Wednesday, November 28, 2012

Love, Sex, Magic & Mistress 2/2



* * *
"It's sad to belong to someone else when the right one comes along".
Linya ito sa napakagandang kantang 'Sad to Belong' ng duo ni England Dan at John Ford Coley actually sa sobrang ganda nito gusto namin gawing itong themesong mag-asawa at halos makalimutan namin ang madugo at masalimuot na mensahe ng kanta. Ngunit paano nga ba kung nadiscover mong "you are sad to belong to someone else then you realize that somebody someone should be right in your loving arms?" (insert applause for the english thay you have read). Magulo ito.
Iiwan mo ba ang asawa mo o magtitiis ka sa magaspang niyang ugali na late mo nang nadiscover? Paano mo matitiis ang mga susunod pang gabi na katabi mo sa pagtulog ang isa na ngayong estranghero sa buhay mo? Paano ka uuwi ng bahay kung hindi naman tunay na pag-ibig ang nananahan dito at parati lang kayong nagpapakiramdaman at nangangamba kung ano ang susunod na mangyayari?

Para lang itong kanta ni Ogie Alcasid na 'Bakit Ngayon Ka Lang?' Isang sitwasyon kung saan nakatagpo ka ng sa tingin mo'y isang perpektong tao para sa buhay mo sa hindi perpektong panahon at pagkakataon. On a serious note (naks!), komplikado ito dahil marami ang taong maapektuhan dito, marami ang ma-iinvolve na tao (konektado man o hindi sa'yo) at siguradong ito'y pagtsi-tsimisan pag-uusapan ng mga tsismosang kapitbahay at sa lahat ng kanto ng inyong opisinang pinapasukan at kahit sa SUSUNOOOD! na edisyon ng The Buzz ni Boy Abunda. Sa isang taong sarado na ang isip sa lahat ng paliwanag dahil sa malungkot, nakakabagot at parang away-fraternity na relasyon malamang na patungo talaga ito sa hiwalayan kung walang pagbabagong magaganap sa magkabilang panig.

Hangga't maaari, hangga't pwede pang isalba mas maganda sana, mas gusto ng mga anak na mayroon silang buong pamilya kaysa broken family. Mas higit na lungkot ang mararamdaman ng mga bata pagdating ng araw kaysa sa mga magulang na naghiwalay dahil lang sa wrong send na text message tawag ng laman. Ngunit bakit nga ba may mga taong biglang nagtransform ang ugali mula sa pagiging malambing papunta sa pagiging masungit, mula sa pagiging masiyahin patungo sa pagiging bugnotin, mula sa pagiging palakwento pero ngayo'y halos hindi mo na makausap ng matino?

Ano ba ang nagtrigger para maging ganoon siya? Baka naman ang lahat ng kanyang pagbabago'y nanggaling din sa'yo? Baka natuklasan niyang lumalandi ka lang sa iba at ginagawa mo lang dahilan ang pagbabago ng attitude niya. Baka kaya nabawasan ang pagmamahal mo sa kanya dahil may kinakalantare kang iba o kaya naman ay na-taken for granted mo lang ang lahat ng mga naging sakripisyo at pagmamahal niya sa'yo. Kung mahal mo ang isang tao hindi mo hahanapin ang kamalian at kapintasan nito pero kung may naii-spotan ka na, na perpekto (weh, 'di nga?) para sa'yo at sa ugali mo kahit kaunting kamalian lang ng kapartner mo gagawin mong big deal.

* * *
At pagkatapos nang balitaktakan at matinding sumbatang inyong binitawan sa isa't isa, marami ang magtatanong: "Where do broken hearts go?" Saan nga ba? Mayroon ba silang regular assembly meeting every month tulad nang mga sa higanteng negosyo o korporasyon? Kung sakaling kakandidato silang party list representative na nire-represent ang mga marginalized sector ng mga bigo sa pag-ibig, mananalo kaya sila? Maaari siguro, pero paano sila makikipagdebate sa Congress kung basag ang kanilang puso at lito ang kanilang diwa.

Kung party list rin lang ang pag-uusapan higit na may karapatan din ang mga mistress o mas kilala sa tawag na "kabit" sa Kongreso. Sa dumadaming bilang nila sa ngayon malaki ang tsansa nilang manalo, hindi na rin kailangang hanapan pa ng ipapangalan sa grupo nila dahil mas madali ang recall ng "THIRD PARTY" na pangalan, akmang-akma, swak na swak! Sa tumi-trending na bilang ng matatapang na kabit sa Pilipinas napakaganda sigurong senaryo sa Kongreso na ipinagsisigawan at ipinaglalaban ang umano'y kanilang karapatan. Teka, ano nga ba kung sakali ang kanilang karapatan? Ano-ano kaya ang mga posibleng ihahain nilang mga panukalang-batas? Siguro'y ang mga ito:

1. Ang makapiling ang kanilang kalaguyo isang araw matapos ang isang mahalagang okasyon; i.e. December 26, January 2, February 15, May 2, June 13, the day after the birthday of the husband, etc. (dahil ang mismong araw ng okasyon ay dapat nasa legal na pamilya siya).

2. Dahil third party nga sila pwede rin nilang ipaglaban at isabatas na at least third part o 1/3 na sweldo ng kanilang karelasyon ay otomatikong mapupunta sa kanila, ganundin ang ikatlong bahagi ng lahat ng property ng lalaki just in case na madedo ito.

3. Kung ang tawag sa mga legal na asawa ay "may bahay" dapat mayroon din silang titulo at pwede silang tawaging "may condo" o "may apartment" ibig sabihin dapat meron din silang tirahan na pinrovide ng kanilang kalaguyo. Hindi 'yung kung saan-saan lang sila nagniniig at nagpaparaos ng kanilang init. Ang kondisyon: Kung ang lalaki ay walang matinong trabaho o palamunin lang din ng kanyang asawa dapat wala siyang karapatang mangabit dahil hindi niya kakayanin ang monthly amortization ng Avida Towers o ang diyes mil na bayad na buwanang upa sa isang medyo matinong Apartment.

4. Isalegal ang diborsiyo. Para mabigyan naman sila ng pagkakataon kung paaano maging legal wife. Pero kung sila'y ligal nang napakasalan at hindi na sila officialy 'kabit' na matatawag dapat ay magresign na sila sa Congress for delicadeza. Ang kapal naman ng pagmumukha nila hindi na nga sila representative ng Third Party, congressman pa rin sila nito, si Mikey Arroyo lang ang may karapatan na maging representative ng mga gwardiya at pedicab driver - wala nang iba.

5. Sigurado tatangkain din nilang i-abolish ang lahat ng batas na may kinalaman sa pangangaliwa tulad ng concubinage, adultery, etc. para safe sila at para din sa pantay-pantay na karapatan ng lahat ng kababaihan (pero tiyak kalaban nila dito ang Simbahang Katoliko).
Ayos! Mabuhay ang Third Party! Ang party na dalawang tao lang ang imbitado at masaya. Ang party na ayaw ng mga legal na asawa.
* * *
Hindi na lingid sa atin na garapal na sa panahong ito ang hiwalayan, ang pangangalunya at kataksilan. Bakit kaya? Dahil kaya nawala na ang 'spark' ng kanilang tinatawag na 'magic'? O mas gusto nilang ibang magician naman ang gumagawa nito sa kanya ? Dahil nagsasawa na ba siya sa paulit-ulit na tricks na kanyang nakikita? O dahil accepted na ng mga tao ang ganitong kalagayan at kahit tayo ay kinukunsinti ito? Pangkaraniwang kwento na lang kasi ito sa ating kapaligiran, sa showbiz, sa teleserye, sa ating iilang pelikula, sa ating kapitbahay at sa ating kaopisina at tayo naman nae-excite pa sa tuwing makakarinig ng mga ganitong balita.
I think therefore that love is not just a magic it is also an illusion done by the illusionist who's only purpose is to deceive your eye.

Monday, November 26, 2012

Love, Sex, Magic & Mistress 1/2




Love. Para itong magic na everytime na nai-experience mo ay magkakaroon ka ng kakaibang feeling of amazement and excitement na bawat susunod na mangyayari ay iyong aabangan at posible mong hangaan; parang magic na kahit na alam mong hindi totoo ang iyong  nakikita ay nag-ienjoy ka pa rin; parang magic na nabibighani ka at kinukuhang pilit ang iyong atensyon. Katulad ng magic punong-puno ito ng sorpresa at misteryo. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit maraming lovesongs ang inspired ng salitang "magic" gaya ng 'Got to believe in Magic', 'Suddenly, it's magic', 'You can do magic' at sangkatutak pang iba.

Love. Isang makapangyarihang pwersa na magtutulak sa isang tao na gumawa ng mga bagay na hindi niya pangkaraniwang ginagawa. Handa kang pumatay, mamatay o maging alipin nito, pwede kang gawing maging matino mawala sa katinuan o maging makasarili maipaglaban mo lang ito, pwede kang sumaya, lumungkot, matuwa, maiyak, matakot, mag-alala at magkaroon ng iba't ibang emosyon dahil dito, maari kang baguhin nito sa isang iglap kung sinaniban ka ng kapangyarihan nito. Daig pa nito ang anumang superpowers na taglay ng sinumang superhero.

And speaking of superpowers,  I have learned that 'though you have a superpowers within you it's not quite enough to be called a real superhero (wow, english agad ang banat!). Bakit? Kailangan mo muna kasing tulungan ang mga taong inaapi, patunayan sa buong mundo na karapat-dapat ka talagang maging superhero at parang naging obligasyon mo nang ipagtanggol ang mundo laban sa lahat ng uri ng kasamaan. Kaakibat na rin nito ang malaking responsibilidad at bigat ng commitment na maging matino, magtaglay ng flawless na ugali (pwera na lang kung ikaw si Ironman) dahil sa sandaling magkaroon ka ng kahit na isang maliit na pagkakamali lang lahat ng nagawa mo noong tumutulong ka ay biglang makakalimutan. Parang wala kang puwang sa anumang kasalanan dahil ang tingin sa'yo ng maraming tao lalo't ang mga bata ay isang god/goddess at tila responsibildad mo na ang tumulong sa lahat ng oras at hindi lang nang isang beses kundi ng forever.

At dahil sa salitang Forever na 'yan parang ayaw ko nang maging "superhero" (pero kung tutuusin hindi mo naman talaga kailangang maging superhero para makatulong, 'di ba?). Iniiisip ko pa lang ang bigat ng commitment at malaking responsibilidad na nakaatang para gampanan ito ay parang napapagod na ako. Paano kung hindi ko matupad ito? Paano kung magsawa ako?  Paano kung gusto ko nang maggive-up at gusto kong gawin ang mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging "superhero"? Paano na lang ang mga umaasa at nasasanay sa iyong kapangyarihan mawawalan na rin ba sila ng pag-asa? Negatibo ang epekto nito kung maraming tao ang naging dependent sa ipinangako mong "forever". 

Parang pag-ibig at pagmamahal lang 'yan eh (nai-segue din) mas dapat siguro walang promises, walang commitment, walang forever, basta gawin mo lang ang the best mo at lahat ng iyong makakaya para sa ikasasaya ng inyong pagsasama. Sabi nga sa kasabihang ingles: "Don't keep promises that you can't keep". Akala ko dati sa script ng Hollywood movies lang ito applicable pero totoo pala ito, hindi pala madali ang tumupad sa pangako dahil walang tigil ang pagbabago. Pagbabago sa pisikal, sa sikilohikal at sa mismong nararamdaman na dulot ng pagcha-chat environment at ng mga taong dumadating sa ating buhay. Uulitin ko, basta gawin mo lang ang lahat ng makakaya mo; walang pangako walang palabok. At kung hindi mag-work? Walang sumbatan. Walang magsasabi nang: "Tangna ka pagkatapos ng mga sakripisyo ko sa'yo eto pa ang gagawin mo sa'kin!" O kaya naman: "Binigay ko naman ang lahat ng gusto mo tapos iiwan mo lang pala akong hayop ka! Pu7@#61#@8/4@! Mabuti pa magsama-sama na tayo sa IMPYERNO!" Sabay baril sa asawa/nobya sunod ay ang sariling sentido (parang eksena sa teleserye na adultery ang tema).
* * *
"It's not you, it's me!"
Ito ang klasikong linyang parating sinasabi kung nais ng isang taong makipahiwalay sa kanyang kasintahan (jologs!) at kung minsan sa mismong asawa nito. Bakit ba naman hindi eh ito lang yata ang salitang pwedeng makapagpabawas ng kahit na kaunti sa masakit na salitang iyong bibitiwan, mga salitang makapagbabagong bigla ng inyong mundo at desisyong parang punyal na itatarak mo sa laman ng iyong sasabihan (pangkontes na banat). Pero ganunpaman ika nga sa kanta, there's no easy way to break somebody's heart kahit na ano pang dahilan at katwiran mo kung ang purpose mo naman ay basagin at durugin ang pusong nasanay sa iyong "wagas" na pagmamahal masasaktan at masasaktan pa rin ito.

Kung there's no easy way to break somebody's heart bakit kailangan pa nating magpaka-ipokrito o magkunwari at sabihing it's not you it's me bakit hindi na lang sabihin nang harapan sa kanya na ayaw mo na ang karakas ng pagmumukha niya o kung hindi mo naman kaya dahil mayroon pang kaunting konsiyensiyang natitira sa puso mong bato gayahin mo na lang ang istilo ni Paolo Contis nang siya'y makipahiwalay kay dating EB Babe Lian, bigla na lang itong hindi umuwi sa kanyang kinakasama (very creative 'di ba?). Pwede ring itext mo na lang at sabihin sa kanya na ayaw mo na dahil hindi ka na nag-eenjoy sa inyong mga pulot-gata at ginagawa mo lang ang mga iyon dahil kailangang mailabas mo ang init ng iyong naglalagablab na katawan o kahit walang kongkretong dahilan basta lang nagising ka nang isang umaga na hindi mo na siya gusto at wala ka ng libog love (sus!) na nararamdaman sa kanya katulad nang ginawa ni Ariel Villasanta (sino 'yun?) sa kanyang asawang negosyante na si Cristina Decena (sino rin siya?).

Nakakainis lang kung iisipin, dahil pagkatapos ng masasaya at malalanding sandali nang kayo'y magkasama bigla na lang ayaw mo na at parang diring-diri ka kung maaalala mo ang mga pagniniig sa gabing pinuno ninyo ng maiingay na romansa. Bakit sa isang iglap nagsisisi ka na nakilala siya? At nagwiwish-wish ka pa at kinakanta ang theme song ng Kahit Puso'y Masugatan, na 'Sayang' ready, sing...: "Sana'y maaring ibalik ang kahapon at doo'y magisnan na ang pag-ibig mo, sa dalangin ay hinihiling kong lumakad sanang pabalik ang panahon..."

Kung tutuosin hindi naman talaga dapat na pagsisihan ang LAHAT ng nangyari sa iyong buhay dahil at some point nag-enjoy at sumaya ka naman dito pero nang nakatagpo ka ng mas maganda/gwapo o ng mas maharot masaya kausap o nang muli mong maka-meet ang dati mong kaeskwela dahil sa letseng reunion-reunion na'yan muling umalab ang naudlot na pag-iibigan ninyo noon, o nang may nakatagpo kang ligaw na kaluluwa na umano'y ulila sa pagmamahal at romansa bigla na lang hindi mo na mahal ang partner mo, ano 'yan laro lang?!? Paano kung makatagpo ka ulit ng mas bago, mas bata at mas nakakaaliw kausap eh di iiwan mo ulit yung kinahumalingan mo? Para kang isang kumpol ng Trapo na may paulit-ulit na pangako sa maganda at mabuting Pilipinas.

Friday, November 16, 2012

Respeto




Respeto - isang pagbibigay pugay o paggalang na iginagawad sa mga KARAPAT-DAPAT maging hayop, bagay, kalikasan, lugar, relihiyon, tradisyon, kultura, paniniwala at tao; buhay man ito o patay, may buhay man ito o walang buhay.

Ngunit paano ba maaani ang respeto? Ano ba ang pamantayan natin para ang isang tao ay ating irespeto? Dahil ba ang isang tao ay nakatatanda sa atin nararapat na bang ito'y irespeto? Dahil ba ang isang tao'y may mataas na posisyon sa atin awtomatiko na itong makakatanggap ng respeto? Dahil ba magara ang suot nitong damit ay isa na itong kagalang-galang? Dahil ba siya'y isang mayaman at maraming posesyon  lalo't nakakotse ay kaagad na natin itong igagalang?
Puwes, Hoy Tanginamo! Doblehin mo ang respeto sa'kin dahil dalawa ang kotse ko!
Pansin mo ba ang kamalian? Paano mo igagalang ang isang tao kung umpisa pa lang ay binastos at minura ka na? Samakatuwid hindi nadadaan sa kung ano man ang paggawad ng respeto sa tao. Hindi sa posisyon, hindi sa edad at lalong hindi sa kayamanan o pera. Maaaring ikaw ay makatanggap ng "respeto" sa mga tao dahil ikaw ay naka-aangat sa kanila sa kung anumang aspekto pero sa likod nito at sa oras na ikaw ay hindi na nila kaharap puro pintas o mura ang iyong inaabot sa kanilang pag-iisip at sa tuwing ikaw ay nakatalikod. Respeto ba talaga ang tawag natin dito?

Isang malaking maling akala ang nasa kaisipan ng mga maraming nakaangat sa buhay na silang lahat ay kagalang-galang na higit sa ordinaryong mamamayan. Na silang lahat ay karespe-respeto dahil sa tangan-tangang napagtagumpayan. Hindi ito isang usapin nang kung anong mayroon ka o nang kung anong posisyon mo sa buhay, hindi ito usapin kung may edad ka na o paslit ka pa. Kung karapat-dapat kang igalang maging ano man ang estado mo sa buhay sigurado irerespeto ka.

Kung papaano mo ituring ang mga tao maging palaboy, bakla, tomboy, empleyado, estudyante, tsuper, traffic enforcer at iba pa nakatatanda man ito o hindi ay ganundin ang magiging impresyon at ibabalik sa'yo ng mga tao. Ang pagrespeto sa atin ng mga tao ay repleksyon ng ating ugali hindi sapat ang katagang Sir o Madam, ang matunog na Po at Opo, ang paggamit ng Ate o Kuya (minsan ginagamit lang itong pa-cute) Tito o Tita, Mayor o Congressman na may nakakabit na His Honorable. Nasaan ang honor kung isa ka sa nagiging dahilan kung bakit lugmok ang bansa? Nasaan ang honor kung palihim kang nagnanakaw katulad ng pusakal na snatcher. Kahit pa isa kang pari o pastor kung ang itinuturo mo'y taliwas sa iyong ginagawi malamang ang respetong tinatanggap mo'y huwad at sa sarili mo mararamdaman mong ikaw ay hindi karespe-respeto. Kung minsan nga kahit may kapansanang naka-wheelchair ka na at dati pang pangulo mababanaag pa ring hilaw ang naibibigay na respeto sa kanya.

Robert Blair Carabuena, isang taong may mataas na posisyon sa isa ring higanteng kompanyang Philip Morris. Sa unang impresyon ang taong ito ay kagalang-galang dahil sa siya ay may kaya sa buhay, may pinag-aralan, magara magdamit, may magandang trabaho at may malupit na kotse. Sa isang iglap, ang impresyong siya'y karespe-respeto ay biglang naglaho nang walang awa niyang sampalin ang pobreng Traffic Enforcer ng MMDA na si Mang Sonny Fabros dahil sa pagsita sa kanya nang suwayin niya ang batas-trapiko. Nagmukhang mas kagalang-galang ang mamang may pagtitimpi kaysa sa isang mal-edukadong opisyales na may magarang kotse ngunit arogante. Hindi man gumuho ay nabawasan ang respeto ng mga taong sa kanya'y nakakakilala at ang mga taong hindi siya lubos na kilala ay nang-alipusta, namintas, nagmura at nagbanta! Ibinalik sa kanya kung anong ginawa niya sa kanyang inapi at doble pa! Mga taong wala ring pagtitimpi at pasensiya kulang na lang ay pisikal itong bugbugin. Sa bandang huli sino ang umani ng pagkondena at sino ang umani ng papuri? Sino ang higit na nirespeto at sino ang inilugmok ng batikos? Sino ang naging kagalang-galang; ang matapobre o ang hinamak na pobre?

 
Nahaharap din sa isang kontrobersiya ang isang dalagang nagngangalang Paula Jamie Salvosa o mas kilala sa tawag o binansagan ng mga netizen na AMALAYER. Hindi ko i-ju-justify ang naging reaksyon niya sa lady guard in-charge ng LRT na si Sarah Mae Casinas dahil alam naman ng lahat ang kanyang kamalian ngunit gusto kong ipunto ang mas grabeng reaksyon ng mga tao sa kanya! Na ang naging resulta ay ang pagsasara niya ng kanyang account sa mga social networking sites at napabalita rin na nagkakaproblema siya ngayon sa kanyang pinapasakong unibersidad.

Sino ba ang hindi nagagalit? Baka nga mas grabe pa ang maging aksyon at reaksyon ng maraming tao kung sakaling malagay sa isang sitwasyong ikaw ay napahiya, pinahiya o naruyakan ang letseng pride mo. Baka mas maging bayolante pa ang iba at makapanakit pa ng kapwa niya kung makanti lang ng kaunti ang kanyang katauhan.
Sino ba ang hindi nagsisinungaling? Ituro mo sa akin at siya lang ang may karapatang manghusga kay Paula. Sino mang tao pag nalalagay sa alanganing sitwasyon ay magsisinungaling, ilulusot ang sarili para hindi magkaroon ng mas malalang problema. Ang mahirap sa atin mas marami ang mapanghusga at mapanglait na higit pa ang ipinapakitang kagaspangan ng ugali kaysa sa taong naka-offend mismo at nalagay sa kontrobersiya. Mapanghusga kahit wala sila mismo sa lugar na pinangyarihan, mapanglait kahit wala ni katiting na karapatan.

Hindi pinag-uusapan dito kung sino ang mangmang o kung sino ay may mataas na pinag-aralan. Walang silbi kung sino ang mataas ang kalagayan sa buhay o ordinaryong mamamayan. Laging pakaisipin na maraming mata ang nakamasid sa atin at sa lahat ng ating ginagawa. Ang anumang inisyal na galit, aksyon o reaksyon mo sa kung sino ang magiging basehan sa panguhuhusga sa'yo ng mapanghusgang mundo. Isang napakaliit na pagkakamali mo lang guguho't mawawala nang lahat ang iyong nireserbang respeto para sa sarili kahit sabihin mo pang edukado ka, presidente ka ng isang malaking kompanya, nakatira ka sa magarang subdibisyon, pilantropong tumutulong sa kapus-palad, dalubhasang doktor na tumutulong sa mga may karamdaman o alagad ng simbahang tagapaghatid ng mabuting balita.

Ang mga letrang nakakabit sa ating mga pangalan tulad ng Dr., Atty., Engr., Arch., CEO, Pres., Msr.,  Rev., Rep. at iba pa ay magsisilbing dekorasyon lang sa iyong pangalan kung hindi mo isasabuhay at isasapuso ang propesyon at pinag-aralan mo. At magiging mas karespe-respeto pa ang isang pangkaraniwang tao kung walang bahid ang dignidad at pangalan nito kaysa sa isang abogado na alagad ng kasinungaligan o isang doktor na tumatangging gamutin ang may sakit na walang pangdeposito at hahayaan nitong habulin ang kumakaripas na sariling hininga o isang tagapaghatid ng mabuting balita pero pumuputangina sa tuwing may kinagagalitan.

Bakit ba banas na banas ang marami sa asal hayop na mga ganid na pulitiko? Pero sa kabila ng pagkabanas ng mga tao dito nakangiti pa rin natin itong pinakihaharapan lalo't tuwing may eleksyon. Bakit nagkukumahog na parang pulubi ang marami sa host ng isang gameshow mabigyan lang ng kung ilang libo? Pero kung hindi naman mabiyayaan halos murahin nila ito. Bakit ba gumagamit tayo ng "po" at "opo" sa mga taong nakatatanda sa atin kahit na barubal ang pag-uugali nito? Pero sa oras na hindi siya kaharap ay sinisiraan naman siya ng sagad. Bakit ba halos sambahin mo ang boss mong istrikto sa tuwing ito'y dumadaan sa iyong harapan? Pero kung magagawa mo lang na ito'y sungitan matagal mo na itong ginawa. Ang mga ito'y hindi isang respeto kundi pakitang tao lang.

Kung hindi mo kayang ibigay ang ganap na respeto sa isang tao dahil sa magaspang na ugaling taglay niya, maging tao pa rin tayong pakiharapan siya nang maayos at maganda. Na sa kabila ng kanyang pagbabalat-kayo sa tuwing tayo'y kanyang kaharap o kahit batid nating ang taong ito'y may sariling interes at motibo ipakita nating kaya natin silang pakisamahan ng hindi kinakailangang mang-alipusta dahil kung gagawin natin iyon wala na rin tayong pinagkaiba sa kanila. Maaring mawala o mabawasan ang respeto natin sa isang tao pero dapat hindi mawala ang ating pakitang-tao o mas magandang pakinggan na pakikipagkapwa-tao; pagpapamalas ito na tayo ay mas matinong TAO sa mga tulad nilang nakakadismaya, nakakainis o arogante.

May mga taong rumerespeto ayon sa kasuotan. Kagalang-galang di-umano ang mga taong nakadamit ng buwayang 'di nangangagat, mga branded na damit, mga naka-coat lalo't kung may katernong makulay na tie, mga nakabarong-tagalog na animo'y parating dadalo sa kasalan, mga mapopormang nakakuwelyo na may mahabang manggas. Ano ba ang pinagkaiba nito sa mga naka-shirt lang? Oo nga na sa unang tingin ay mas may dating at kahanga-hanga ang may ganitong kasuotan. Ngunit sapat na ba ito para husgahan naman ang nakaordinaryong damit lang? Paano mo iri-respeto ang may magagarang kasuotan kung inaalipusta nito ang taong sa kanya'y sumasalubong? Hinahawi ang lahat ng nakaharang at umaaktong hari saan man makarating. Tigilan na natin ang panghuhusga ayon sa kasuotan; madalas kung sino pa ang palaging nakabarong iyon pa ang may bahid ang pagkatao, igalang man natin sila sa taglay nilang damit o sa husay magtalumpati hindi sasapat ang lahat ng ito sa igagawad nating respeto. Dahil kung ito lang ang ating basehan ng respeto kabilang na ako sa mga taong palagiang inaalipusta dahil bihira sa isang buwan makikita mong nakasuot ako nang may kuwelyo.

Hindi porke gumagamit tayo ng po at opo katumbas na ito ng ganap na respeto, eh kung lagyan natin ng po ang bawat salitang pagmumura tulad ng "gago ka po" paggalang pa ba ito? Madalas ka ngang umo-"opo" sa mga nakatatanda pero binabastos mo naman ito kung malayo ito sa'yo. Nasaan ang paggalang dito? Kung minsan hindi mo kailangang gumamit ng po at opo para lang makitang magalang ka ilang halimbawa nito ang pagpapaupo sa mga buntis at nakatatanda sa pampublikong sasakyan/upuan ay hindi matutumbasan ng 'po at opo' na minsa'y puno ng pagkukunwari. At ang simpleng hindi pagtatapon ng basura ng isang gusgusin sa kung saan-saang lugar ay mas karespe-respeto pa kaysa sa mga taong nasa loob ng kotse pero hinahagis naman niya sa labas ang balot ng kanyang tsitsirya.

Ang respeto at takot ay dalawang magkaibang bagay. Minsan ang akala nating respeto na ibinibigay sa isang tao ay isa palang takot lang. Sa takot na tayo'y mapagalitan, mapagbuntunan, mawalan ng trabaho, hindi mabigyan ng pabor o masabihan ng walang modo gagawin natin ang huwad na respeto. Sana lang hindi tayo ang sapilitang nagbibigay takot sa mga tao para makakuha ng respeto.
Dapat nating tandaan na ang respeto ay hindi dapat hinihingi ito ay kusang-loob na ibinigay sa mga taong karapat-dapat hindi dahil sa ikaw ay nakatatanda, may mataas na katungkulan sa trabaho, kaaya-ayang posesyon at kasuotan, may kaya sa buhay o opisyal ng gobyerno; kung mabuti kang makitungo at wala kang tinatapakang ibang tao igagalang ka ng kahit na sino (pwera na lang ang mga may utak-talangka) kahit ano pa ang trabaho mo.

Maaring itinakda na malantad ang kabilang bahagi ng ugali (dahil hindi ito ang buo niyang pagkatao) ng isang Robert Blair Carabuena pero alam naman nating marami pa ang katulad niyang pakalat-kalat lang at hindi nakokontrol ang sariling emosyon. Na kung hindi pa makukunan ng video at matatanggalan ng lisensya ay hindi kusang-loob na hihingi ng kapatawaran. Marami ang katulad ni Paula Jamie Salvosa na nagpapadala sa bugso ng damdamin at hindi kaagad nakapag-iisip na supilin ang galit na nararamdaman. Nagbubunga nang maganda ang pagkakaroon ng mababang kalooban at magdudulot ng kapahamakan ang pagiging barumbado at mainitin ang ulo. Rumespeto para ikaw ay irespeto. Kapag nagkataon isang napakapangit na senaryo na patay ka na nga hindi ka pa makuhang irespeto ng kapwa mo.

Ang pagrespeto ng ibang tao sa atin ay magsisimula sa paggalang natin sa ating mga sarili 'wag na nating hintaying ilantad sa liwanag ang masamang bahagi ng ating ugali bago tayo mag-umpisang rumespeto ng iba. Nakakalungkot na lahat tayo'y humihingi ng tamang respeto pero sarili mismo natin hindi natin makuhang irespeto.

Monday, November 12, 2012

Zoe: An OFW Story



Taglay ng batang ito ang katangiang makapagtatanggal ng anumang pagod na naipon ng kanyang ina mula sa maghapong pag-oopisina at siya rin ang may kakayahang magbalik ng matamis na ngiti sa tuwing sasanib ang anumang kalungkutang hinatid ng malupit na mundo. Ang inspirasyon sa kanyang bawat pangarap, ang dahilan sa kanyang bawat paggising, ang kanyang umaga sa paglisan ng malungkot na gabi.

Sinong ina ang hindi babalikan ng sigla kung ang dadatnan mo sa iyong tahanan ang kabibohan ng batang ito? Siya si Zoe. Isang apat na taong gulang na babae. Magiliw. Malambing. Maamo ang mukha na animo'y kawangis ng isang anghel. May biloy sa magkabilang pisngi na sumisilay sa tuwing siya'y hahagalpak ng tawa. May makislap na mga mata na parang nangungusap na ikaw ay agad na bumalik kahit di ka pa nakalalayo ng tahanan.
Sinong ina ang hindi patuloy na mangangarap pag narinig mo ang kanyang nakatutuwang mga halakhak? Masiyahin. Matabil. Ngunit mababanaag mo sa kanyang bawat tanong ang pagnanais na makawala sa kainosentehan ng kanyang murang edad at may pagkakataong ang kanyang pag-uusisa ay kukurot sa iyong puso nang 'di mo namamalayan.
At sinong Ina ang hindi magpupursigi sa hamon ng buhay kung ang kanyang mga pangarap ay nakasalalay sa iyong mga kamay? Ang makita sa hinaharap ang pagiging ganap na babae mula sa pagiging makulit na bata, ang makita balang-araw na ang batang ito ay tatamasa at isasabuhay ang pangarap na sa kasalukuyan ay isang panaginip pa lang. Ang magkamit ng isang matiwasay at payapang buhay na kapwa hangad din ng kanyang ama't ina.

At ang kanyang Ama?
Isang OFW. Pilipino na dayuhan sa ibang bansa. Bagong Bayani. Bayaning nangungulila sa pagmamahal, sa pamilya at sa kalinga. Bayaning nakikipagsapalaran at nakikisalamuha sa iba't ibang lahi. Isang mandaragat na tanging ang hampas ng alon sa dagat ang nagsisilbing musika ng kanyang gabi. Ang kanyang sandata sa lungkot ng magdamag ay ang piraso ng pangarap na sa pagdating ng panahon ay umaasang magiging pangarap na paraisong natupad. Isang mandaragat na mas mahaba pa ang panahong inilalagi sa tubig kaysa sa lupa at lubhang napakabagal at napakatagal ang takbo ng oras sa panahong siya'y naglalayag kasama ng binubuong pangarap. Isang mandaragat na naglalayag sa lawak ng karagatan na katulad ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya ay walang sukat, walang hangganan.

Katulad ng ibang pamilya na ang ama o ina ng tahanan ay sumasagupa sa ibang bansa ganito ang kwento ng kanilang buhay. May saya ngunit mas lamang ang lungkot, may ngiti ngunit di maitanggi ang pighati. At sa kabila ng matunog na halakhak ay ang pagpipilit na ikubli ang sasambulat na pag-iyak. Araw-araw, buwan-buwan, taon-taon. Paulit-ulit. Kung bakit kailangang ganito ang istorya ng buhay ay hindi madaling sagutin at hindi madaling unawain. Pinagbuklod ngunit pinaghiwalay ng pangarap. Pinag-isa ngunit libong milya ang distansiya. Ang nagsisilbing tulay upang mapaglapit ang kanilang nangungulilang gabi ay ang teknolohiya; Facebook, Yahoo Messenger,  Skype at iba pang social media, mabuti na lamang. Dahil kung wala ito, paano mo sasalubungin ang umaga ng hindi mo naringgan ang tinig ng mahal mo bago ka umidlip sa gabi? Paano ka mangangarap kung ang iyong mga inspirasyon ay hindi mo masilayan kahit sa laptop man lang? Paano ka babangon sa pagsubok kung hindi mo maririnig ang puno ng pag-ibig na mga katagang "Mahal Kita" kahit sa selepono man lang? Nakakainip, nakakasawa, nakakapraning ang mamuhay sa bayan ng dayuhan, ang mamuhay na mawalay ang mahal sa buhay at kung hindi mo ito kayang paglabanan guguhong kasama mo ang lahat ng iyong pinaghirapan at pagtitiis.

Ngunit kailangang magsakripisyo upang makabuo ng pangarap.
Kailangang may magtiis upang magkaroon ng mas matamis na pag-ngiti.
Kailangang umiyak para sa mas masarap na kaligayahan.
Kailangang ipamahagi ang kasalukuyan para makamit ang isang magandang bukas.
Kailangang suongin ang malalakas na unos para sa masasayang araw na sasalubong.
Kalangang hindi makadalo sa mahahalagang okasyon para sa habambuhay na selebrasyon ng buhay.
* * *
Makalipas ang ilang buwang bakasyon. Bakasyong singbilis lang ng isang gabing panaginip. Si Zoe ay nakatakdang magpaalam sa kanyang ama. Sa murang edad batid na niyang pansamantalang mawawala na muli ito at sa susunod na mga araw, linggo at buwan tanging tinig na lang mula sa linya ng teknolohiya ang magbubuklod sa kanila. Sa murang edad alam niyang siya'y mangungulila na naman sa pagmamahal ng isang ama; wala sa kanyang kaarawan, sa kanyang school recognition, sa pasko, sa bagong taon, sa pamamasyal at sa panahong siya'y may karamdaman.

Ang kanyang ina'y nakamasid. Tumatangis. Nag-aabang sa susunod na mangyayari. Binabasag ang katahimikan nang humihikbing damdamin, pigil ang emosyon ngunit 'di mapigil ang umaapaw na pag-ibig; ng Ina, ng Ama at ni Zoe. Muling maghihintay sa mga oras, araw at buwang tilang hindi nagwawakas.

Bitbit ng ama ang kanyang bag na puno ng hapis at hinagpis at sa kabilang kamay naman'y hila-hila ang isang maletang puno ng pangarap at pag-asa habang si Zoe ay nakatitig sa kanyang ama at tila may nais na ipahiwatig. Ang amang isusugal ang kasalukuyan para matagampuyan ang kinabukasan habang si Zoe ay puno ng katanungan. Hindi na kailangang marinig pa ang bawat sasambitin ng mag-ama dahil banaag na sa kanilang mga mata ang labis na kalungkutan.

"Ayan ka naman, aalis ka naman!" sabay yakap ng ama sa batang si Zoe habang lahat ng tao sa paligid ay nag-iyakan. Ang huling salitang namutawi sa bibig ni Zoe bago maghiwalay ang mag-ama.

Ilang Zoe pa ang kailangang mangungulila sa kanyang magulang?
Ilang Zoe pa ang mag-uusisa at magtatanong ng "Kailan"?
Ilang "paalam" pa ang kailangang bigkasin para sa muling pagkikita?

Ako, sampu ng kaanak ng mga OFW saan mang dako ng mundo ay nagpupugay at nagpapasalamat sa Social Media. Ang instrumentong nagsisilbing tulay upang magkausap ang mga tinig at kaluluwang nangungulila, ang instrumentong pansamantalang nagpapalisan sa kalungkutang nananahan sa pusong dumaranas ng dalamhati. Ang instrumentong nagsisilbing tulay upang pagdugtungin ang nakaraan, ang ngayon at ang kinabukasan ng OFW at nang pamilya nito.

* * *

Ang akdang ito ay aking lahok sa 2012 Pinoy Expat Blog Awards.

TEMA: THE SOCIAL MEDIA AND I: Bridging the Past, Present and Future

 


Sa Ilalim ng OFW Supporter Blogs.