Ang akdang ito ay ginawa hindi upang
pasinungalingan ang isang verse sa bible na may kinalaman at kaugnayan sa
katagang: Ang Lahat ng Bagay ay may Dahilan.
ROMANS 8:28
Alam
nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal
sa kanya, Alam nating ang lahat ng bagay ay nagkakaisang gumagawa para sa
ikabubuti ng mga nagmamahal sa Diyos silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin
* * *
Lahat ng bagay ay may
dahilan - ito ang palagiang eksplanasyon at paliwanag na ibinibigay sa atin sa
kahit na anong bagay na nangyayari sa ating buhay at kapaligiran.
Minsan kahit walang dahilan
hinahanapan pa rin natin ito ng kadahilanan para lang mapunan ang maliit na
espasyo sa ating isipan na ang lahat nga ay may dahilan.
Ngunit minsan din hindi
naman natin talaga kailangan ng kongkretong dahilan para gawin ang ibang mga
bagay o ang mga bagay na ginawa ng ibang tao sa atin o 'yung mga bagay na
nangyayari sa paligid natin. Halimbawa ng pag-ibig, dahil ang puso'y hindi
tumatanggap ng katwiran at hindi kailangan ng anumang dahilan, magmamahal at
magmamahal ka mayroon o wala ka mang dahilan. 'Pag tapat ang pag-ibig na
nararamdaman hindi natin hahanapin kung ano ang taglay ng taong ating iniibig,
hindi mahalaga sa kung anong meron siya o hindi sa kung anong dahilan na
maiisip mo dahil mas nangingibabaw ang pagmamahal sa kahit na anong dahilang
pwede mong maimbento. 'Di ba 'pag masaya ka sa kahit anong ginagawa mo hindi mo kailangan ng ano pang dahilan?
Mahirap matali sa isang
konseptong kailangan mong kumilos para sa isang layunin na kapag ikaw ay nabigo
ay bibigyan mo ito ng dahilan o katwiran, kahit baluktot na katwiran. Hindi
porke hindi tayo nagtagumpay sa isang bagay ay maari ng pangatwiranan ito ng
"may dahilan kaya hindi ito nangyari" ngunit ang totoo madalas hindi
lang natin ginawa o nagawa ang lahat ng paraan para tayo magtagumpay, sinadya
man o hindi maraming mga bagay ang negatibo ang naging kinalabasan/resulta
dahil hindi tayo nag-ingat, nagprepara o naghanda. Life is what you make it, ika nga.
Halimbawa...
Babagsak ka sa isang
pagsusulit kung hindi ka nagreview o tinamad ka mag-aral.
Mali-late ka sa appointment
kung hindi ka aalis ng mas maaga.
Magiging malala ang sakit mo
kung hindi ka magpapadoktor o iinom ng medisina.
Kung hindi mo prinovoke
hindi ka mapapaaway.
Wala kang matinong trabaho
kung hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral.
Kung hindi ka
nag-counterflow hindi ka makaka-aksidente.
Hindi ka mabubuntis kung hindi ka nagpatira.
Hindi ka mabubuntis kung hindi ka nagpatira.
Hindi ka mananalo sa isang
kompetisyon kung hindi ka sasali.
Palagi kang mapapahamak kung
hindi ka nag-iingat.
Kung wala kang kalaguyo
hindi sana magulo ang buhay mo.
At marami pang ibang
senaryo.
Bagamat may mga pangyayari
na hindi umayon sa dapat na nangyari o sa inaasahan mong mangyari, mayroon ding
nagtagumpay o napaiba ang kinalabasan kahit naging pabaya o naging kaunti lang
ang pagsisikap datapwat hindi natin dapat ito pakaasahan dahil ang nangyari sa
iba ay maaring hindi mangyari sa iyo. Simple lang, ang tsamba nila ay maaring
hindi mo maging tsamba. At dapat lang na huwag tayong umasa sa tsamba at
swerte.
Naniniwala ako na lahat tayo
ay nabuhay para sa isang makabuluhang misyon at para sa malalim at mabuting
dahilan. HINDI ko ito inaalis sa isipan ninuman pero naniniwala ako na malaking
porsyento nang pangyayari sa ating buhay ay random; na lahat ng desisyon mo
ngayon ay makakaapekto sa iyong buhay bukas, na kung ano ka ngayon dahil sa
ginawa mo kahapon, na kung saan ka napunta ngayon dahil 'yun ang napili mong
landasin at tahakin, na kung anumang malubhang sakit (na pwede sanang
napigilan) ang tinaglay mo ay dahil sa pagwawalang-bahala, kapabayaan o
pag-abuso sa iyong sarili.
Hindi eepekto ang dasal kung
hindi mo sasamahan ng tiyaga, pagsisikap at pagpupursigi. Ang lahat ng
kabutihan at pagsisikap mo sa buhay ay susuklian ng kabutihan at kasaganahan.
Bakit ka ba naman bibiyayaan kung tatamad ka? Bakit ka naman pagpapalain kung
walanghiya ka? Hindi mo man maintindihan kung ano ang nangyayari sa buhay mo
ngayon pagdating ng araw mauunawaan mo ito, hindi man natin masaksihan ang
karma ng mga kriminal tiyak sa kabilang buhay ay mararanasan nila ito. Kung ano
ang itinanim ito rin ang aanihin - Universal Law ito na dapat tandaan. Bad
deeds resulting to bad karma, good deeds resulting to good karma.
Ang kapabayaan ng tao sa
sarili at sa kapwa ay madalas na nagreresulta sa kapahamakan, walang sinuman
ang may karapatan na pangatwiranan ang nagawang kapabayaan. Minsan kaya may
karamdaman o abnormalidad ang isang sanggol dahil sa naging kapabayaan ng isang
ina nang ipinagbubuntis niya pa lamang ito hindi dahil sa "may
dahilan". Ano bang dahilan o katwiran sa pagkakaroon ng ama ng tahanan na
iresponsable at hindi man lang magsikap na maghanap ng trabaho?
Lahat ng tao ay may malayang
mag-isip at isagawa kung ano ang nasa isip. Freewill. Sayang ang freewill
nating ito kung iaasa mo lang sa tadhana ang mangyayari sa iyong buhay, sayang
ang laya nating mag-isip kung lahat ng bagay ay hahanapan mo ng kadahilanan,
sayang ang talento kung hindi pakikinabangan dahil natatakot sa kung anong
dahilan.
Kung may masamang nangyari
sa ating kaanak o sinalbahe ng mga walang kaluluwang mga nilalang; HINDI natin
ito kagustuhan at lalong HINDI ito kagustuhan ng Diyos...ano ang dahilan para
dito? Makokontento ka ba kung sabihin ng kriminal na "nangyari ang bagay
na 'yun dahil sa isang malalim na dahilan"? Tangina. Palayain na lang
natin lahat ng kriminal kung tatanggapin natin ang ganyang pangangatwiran.
HINDI LAHAT nang nangyayari
sa ating buhay at kapaligiran ay KAGUSTUHAN ng DIYOS kaya nga lahat tayo ay
huhusgahan pagdating ng Araw ng Paghuhukom, hahatulan ayon sa dami at bigat ng
nagawang kasalanan at sa ating mga nagawang kamalian. Maaring may leksyon at
aral sa ating mga nakaraan pero hindi dahilan ito para hindi magbayad ng
kasalanan ang sinumang lumapastangan sa ating kinabukasan. Hindi
katanggap-tanggap na isipin na maraming tao ang nagpapakulong sa konseptong
'Lahat ng bagay ay may dahilan' kahit alam natin na kasalanan, kagaguhan,
kapabayaan at kamalian na ng ibang tao ang naging sanhi ng isang trahedya o
sakuna.
Maliban na lang sa DIVINE
PROVIDENCE na tinatawag. Kahit kagustuhan na ng Diyos madalas sinusuway pa
natin, madalas kahit may mga babala na 'wag nating gawin ang isang bagay
ginagawa pa rin natin, minsan kahit alam nating mali at kasalanan wala pa rin
tayong pakialam. Dahil ang tao ay tao; nagkakamali at makasalanan. Pero 'wag
nating abusuhin ang katwiran at gawing dahilan ang pagiging TAO natin para sa
hindi matapos-tapos na kasalanan.
Muli, nasaan ang DAHILAN
nito?
gusto ko ang iyong pinupunto... hmmnnnn...
ReplyDeletesa totoo lng talino mo ang ginamit para unawain ang salitA ng Diyos" hindi kita pwdeng husgahan pro may payo lng po ako bilang kapatid mo sa pananampalataya" bago po ninyo basahin ang texto ng salita ng Diyos una ay idalangin mo na bigyan ka ng wisdom mula sa Diyos pangalawa puso at ispiritu ang gagamitin mo hindi ang talino mo pangatlo maniwala ka sa lahat ng nabasa mo kahit hindi mo pa nkikita ang Diyos☝🙌🙏😇
ReplyDelete