Thursday, December 27, 2012

Blind Items




Kung may mga bagay na kaya mong sabihin nang harapan sa mga taong malapit sa'yo may mga bagay din namang hindi mo kayang sabihin o ayaw mong sabihin nang harapan sa mga taong kinaiinisan mo o sa mga taong sadyang 'di mo gusto ang asal at pag-uugali.  May kasabihan tayong mga Pilipino kung wala ka rin lang sasabihing maganda sa isang tao mas mabuting tumahimik ka na lang at sarilinin na lang ito. Pero kung hindi mo mapigilan ang sarili mo na gawin ito idaan mo sa ganitong pamamaraan at 'wag mong pangalanan. Hindi mo man lubos na nakontrol ang sarili mo hindi ka naman nakapanakit ng tao.

Ang post na ito ay halo-halong emosyon na naglalaman ng rant, papuri, pacute, pagmamahal, pagkainis, pasasalamat at iba pa na magpapakilig o makakasira ng iyong mood kung ikaw ang pinatamaan.

Paunawa: Hindi ko kailangan nang anumang disclaimer para sa mga taong na-offend ng post na ito. Gagawin ko ito ng bukal sa loob at walang halong pagsisisi at kung sa pakiramdaman mo ikaw ang tinutukoy sa isa sa mga item na ito sinadya ko talaga iyon.

Umpisahan na natin. Ready, set, go!

  1. Sa edad mong lampas kwarenta dapat may pinagkatandaan ka na. Huwag mong isisi sa ibang tao ang lahat ng kamalasan ng buhay mo. Kung dati kang nakakatulong sa mga kamag-anak mo hindi ito dahilan para isumbat ito sa kanila nang paulit-ulit. Wala akong atraso sa'yo, wala akong utang sa'yo at sa tingin ko wala rin akong naging utang na loob sa'yo, kung hindi kita kinakausap at pinapansin choice ko 'yun at simple lang ang dahilan ko: Hindi ko kaya sikmurain ang ugali mo. Isang tip lang sa'yo: Don't burn bridges. 'Wag mong siraan ang mga taong nakakaaway mo (nang walang dahilan) dahil posible pa ring makabati mo ito sa darating na panahon. Isa kang forty years old something na may pag-uutak ng isang teenager na walang pokus sa buhay. You are growing old but not growing up, sa tagalog nag-matured ang edad mo pero hindi ang utak mo.
  2. 'Wag mo kong yabangan ng mamahalin mong damit, pantalon, relo o gadget dahil alam ko, kung gaano kamahal ang mga gamit mo ganoon din kalaki ang pagkakautang mo sa opisina mo. Kahit Bench lang ang pantalon at damit ko o Timex lang ang relo ko o tatlong libong piso lang ang halaga ng celphone ko (ayoko mang sabihin pero sasabihin ko na rin) may sarili akong Bahay at Lupa (nakikitira ka lang di ba?), may dalawa akong sasakyang binili ko ng brand new ('yung sa'yo second hand 'di ba?). Ikaw ang isang magandang halimbawa na living beyond the means. Wala ako sa posisyon para pagsabihan ka pero minsan nakakairita na ang mga banat mo dahil alam ko namang hikahos ka rin. Sa susunod na yabangan mo ako isasampal ko sa'yo ang titulo ng bagong bili kong lote na 192 sqm na patatayuan ko ng malapalasyong bahay sa taong 2015 para kumalma at tumahimik yang pagkamaangas mo. Umayos ka kasi.
  3. Oo, crush kita pero hanggang doon lang 'yun dahil alam nating nakagapos na ang puso ko at mahal ko ang asawa ko at pamilya ko at hindi ko iyon maipagpapalit sa isang maganda at matamis na ngiti lang. Pakiusap, 'wag ka lang tumawa baka ikatunaw ko iyon. Sus, ang arte. :-)
  4. Isa ka sa iilan kong kaibigan, kaya nating magmurahan ng harapan pero kaya rin nating maunawaan ang isa't isa pagkatapos ng isang alitan. Alam kong may reserbasyon ka sa pagkakaibigan natin pero ganun talaga kasi ganoon din ako sa'yo. Kung nagkaroon man tayo ng hindi pagkakaunawaan dati hindi ito naging hadlang para muling bumalik ang ating friendship (naks!). 'Pag may sinasabi ako sa'yo sigurado para sa ikabubuti yun ng ating kompanya; pagtulungan at pag-usapan natin ang mga bagay na pwedeng ikaunlad at ikaasenso pa ng ating opisina. Gusto kong sabihin sa'yo: Pre, I value our friendship 'though sometimes it just doesn't show.
  5. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang piktyuran mo ang lahat ng aktibidades mo sa buhay, oo wala akong pakialam doon pero pare minsan ipakita mo namang lalake ka at nakakapagdesisyon ka rin ng hindi kailangan ng consent ng asawa mo (may konek?). Maaring ang asawa mo ang nagpro-provide ng maraming needs sa bahay ninyo pero nagiging katawa-tawa ka na sa paningin ng iyong mga kaibigan. Nahihiya akong sabihin sa'yo ito ng harapan pero dahil blog ko 'to gusto kong itanong sa'yo: Sa'n na napunta ang b*y@g mo?
  6. Masaya ako na nakilala kita at sobrang nag-enjoy ako sa pag-alaga mo sa amin noong pumasyal kami sa Bicol. Simula sa araw na iyon itinuring na kitang kaibigan sa ayaw mo man o sa gusto. Kung marunong magbiro ang tadhana ako rin marunong hintayin mo lang at may darating sa'yo. Surprisa na lang,
  7. Pasensya ka na sa mga biro kong sagad sa buto, pasensya ka na dahil natrauma ka sa mga kalokohan ko pero alam mo...sa mga kalokohan kong ito parang ako rin ang naging biktima nito sa bandang huli. Tunay ngang ang karma ay mabilis at digital. Pero hindi ko hinayaan ang sarili ko na patuloy na maging biktima ng sarili kong kagaguhan ginamit ko ang  natitira kong superpowers at nanaig naman ang aking pagiging Superhero. :-) Sa iksi ng panahong tayo'y naging magkakilala katulad ng lumubog at sumikat na buwan manatili sana tayong magkaibigan.
  8. Nag-iba ang landas na iyong tinahak at simula noon hindi na kita nasundan. Maaring nag-bago ka na ng tuluyan pero sa sandaling kailanganin mo ako iaabot ko ang kaliwang kamay ko sa'yo habang ang kanang kamay ko naman'y nakapulupot sa lubid na nakakapit sa puno; handa kitang tulungan at alalayan kung sa tingin mo'y hindi mo kayang sagupain ang mga balakid na nakahambalang sa harapan mo dahil ginawa mo sa akin 'yun noong ako'y gusgusin pa lang.
  9. Huwag mong ipamukha sa mga kasama mo sa trabaho ang pagiging propesyonal mo dahil hindi lang ikaw ang matalino sa mundo at kahit ikaw pa ang pinakamatalinong tao hindi pa rin ito karapatan para ipagyabang kung ano ka. Hindi ka naman dating ganyan pero sa hindi malamang kadahilanan biglang-bigla nagkaroon ka ng malalang Meningitis kung idi-describe kita naiisip ko ang babaeng tinutukoy ni Chito sa kantang Silvertoes. Wala namang masama kung hindi kagandahan ang itsura eh, ang masama ay ang pag-uugali mong sagad sa pagkamaangas. Kung iba ang relihiyon mo igalang mo naman sana ang ibang relihiyon, kung may nagbibigay papuri o nagdarasal 'wag ka nang mag-ingay o gumawa ng eksena BASTOS ka eh nakakaisip ng hindi maganda ang dapat sanang nagsisisi at taitimtin na nanalangin. Isang PAALALA: maging natural at simple ka lang sigurado marami ang kagigiliwan ka, hindi mo kailangan ng braces, ng makulay na dress at blouse na sleeveless. Makinig ka minsan sa mga taong nagbibigay sa'yo ng magandang advise dahil higit pa ang ating leksyong matutunan sa labas ng eskwelahan. Kung hindi ka pa magtino...mag-ingat ingat ka baka ikaw ay sagasaan ko.
  10. Nag-uumpisa lang magkaroon ng balahibo ang aking mga pakpak nandiyan ka na, ngayong sabay tayong sumasahimpapawid nandiyan ka pa rin at hindi nag-iba ng landas 'di tulad nang iba na halos nakalimutan na pati ang pangalan ko. May pagkakataong naitabla kita dahil sa letseng conflict of interest pero kailanman hindi ko tinabla ang pagkakaibigan natin. Kayong mag-asawa ang aking naging sandigan nang kailangang lunasan ang lumundo kong bagwis, kayo ang aking naging tainga sa panahong kailangang marinig ang aking alingawngaw.
  11. Eh ano ngayon kung mataas ang posisyon mo sa trabaho? Katwiran na ba iyon para gipitin at diskriminahin ang ibang mga empleyado? Maliit pa ba ang sweldo mo para pagdamutan ng mga pribelehiyo ang ibang mga empleyado? Huwag mong ipagkait sa kanila ang nararapat na sa kanila at 'wag mong itago ang dapat na ipinamamahagi sa maliliit na kawani. Marami ang kinakaibigan ka lang dahil sa impluwensiyang taglay mo, sana mauri mo kung sino-sino ito. May mga ibang taong karapatdapat-dapat na makatanggap ng benepisyo hindi 'yung parang mata ng kabayong may piring ang iyong paningin na may limitasyon ang nakikita, lawakan mo ang iyong paningin kasama ng iyong pag-iisip. Kung sa tingin mong hindi alam ng mga empleyado ang mga kalokohan diskriminsayong ginagawa mo nagkakamali ka dahil hanggang sa Canada nabalita na ito. Pero hindi pa huli ang lahat may pagkakataon pa para baguhin ang kamaliang ito.
  12. Hindi ko kayo (dalawa sila) lubos na kilala pero isa kayo sa mga unang nag-appreciate ng ginagawa ko. Isa akong tao na bihira magpakita ng emosyon pero walang halong biro itinuring ko kayong kaibigan kahit anonymous ang isa sa inyo, kahit hindi ko alam ang background niyo, kahit wala akong sapat na detalye at impormasyon sa buhay niyo. Teka kailangan ba iyon para makapag-establish ng isang Friendship?
  13. Hindi ko mararating ang kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sa'yo. Awkward mang sabihin dahil pareho tayong lalake pero sasabihin ko pa rin: Mahal kita. Lahat ng success at achievement ko sa buhay ay kaagapay at kasama kita at tinatanaw ko itong utang na loob na hindi mababayaran ng anumang materyal na bagay. Maaring hindi tayo nagkakasundo sa ibang bagay pero ang mahalaga nareresolve natin ang problema ng smooth at walang kontrabida. Muli maraming salamat at sana patuloy tayong maging successful sa pagpapatakbo ng opisina.
  14. Ang pagpi-Facebook sa loob ng opisina at sa oras ng trabaho ay isang pribelihiyo lang at hindi natin karapatan. Kaya magpasalamat ka dahil kahit papaano'y nakakasilip ka sa account mo at nakikicomment sa mga walang kakwenta-kwentang post na puro pagmamayabang. Ngayong inabuso mo ito at nakarating sa kinauukulan marami ang naapektuhan at hindi na nila masilip ang FB nila kahit lampas na ng alas-singko. Magpokus ka sa trabaho mo at bawasan ang pangtsitsimis sa ka-officemate mong hindi mo makasundo. Pag umaapoy na ang isang bagay 'wag mo na lagyan ng gaas, pasaway ka din eh!
  15. May iba kang adhikain at pananaw na taliwas sa akin ngunit hindi kahulugan nun na hindi kita igalang at irespeto. Taas ang kamay ko sa'yo at nakayukod ang ulo kong nagbibigay galang sa ugali at polisiya mo sa buhay. Hindi ko man makayang abutin ang mga success mo sa buhay ikaw naman ang inspirasyon at modelo ko ng salitang TAGUMPAY. Alam kong isa ka sa dagliang aalalay sa sandaling mabali ang bagwis ng aking mga pakpak o sa panahong lumipas ang panahon ng aking Tag-Libog.
  16. Sa kabila ng iyong pagiging friendly alam kong may sarili kang agenda at bago pa magningas ang kumakalam mong pagnanasa kailangan na itong apulahin at buhusan ng malamig na tubig. Sa kabila ng iyong pagiging mabait alam kong may kakaiba kang motibo, hindi ko kailangan ng mga regalo mo kung sa likod nito ay ang ngiti na galing sa isang mapagkunwari. Isawsaw mo ang ulam mo sa sarili mong sawsawan at 'wag ka nang magbaka-sakali dahil bistado ko na ang diskarte mong bait-baitan. 
  17. Kung ipapa-define sa'kin ang salitang Tunay na Kaibigan ikaw ang pumapasok sa isip ko. Alam mo ang likaw ng bituka ko mula small intestine hanggang large intestine, ganun tayo ka-close. Milya man ang distansiya natin sa isa't-isa hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ko sa'yo. Kahit hindi ka nakikinig sa mga positibo kong payo okay lang 'yun ang importante napapangatawanan mo kung ano ang naging desisyon mo. 'Wag mo akong tingalain dahil nakaapak pa rin akong nakatuntong sa lupa; hanggang ngayon tulad ng dati. Ang angas ay inilalabas lamang sa panahon ng kagipitan. Gusto kong bumalik sa pagkabata na kasama kita hawak mo ang alak na lapad habang ako ay sumusuka.
  18. Kinilabutan at kinilig ako ng sabihan mo ako ng: "Idol mo Ako!" Hindi sa ayaw kong ako'y hangaan pero mas natatakot ako sa responsibilidad na nakakabit dito, paano kung hindi ko magampanan ang inaasahan mo? Kidding aside, okay ka sa akin mula noon hanggang ngayon; isa't kalahating dekada na tayong magkaibigan pero ganun ka pa rin LOW PROFILE. May talento ka ayaw mo lang lubos na ipakita at ipagmalaki at 'yun ang kinabibiliban ko sa'yo. Pre, ngayong ilang kwarto na ang layo mo sa akin, naaalala ko ang masasayang sandali nating tayo'y "nagniniig". Sana ay muli itong maulit.
  19. Minahal kita hindi lang dahil maganda ka, minahal kita hindi rin dahil mayaman ka, minahal kita lalong hindi dahil mahinhin ka minahal kita sa taglay mong pambihira. Sa maniwala ka't sa hindi mahal kita. Walang pangako, walang palabok. Hindi kita kayang mahalin ng forever dahil habang sinusulat ko ito hindi pa ako imortal pero kaya kitang mahalin hanggang sa makakaya ko. Kung minahal kita noon higit pa ang pagmamahal na nararamdaman ko sa'yo ngayon; madalas mang may magulo akong pag-iisip, may weird na pag-uugali at may paranoid na kadiwaan mas nananaig pa rin ang pagmamahal kong singtibay ng bato at singtatag ng isang bloke ng semento. Isa kang ordinaryong babae na may pambihirang kakayahang magpa-ibig ng isang lalake sa walang kaeffort-effort na paraan. Hindi ako santo na sa tingin ng mga tao'y mabait ngunit hindi rin naman ako demonyo na pumapaslang sa ngalan ng pag-ibig, isa akong mortal na tao na pagsusumikapang mahalin ka hanggang sa huling hibla ng aking hininga, hangga't nariyan ka.

No comments:

Post a Comment