Wednesday, November 28, 2012

Love, Sex, Magic & Mistress 2/2



* * *
"It's sad to belong to someone else when the right one comes along".
Linya ito sa napakagandang kantang 'Sad to Belong' ng duo ni England Dan at John Ford Coley actually sa sobrang ganda nito gusto namin gawing itong themesong mag-asawa at halos makalimutan namin ang madugo at masalimuot na mensahe ng kanta. Ngunit paano nga ba kung nadiscover mong "you are sad to belong to someone else then you realize that somebody someone should be right in your loving arms?" (insert applause for the english thay you have read). Magulo ito.
Iiwan mo ba ang asawa mo o magtitiis ka sa magaspang niyang ugali na late mo nang nadiscover? Paano mo matitiis ang mga susunod pang gabi na katabi mo sa pagtulog ang isa na ngayong estranghero sa buhay mo? Paano ka uuwi ng bahay kung hindi naman tunay na pag-ibig ang nananahan dito at parati lang kayong nagpapakiramdaman at nangangamba kung ano ang susunod na mangyayari?

Para lang itong kanta ni Ogie Alcasid na 'Bakit Ngayon Ka Lang?' Isang sitwasyon kung saan nakatagpo ka ng sa tingin mo'y isang perpektong tao para sa buhay mo sa hindi perpektong panahon at pagkakataon. On a serious note (naks!), komplikado ito dahil marami ang taong maapektuhan dito, marami ang ma-iinvolve na tao (konektado man o hindi sa'yo) at siguradong ito'y pagtsi-tsimisan pag-uusapan ng mga tsismosang kapitbahay at sa lahat ng kanto ng inyong opisinang pinapasukan at kahit sa SUSUNOOOD! na edisyon ng The Buzz ni Boy Abunda. Sa isang taong sarado na ang isip sa lahat ng paliwanag dahil sa malungkot, nakakabagot at parang away-fraternity na relasyon malamang na patungo talaga ito sa hiwalayan kung walang pagbabagong magaganap sa magkabilang panig.

Hangga't maaari, hangga't pwede pang isalba mas maganda sana, mas gusto ng mga anak na mayroon silang buong pamilya kaysa broken family. Mas higit na lungkot ang mararamdaman ng mga bata pagdating ng araw kaysa sa mga magulang na naghiwalay dahil lang sa wrong send na text message tawag ng laman. Ngunit bakit nga ba may mga taong biglang nagtransform ang ugali mula sa pagiging malambing papunta sa pagiging masungit, mula sa pagiging masiyahin patungo sa pagiging bugnotin, mula sa pagiging palakwento pero ngayo'y halos hindi mo na makausap ng matino?

Ano ba ang nagtrigger para maging ganoon siya? Baka naman ang lahat ng kanyang pagbabago'y nanggaling din sa'yo? Baka natuklasan niyang lumalandi ka lang sa iba at ginagawa mo lang dahilan ang pagbabago ng attitude niya. Baka kaya nabawasan ang pagmamahal mo sa kanya dahil may kinakalantare kang iba o kaya naman ay na-taken for granted mo lang ang lahat ng mga naging sakripisyo at pagmamahal niya sa'yo. Kung mahal mo ang isang tao hindi mo hahanapin ang kamalian at kapintasan nito pero kung may naii-spotan ka na, na perpekto (weh, 'di nga?) para sa'yo at sa ugali mo kahit kaunting kamalian lang ng kapartner mo gagawin mong big deal.

* * *
At pagkatapos nang balitaktakan at matinding sumbatang inyong binitawan sa isa't isa, marami ang magtatanong: "Where do broken hearts go?" Saan nga ba? Mayroon ba silang regular assembly meeting every month tulad nang mga sa higanteng negosyo o korporasyon? Kung sakaling kakandidato silang party list representative na nire-represent ang mga marginalized sector ng mga bigo sa pag-ibig, mananalo kaya sila? Maaari siguro, pero paano sila makikipagdebate sa Congress kung basag ang kanilang puso at lito ang kanilang diwa.

Kung party list rin lang ang pag-uusapan higit na may karapatan din ang mga mistress o mas kilala sa tawag na "kabit" sa Kongreso. Sa dumadaming bilang nila sa ngayon malaki ang tsansa nilang manalo, hindi na rin kailangang hanapan pa ng ipapangalan sa grupo nila dahil mas madali ang recall ng "THIRD PARTY" na pangalan, akmang-akma, swak na swak! Sa tumi-trending na bilang ng matatapang na kabit sa Pilipinas napakaganda sigurong senaryo sa Kongreso na ipinagsisigawan at ipinaglalaban ang umano'y kanilang karapatan. Teka, ano nga ba kung sakali ang kanilang karapatan? Ano-ano kaya ang mga posibleng ihahain nilang mga panukalang-batas? Siguro'y ang mga ito:

1. Ang makapiling ang kanilang kalaguyo isang araw matapos ang isang mahalagang okasyon; i.e. December 26, January 2, February 15, May 2, June 13, the day after the birthday of the husband, etc. (dahil ang mismong araw ng okasyon ay dapat nasa legal na pamilya siya).

2. Dahil third party nga sila pwede rin nilang ipaglaban at isabatas na at least third part o 1/3 na sweldo ng kanilang karelasyon ay otomatikong mapupunta sa kanila, ganundin ang ikatlong bahagi ng lahat ng property ng lalaki just in case na madedo ito.

3. Kung ang tawag sa mga legal na asawa ay "may bahay" dapat mayroon din silang titulo at pwede silang tawaging "may condo" o "may apartment" ibig sabihin dapat meron din silang tirahan na pinrovide ng kanilang kalaguyo. Hindi 'yung kung saan-saan lang sila nagniniig at nagpaparaos ng kanilang init. Ang kondisyon: Kung ang lalaki ay walang matinong trabaho o palamunin lang din ng kanyang asawa dapat wala siyang karapatang mangabit dahil hindi niya kakayanin ang monthly amortization ng Avida Towers o ang diyes mil na bayad na buwanang upa sa isang medyo matinong Apartment.

4. Isalegal ang diborsiyo. Para mabigyan naman sila ng pagkakataon kung paaano maging legal wife. Pero kung sila'y ligal nang napakasalan at hindi na sila officialy 'kabit' na matatawag dapat ay magresign na sila sa Congress for delicadeza. Ang kapal naman ng pagmumukha nila hindi na nga sila representative ng Third Party, congressman pa rin sila nito, si Mikey Arroyo lang ang may karapatan na maging representative ng mga gwardiya at pedicab driver - wala nang iba.

5. Sigurado tatangkain din nilang i-abolish ang lahat ng batas na may kinalaman sa pangangaliwa tulad ng concubinage, adultery, etc. para safe sila at para din sa pantay-pantay na karapatan ng lahat ng kababaihan (pero tiyak kalaban nila dito ang Simbahang Katoliko).
Ayos! Mabuhay ang Third Party! Ang party na dalawang tao lang ang imbitado at masaya. Ang party na ayaw ng mga legal na asawa.
* * *
Hindi na lingid sa atin na garapal na sa panahong ito ang hiwalayan, ang pangangalunya at kataksilan. Bakit kaya? Dahil kaya nawala na ang 'spark' ng kanilang tinatawag na 'magic'? O mas gusto nilang ibang magician naman ang gumagawa nito sa kanya ? Dahil nagsasawa na ba siya sa paulit-ulit na tricks na kanyang nakikita? O dahil accepted na ng mga tao ang ganitong kalagayan at kahit tayo ay kinukunsinti ito? Pangkaraniwang kwento na lang kasi ito sa ating kapaligiran, sa showbiz, sa teleserye, sa ating iilang pelikula, sa ating kapitbahay at sa ating kaopisina at tayo naman nae-excite pa sa tuwing makakarinig ng mga ganitong balita.
I think therefore that love is not just a magic it is also an illusion done by the illusionist who's only purpose is to deceive your eye.

2 comments:

  1. walastik ka idol! natumbok mo lahat ng point! clap clap kapanalig!

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa pagbisita Sir Amphie! nangamba naman ako bigla sa "idol" na binitiwan mo. paano kung hindi ko magampanan 0 hindi mo magustuhan ang mga susunod kong isusulat eh 'di mistulang panis ako nun. Anyways, salamat ulit.

      Delete