Showing posts with label love. Show all posts
Showing posts with label love. Show all posts

Tuesday, September 2, 2014

Pain In My Heart



Tuliro at lito.
Mag-isa at balisa.
Sa malungkot na silid na itong minsang naging saksi sa ating matamis na pagmamahalan.
Bantulot at lumilipad ang diwa patungo sa iyo at sa lahat ng masasayang alaalang ating pinagsaluhan.
Alaalang patuloy akong inaalila at inuulila.
Alaalang pilit ko mang iwan at kalimutan ay 'di ko magawa dahil bawat kilos, bawat bagay na aking nakikita ay nagpapaalala sa'yo at sa 'yong kagandahan, sa 'yong kabuuan at sa 'yong kahubdan.

Ang iyong ngiti. Ang iyong halakhak.
Ang iyong pagtangi kasama ng iyong pag-ibig. 
Na sa isang kurap ay nawala nang bigla.

Iglap. 
Sa 'di ko maunawaan at mahagilap na dahilan ay pinigtas mo ang bigkis na nagdudugtong sa ating pagmamahalan.
Madalas, kinakausap ko ang sarili --- nagtatanong kung bakit naging gano'n? Kung bakit sa ganito humantong?
Pinilit kong magpakatatag.
Pinigil ko ang luhang papatak.
Ngunit 'di ko nagawa.
Katulad nang pagkabigo ko sa'yo, nabigo rin akong pigilan ang luhang nagpupumilit na sumambulat.

'Di ko lang batid kung hanggang kailan ko ito kakayanin.

'Di ko lang alam kung hanggang saan ang aking mararating.

Maraming tanong ang kumukurot sa aking isipan --- mga tanong na hanggang ngayon ay wala pa ring tiyak na kasagutan. Ngunit nadagdagan pa ito simula nang bigla mo kong nilisan.
Naging balakid ang bulag na pagmamahal ko sa'yo kahit nararamdaman kong may pagbabago, naging sagabal ang namanhid kong damdamin para sa'yo na palaging nagugulumihanan.
Natakot akong magtanong.
Natakot ako na baka ang iyong tugon ay taliwas sa gusto kong kasagutan.
Ngunit hindi ko rin pala natakasan ang katotohanan.

Nabigla ako.

Hindi ko inasahan.

Hindi ko naiwasan.

Walang dahilan.

Ginagawa ko ang lahat upang ikaw'y malimutan, pilit na kinukumbinsi ang sarili na hindi ikaw ang nakatakda para sa akin at ang iyong paglayo ay makabubuti para sa ating dalawa. Ngunit ang anumang pagpipilit at pagtanggi ay lalo lang nagdadagdag sa naipon kong kamalian at kasinungalingan.
Iginugupo ako ng iyong alaalang ayaw akong iwan, alaalang 'di bumibitiw --- na hanggang ngayon ay nagmumulto sa aking kamalayan.
Mahal kita at ang pagwaglit sa anumang alaala mo'y 'di ko magawa at maisakatuparan tulad ng iyong pangakong sa matagal na panahon ay aking sinandigan at pinanghawakan.

Bilanggo ako sa selda ng iyong pag-ibig.
Bihag ako sa rehas ng iyong mga alaala.
Nakagapos ako sa tanikala ng iyong pagmamahal.

Sa taglay mong ganda at lambing hindi naging mahirap para sa akin na ikaw ay mahalin ngunit hindi pala madali ang ikaw ay ang limutin.

Hindi ganoon kadali. 

Hindi ganoon kabilis.

Ano ba ang naging mali? 

Ano ba ang pagkakamali?

Ayaw kong maniwala na wala ka na sa akin kahit alam kong wala ka na sa 'king piling.
Ayaw kong sabihing maramot ang tadhana kahit saglit ka lang niyang ipinagkaloob sa akin.
Ayaw kong banggiting malupit ang mundong ito kahit nararamdaman kong tampulan ako ng pagbibirong kayhirap tanggapin.

At kung ito nga'y panaginip ---- isa itong masamang panaginip na kabaligtaran sa nais kong mangyari.

Nakaukit ka sa aking mga alaala, habangbuhay.
Ikaw ang pintig sa bawat aking pagtibok, habang nabubuhay.
Ikaw ang kapayapaan sa mundong ito na napakaingay.


Hindi ko gustong alalahanin ang mga bagay na pinagsaluhan nating gawin.
Gusto kong kalimutan ang mga bagay na may kaugnayan sa atin.
Ayokong marinig ang mga kantang madalas nating awitin.
Sawa na akong maramdaman ang pighati at sakit ng nabigong pag-ibig natin.

Dahil bawat bagay na may kaugnayan sa 'yo at sa akin ay parang patalim na iuunday sa puso kong tila niyayapos ang dilim.


Wednesday, January 15, 2014

On Heart Versus Brain



Bawat desisyon ay may pros and cons.
Bawat pagpapasya ay may kaakibat na advantage at disadvantage.
Sa maraming bagay dapat (raw) ay utak ang ginagamit sa pagdedesisyon ngunit kung tumututol na ang puso sa ginawang pagpapasya panadaling mag-isip at maghunos-dili, timbangin kung ano ang mga dahilan kung bakit ang puso'y hindi sumasang-ayon. 
* * * * *

Ang bawat bahagi ng katawan ay may kanya-kanyang function kadalasan hindi lang isa ang usage nito; tulad ng tao may multi-tasking din sila.
Ang utak ang isa sa pinakagamit na bahagi ng ating katawan; kasabay ng ating pagtanda ay ang pagmamature ng ating utak - walang silbi ang pagdagdag ng iyong edad kung ikaw ay isip-bata pa rin. Sa pagdagdag ng samut-saring kaalaman sa ating utak tila may mga bagay naman tayong nawawalang-bahala; sadya man o sinadya. Ayon sa kasabihang english "beauty is nothing without  brains" on the contrary, ang labis na pagiging mautak ay conotation na may katumbas na pagiging 'magulang' o 'magpagsamantala'. Halimbawang sabihan ka ng isang tao ng: "'Tangina, ang utak mo pala eh!" hindi ito maganda sa pandinig lalo na sa mga taong may sensitibong damdamin.


Aminin man o hindi, kapag utak ang ginamit natin sa isang desisyon mas malamang na tayo'y naniniguro, mas ayon sa rules o proseso, lesser ang risk o sa mas salbaheng dahilan: may pagkatusong pasya.
Kadalasan, wala namang masama sa desisyong ginagamitan ng utak ngunit kung involve na ang damdamin ng ibang tao, kung nakakaagrabyado na ng iba ang iyong pasya, kung sa tingin mo'y may masasaktan ka o ikaw mismo ang masasaktan dapat na handa kang harapin ang kaakibat na magiging resulta ng gagawing kapasyahan.


Maaring magkahiwalay ang utak at puso sa ilang desisyon natin sa buhay ngunit hindi naman kailangan na lagi silang magkalayo. Kung may pagkakataong pwede silang magsama mas mainam ito. Walang kukurot na konsensya, walang babagabag sa isip. Para sa akin, hindi superior ang utak sa puso dahil nasa itaas na bahagi ito ng ating katawan, nagkataon lang na sa ulo ang angkop na lalagyan ng ating utak kaya siya naroroon, kung ganoon ang thinking natin ipagpalagay na nating LAHAT ng mga matatangkad sa atin ay mas magaling sa ating kakayahan dahil ang pagiging mataas ang basehan natin ng superiority.


Marami ang naging tanyag at popular dahil sa kanilang katalinuhan ngunit higit na tumatatak sa puso at isip ng karamihan ang isang taong may ginintuang puso o labis na pagmamahal sa kapwa tao.
Kung kahanga-hanga si Albert Einstein sa taglay niyang talino at talento hindi ba't mas nakamamangha ang sakripisyo at pagmamahal na nananahan sa puso ni Mother Teresa?
Okay, hindi sila maaring pagkumparahin dahil magkaiba sila. Ang punto? May mga desisyong kailangang utak ang dapat na mangibabaw at may pagpapasyang dapat puso ang nasusunod.


Dalawa lang ang function ng ating puso: tumibok at magmahal.
Kung hindi na titibok ang ating puso wala na ring silbi ang LAHAT ng parte ng ating katawan maaari kang mabuhay ng hindi na nagpafunction ang utak mo (brain dead) ngunit hindi ka maaring mabuhay kung hindi na pumipintig ang iyong puso. Ang anumang desisyong nanggaling sa iyong puso ay may kalakip na pagmamahal. Nakakataba ng puso ang katagang: "may puso ang taong iyan kaya pinagpapala" samantalang nakakaoffend naman kung sasabihan kang: "walanghiya ka, wala kang puso!" Figuratively, ang ibig sabihin kasi nun ay wala kang awa o wala kang malasakit parang "walang kang kaluluwa!" sa iba namang term.


Sa kahit na anong bagay lahat ng sobra ay masama, kabilang na ang pagdedesisyong gamit ang alinman sa utak o puso.
Ang palagiang pagpapasya na gamit ang utak ay posibleng magresulta sa pagkamanhid sa nararamdaman ng ibang tao. Kung iisipin ng malalim at mabuti ang pagdedesisyong gamit ang utak ay may dahilang kadalasang pangsariling kapakanan lang samantalang ang pagpapasyang galing sa puso ay desisyong may kinokonsiderang damdamin ng ibang tao.


Kung madalas ang desisyong nakapattern sa gusto ng ating utak, prone ito sa misunderstanding minsan pa nga'y dahilan ito para i-judge kang isang authoritarian, walang consideration.
Bagama't mas makatao ang pagpapasyang galing sa puso prone naman ito sa pag-abuso ng iba kung palaging iyon ang gagawin mo. Ang bawat desisyong galing sa puso ay mas malamang na may kasiya-siyang resulta (sa umpisa) 'wag lamang maaabuso.


Palagi at parati na mas maraming bagay ang dinedisisyunan natin na gamit ang ating utak simula pagkabata natin hanggang sa ngayon na nagmamature na tayo.
Ngunit may mga bagay na kung ang pagpapasya'y nagmula sa utak malamang na umpisa pa lang komplikado na kaagad.
- mahirap matapos ang isang kurso kung pinilit ka lang na kunin ito
- mahirap makisama ng HABANGBUHAY sa taong pinakasalan mo dahil lang sa pagiging mautak mo
- pahihirapan ka ng iyong konsensya kung may ipinilit kang desisyon sa mahal mo o sa ibang tao dahil lang sa tingin mo ay iyon ang pinakamakatwiran


Hindi porke matalino ang isang pagpapasya palagi na itong tama at hindi porke nagdesisyon ka ng galing sa puso isa na itong desisyong perpekto. You just have to deal with the circumstances that may arise upon making any decisions; puso man 'yan o utak.


Marami ng trabaho ang utak natin, malaking bahagi na ang ginampanan niya sa buhay natin at kung maaari lang sana kung usapin tungkol na sa pag-ibig hayaan na nating puso ang magpasya sa atin. Walang pero, walang subalit ngunit dapat ikonsidera ang tama at ang MALI. Dahil ang pagmamahal naman talaga ay tanging sa puso lang
nanggagaling hindi sa utak o kung saan pa man. Kaya nga may nakakakilig na phrase na: I love you with all my heart (at ang symbol ng love ay heart, hindi brain).
Wala naman kasing declaration of love na: I love you with all my brain o with all my kidney o with all my lungs.
Ang anumang pagmamahal na hindi galing sa puso ay hindi dapat tawaging pagmamahal dahil isa itong huwad at pagpipilit.


Bukod sa pagtibok, pagmamahal na nga lang ang purpose at function ng ating puso, IPAGKAKAIT pa natin.
* * * * *
Ang utak 'pag nagdesisyon madalas walang puso samantalang ang puso 'pag nagpasya madalas hindi nag-iisip. May pagkatanga ang puso pero minsan tumatama rin naman at kapag nangyari 'yun hindi lang ang utak o puso mo ang liligaya kundi pati ang puso, utak at buhay ng iba pa.

Monday, May 6, 2013

Love, Sex & Lies




Ang pag-ibig ay hindi basta sex lang at ang sex ay hindi pwedeng ikonsiderang isang Pag-ibig.
Maari tayong mabuhay ng walang sex ngunit hindi tayo mabubuhay ng walang pag-ibig.
Kung sex lang ang siyang sukatan sa isang pagsasama mas malamang na hindi ito magtagal 'di tulad ng sa pag-ibig; kung ito ang naghahari sa ating mga puso mananatili ito nang tila walang katapusan o hanggang sa huling hibla o singhap ng ating mga hininga.

Masarap ang sex. Kung sino man ang nagsabing hindi ito masarap ay malamang hindi pa natikman ang kakaibang sensasyon at kiliting ibinibigay nito sa isang indibidwal.
Masarap ang umibig. Kung sino man ang nagsabing hindi ito masarap ay malamang hindi pa naranasan ang kakaibang kilig at kaligayahang hatid nito sa bawat taong umiibig.
Pero wala nang sasarap pa kung ang sex at pagmamahal na kailangan mo ay nasa iisang katauhan lang at mas sasarap pa ito kung pareho kayong may gana para dito sa tuwing ito'y inyong ginagawa nang walang pilitan o walang pakiusapan.

Marami ang gumagamit ng pag-ibig para makapag-take advantage at makuha ang sex na inaasam. Pero kahit kailan hindi dapat gawing batayan ang sex para sa isang wagas na pagmamahalang matatawag. Isang malaking kaululan na para mapatunayan ang isang pagmamahal ay sa pamamagitan ng sex lang dahil maraming bagay ang makapagpapatunay sa tunay na pagmamahal.

Maaari kang makipagsex ng walang pagmamahal pero maaari ka ding magmahal ng walang sex. Minsan sila'y magkadugtong at magkaugnay pero hindi kailangang sila'y iisa. Ang sex at ang pag-ibig ay kayang linlangin ng isang dalubhasa sa kasinungalingan.
At sa mundong puno ng kasinungalingan ay gagawin ng tao ang lahat para lang makuha ang kanyang inaasam. Uulitin ko, ang pag-ibig ay hindi sex at ang sex ay hindi pag-ibig. Paano kung ang iyong mahal sa buhay ay wala ng kakayahang makipagsex, iiwan mo ba siya dahil sa pangangailangang seksuwal?
Paano kung pagod sa trabaho o walang ganang makipagsex o sa simpleng dahilang ayaw niya, dahilan na ba ito para ikaw ay mangalunya?
Ngunit kung mas nananaig ang pagmamahal at pag-ibig kaysa sa pangangailangang seksuwal mas malawak mong mauunawaan na ang pagsasama at pag-aasawa ay higit sa sex lang.

Ang pagkahumaling sa sex na halos dito na nakasentro ang iyong mundo ay kulang sa pagmamahal. Hindi ka makokontento sa kung sino man ang karelasyon mo ngayon kung ang hanap mo lang ay ang sarap ng sex at hindi ang sarap na hatid ng isang pag-ibig. May mga taong magaling magbalat-kayo na maari mong mapagkamalang may pagmamahal ang kanyang paglalambing at panunuyo ngunit pagkatapos na makuha ang iyong kapurian hiwalayan ang kahihinatnan nito. Ngunit sadyang ang kasinungalingan ay hindi kaagad nasusuri at mauuri na kahit ang pinakamatalino o pinakamautak na nilalang ay kayang igupo o linlangin ng huwad na pag-ibig. At kapag ikaw ay tuluyang nalunod sa kasinungalingan baka ito na rin ang simula nang pagkasira ng iyong buhay at kinabukasan. At ito ang isa sa kahinaan ng kabataan sa ngayon; ang kasinungalingan ay napagkakamalang pag-ibig na patungo sa masarap na pagniig at hindi alintana ang susunod na dulot na panganib.

Magugulat ka pa ba kung ang mga kabataan ngayon ay matuturing na bihasa na sa sex? Na sa edad na katorse ay alam na nila ito at walang pakialam at walang pakundangang ginagawa ito ng walang kaukulang pag-iingat. Nagbago na nga ang mundo dahil ang mga ganitong gawain noon ay isang sagrado at hindi pa bulgar ngunit sa modernong panahon ay sumasabay na rin ang kabataan sa pagiging moderno; pangkaraniwan at talamak ang pakikipagsex ng mga kabataan sa kani-kanilang kapartner. Hindi alintana ang responsibilidad na nakaakibat dito sakaling "makadisgrasya". Isa rin marahil ito sa dahilan kung bakit umaabot sa halos kalahating milyong sanggol ang ipina-aabort kada taon. 'Wag ka na ring magtaka kung sakaling madagdagan ang bilang na 'yan sa dami ng mga kabataang mapusok at walang takot. Mahirap sabihing ito'y maling pagpapalaki ng magulang dahil walang magulang na ninais mapahamak ang kani-kanilang mga anak.

Nakakaawa ang kabataang ipinipilit na ipakasal ng mga magulang dahil sila'y nabuntis o nakabuntis. Hindi natatapos sa pagpapakasal ang problemang hinatid ng mapanuksong sex. Sa sobrang liberated ng mga kabataan ngayon ay bukas sila sa mga usaping seksuwal at walang takot na isinasagawa ito sa kani-kanilang BF/GF ng walang proteksyon. Oo, alam na nila ang sex pero ano ang alam ng mga kabataang ito sa pag-ibig? Ano ang alam nila sa pagpapamilya sa sandaling sila'y makabuntis/mabuntis?
Kung makikipagsex maging responsable. Hindi sagot ang pagpapakasal kung pagkakabuntis lang ang dahilan at lalong hindi solusyon ang sapilitang pagpapalaglag ng sanggol na sa sinapupunan ng kabataan.
Kung kasalanan ang pakikipagsex sa hindi asawa higit sigurong kasalanan ang pumatay ng sanggol na walang kinalaman sa ating kapusukan. Masarap ang sex pero may kaakibat din itong paghihirap kung hindi ka lubos na mag-iingat.

Dapat na laging manaig ang pag-ibig kaysa sex dahil ang tunay na pagmamahal ay may paggalang. Hindi tamang pagmulan ng isang alitan ang pagtanggi ng isa sa sex muli, hindi tamang gawing batayan ang sex para patunayan ang pagmamahal at lalong hindi tama ang panunumbat dahil lang sa pag-ayaw sa makamundong masarap na sex. Sa kabilang banda, ayon sa pagsusuri at pag-aaral ang sex ay isa sa pinakamahalagang factor para sa isang masaya at pangmatagalang pagsasama kaya dapat hindi man madalas ay mapunan ang pangangailangang ito. Magawan ng paraan, ika nga. May limitasyon o hangganan ang pagkahilig ng isang tao sa sex lalo na sa kababaihan, darating ang panahon (sa ayaw man o sa gusto) na mawawala ang gana nito sa sex kaya't hangga't maari at hangga't kaya pa ng ating katawan ay mapagbigyan ang pangangailang seksuwal ng ating katawan dahil hindi natin alam baka bukas o sa isang araw ay mawala na ang desire natin para dito.

May pagkakataon na "Anglibog ay matatalo ng Antok" pero sana minsan mapaglabanan at mapagwagian natin ito; hindi ba't mas masarap at mas mahimbing ang pagtulog pagkatapos ng ilang minutong "pagmamahalan"? At sa mga kalalakihan darating din ang panahon na mukha na lang ang sa atin ay magagalit at balahibo na lang ang sa atin ay tatayo kaya dapat at sigurado tayo na ang kasama natin sa buhay sa ating pagtanda ay ang taong mahal na mahal natin, dahil pag-ibig pa rin ang magbubuklod sa atin hanggang kamatayan; hindi ang magandang mukha, hindi ang kinis ng kutis, hindi ang sex. Kundi PAG-IBIG.
Pag-ibig ang dahilan kung bakit tayo nabuhay sana ito rin ang kasama natin sa ating paghimlay.

"Masarap ang sex. Masarap ang pag-ibig. Pero mas masarap ito kung sila'y magkasama ring nag-niniig dahil ang sarap ng pag-ibig ay higit pa sa sarap ng sex."

Tuesday, January 1, 2013

Paano maging Imortal?




Habang sinusulat ko ito ay hindi pa nadidiskubre ang fountain of youth o anumang bagay na makakapagpalawig ng husto ng buhay ng tao. Mayroon akong Gerontophobia at katulad ng marami, nais ko ring mamuhay na taglay ang kutis at balat na hindi nakaluyloy, walang pileges ang noo, hindi paika-ika ang lakad, walang makapal na antipara at may alistong kilos na pisikal at pag-uutak. Alam kong malayo ito sa katotohanan at malabong mangyari at maganap sa hinahaharap tulad nang pagkalabo ng tubig na nasa masukal na kanal dahil lahat tayo ay nakatakdang humina at tumanda. Gusto kong isipin na ang katandaan ay parusa ng langit sa lahat ng kasalanang ating nagawa noon ating kabataan.

Gusto kong maging imortal (hindi imoral) hindi dahil takot ako sa kamatayan kundi dahil gusto kong malasap pa ang sarap ng buhay. Sa average life pan ng tao na 70-75 years old naiiklian ako dun, gusto kong mamuhay ng higit sa isang-daan taon pero hindi uugod-ugod; sa ganoong edad sana’y hindi pa lipas ang aking pagiging matikas, hindi pa laos at paos at hindi pa tinatalo ng antok ang libog. Ngunit paano ba maging imortal? May paraan ba para maging tayo’y mamuhay nang pagkatagal-tagal kung hindi man imortal?

Ito ang ilan sa mga tip na aking nakalap para tayong lahat ay maging "Imortal".

  1. Kailangang makita mo ang iyong crush sa loob ng isang araw. May nabasa ako sa internet; sabi daw sa Reader’s Digest sa tuwing makikita mo ang crush mo ay nai-extend ang ating buhay ng apat na oras; alam naman natin hindi ito totoo pero for the sake of humor paniwalaan natin ito. Halimbawang consistent natin itong ginawa sa loob ng isang taon; nadagdagan ang buhay natin ng 60 days. Heto ang formula: 4 hours@365 days = 1,460 hours divided by 24 = 60.833 days. Kung may katotohanan ito, marami-raming araw/taon ding karagdagan sa buhay natin ‘yan.
  2. Huwag Magsigarilyo.  Hangga’t may panahon itigil ang paninigarilyo dahil ang hindi raw paninigarilyo ay nakapagdadagdag ng ating buhay ng humigit kumulang sampung taon! Kung ang average life span ay  70 years old magiging 80 years old na ito dahil hindi ka naninigarilyo. Dito galing ang source. CLICK.
  3. MAGKONTROL sa pag-inom ng anumang uri ng alak. Ang mga taong talamak sa pag-inom ng alak ay bawas ang haba ng buhay ng higit sa labing-limang taon at kung minsan ay aabot pa ito sa dalawampu depende sa pagka-adik. Ngunit ang pag-inom naman nang katamtaman ay nakakatulong daw sa ating kalusugan. Kung nais mong mabuhay ng mas matagal dapat hinay-hinay lang sa paglaklak dahil imbes na 70 years old ang itagal mo sa earth baka hindi ka pa umabot ng limampu. May karagdagang impormasyon dito:  CLICK.
  4. Magkaroon ng regular na exercise nang at least 150 minutes every week. (+7.2 years). CLICK. 
  5. Limang paraan pa para magdagdag ng 22 years sa buhay mo:  
      • Kung alukin ka ng “soup o salad”? Salad ang piliin mo. (+2 years)
      • Ang labis na tabang nasa katawan mo ngayon ay maaring kumitil ng buhay mo bukas (+3 years)  
      • Ngumuya at kumain ng nuts (walnuts, almonds, peanuts, etc.) limang beses isang linggo (+3 years)
      • Magkaroon ng marami at matinong kaibigan (+ 7 ½ years) 
      • “May buhay pa pagkatapos ng Retirement” – mentalidad na dapat isaisip makalipas mag-retire (+7 ½ years)   
    • Ni-research ko 'yan dito. CLICK. 
  6. Maging vegetarian. Ang pagkain daw ng literal na karne ay risk sa iba’t ibang sakit samantalang ang pagiging vegetarian (isama na natin ang prutas) naman ay nakakapagdagdag ng halos sampung taon sa iyong buhay! Ang dami nun. Basahin mo ito:  CLICK.
  7. Ilan pang simple at di-simpleng tips/pag-aaral na makakapagdagdag taon di-umano sa ating buhay.
      • Matulog ng sapat lang (six to eight hours). 
      • Humalakhak at tumawa. 
      • Watch your weight. 
      • Have lots of children. 
      • Mag-aral mag-piano. 
      • Maging optimistic. 
      • Mag-develop ng espesyal na relasyon/closeness sa iyong ina. 
      • Patuloy na mag-aral. 
      • Be health conscious take regular physical check-up. 
      • Enjoy Chocolate. 
      • Mag-tsaa imbes na kape o cola. 
      • Mag-relax. 
      • Huwag dalhin ang trabaho sa bahay (lalo kung embalsmador ka). 
Walang sinabi kung ilang taon ang maidadgag kung lahat ito ay magagawa mo pero paniguradong makakatulong ito sa pagnanais mong maging "imortal". May dagdag pang kaalaman dito: CLICK.  
8. Mag-alaga ng hayop; i.e. aso, pusa, isda, etc.- Nakakabawas daw ng depresyon ang pag-aalaga ng hayop; nakakapag-reduce din daw ito  ng blood pressure. (+2 years) may tatlo akong aso sa ngayon ibig sabihin may anim na taong karagdagang buhay. :-)
9. Alam niyo ba na ang magtrabaho daw sa isang maganda, kontento at komportableng workplace lalo na ang kwartong may magandang tanawin ay nakakapagdadag din ng buhay? Mahirap nga naman magrabaho kung nakakairita sa mata ang iyong palaging nakikita. (+2 years)
10. Make your marriage work. ‘Pag tunay na pagmamahal ang nananahan sa puso ninyong mag-asawa ma-a-outlive mo daw ang mga taong divorced, widowed o unmarried. Ayon sa pag-aaral, mayroon din daw kapasidad na mag-survive sa cases ang happily married couple. (+7 years)  
Ang detalye at impormasyon sa 8-10 ay galing dito. CLICK. 
11. Ito ang pinakapaborito ko: MASAGANANG SEX LIFE. At least 100 good sex encounter per year can increase life expectancy by 3 to 8 years. Akalain mo ‘yun nag-eenjoy ka na sa sex may benepisyo ka pang makukuha! HUWAG mo lang gagawin ito sa asawa ng iba dahil imbes na humaba ang buhay mo tiyak na mapapadali ito. Basahin mo ito. CLICK. 
12. Ang pinakahuli ngunit PINAKA-importante. Find GOD. Have Faith. Scientist na ang nagsabi na ang mga aktibo sa religious service & activities at least once a week ay 35% na higit ang haba ng buhay sa kulang sa paniniwala at pagmamahal sa Diyos. (+7 years) Maniwala ka dito. CLICK. 

Kung susumahin at gagawin mo ang lahat ng mga nasa itaas; hindi ka man maging literal na imortal kahit papaano ay madadagan ang haba ng iyong buhay. Ngunit sa dinami-dami ng dapat nating gawin at sundin malamang hindi mo na rin ma-enjoy ang saya at sarap ng buhay at katulad ng ating buhay ang marami sa mga nasa itaas ay hindi simple dahil nangangailangan ito ng matinding disiplina sa utak, emosyon at katawan.

Hindi naman natin kailangang mabuhay ng pagkatagal-tagal kung nabubuhay ka lang para sa sarili mong kasiyahan. Hindi natin kailangan ng mahabang buhay kung nabubuhay ka na puno  ng galit at paghihimagsik at hinanakit ang puso mo. Ayos na siguro ‘yung nabuhay ka ng hindi gaanong mahaba per ito’y payapa at puno ng pagmamahal sa kapwa. Kung nagawa natin ‘yun higit na kapayapaan at pangarap na imortalidad ang maghihintay sa atin sa kabilang buhay.