Monday, November 5, 2012

My Loneliness is Killing Me...




"I went to sleep last night with tears in my eyes. Woke up this morning with tears in my eyes. Was supposed to spend some running moments with my pink rubber shoes but my eye bags are so big that I can't afford to go out. So down lately that last night was unbearable for me anymore. Many people misunderstood my emotional shift. Even myself could not fathom. That every time I had this paranoia state, I can't help but locked up myself in my cocoon of insecurities and frustrations. It's the time that words of encouragement are unacceptable. That hopes are vain. That I feel like living in a sempiternal misery. That nobody really cares. But my sane self knows I am wrong. Because many still believe that I have a butterfly in me. That I have those pair of tiny, colored wings that enable me to fly out to the world. The wings that brought me to the abundant garden of family, friends and significant people. Maybe, I just need to convince myself. That if those wings broke or will be broken again, I don't need to go back to the cocoon where darkness consumed my whole being. But rather rest in the company of beauteous flowers."

Post ito ng isa sa mga friend ko sa Facebook na itago natin sa pangalang Cherrie.
Nawindang ako. Hindi lang dahil sa bigat ng english na nakalahad dito kundi dahil sa mensaheng nais niyang iparating. Hindi ko alam na sa kabila ng kanyang pagiging masiyahin ay hindi ko napansin ang lungkot na kanyang itinatago. Hindi ko napansin na sa kabila ng kanyang mga ngiti ay may ikinukubli pala siyang labis na pighati. Binalot din ako ng lungkot nang sandaling iyon dahil halos katatapos ko lang sa ganoong sitwasyon. Ang pakiramdam na akala mo'y mag-isa ka lang na naglalakbay patungo sa kawalan; naglalakad sa gitna ng karimlan na halos lamunin ka na ng buo nang nararamdaman mong kalungkutan; naglalayag sa kalagitnaan ng malawak na karagatan gamit ang balsang anumang sandali'y maaring hampasin nang nagngangalit na mga alon.

Gusto mong tumakbo sa lugar kung saan walang nakakakilala at babagabag sa iyo at doo'y isisigaw at ihihiyaw ang lahat ng sakit at hinanakit na idinulot ng sitwasyong bumabasag sa iyong sanidad, gusto mong lunurin ang sarili sa anumang bagay na nakalalango na makapagpapakalma at aayuda sa sandaling paglimot sa kung anong umuukilkil sa iyong naliligaligang isipan, gusto mong iiyak ang iyong saloobin at ibuhos ang lahat ng sama ng loob mo sa mundo. Mapagkunwang hinahanap ang mga bagay na sa akala mo'y itinakwil ka datapwat nariyan lang naman sa iyong paligid; ang kaibigang handang umanong damayan ka sa maligalig na kalagayan, ang pamilya na bukas at handang makinig sa bawat salitang iyong bibitawan, ang kaligayahan at kagalakang hindi mo matugis sa haba ng panahong nagdaan. Ngunit ang lahat ng ito'y hindi mo mahagilap dahil mas ninais mo ang mag-isa, ang yakapin ang nanunuot hanggang kaluluwang lungkot at damhin ng husto ang pighating mas madalas na dumalaw at manahan sa iyong puso, ang hayaang malunod sa lungkot at luha ang sariling diwa at ang mugtong mga mata na halos hindi na silayan ng liwanag at pag-asa.

Para kang isang sadista na tila nalilibang sa bawat hagupit ng sakit na hinahatid sa iyo ng kapalaran o isang masokista na walang pakialam sa kalagayan ng ibang taong nag-aalala sa'yo at nagmamahal sa buo mong pagkatao kasama na rito ang lahat ng iyong kapintasan at kahinaan ngunit sadya man o hindi ay kapwa mo nasasaktan. Hindi matigatig ang iyong isip sa mga maganda at mabuting paalala, hindi maibsan ang damdaming puno ng pag-alala kahit pa may mga taong tunay na nagmamalasakit sa iyong kalagayan.

Masakit ang katotohanang marami sa atin ang nabubuhay na mas lamang ang nararamdamang lungkot kaysa saya, mas nangingibabaw ang pighati kaysa ngiti, mas nagbibigay puwang ang hindi masayang sandali kaysa masasayang alaala. Na kahit anong pagkukunwari ang iyong ipamalas ay lalabas pa rin ang iyong tunay na nararamdaman. Minsan naiisip mong maganda rin ang pagpapanggap dahil sa pagpapanggap na ito aakalain ng mga tao na okay ka at walang dinadalang hinanakit kahit alam mong sa sarili mong hindi naman at 'pag lubos na napaniwala mo ang lahat na wala kang dinaramdam panandaling makakalimutan mong nagpapanggap ka lang pala. Ngunit pagsapit ng gabi sa oras na ikaw na lang mag-isa, magdamag kayong magkaulayaw at magtatalik ng kapighatian kasama ang luha na iyong itinuring na matalik na kaibigan.

Mabagal ang gabi. Nakapagtatakang sa tagal nang pagkakahiga ay tila hindi tumatakbo ang oras. Tila mas mabilis pa ang patak ng iyong luha kaysa bawat segundo ng orasan. Ang daming nasa isip ngunit pawang lahat ay hindi mabuti. Ang mga malulungkot na awiting iyong naririnig ay inaakala mong tila sinadyang nilikha para sa'yo at ang umaawit nito'y para kang sinusuyo, kinakausap. Tumatagos sa puso mo ang mensahe at bawat letra ng kanta at ang melodiyang kasama nito ay mistulang isang punyal na nagdadagdag sa sakit na iyong nararanasan. At minsan mo na ring inisip na sana sa iyong pag-idlip ay tuluyan ka nang hindi magising upang 'di na muli maranasan pa ang labis na kalungkutan at desperasyong iyong nararamdaman.

Hindi biro ang malagay sa ganitong sitwasyon. Mahirap ang kumawala sa ganitong kalagayan. Hindi simple ang maging bilanggo at makatakas sa rehas na ito ng kapighatian. At kung hindi ka pa nakaranas ng matinding kalungkutan wala kang karapatang husgahan ang mga taong dumaranas nito. Hindi ito madali dahil sa sandaling lukuban ka ng ganitong pakiramdamam sari-saring imahinasyon ang maglalaro sa iyong isipan na halos kawalan mo ng katinuan. Nagiging marupok, na sa isang simpleng udyok lang ay maaring bumigay ang litong pag-iisip. Madali ang sabihing nasa isipan lang ang lahat ng kalungkutang ito, madaling sabihin na ito'y isang halimbawa lang ng "mind over matter" na sitwasyon na kayang ma-overcome kung mag-iisip ng mga bagay na positibo.

Ngunit ang katotohanan kung hindi kaagad maisasalba ang kalungkutang ito, ito ay patungo sa labis na galit at aabot sa puntong lahat ay iyong kinikuwestyon; kung bakit kailangang sa iyo mangyari ang ganito gayong ginawa mo naman ang lahat, kung bakit parati mo itong nararanasan, kung bakit hindi mo maramdaman ang tunay na kaligayahang para sa'yo at pati ang existence ni God ay iyo na ring pinagdududahan. Kahit alam mong ito ay totoong nangyayari pilit mo pa rin itong pinasisinungalingan, wala kang kakayahang ibalik ang nakaraan pero patuloy kang nangangarap na sana hindi ito nangyari at gagawin ang lahat o ibibigay ang lahat kapalit ng iyong kagustuhan.
Anumang labis ay masama at ang labis na nadaramang kalungkutan ay kadalasang humantong sa mas nakakatakot na kalagayan; depresyon. Ang sitwasyon kung saan hindi mo pinahihintulutang pumasok ang saya sa iyong puso at negatibo ang interpretasyon mo sa halos lahat ng bagay. Depresyong sa kalauna'y patungo sa kamatayan, literal man o metapora. Kamatayan ng lahat ng nalalabing pag-asa o ang nakagigimbal na pagkitil sa sariling buhay ng isang nagugulimihanan.

Kahit marami ang nag-aabot ng tulong sa'yo o nag-aabot ng kamay upang ikaw ay damayan at iahon sa depresyon at kalungkutang iyong dinaranas kung wala ka namang interes na umahon sa nalulubog mong kalagayan hindi ka tuluyang makakawala dito. Hindi ka makakahulagpos sa tanikala ng malungkot na nakaraan na nagpapahirap sa iyong kalooban. Ang kalungkutan ay normal lang na nararanasan nating lahat anuman ang estado mo sa buhay, mayaman ka man o mahirap. Isa ito sa dalawang mukha ng ating buhay ngunit kung patuloy at parating ito ang lagi mong niyayapos hindi malayong yakapin ka rin nito nang pangmatagalan. Ang lungkot ay mas higit pa sa takot dahil ang takot ay madalas bunga lang ng imahinasyon ngunit ang lungkot kung hindi mo kayang mapagtagumpayan ay maari kang igupo, ibabagsak ang iyong pagkatao, ang iyong katinuan, ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan at ang iyong buhay.

Walang ibang makatutulong sa kalagayan mo kundi ang sarili mo mismo. Ang minsang kalungkutan, pagkalugmok at pagkabigo ay normal sa tao ngunit ang hindi normal ay ang hindi mo pag-ahon sa pagkakalugmok na ito at hayaan ang sariling nakasubsob at nakadapa. Huwag lingonin at hagkan ang malulungkot na alaala ng naglahong kahapon, huwag gaanong mag-alala at matakot sa hindi pa sumisibol na bukas, harapin mo muna ang ngayon at kasalukuyan gawin itong maganda at mag-iwan ng masayang alaala. Huwag isiping ikaw ay nag-iisa dahil marami ang nagmamahal sa'yo na higit pa sa'yong inaakala hindi mo lang sila nakikita dahil minabuti mong hindi sila tingnan at nababalot ang iyong mga mata ng ulap ng dalamhati. Ang labis na galit mo sa nakaraan ang siyang magiging dahilan para mabawasan mo ang pagmamahal sa kasalukuyan.
Kung natatakot ka sa kung ano ang iyong nasa harapan at labis kang nasasaktan tuwing ikaw ay lilingon dulot ng masakit na nakaraan, oras na para tumingin ka naman sa Itaas, tumingala ka at tawagin Siya, tiyak hindi ka Niya pababayaan.
Baka iyon lang ang kulang upang sa wakas sumilip ang iyong kaligayahan. :-)

2 comments:

  1. Tama ka ang mga ganitong pinagdadaanan ay hindi madali pero wala nga tayong choice kung hindi bumangon at magpatuloy. Mahirap o madali . May karamay o wala . Mapagtagumpayan mo o hindi. Life goes on :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. mas nakakalungkot yung hindi nakayanan ang pagsubok ng buhay, mas piniling hindi bumangon.

      Delete