Walang perpekto.
Kahit ang literal na mundong
ating ginagalawan ay hindi perpektong bilog. At kung tinatangka mong maging
perpekto ay tinatangka mong maging diyos. Lahat tayo ay may limitasyon, lahat
tayo ay may hangganan. Kung may nakikita kang magagandang katangian sa ibang
tao na wala sa iyo mayroon ka namang ibang katangian na hindi taglay ng iba.
Hindi porke ang isang tao ay may magandang mukha wala na itong kapintasan at
kahit may taglay pa itong hindi mabilang na kayamanan may pagkakataon na malulungkot
pa rin ito. Maaring mas madali ang buhay ng iba kumpara sa iyo pero hindi ibig
sabihin nito na masalimuot na ang buhay mo. Lahat tayo ay may kanya-kanyang
katangian, kagandahan, biyaya, talento at kakayahan pero kung masyado mong
itinutuon ang magagandang katangian, kagandahan, biyaya, talento at kakayahan
ng ibang tao at hindi mo pinagyayaman, pinahahalagahan o nililinang ang mga
ipinagkaloob sa'yo higit na malaki ang mawawala sa'yo. Papasukan ka ng inggit
at hindi mo na mapapansin ang lahat nang biyayang nasa sa iyo dahil abala ka sa
pagbibilang nang biyaya ng ibang tao.
Walang perpekto.
Ngunit hindi ito dahilan
para gumawa ng paulit-ulit na kasalanan. Katwirang walang katuturan. Dahilang
higit pa sa kamangmangan. Kailan pa dapat naging dahilan ang "hindi
perpekto" para gumawa ng kagaguhan?
Kahit ipamukha mo sa mga tao
kung gaano ka kakinis, kaganda, kalinis o kayaman alam mo sa sarili mong
ikinukubli mo lang ang iyong kapintasan. Lahat ay may kanya-kanyang kadiliman
kung sinuman ang wala nito siya lang ang taas-noong magmalaki sa taglay niyang
kagandahan.
Lahat ay may kahinaan, lahat
ay may kakulangan. Ang iba ay may kapansanan, marami ang may insecurities,
marami ang mahina sa ingles, marami ang palpak sa grammar, ang iba naman'y
hindi maperpekto ang paggamit ng salitang "ng" at "nang".
Kung palagi mong hahanapan ng kapintasan ang bawat tao o kukutyain ang bawat
ginagawa ng indibidwal at hindi mo man lang nakikita ang merito ng kanyang
mabuting nagawa o layon, ikaw na ang perpekto at magbunyi. Teka, ano ba ang
napala mo dito?
Walang perpekto.
Kahit na halos isampal mo sa
mga tao ang taglay mong katalinuhan; ang mga napagtagumpayan sa pinasukang
unibersidad, mga pagsusulit na hindi malampasan o lisensyang iginawad para ikaw
ay maging propesyonal hindi nito maitatago ang iyong kamangmangan sa ibang
bagay. Minsan ka ring naging tanga bago ka naging dalubhasa kaya't wala kang
karapatang husgahan ang mga taong nag-uumpisa pa lang aralin ang iyong
napag-aralan at kung hindi man nila makamit o makalahati man lang iyong naabot
hindi pa rin katumbas nito ang kaperpektuhan. Hindi mo kailangang maging henyo
para maging matalino pero hindi mo kailangang matalino para maging matinong tao
at hindi mo kailangang maging perpekto para gawin ito.
Kahit gaano pa kataas ang
posisyon mo sa trabaho hindi ito karapatan para maliitin ang nakabababa sa'yo.
Batid mo ngang hindi ka perperkto pero umaakto kang isang perpekto na para kang
hindi nagkakamali. At ang mga taong nakapailalim sa iyo ay halos tumiklop sa
kahihiyan sa tuwing sila'y ipinapahiya sa nagawang pagkakamali.
Ang katotohanan, hindi naman
natin kailangang maging perpekto para tanggapin ka ng mga tao, hindi natin
kailangang maging perpekto para ikaw ay respeto o hangaan at hindi natin
kailangang maging perpekto para pahalagahan ka ng mga tao. Sasapat na ang
magandang pakikisama, ang mahusay na pakikitungo at hindi pagpapanggap na kung
sino ka. Kung ano ang trato mo sa mga tao 'yun din ang ibabalik nila sa'yo.
Aminin ang pagkakamali at 'wag ikahiya ang pagkakadapa; ang pagkakadapa ay
bahagi ng buhay at ito ang magpapatatag sa mga paa nating minsang naging lampa.
Ang pagkakamali ay minsang hindi maiiwasan at ito ang ating magiging gabay sa
paggawa ng nararapat. Ang hindi natin pagiging perpekto ang nagpapaalala sa atin
na mayroong nakahihigit kaysa sa atin.
Sa kabilang banda hindi
naman masama ang pagiging perfectionist ngunit ito'y hindi aplikable sa ating
mismong buhay dahil kahit na anong gawin mong pag-iingat hindi mo kailanman
maiiwasan ang pagkakamali. Kadalasan ang mga perfectionist na ito ang higit na
may kakulangan sa buhay at dahil sa pagiging perfectionist nila mas
nadadagdagan ang kanilang pagkainis at pagkabagot kung hindi nasusunod o
natutupad ang nais nilang gawin at mangyari. Kung ikaw ay perfectionist at
gusto mong i-apply ito sa ibang tao 'wag mong asahang lahat ay kayang sumunod
dito dahil lahat nga tayo ay may hangganan at kapasidad kahit perpekto pa ang
iyong motibasyon. Hindi rin masama ang kritisismo kung ang obhektibo mo'y
positibo at layon mong itama ang ilang detalye ng pagkakamali, ang masama ay
kung ang kritisismo mo'y may bahid ng pang-aalipusta at pati ang katauhan ng
iyong pinuna ay iyo nang hinusgahan nang parang isang kriminal.
Anuman ang napagtagumpayan
mong karangalan hindi katumbas nito ang pagiging perpekto mo sa buhay hangga't
maari panatiliing nakaapak ang paa mo sa lupa, kung 'di maiiwasan tumingkayad
ka para malaman nilang may angas ka rin pero dapat hindi ka na lalampas doon
dahil walang pumaimbulog na hindi nahulog. Sinumang tao na labis ang
pagpupursigi na maging perpekto ay mas lalong nagiging katawa-tawa dahil mas
lalo lang napapansin ang kanyang mga kahinaan at kakulangan na pilit niyang
pinagtatakpan. Tayo ay nabubuhay hindi upang maging perpekto kundi upang matuto
sa bawat kamalian, hindi mo kailangang laging makipagkumpetensiya dahil mas
madali ang buhay kung walang magdidikta sa bawat gagawin mo. Piliting maging
payak, maging ikaw at huwag magbalat-kayo sa palamuting binili ng kung ilang
libo o sa posisyong ipinahiram lang sa'yo.
Huwag matakot magkamali
dahil hindi mo mailalagay sa tama ang lahat kung hindi mangyayari sa'yo ito,
hindi ka lubos na makakausad kung minsan kang nagkamali at ayaw mo nang lumaban
at magpatuloy. Mabilis lang ang oras, kung kaperpektuhan ng buhay at ng mundo
ang iyong hinahanap hindi mo ito makikita dahil lahat ay may bahid, walang
hindi. Nagkamali at pumalpak ang lahat ng matatagumpay bago nila narating kung
ano ang kinahinatnan nila ngayon kabilang na diyan ang pinakamayayamang
negosyante at mga tao sa mundo.
Walang perpekto.
Katulad ng
ating buhay hindi araw-araw pasko, hindi araw-araw piyesta mayroon ding
pagtitika at minsan kailangan nating magpunta sa pagamutan para gamutin ang
ating karamdaman. Kung hindi mo kaya ang isang problema, okay lang na umiyak humingi
ka ng tulong at kung wala naman ‘wag pigilan ang sariling tumawa at humalakhak.
Bakit kinakailangang magmukmok kung hindi naman kailangan? Bakit kinakailangang
magpasikat para lang papurihan? Bakit kinakailangang magmagaling kung pakitang
tao lang?
Minsan babaan mo ang
standard mo sa buhay dahil ito ang nagpapakomplikado ng iyong mundo, tanggapin
mo lang na maluwag na ang buhay ay talagang may kulang at gawing simple ang
ibang hindi naman ganoon kakomplikado. Walang perpektong tao pero may
perpektong pang-unawa tanggapin ang mo ang nakaraan, ang kamalian at
kakulangan. Magpatawad sa mga taong humihingi nito, unawain ang mundo, unawain
ang tao kasama nang lahat ng kanyang kamalian. 'Pag nagawa mo ito, ang mundo ay
nginigiting kasama mo.
"pagpapahalaga" eto ang kadalasang nating hindi magawa at walang kakontentuhan sa buhay. kaya naman ang mundo natin ngayon ay sagana sa mga taong "perpekto" wanna be.
ReplyDeletehindi nga perpekto ang mundo at walang namimilit sa atin na maging perpekto.
ReplyDeletemahusay ang pagkakasulat ng akda.
"Perfect"
ReplyDelete