Monday, April 8, 2013

Status Quo (Ante)




Huwag mong ituring na "iba sa lahat" ang isang taong hinahangaan mo dahil baka mabigo kang mapunan niya ang lahat ng expectations mo sa kanya. Oo, lahat tayo ay may kakaibang katangian pero lahat tayo ay mayroon ding parehong kakayanan na biguin ang lahat ng nakapaligid sa atin. Hindi sa lahat ng oras ay taglay ng isang tao ang ugaling hinahangaan mo sa kanya dahil may pagkakataong wala siya sa pinaka the best na ugali niya, o hindi na niya taglay ang talentong pinakagusto mo sa kanya, o binitiwan niya ng lahat ang kanyang galing na minsan mong inidolo. Tulad mo, sila rin ay nagsasawa, natatakot at dumadaan sa pagsubok. Sila rin ay magaling magbalat-kayo, nakangiti kahit nahihirapan, nakatawa kahit galing sa pag-iyak at minsan, bumibigay din sa bigat ng probelang dala-dala. Tama nang hangaan mo siya dahil sa kanyang taglay na galing o talento sa kasalukuyan ngunit 'wag mo siyang ilalagay sa pinakamataas na pedestal dahil baka hindi mo siya masalo sa oras na siya'y bumagsak galing sa itaas.

Masarap malaman na mayroon taong humahanga sa iyo sa kung anong dahilan pero kaakibat nito ang isang responsibilidad (maliit man ito o malaki) hindi ba't lahat ng paghanga ay iglap na naglalaho at nawawala dahil sa isang kamalian lang?
* * *
Kung magmamahal ka 'wag mong pangakuan ng kung ano-anong shit o ng wagas na forever dahil hindi mo alam kung ano ang mangyayari bukas o sa isang araw, dahil baka 'pag nakakita ka ng taong higit na maganda, malambing, nakalabas ang cleavage/maganda ang abs, masarap makisama o sa iba mo nahanap ang kakulangan ng present mong BF/GF baka bumigay ka agad at hindi mo mapanghawakan ang binitiwan mong "Mamahalin kita ng Magpakailanman!" Ilang pangako na nga ba ang nabasag dahil sa pangangalunya? Ilang Forever na nga ang naging for a while lang? Hindi porke't masaya kayo ngayon sa isa't isa kayo pa rin bukas o sa isang araw, hindi ito sapat na basehan lalo't ang tukso ay nagkalat lang. Ang labis na kasiyahan ay may katumbas na parehong pighati at lungkot kung sakaling dumating ang oras na hindi na kayo magkasundo. Magtira ng pagmamahal sa sarili tiyak na makakatulong ito kung sakaling umabot sa hiwalayan o hindi pagkakaunawaan ang inyong relasyon. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming nagpapatiwakal pagkatapos ng isang break-up, nawalan sila ng pagmamahal sa kanilang sarili dahil nakafocus at naibuhos niya nang lahat sa taong lubos niyang minahal at kinahumalingan. Ang tanging lunas sa depresyon ay ganap na pagtanggap at pag-moved on hindi mo ito magagawa kung wala kang reservation sa sarili mo.

Mas okay kung ienjoy at samantalahin niyo lang ang mga sandaling magkasama kayo at damhin ang ubod-tamis na inyong pagmamahalan ng walang sumpaan, dahil 'pag walang sumpaan, walang sumbatan.
* * *
Huwag mong ituring na ikaw ang pinakamagaling o pinakamatalino sa anumang larangan dahil sa panahong hindi mo inaasahan darating ang oras na may mas makahihigit sa anumang talino o galing na taglay mo. Sabi sa isang kasabihang ingles: "No one is indispensable", ibig sabihin - lahat tayo ay kayang palitan ng kung sinuman kung sakaling tayo ay malaos, tumanda, yumabang o mamatay. Kahit pa ikaw ang pinakapremyadong artista o pinakamagaling/pinakakamasipag sa opisinang pinapasukan mo, pinakamahusay na nobelista o manunulat, pinakamakapangyarihang lider o pulitiko palagi at parating may darating na personalidad na dadaig sa iyo o hahalili sa pwestong itinakdang maiiwan mo. Masaya sa itaas lalo't ikaw ay busog sa papuri, parangal, kapangyarihan at kayamanan pero ito'y pansamantala lang dahil lahat ay may hangganan. Bago pa man dumating ang hangganang ito sana'y higit nating napagtagumpayan ang katiwasayan ng isip at kaligayahan sa ating puso.

Higit sa parangal at papuri ng kagalingan at katalinuhan ang makakamit mo kung ikaw ay mapagkumbaba at maunawain dahil ang pagiging mabuti ay kailanman hindi madadaig ng pagiging mahusay.
* * *
Huwag mong ipagmalaki kung ano ang taglay mong yaman ngayon dahil sa isang kisap-mata lang lahat ay kayang maglaho nang hindi mo inaasahan at hindi mo ito kayang pigilan kahit na ano pang gawin mo. Mas mahirap tanggapin ang pagbagsak o kabiguan kung masyado mong sinanay ang sarili mo at ang ibang tao sa karangyaang iyong tinatamasa at pinangangalandakan noong ikaw ay nasa rurok pa ng yaman. Huwag mong hamunin ang tadhana dahil 'pag kinasahan ka nito siguradong hindi ka mananalo ilulugmok ka nito at isasadlak ka sa pinakamababang estado ng iyong buhay hindi mo mamamalayan na said na ang yaman mo at wala na rin ang iyong mga kaibigang dapat na tutulong sa iyo sa ganitong kalagayan. Huwag mong pagmalakihan ang mundo dahil kung paano niya ibinigay sa'yo ang yaman, sa paraang hindi mo mauunawaan niya ito babawiin sa iyo. Maging matino sa paggamit ng tagumpay at yaman at 'wag magpadala sa matatamis na salita't pang-uuto ng mga taong gusto kang gamitin upang sila ay umangat. Kung paano ka naging masikap at humble sa panahong ikaw ay nasa ibaba pa sana mamintini at mapanatili natin ito kung umangat na ang ating estado sa buhay. Marami na ang nalunod sa isang bagong tubig, marami na ang naloko sa huwad na ginto at marami ang nalagay sa alanganin sa paghangad ng kagitnaan.

Mag-ingat sa bawat bibitiwang salita dahil hindi mo na kailanman ito maibabalik kahit humingi ka pa ng kapatawaran, huwag mong alipustahin ang mabababa sa iyo dahil baka dumating ang araw na sa kanila ka rin humingi ng tulong at kalinga. Sino bang mag-aakala na malulugmok sa nakakahiyang kalagayan ang katulad ng makapangyarihang lider/pulitiko na ipiniit o kinitil ng tadhana?
* * *
Marami ang nangangarap na sila ay sumikat at hangaan ng mga tao ngunit mas nakakatakot ang hatid nitong pagkalaos at pagbagsak. Hindi ko kailanman ninais at pinangarap na sumikat bagama't nangarap ako ng parangal; hindi ko hinangad na ako'y hangaan (kung may karapatan at katangian man akong dapat na hangaan) dahil katulad din ako ng marami na hindi kayang punan ang responsibilidad na nakakabit dito, mas nakakapangamba ang mga negatibong puna at komento kung wala ka na o lumisan na ang magandang talentong hinangaan nila sa iyo.

Ang pagmamahal na may reserbasyon ay hindi pagiging makasarili kundi ito'y self-respect, minsan nakakalimutan na nating mahalin ang ating sarili dahil sa labis-labis na pagmamahal natin sa iba, na kahit na abusuhin tayo ay pikit-mata pa rin nating itong sinisikmura, kung espesyal ang turing mo sa iyong mahal espesyal ka rin sa ibang tao. Madalas sa labis na pagmamahal natin nakagagawa tayo ng isang bagay na labag sa ating damdamin at kahit makasakit ng iba ay hindi natin alintana para lang mapunan ang tinatawag na pagmamahal. Hindi sa lahat ng oras dapat tayo ay nagtitiis dahil may mas magmamahal sa atin ng lubos 'yung taong mamahalin ka at hindi ka aabusuhin at lolokohin at hindi mahilig magbitaw ng pangako pero marunong rumespeto sa damdamin ng iba.

Dahil sa kompetisyon at desperadong pangarap minsan nakakalimutan na natin ang mamuhay ng simple. Dahil sa kagustuhan nating makaangat at tingnan ang sarili nating iba sa karaniwan wala na tayong pakialam sa ibang nakapaligid sa atin; kulang na rin tayo sa tiwala at nilalamon na ng diskriminasyon ang ating pagal na pag-uutak. Maraming bagay ang panandalian lang pero ipinagpapalagay nating ito ay panghabangbuhay. Kung susuriin parang mas okay pa ang ugali ng isang tao noong hindi pa siya umaangat o tumatamasa ng tagumpay, mas okay pa ang panahong hindi labis ang pag-unlad ng pamumuhay, noong hindi pa nilalamon ng pagkagahaman ang utak ng ayaw magpagapi, noong hindi pa siya marunong kung paano akyatin ang hagdanan ng pagsikat, noong hindi pa natin batid na nakakasugat pala ang pride at ego, noong panahong asin at bagoong lang ang katandem ng ating kanin.

* * *



Status quo is a Latin term meaning the existing state of affairs. It is a commonly used form of the original Latin "statu quo" – literally "the state in which". To maintain the status quo is to keep the things the way they presently are. The related phrase status quo ante, literally "the state in which before", means "the state of affairs that existed previously"

4 comments:

  1. wow... super like ko ang mga kaisipang ibinahagi mo sa post na ito! galing mo idol!

    ReplyDelete
  2. ang lalalim ng mga sinulat mo. Full of wisdom.
    Tama ang sinasabi mo. Kasi nobody is perfect. Kahit sino nagkakamali. So kahit mga sikat na tao pa. There must be always room for forgiveness at understanding.

    Yes, no matter what, we must remain humble. Be happy kung nao man ang narating at encourage others to do their best too.
    At kapag blessed, be a blessing too:)
    Im your new follower too.

    Thanks for joining the " Letter to God contest."

    ReplyDelete
  3. Kung di mo rin lang kayang panindigan ang mga salitang sinabi mo sa taong mahal mo (sa ngayon) wag mo na lang sabihin. MAsyadong makapangyarihan ang mga salita , tumitimo ito sa isipan , sa puso at pagkatao. bago mo pa malamang may role ka nang hindi nagagampanan , nakasakit ka na pala.

    Ayoko rin hangaan. Buti n lang walang humahanga sakin, Nakakapressure yun eh. lol

    ReplyDelete
  4. Hindi ko lubos na pasasalamatan si Dr EKPEN TEMPLE sa pagtulong sa akin na ibalik ang Kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip sa aking pag-aasawa matapos ang maraming mga isyu na halos humantong sa diborsyo, salamat sa Diyos na ang ibig kong sabihin ay si Dr EKPEN TEMPLE sa tamang oras. Ngayon masasabi ko sa iyo na ang Dr EKPEN TEMPLE ay ang solusyon sa problemang iyon sa iyong kasal at relasyon. Makipag-ugnay sa kanya sa (ekpentemple@gmail.com)

    ReplyDelete