Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Maraming bagay noong kabataan natin ang sobrang nakaka-miss at
nakakadagdag pa sa pagka-miss na ito ay ang katotohanang hindi na natin
ito nakikita o nagigisnan sa bagong henerasyon ng kabataan ngayon.
Nag-enjoy tayo noon sa mga laro na kailangan ng physical activity gaya
ng piko, tumbang-preso, luksong-baka, luksong-tinik, taguan-pung, doktor
kwak-kwak, sipa, jackstone, patintero, holen, trumpo, saranggola,
luksong-lubid, siyato at iba pa. Ngunit sa paglipas ng panahon at halos sumabay sa pagkawala ng paborito nating cartoons at anime sa hapon, nawala na rin ang mga larong ito.
Siguro, kahit anong gawin natin at kahit ilang episode pa ng
pagbabalik-tanaw episode ang i-feature ng Kapuso Mo, Jessica Soho tungkol dito –
hinding hindi na magugustuhan ng mga kabataan ngayon ang ganyang mga old
school na laro dahil mas nag-eenjoy sila sa mga app games na
naka-install sa mga cellphone, tablet, computer, o kahit anong gadgets
pa ‘yan, in fact nababaduyan sila sa mga larong nabanggit.
Tanggapin na nating 'yon ay bahagi na lang ng ating kasaysayan. Tanggapin na natin ang katotohanan. At
tanggapin na natin na sadyang malaki ang ipinagbago ng youth of today
kumpara sa tulad kong youth of yesterday. Pero laliman pa natin
nang kaunti ang paghahambing, isantabi muna natin ang mga simpleng bagay
tulad ng mga larong ating nakagisnan. Fast forward tayo sa kasalukuyan. Higit pa sa larong-kalyeng ating nami-miss ay ang mas nakakabahalang
bilang ng maraming mga kabataang involve sa iba’t ibang uri ng krimen o
illegal activities o mga action na hindi akma sa kanilang edad tulad ng nakawan,
snatching, riot, addiction, rape, pandurukot, drug running, early
pregnancy at iba pa. Akalain mo sa murang edad nila’y marunong na silang
makipaglasingan, makipagsabayan ng murahan, alam na nila ang sex, alam na nilang
makipagrambulan at ang higit na nakakabahala: alam
nilang exempted sila sa KAHIT anong uri ng krimen. During 80’s at 90’s era, kung mayroon mang ganyang cases hindi ‘yun ganun katalamak kumpara sa ngayon.
Hindi naman masama ang pagbabago pero kung ganitong pagbabago naman ang
nagigisnan natin sa araw-araw sa mga umano’y ‘bagong pag-asa ng bayan' hindi bale nang
walang google, walang cellphone, walang youtube, walang facebook, walang
tablet o walang PS4 o PSP. Hindi bale nang walang modernisasyon.
‘Wag na rin nating hilingin sa kanila
na subukin nila ang nakagisnan nating laro. ‘Wag na (siguro) nating
hilingin sa kanila na itigil (panandali) nila ang paggamit ng gadgets. 'Wag na
nating hilingin sa kanilang ‘wag na magselfie. 'Wag na nating hilingin ang mga bagay na hindi sila magiging komportable, ang nakaraan ay nakaraan at nakalulungkot mang isipin ay dapat natin itong lubos na tanggapin. 'Wag na nating hilingin ang mga bagay na ito – basta maibalik lang sana
ng mga bagong henerasyon ng kabataang ito ang tila nawawalang paggalang at RESPETO na itinuro sa
atin ng ating mga nanay at tatay noong tayo'y mga bata pa.
Kung maari
lang sana'y maibalik ng kabataang ito ang respeto sa batas, respeto sa
komunidad, respeto sa guro, respeto sa magulang, respeto sa bayan,
respeto sa kapwa, at higit sa lahat respeto sa kani-kanilang mga
sarili. Dahil ang mga 'yan ay higit pa sa mga larong ating kinagisnan.
Sa mundong ating
kinabibilangan marami ang mapanghusga kahit hindi naman husgado.
Mapanglait na halos tingin
nila sa kanilang sarili ay walang kapintasan.
Mapagmalaki na hindi
alintana ang damdamin ng iba.
Bakit tuwang-tuwa ang marami
sa tuwing may nilalait na pagkatao?
Bakit marami ang nanghuhusga
ayon sa panglabas na anyo?
Katumbas ba nang walang
paggalang kung hindi gumagamit ng 'po' at 'opo'?
Hindi ba't mas kabastusan
ang pagiging mapanglait?
Bakit katanggap-tanggap na
sa mga tao ang ganitong pag-uugali?
Sino-sino ba ang
karapat-dapat na mabigyan ng respeto?
Madalas hindi naman sasapat
ang magandang kalooban lang para gustuhin ka ng mga tao dahil alam natin na ang
mundo'y mapanghusga ayon sa panglabas na itsura nito. Ang pagiging mataba,
hindi kagandahan ang itsura, may kaitiman ang balat at kahit taong may
kapansanan ay ginagawang tampulan ng katatawanan. At tayo namang nakakarinig sa
mga bawat panlalait ay tuwang-tuwa at tawa ng tawa sa kabastusang ito.
Hindi ba't nalalagay ngayon
sa kontrobersya si Vice Ganda dahil ginawa niyang katatawanan ang itsura ng
kagalang-galang na si Ms. Jessica Soho? Nakita niyo rin ba kung paano tumawa at
humalakhak ang mga audience sa mga patawang ito? Ganito na ba talaga tayo
kababaw? Tsk, tsk.
* * *
Balik tayo sa paksa.
Sa pag-apply natin ng
trabaho pansin mo ba na 'di hamak na mas malaki ang advantage ng may
kaaya-ayang itsura kesa sa aplikanteng hindi kagandahan pero may parehong
kwalipikasyon?
Bakit pa palaging may
requirement na 'pleasing personality' ang karamihan sa trabahong ina-applyan
natin? Ibig ba sabihin nito walang karapatan ang mga 'unpleasant beauty' sa
parehong trabaho?
Ang kasabihang ingles na
"Beauty is in the eyes of the beholder" ay aplikable lang sa iilang
indibidwal dahil karamihan, hindi man lahat hangga't maari ay magaganda ang
nasa paligid natin. Prangka kong sasabihin na ang pagiging maganda o
kaaya-ayang itsura ng isang tao ay ang unang impresyong agad na tatatak at
magmamarka sa ating isip samantalang ang mga indibidwal na hindi kagandahan ay
kailangan pang alamin kung ano ang mayroon sa kanya para mo siya maappreciate
ng husto.
"Minsan isang umagang pumunta ako sa isang Payment Center at
sinadya kong magsuot ng damit na alanganing malinis at alanganing marungis,
nakashorts at magulo ang buhok. Halos hindi ako pansinin ng isang empleyado
nito kahit alam niyang ako'y magbabayad ng bill: "Ang hirap naman magpark
sa inyo ngayon hindi tulad sa dati niyong inalisan", aniko; sa isang iglap agad
na niya akong inasikaso. Ang punto ko dito? Respect begets respect. Kung gusto
mo nang paggalang (kahit huwad) tingnan mo ang sarili mo kung nararapat ka sa
isang paggalang. Dahil sa ayaw natin o sa gusto ang tao ay mapanghusga ayon sa
kanyang nakikita".
Reklamo tayo ng reklamo ng
diskriminasyon sa ibang lahi pero tayo mismong Pilipino tuwang tuwa 'pag
mayroong inaaglahi na hindi kaaya-aya ang itsura, tayo mismo ay bastos at
walang modo kung makakomento sa hindi nagustuhang video sa anumang Social
Media, tayo mismo pinagtatawanan natin ang may kaitimang kulay ng balat ng
isang pulitiko o kinukunsinti ang pangbabastos sa isang respetadong
broadcaster.
Hindi ba tuwang-tuwang tayo
kapag may pinipintasan ang isang stand-up comedian?
Hindi ba't pangkaraniwan
nang ginagawang katatawanan at tampulan ng tukso ang mga taong may katabaan o
labis na manipis ang pangangatawan o kahit na anong pwedeng pintasan?
Kahit nga ang mga taong may
pisikal na kapansanan ay hindi na rin pinalalampas!
Sana maisip natin na hindi
kagustuhan ng mga taong ito ang anumang negatibong (kung negatibo nga ang
tingin natin dito) katangiang taglay nila. Paano kung sa'yo napunta ang
katangiang ito? Hindi ka ba madidismaya o makakaramdam ng labis na pagkaawa sa
sarili kung ikaw ang pinupulaan at pinipintasan?
* * *
On the contrary,
napakasensitibo nnatin sa mga isyu kung saan ayon sa mga kritiko, ang Pilipinas
(at ilang lugar) daw ay hindi maganda/maruming bansa at ang mga Pilipino ay
Corrupt o hindi mapagkakatiwalaan. Ang husay nating mamintas sa ating kapwa o
sa ibang lahi pero natatakot naman tayong harapin na marami sa mga puna at
kritisismong ito ay may bahid ng katotohanan pero bilang ganti babatikusin
natin ang taong nagpuna at nagkomento sa bansa natin. Palagi nating nililihis
ang isyu sa pamamagitan ng pagtirya sa sumulat o pumuna sa bansa natin.
Bakit hindi natin gawing
hamon at motibasyon ang puna at komentong ito at iimprove/itama ang kapintasang
kanyang inilatag? Hindi solusyon ang panukalang persona non-grata sa indibidwal
na nagkomento na marumi ang Pilipinas o impyerno ang Maynila o mangmang ang mga
pilipino.
Bakit tayo magagalit kung
ilan sa mga punang ito ay constructive critisism?
Natatakot ba tayo sa totoo
at mas gusto nating pagtakpan ito kaysa tanggapin?
* * *
Ang pagkakaroon ng maganda o
hindi magandang mukha ay hindi natin kayang piliin, hindi ito parang damit na
bibilhin at isusuot ayon sa ating kagustuhan. Sana maunawaan natin ito. Paano
kung sa iyo gawin ito, hindi ba't masasaktan ka rin kung makaririnig ka ng
panglalait/panghuhusga? Panghuhusgang akala mo'y isa kang pusakal na kriminal
na nakapatay ng tao.
Ang pagiging Pilipino hindi
mo man ginusto ay iyan na ang lahi mo. Kung marami man sa ating kababayan ang
may corrupt na pag-uutak o mapanglait na pag-iisip 'wag na sana tayong
makisawsaw at makisali. Walang buting maidudulot ito sa atin mas maigi kung mas
pagtuunan natin ng pansin ang pagsusumikap natin para sa pamilya kung hindi man
para sa bansa.
Hindi porke marami ang
gumagawa, tama na ito.
Hindi porke hindi nila
ginagawa, ayaw mo na ring gawin.
Hindi porke ginagawa nila,
gagawin mo na rin.
Binigyan ka ng sariling
pag-iisip para malaman kung ano ang tama sa mali, binigyan ka ng sariling
pag-uutak para alamin kung ano ang kasalanan sa hindi.
Hindi na maalis sa pag-uutak
natin na mas mataas ang paghangang ibinibigay natin sa mga taong may magandang
itsura pero sana 'wag naman nating husgahan ang mga taong hindi nabiyayaan ng
magandang mukha o maladiyosang katawan. Hindi mo man makuhang purihin ang
itsura nila 'wag mo naman sana itong pintasan pa.
Pakiusap...
Kung hindi ka naman husgado
'wag ka namang manghusga.
Kung hindi ka naman perpekto
'wag ka namang manglait.
Kung hindi ka naman si
Carlos Slim 'wag ka namang maging matapobre.
Respeto - isang pagbibigay pugay o paggalang na iginagawad sa mga
KARAPAT-DAPAT maging hayop, bagay, kalikasan, lugar, relihiyon, tradisyon,
kultura, paniniwala at tao; buhay man ito o patay, may buhay man ito o walang
buhay.
Ngunit paano ba maaani ang
respeto? Ano ba ang pamantayan natin para ang isang tao ay ating irespeto?
Dahil ba ang isang tao ay nakatatanda sa atin nararapat na bang ito'y irespeto?
Dahil ba ang isang tao'y may mataas na posisyon sa atin awtomatiko na itong
makakatanggap ng respeto? Dahil ba magara ang suot nitong damit ay isa na itong
kagalang-galang? Dahil ba siya'y isang mayaman at maraming posesyonlalo't nakakotse ay kaagad na natin itong
igagalang?
Puwes, Hoy Tanginamo!
Doblehin mo ang respeto sa'kin dahil dalawa ang kotse ko!
Pansin mo ba ang kamalian?
Paano mo igagalang ang isang tao kung umpisa pa lang ay binastos at minura ka
na? Samakatuwid hindi nadadaan sa kung ano man ang paggawad ng respeto sa tao.
Hindi sa posisyon, hindi sa edad at lalong hindi sa kayamanan o pera. Maaaring
ikaw ay makatanggap ng "respeto" sa mga tao dahil ikaw ay naka-aangat
sa kanila sa kung anumang aspekto pero sa likod nito at sa oras na ikaw ay
hindi na nila kaharap puro pintas o mura ang iyong inaabot sa kanilang
pag-iisip at sa tuwing ikaw ay nakatalikod. Respeto ba talaga ang tawag natin
dito?
Isang malaking maling akala
ang nasa kaisipan ng mga maraming nakaangat sa buhay na silang lahat ay
kagalang-galang na higit sa ordinaryong mamamayan. Na silang lahat ay
karespe-respeto dahil sa tangan-tangang napagtagumpayan. Hindi ito isang usapin
nang kung anong mayroon ka o nang kung anong posisyon mo sa buhay, hindi ito
usapin kung may edad ka na o paslit ka pa. Kung karapat-dapat kang igalang
maging ano man ang estado mo sa buhay sigurado irerespeto ka.
Kung papaano mo ituring ang
mga tao maging palaboy, bakla, tomboy, empleyado, estudyante, tsuper, traffic
enforcer at iba pa nakatatanda man ito o hindi ay ganundin ang magiging
impresyon at ibabalik sa'yo ng mga tao. Ang pagrespeto sa atin ng mga tao ay
repleksyon ng ating ugali hindi sapat ang katagang Sir o Madam, ang matunog na
Po at Opo, ang paggamit ng Ate o Kuya (minsan ginagamit lang itong pa-cute)
Tito o Tita, Mayor o Congressman na may nakakabit na His Honorable. Nasaan ang
honor kung isa ka sa nagiging dahilan kung bakit lugmok ang bansa? Nasaan ang
honor kung palihim kang nagnanakaw katulad ng pusakal na snatcher. Kahit pa isa
kang pari o pastor kung ang itinuturo mo'y taliwas sa iyong ginagawi malamang
ang respetong tinatanggap mo'y huwad at sa sarili mo mararamdaman mong ikaw ay
hindi karespe-respeto. Kung minsan nga kahit may kapansanang naka-wheelchair ka
na at dati pang pangulo mababanaag pa ring hilaw ang naibibigay na respeto sa
kanya.
Robert Blair Carabuena,
isang taong may mataas na posisyon sa isa ring higanteng kompanyang Philip
Morris. Sa unang impresyon ang taong ito ay kagalang-galang dahil sa siya ay
may kaya sa buhay, may pinag-aralan, magara magdamit, may magandang trabaho at
may malupit na kotse. Sa isang iglap, ang impresyong siya'y karespe-respeto ay
biglang naglaho nang walang awa niyang sampalin ang pobreng Traffic Enforcer ng
MMDA na si Mang Sonny Fabros dahil sa pagsita sa kanya nang suwayin niya ang
batas-trapiko. Nagmukhang mas kagalang-galang ang mamang may pagtitimpi kaysa
sa isang mal-edukadong opisyales na may magarang kotse ngunit arogante.
Hindi man gumuho ay nabawasan ang respeto ng mga taong sa kanya'y nakakakilala
at ang mga taong hindi siya lubos na kilala ay nang-alipusta, namintas, nagmura
at nagbanta! Ibinalik sa kanya kung anong ginawa niya sa kanyang inapi at doble
pa! Mga taong wala ring pagtitimpi at pasensiya kulang na lang ay pisikal itong
bugbugin. Sa bandang huli sino ang umani ng pagkondena at sino ang umani ng
papuri? Sino ang higit na nirespeto at sino ang inilugmok ng batikos? Sino ang
naging kagalang-galang; ang matapobre o ang hinamak na pobre?
Nahaharap din sa isang
kontrobersiya ang isang dalagang nagngangalang Paula Jamie Salvosa o mas kilala
sa tawag o binansagan ng mga netizen na AMALAYER. Hindi ko i-ju-justify ang
naging reaksyon niya sa lady guard in-charge ng LRT na si Sarah Mae Casinas
dahil alam naman ng lahat ang kanyang kamalian ngunit gusto kong ipunto ang mas
grabeng reaksyon ng mga tao sa kanya! Na ang naging resulta ay ang pagsasara
niya ng kanyang account sa mga social networking sites at napabalita rin na nagkakaproblema
siya ngayon sa kanyang pinapasakong unibersidad.
Sino ba ang hindi nagagalit?
Baka nga mas grabe pa ang maging aksyon at reaksyon ng maraming tao kung
sakaling malagay sa isang sitwasyong ikaw ay napahiya, pinahiya o naruyakan ang
letseng pride mo. Baka mas maging bayolante pa ang iba at makapanakit pa ng
kapwa niya kung makanti lang ng kaunti ang kanyang katauhan.
Sino ba ang hindi
nagsisinungaling? Ituro mo sa akin at siya lang ang may karapatang manghusga
kay Paula. Sino mang tao pag nalalagay sa alanganing sitwasyon ay
magsisinungaling, ilulusot ang sarili para hindi magkaroon ng mas malalang
problema. Ang mahirap sa atin mas marami ang mapanghusga at mapanglait na higit
pa ang ipinapakitang kagaspangan ng ugali kaysa sa taong naka-offend mismo at
nalagay sa kontrobersiya. Mapanghusga kahit wala sila mismo sa lugar na
pinangyarihan, mapanglait kahit wala ni katiting na karapatan.
Hindi pinag-uusapan dito
kung sino ang mangmang o kung sino ay may mataas na pinag-aralan. Walang silbi
kung sino ang mataas ang kalagayan sa buhay o ordinaryong mamamayan. Laging
pakaisipin na maraming mata ang nakamasid sa atin at sa lahat ng ating
ginagawa. Ang anumang inisyal na galit, aksyon o reaksyon mo sa kung sino ang
magiging basehan sa panguhuhusga sa'yo ng mapanghusgang mundo. Isang napakaliit
na pagkakamali mo lang guguho't mawawala nang lahat ang iyong nireserbang
respeto para sa sarili kahit sabihin mo pang edukado ka, presidente ka ng isang
malaking kompanya, nakatira ka sa magarang subdibisyon, pilantropong tumutulong
sa kapus-palad, dalubhasang doktor na tumutulong sa mga may karamdaman o alagad
ng simbahang tagapaghatid ng mabuting balita.
Ang mga letrang nakakabit sa
ating mga pangalan tulad ng Dr., Atty., Engr., Arch., CEO, Pres., Msr.,Rev., Rep. at iba pa ay magsisilbing
dekorasyon lang sa iyong pangalan kung hindi mo isasabuhay at isasapuso ang
propesyon at pinag-aralan mo. At magiging mas karespe-respeto pa ang isang
pangkaraniwang tao kung walang bahid ang dignidad at pangalan nito kaysa sa
isang abogado na alagad ng kasinungaligan o isang doktor na tumatangging
gamutin ang may sakit na walang pangdeposito at hahayaan nitong habulin ang
kumakaripas na sariling hininga o isang tagapaghatid ng mabuting balita pero
pumuputangina sa tuwing may kinagagalitan.
Bakit ba banas na banas ang
marami sa asal hayop na mga ganid na pulitiko? Pero sa kabila ng pagkabanas ng
mga tao dito nakangiti pa rin natin itong pinakihaharapan lalo't tuwing may
eleksyon. Bakit nagkukumahog na parang pulubi ang marami sa host ng isang
gameshow mabigyan lang ng kung ilang libo? Pero kung hindi naman mabiyayaan
halos murahin nila ito. Bakit ba gumagamit tayo ng "po" at
"opo" sa mga taong nakatatanda sa atin kahit na barubal ang
pag-uugali nito? Pero sa oras na hindi siya kaharap ay sinisiraan naman siya ng
sagad. Bakit ba halos sambahin mo ang boss mong istrikto sa tuwing ito'y
dumadaan sa iyong harapan? Pero kung magagawa mo lang na ito'y sungitan matagal
mo na itong ginawa. Ang mga ito'y hindi isang respeto kundi pakitang tao lang.
Kung hindi mo kayang ibigay
ang ganap na respeto sa isang tao dahil sa magaspang na ugaling taglay niya,
maging tao pa rin tayong pakiharapan siya nang maayos at maganda. Na sa kabila
ng kanyang pagbabalat-kayo sa tuwing tayo'y kanyang kaharap o kahit batid
nating ang taong ito'y may sariling interes at motibo ipakita nating kaya natin
silang pakisamahan ng hindi kinakailangang mang-alipusta dahil kung gagawin
natin iyon wala na rin tayong pinagkaiba sa kanila. Maaring mawala o mabawasan
ang respeto natin sa isang tao pero dapat hindi mawala ang ating pakitang-tao o
mas magandang pakinggan na pakikipagkapwa-tao; pagpapamalas ito na tayo ay mas
matinong TAO sa mga tulad nilang nakakadismaya, nakakainis o arogante.
May mga taong rumerespeto
ayon sa kasuotan. Kagalang-galang di-umano ang mga taong nakadamit ng buwayang
'di nangangagat, mga branded na damit, mga naka-coat lalo't kung may katernong
makulay na tie, mga nakabarong-tagalog na animo'y parating dadalo sa kasalan,
mga mapopormang nakakuwelyo na may mahabang manggas. Ano ba ang pinagkaiba nito
sa mga naka-shirt lang? Oo nga na sa unang tingin ay mas may dating at
kahanga-hanga ang may ganitong kasuotan. Ngunit sapat na ba ito para husgahan
naman ang nakaordinaryong damit lang? Paano mo iri-respeto ang may magagarang
kasuotan kung inaalipusta nito ang taong sa kanya'y sumasalubong? Hinahawi ang
lahat ng nakaharang at umaaktong hari saan man makarating. Tigilan na natin ang
panghuhusga ayon sa kasuotan; madalas kung sino pa ang palaging nakabarong iyon
pa ang may bahid ang pagkatao, igalang man natin sila sa taglay nilang damit o
sa husay magtalumpati hindi sasapat ang lahat ng ito sa igagawad nating
respeto. Dahil kung ito lang ang ating basehan ng respeto kabilang na ako sa
mga taong palagiang inaalipusta dahil bihira sa isang buwan makikita mong
nakasuot ako nang may kuwelyo.
Hindi porke gumagamit tayo
ng po at opo katumbas na ito ng ganap na respeto, eh kung lagyan natin ng po
ang bawat salitang pagmumura tulad ng "gago ka po" paggalang pa ba
ito? Madalas ka ngang umo-"opo" sa mga nakatatanda pero binabastos mo
naman ito kung malayo ito sa'yo. Nasaan ang paggalang dito? Kung minsan hindi
mo kailangang gumamit ng po at opo para lang makitang magalang ka ilang
halimbawa nito ang pagpapaupo sa mga buntis at nakatatanda sa pampublikong
sasakyan/upuan ay hindi matutumbasan ng 'po at opo' na minsa'y puno ng
pagkukunwari. At ang simpleng hindi pagtatapon ng basura ng isang gusgusin sa
kung saan-saang lugar ay mas karespe-respeto pa kaysa sa mga taong nasa loob ng
kotse pero hinahagis naman niya sa labas ang balot ng kanyang tsitsirya.
Ang respeto at takot ay
dalawang magkaibang bagay. Minsan ang akala nating respeto na ibinibigay sa
isang tao ay isa palang takot lang. Sa takot na tayo'y mapagalitan,
mapagbuntunan, mawalan ng trabaho, hindi mabigyan ng pabor o masabihan ng
walang modo gagawin natin ang huwad na respeto. Sana lang hindi tayo ang
sapilitang nagbibigay takot sa mga tao para makakuha ng respeto.
Dapat nating tandaan na ang respeto ay hindi dapat hinihingi ito ay kusang-loob na ibinigay sa mga taong
karapat-dapat hindi dahil sa ikaw ay nakatatanda, may mataas na katungkulan sa
trabaho, kaaya-ayang posesyon at kasuotan, may kaya sa buhay o opisyal ng
gobyerno; kung mabuti kang makitungo at wala kang tinatapakang ibang tao
igagalang ka ng kahit na sino (pwera na lang ang mga may utak-talangka) kahit
ano pa ang trabaho mo.
Maaring itinakda na malantad ang kabilang bahagi ng ugali (dahil hindi ito ang buo niyang pagkatao) ng isang Robert Blair Carabuena pero alam naman nating marami pa ang katulad niyang
pakalat-kalat lang at hindi nakokontrol ang sariling emosyon. Na kung hindi pa
makukunan ng video at matatanggalan ng lisensya ay hindi kusang-loob na hihingi
ng kapatawaran. Marami ang katulad ni Paula Jamie Salvosa na nagpapadala sa
bugso ng damdamin at hindi kaagad nakapag-iisip na supilin ang galit na nararamdaman. Nagbubunga nang maganda ang pagkakaroon ng mababang kalooban at
magdudulot ng kapahamakan ang pagiging barumbado at mainitin ang ulo. Rumespeto para ikaw ay
irespeto. Kapag nagkataon isang napakapangit na senaryo na patay ka na nga
hindi ka pa makuhang irespeto ng kapwa mo.
Ang pagrespeto ng ibang tao
sa atin ay magsisimula sa paggalang natin sa ating mga sarili 'wag na nating
hintaying ilantad sa liwanag ang masamang bahagi ng ating ugali bago tayo
mag-umpisang rumespeto ng iba. Nakakalungkot na lahat tayo'y humihingi ng
tamang respeto pero sarili mismo natin hindi natin makuhang irespeto.