Taglay ng batang ito ang katangiang
makapagtatanggal ng anumang pagod na naipon ng kanyang ina mula sa maghapong
pag-oopisina at siya rin ang may kakayahang magbalik ng matamis na ngiti sa
tuwing sasanib ang anumang kalungkutang hinatid ng malupit na mundo. Ang
inspirasyon sa kanyang bawat pangarap, ang dahilan sa kanyang bawat paggising,
ang kanyang umaga sa paglisan ng malungkot na gabi.
Sinong ina ang hindi babalikan ng sigla kung
ang dadatnan mo sa iyong tahanan ang kabibohan ng batang ito? Siya si Zoe.
Isang apat na taong gulang na babae. Magiliw. Malambing. Maamo ang mukha na
animo'y kawangis ng isang anghel. May biloy sa magkabilang pisngi na sumisilay
sa tuwing siya'y hahagalpak ng tawa. May makislap na mga mata na parang nangungusap
na ikaw ay agad na bumalik kahit di ka pa nakalalayo ng tahanan.
Sinong ina ang hindi patuloy na mangangarap
pag narinig mo ang kanyang nakatutuwang mga halakhak? Masiyahin. Matabil.
Ngunit mababanaag mo sa kanyang bawat tanong ang pagnanais na makawala sa
kainosentehan ng kanyang murang edad at may pagkakataong ang kanyang pag-uusisa
ay kukurot sa iyong puso nang 'di mo namamalayan.
At sinong Ina ang hindi magpupursigi sa hamon
ng buhay kung ang kanyang mga pangarap ay nakasalalay sa iyong mga kamay? Ang
makita sa hinaharap ang pagiging ganap na babae mula sa pagiging makulit na
bata, ang makita balang-araw na ang batang ito ay tatamasa at isasabuhay ang
pangarap na sa kasalukuyan ay isang panaginip pa lang. Ang magkamit ng isang
matiwasay at payapang buhay na kapwa hangad din ng kanyang ama't ina.
At ang kanyang Ama?
Isang OFW. Pilipino na dayuhan sa ibang bansa. Bagong Bayani. Bayaning nangungulila sa pagmamahal, sa pamilya at sa kalinga. Bayaning nakikipagsapalaran at nakikisalamuha sa iba't ibang lahi. Isang
mandaragat na tanging ang hampas ng alon sa dagat ang nagsisilbing musika ng kanyang
gabi. Ang kanyang sandata sa lungkot ng magdamag ay ang piraso ng pangarap na
sa pagdating ng panahon ay umaasang magiging pangarap na paraisong natupad.
Isang mandaragat na mas mahaba pa ang panahong inilalagi sa tubig kaysa sa lupa
at lubhang napakabagal at napakatagal ang takbo ng oras sa panahong siya'y
naglalayag kasama ng binubuong pangarap. Isang mandaragat na naglalayag sa
lawak ng karagatan na katulad ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya ay
walang sukat, walang hangganan.
Katulad ng ibang pamilya na ang ama o ina ng
tahanan ay sumasagupa sa ibang bansa ganito ang kwento ng kanilang buhay. May
saya ngunit mas lamang ang lungkot, may ngiti ngunit di maitanggi ang pighati.
At sa kabila ng matunog na halakhak ay ang pagpipilit na ikubli ang sasambulat
na pag-iyak. Araw-araw, buwan-buwan, taon-taon. Paulit-ulit. Kung bakit
kailangang ganito ang istorya ng buhay ay hindi madaling sagutin at hindi
madaling unawain. Pinagbuklod ngunit pinaghiwalay ng pangarap. Pinag-isa ngunit
libong milya ang distansiya. Ang nagsisilbing tulay upang mapaglapit ang
kanilang nangungulilang gabi ay ang teknolohiya; Facebook, Yahoo
Messenger, Skype at iba pang social
media, mabuti na lamang. Dahil kung wala ito, paano mo sasalubungin ang umaga
ng hindi mo naringgan ang tinig ng mahal mo bago ka umidlip sa gabi? Paano ka
mangangarap kung ang iyong mga inspirasyon ay hindi mo masilayan kahit sa
laptop man lang? Paano ka babangon sa pagsubok kung hindi mo maririnig ang puno
ng pag-ibig na mga katagang "Mahal Kita" kahit sa selepono man lang?
Nakakainip, nakakasawa, nakakapraning ang mamuhay sa bayan ng dayuhan, ang
mamuhay na mawalay ang mahal sa buhay at kung hindi mo ito kayang paglabanan
guguhong kasama mo ang lahat ng iyong pinaghirapan at pagtitiis.
Ngunit kailangang magsakripisyo upang makabuo
ng pangarap.
Kailangang may magtiis upang magkaroon ng mas
matamis na pag-ngiti.
Kailangang umiyak para sa mas masarap na
kaligayahan.
Kailangang ipamahagi ang kasalukuyan para
makamit ang isang magandang bukas.
Kailangang suongin ang malalakas na unos para
sa masasayang araw na sasalubong.
Kalangang hindi makadalo sa mahahalagang
okasyon para sa habambuhay na selebrasyon ng buhay.
* * *
Makalipas ang ilang buwang bakasyon.
Bakasyong singbilis lang ng isang gabing panaginip. Si Zoe ay nakatakdang
magpaalam sa kanyang ama. Sa murang edad batid na niyang pansamantalang
mawawala na muli ito at sa susunod na mga araw, linggo at buwan tanging tinig
na lang mula sa linya ng teknolohiya ang magbubuklod sa kanila. Sa murang edad alam
niyang siya'y mangungulila na naman sa pagmamahal ng isang ama; wala sa kanyang
kaarawan, sa kanyang school recognition, sa pasko, sa bagong taon, sa
pamamasyal at sa panahong siya'y may karamdaman.
Ang kanyang ina'y nakamasid. Tumatangis.
Nag-aabang sa susunod na mangyayari. Binabasag ang katahimikan nang humihikbing
damdamin, pigil ang emosyon ngunit 'di mapigil ang umaapaw na pag-ibig; ng Ina,
ng Ama at ni Zoe. Muling maghihintay sa mga oras, araw at buwang tilang hindi
nagwawakas.
Bitbit ng ama ang kanyang bag na puno ng
hapis at hinagpis at sa kabilang kamay naman'y hila-hila ang isang maletang
puno ng pangarap at pag-asa habang si Zoe ay nakatitig sa kanyang ama at tila
may nais na ipahiwatig. Ang amang isusugal ang kasalukuyan para matagampuyan ang
kinabukasan habang si Zoe ay puno ng katanungan. Hindi na kailangang marinig pa
ang bawat sasambitin ng mag-ama dahil banaag na sa kanilang mga mata ang labis
na kalungkutan.
"Ayan ka
naman, aalis ka naman!" sabay yakap ng ama sa batang si Zoe habang lahat ng
tao sa paligid ay nag-iyakan. Ang huling salitang namutawi sa bibig ni Zoe bago
maghiwalay ang mag-ama.
Ilang Zoe pa ang kailangang mangungulila sa
kanyang magulang?
Ilang Zoe pa ang mag-uusisa at magtatanong ng
"Kailan"?
Ilang "paalam" pa ang kailangang
bigkasin para sa muling pagkikita?
Ako, sampu ng kaanak ng mga OFW saan mang
dako ng mundo ay nagpupugay at nagpapasalamat sa Social Media. Ang
instrumentong nagsisilbing tulay upang magkausap ang mga tinig at kaluluwang
nangungulila, ang instrumentong pansamantalang nagpapalisan sa kalungkutang
nananahan sa pusong dumaranas ng dalamhati. Ang instrumentong nagsisilbing
tulay upang pagdugtungin ang nakaraan, ang ngayon at ang kinabukasan ng OFW at
nang pamilya nito.
* * *
Ang akdang ito
ay aking lahok sa 2012 Pinoy Expat Blog Awards.
TEMA: THE
SOCIAL MEDIA AND I: Bridging the Past, Present and Future
Sa Ilalim ng OFW Supporter Blogs.
isa rin akong Zoe! Nakaralate ako ng lubos sa akda.
ReplyDeleteGoodluck sa patimpalak!
Goodluck sa entry ^_^
ReplyDeleteSalamat sa pagbisita at pag-"GOODLUCK" mga sir!
ReplyDeletenaiyak naman ako..iba talaga pang meron kang mahal sa buhay na OFW nakakarelate ka tlga! good luck sana manalo ka limarx214 hahaha kuya ramil
ReplyDeleteisang talinhaga ng pangungulila at kalungkutan...pasasaan pa ang lahat ay may katapusan sa tamang panahon sa tinakda ng Panginoon. Pagpalain nawa ng Diyos ang iyong anak at pamilya... <3
ReplyDelete@anonymous, alam kong hindi madali ang magkaroon ng mahal sa buhay na wala sa piling mo lalo't sa panahon ng mahahalagang okasyon, malungkot at tulad ng sinabi mo, nakakaiyak. sana nga manalo ito at sana rin nagpapakilala ka kasi ibinunyag mo pangalan ko. :-)
ReplyDelete@Mhey Vssing, bahagi ng buhay ang pangungulila at kalungkutan ngunit higit ang kalungkutan ng kapwa OFW at pamilya nito, lahat nga ay may katapusan at sana lahat ng katapusang ito'y patungo sa kaligayahan at katagumpayan. God Bless you too, Mhey Vssing.
P.S. hindi ako ang daddy ni Zoe. :-)
"Malungkot,pero kinakaya",dahil alam na may patutunguhan..
ReplyDeleteMahirap maging isang tatay na nanay pa,madaming "bakit?" Na hindi masagot..pero pasasaan ba at magsasama ng ang mag ama,at lulubusin ang mga panahon na hindi sila nagkasama..
Congrats in Advance!claim it!
_lgf
Hi Ms. LGF,
ReplyDeleteIt's amazing how time easily flies when you value them most and we wonder how time slowly crawls when we are craving for it. It's both rough & tough on a situation where a mom and a dad's soul mould into a one mortal body but it's a fulfilling job that no amount of happiness can compensates. It's not only between the dad & daughter that we long to see on each other's arm but also the mom who also sacrifice and devout all her time just to fill and fit in the lonely missing gaps. Reckoning the days, treasuring the memories and remembering the moments were never enough compared to the real world and we are praying that thoughts of negativity and the days of waiting endlessly would be over, soon enough to fulfill the dreams and promises.
In short, kaya mo yan! God bless you and your family always. :-)
nice blog! malungkot man ang maging seaman pero madaming yumayaman na seaman tama b LGF hahaha! good luck sa entry sana manalo..god bless
ReplyDeletedwayne (",)
Sana malapit na ang panahong permanente nang uuwi si tatay sa pinas, mabuhay kayo!
ReplyDeletegood luck po!:)
ReplyDelete