ang magtakda ng kaligayahan mo, kung gusto mo ang isang bagay gawin mo hangga't hindi ka nakakatapak o nakakasakit ng ibang tao.

Ang "It Takes a Man and a Woman"? Relief ito sa mga tao na ang mundo'y maraming stress, pressure at problema at sa wala naman gaanong stress at problema... i-enjoy mo lang ang panonood. MASAYA ang pelikula.



2 comments:

  1. Agree ako sa views mo about this movie...

    I watched it twice!

    ReplyDelete
  2. Naintriga ako.. mahanap nga to sa net at nang mapanood :)

    ReplyDelete