Tuesday, October 23, 2012

The Eraserheads Chronicles 1/4




Eraserheads
1993 - 2002

"Minsan ay hindi ko na alam ang nangyayari, kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan."

Dumilim ang paligid. Nang sila'y mamaalam sa isa't isa.
Ang grupong kinagisnan ko'y tuluyan na ngang bumitiw. Ang musikang kanilang nilikha ay nakasulat na sa libro ng kasaysayan. Ang kanilang mga awitin ay nakaukit na sa ating puso't isipan. Ang legasiyang kanilang iniwan sa aking palagay ay 'di na kailanman mapapantayan sa panahong ito.

Wala na nga ang Eraserheads. Ang pangalan ng grupong kaisa-isa kong lubos na hinangaan mula sa kanilang unang kanta hanggang sa huling hirit na konsyerto nila. Alam kong masyado ng matagal nang sila'y magkanya-kanya ng landas, nang sila'y gumawa ng sarili at bago nilang pamilya, nang tangkaing lumutang muli sa lumulubog na industriya ngunit hindi mapipigil nito ang sinumang gustong dumakila at umalala sa markang kanilang nililok hindi lang sa mundo ng musika kundi dahil sa kasiyahang inihatid at nanahan sa mga nagmamahal sa kanila.

Ang Eraserheads ay hindi lang si Ely Buendia at si Ely Buendia at ang Eraserheads ay hindi iisa. Kung wala ang tatlong iba pa na sina Raymund, Marcus at Buddy ay hindi isinilang ang Eraserheads. Kahit si Sir Ely pa ang gumawa ng maraming sumikat na kanta nila, kahit siya pa ang pinakapopular sa kanilang lahat, kahit siya pa ang angat kong hinangaan sa apat alam kong bahagi lang siya nito. Nang sila'y nagkaroon ng kanya-kanyang grupo alam din nilang hindi na nila maibabalik pa ang ningning ng kanila noong mga bituin. Kasabay ng kanilang pamamaalam ang paglamlam ng Industriya ng Musikang Pilipino.

1993. May tumawag sa pangalan ko.
Isang kantang tila hinihimok kang lumapit at pakinggan ang kakaibang tunog na pumailanlang sa radyo. "Ligaya". Tunog lata. Pero ang tunog latang ito ang nagbukas ng oportunidad sa napakaraming bandang nagsulpotan ng panahong iyon. Ang natutulog na diwa ng mahihilig sa musikang pilipino ay muling napukaw at nagkamalay. Sinong mag-aakala na ang apat na patpating ito ay magiging alamat sa loob lamang ng sampung taon?
Ang kanilang mga kanta'y magsasalinlahi lang at kahit ang mga anak natin'y hahanga pa rin sa tila may gayuma nilang mga komposisyon. Uulitin at muling aawitin ng mga bago at lumang mukha sa industriya ngunit ang maalala ay ang orihinal na may gawa. Ilang grupo na nga ba ang muling inareglo ang kanilang mga kanta? Ilang mang-aawit na nga ba ang tinangkang sumikat at pasikatin gamit ang kanta nila? Ilang prodyuser na ba ang muling pinagkakitaan ang kanilang mga obra?
Hindi ko na mabilang.
Ang alam ko lang walang hindi rumerespeto sa kanilang mga kanta.
Aiza Seguerra, South Border, 6 Cycylemind, Callalily, The Company, Imago, Barbie Almalbis, Kitchie Nadal, Itchyworms, Paulo Santos, Rico Puno mga pangalang nagbigay pugay sa kanilang mga awitin. Marami pa sila at madadagdagan pa iyan sa ilan pang panahon. Parang librong muling babasahin, parang kasaysayan na muling sasariwain. Mga imortal na mga kanta na babalikan at hanggang sa susunod na henerasyon ay mananatili.

Ilang buwan na ang lumipas hindi pa rin ako nakakabili ng cassette tape ng Ultraelectromagneticpop! Paano nga ba? Eh, isandaang piso lang noon ang sweldo ko sa isang araw at hindi pa libre ang pagkain ko.
Magkasunod na lumabas ang mga single na: "Pare ko" at "Toyang". Lalo akong nanggigil na magkaroon ng kanilang album. Parang isang adik na nagigiyang, parang isang asong mauulol pag hindi napagbigyan. Parang guguho na ang mundo ko 'pag hindi pa ako nakagawa ng paraan na makabili ng letseng album nila na laging nasa isip ko.
May naisip akong paraan. Uso pa noon ang eyeball sa ka-phonepal at nakatakda akong may maka-eyeball isang araw ng Sabado. Bitbit ang ilang daang piso na aking inipon nagpasya akong hindi na lang sumipot. Diretso ako sa Farmers Cubao at bumili ng album na pangarap na Ultraelectromagneticpop! Sulit ang pera ko pero kawawa naman ang ka-eyeball kong namuti ang mata sa kakahintay sa'kin. Kung sino man siya sana napatawad na niya ako.

Halos magasgas ang cassette tape na iyon sa walang patid na pagpapatugtog ko nito. Ayos, sulit ang isangdaan at sampung piso ko! Alam kong hindi lang ako ang napapangiti at sumasaya sa tuwing tumutugtog ang kanta nila kundi lahat nang naging instant nilang tagahanga. Hindi ko binili ang tape na 'yun (hanggang ngayon ay buhay pa 'to) dahil nagustuhan ko ang lyrics na "tangina!" sa kantang Pare ko, binili ko 'yun dahil nararamdaman at nakikita ko ang sarili ko sa kanila.
Nagsisimula pa lang silang bumuo ng pangarap sa kanilang unang album at ako nama'y kakatapos lang noon sa kolehiyo at nagsisimula ding bumuo ng pangarap. Nang makamit na nila ang kanilang pangarap sa loob ng sampung taon, unti-unti na ring natutupad ang aking mga pangarap sa buhay. Bahagi sila at ng kanilang musika ng aking pagkatao at hindi ko na ito makakalimutan pa.

Nang pumailanlang ng husto ang Eraserheads at ang kanilang mga kanta sunod-sunod na ang paglabasan ng mga bandang nais ding sumikat, nagkukumahog ang mga producer sa paghahagilap sa mga bagito ngunit talentadong mga grupo. At nagsimula na ngang mabuhay na muli ang Musikang Pilipino.

* * *
Sa pag-aakalang ng mapagkunwaring kritiko na nakatsamba lang ang grupo sa kanilang unang album, inabangan ang ikalawa nitong album. CiRcuS. Sa pagkakaalam ko kaya CiRcuS ang titulo ng album na 'to dahil tulad ng Circus ang nais nito'y aliwin, libangin o laruin ang inyong isip hindi sa pamamagitan ng flying trapeeze, escape act o magic acts kundi dahil sa mga kantang animo'y maghihipnotismo sa iyong kamalayan. At ang alam ko rin noon na ang album na ito ang magpapatunay na ang Eraserheads ay malayo ang mararating sa larangan ng musika.
Sino ba ang hindi nagayuma sa kanta nilang 'With A Smile'?
Bakit napraning ang ilang pulitiko sa lyrics ng 'Alapaap'?
Hindi ka ba naantig sa kanilang istorya ng buhay sa 'Minsan'?
Hindi ka ba napangiti sa ending ng binasa mong 'Magasin'?

Hindi na nga mapipigilan pa ang pagkahumaling ko sa grupong ito. Halos walang filler sa album na ito. Nadagdagan pa ang paghanga ko sa kanila ng magkaroon ako ng pagkakataon na sila'y mapanood sa isang mini-concert sa may Intramuros! Tamang-tama malapit sa bago ko noong opisina. Bukod sa bagong bili kong tape na CiRcuS agad na rin akong nakadiskarte kung paano at saan makakabili ng ticket (medyo maganda na kasi ang trabaho ko nang taong ito). Hitting two birds in one stone. Nakapanood na ako ng concert ng Eheads kasama ko pa ang nililigawan ko. Ayos. Malupit na banda, malupit ang kasama.
Hatinggabi na nang kami'y magkauwi. Hindi ko alam kung saan ako mas nag-enjoy sa mga kinanta ng Eheads o sa aking kasama ng gabing iyon na itatago na lang natin sa pangalang Arlene. Hanggang sa kinabukasan naririnig ko pa rin sa aking isip ang impit na boses ni Sir Ely habang hinihiyaw ang kanyang mga kanta, iba pala talaga ang buhay na musika kaysa pinakikinggan mo lang sila sa radyo. 




 

Wednesday, October 17, 2012

When She Cries



The road I have traveled on
Is paved with good intention
It's littered with broken dreams
That never quite came true

Ang landas na aking tinatahak ay hitik sa magandang hangarin at naglalakbay na taglay ang ilang matayog na pangarap. At sa bawat pilas ng pangarap kong ito'y tanging ikaw ang nais na sumama, sa bawat inasam na panaginip ay tanging ikaw ang sumabay sa pag-idlip. Ngunit ilan lang ba sa mga pangarap kong ito ang natupad? Ilan sa mga panaginip kong ito ang naging ganap? Bumuo ako ng pangarap na ako rin ang bumasag. Umipon ng panaginip na ako rin ang nagtapon.

When all of my hopes were dying
Her love kept me trying
She does her best to hide
The pain that she's been through

Nang sandaling ang aking pag-asa'y parang kandilang nauupos at tila sa kabiguan ay hindi makahulagpos. May kaluluwang ligaw na di mawari kung saan tutungo at may diwang liyo na isinadlak nang pagkadupok. Minsan man ay di sumuko at naglaho ang busilak mong pagmamahal habang kinukubli ang sakit at pighati na aking idinatal. Ang iyong pag-ibig na kailanman ay di bumitiw na siyang aking sandigan ng aking di pagsuko at dahilan nang pagbangon sa tuwing mabibigo.

When she cries at night
And she doesn't think that I can hear her
She tries to hide
All the fears she feels inside

Sa tuwing sasapit ang gabi'y sumisilay naman ang iyong luhang pigil sa paghikbi. Ngunit ramdam ko ang iyong luhang may itinagong hinanakit na parang punyal na tumatagos sa aking bawat kalamnan, dinig pa rin ang pagal na hikbi na nagsisilbing bangungot na gumigising sa kalungkutan ng ating gabi. Ang magkahalong lungkot at takot na iyong ikinukubli't pilit na nilalabanan ang siyang bumabagabag sa naliligaw kong katauhan. Isa akong inalipin ng pagkamanhid at kamangmangan.

So I pray this time
 I can be the man that she deserves
'Coz I die a little each time
When she cries

Panginoon dinggin Mo ang nag-iisang panalangin na "Nawa'y habangbuhay po kaming magkasama; ako ay sa kanya at siyang para sa akin. Kahit alam kong hindi ako sapat sa inaalay niyang pagmamahal, kahit karuwagan lang ang natitira kong kayamanan. Kahit batid kong pulos dalamhati ang aking inihahatid di ko kakayaning mawala siya sa aking piling. Bawat patak ng kanyang luha ay tila katumbas ng paghinto ng tibok ng aking pusong ulila."

She's always been there for me
Whenever I  fallen
When nobody else believes
She'll be there by my side

Sa kabila ng kamangmangan kong ito palagi ka pa ring nariyan. Sumasalo sa aking bawat kasalanan, mahigpit na niyakap nang ako'y tinalikdan higit sa lahat ay naniniwala sa kahit kasinungalingan. Higit pa sa pagmamahal ang iyong kayang ibigay subalit madalas ko lang winawalang bahala, higit sa pag-ibig ang iyong kayang ialay subalit animo'y bulag na di ko ito alintana.

I  dont know how she takes it
Just once I'd like to make it
Then there'll be tears of joy
To fill her loving eyes

Di ko batid kung paano mo ito kinakaya pero muli't muli pa ako'y umaasa muling pagniningasin ang kandila ng pag-asa. Iiwan ang lungkot ng nagdaang kahapon at aking pupulutin ang panaginip na itinapon; aking bubuuin ang nabasag na pangarap, pipiliting humulagpos sa kabiguang nagpapahirap. Hindi na sasapat ang aking mga pangako dahil ayokong muli kang mabigo ngunit sasaksi ang buong kalangitan na papalitan ko ng halakhak ang iyong mga iyak at sa susunod mong pagluha ay di na luha ng kalungkutan ang papatak mula sa kaibig-ibig mong mga mata kundi luha mula sa ating tinipong kaligayahan.

Monday, October 15, 2012

Payong 2/2




Kadalasang ang buhay ay umiikot sa bahay at opisina/trabaho panaka-nakang may naisisingit na pamamasyal o gimik pero babalik ka pa rin sa normal na ikot ng buhay. Nakakabato? Oo. Kaya dapat 'wag nating lubos na ibuhos, ikulong at ilaan ang buong buhay natin sa trabaho o opisina may mga bagay na mas importante pa kaysa sa kumita ng pera. Hindi mo na mababalik ang mga importanteng okasyon na dapat sana'y iyong napuntahan kundi lang conflict sa iyong trabaho. Maglaan ng oras para sa pamilya, sa kaibigan, sa kaanak at higit sa lahat sa sarili. Ano na ba ang nagawa mo para sa sarili mo at sa iyong pamilya? Hindi materyal na bagay ang tinutukoy ko dito kundi ang nawawalang sandali para sa mga nangangailangan ng iyong presensiya. Minsan magtungo ka sa isang lugar na payapa, malayo sa paningin ng mapanghusgang mundong ating ginagalawan, ikaw lang at ang iyong sarili. Balikan ang mga alaala malungkot man ito o masaya. Lahat ng mga ito'y humubog sa iyong pagkatao, sa kung ano ka ngayon at kung sino ka bukas. Minsan masarap din ang mag-isa subukan mo at matutuklasan mong ang dami palang nawawala sa buhay mo.

Masarap ang uminom ng alak sa tuwing may problema o sa tuwing nandiyan ang mga kaibigan o barkada bumabalik ang ating pagkabata sa mga kwentuhang paulit-ulit. Masarap din ang yosi, ang kakaibang kasiyahan na hindi mo maipaliwanag sa tuwing hihithitin at sasamyuhin ang bango nito. Masarap ang kabataan lalo't wala ka na namang inaalalang nasasayang na oras pero hindi pa rin katwiran para sayangin natin ang ating buhay at kalusugan. Walang nasolve na problema sa pag-inom ng alak. Huwag magpakalulong. Walang hindi nakakaalam na masama ang yosi sa katawan kaya't ikaw nang bahalang kumontrol nito. Ang pagiging kabataan ay pansamantala lang samantalahin natin ito dahil 'di na ito kailanman maibabalik ninuman ngunit di naman ibig sabihin nito na okay lang ang umabuso dahil pag nangyari ito hindi lang sarili mo ang apektado kundi ang buo mong pamilya. Mura ang alak, mura ang yosi pero mahal ang bayad sa operasyon, sa gamot at sa doktor, saka pala gastos sa burol at pagpapalibing.

Iisa lang ang buhay 'wag itong sayangin sa mga walang kapararakang bagay. May mga taong humihiram ng sandali sa aparatong nakakabit sa kanilang katawan, may mga taong bumibili ng hangin pandugtong ng kanilang oras sa mundo at may mga taong tumatangis dahil sa nakaraan. Tama nga na madaling maging tao pero mahirap magpakatao lalo't ang iyong kapalaran ay nakasalalay sa tuksong nasa paligid mo lang. Hindi lahat ay may kakayahang maging matalino pero lahat tayo ay may kakayahang maging matino. Hindi natin kayang maging anghel pero may kakayahan tayong hindi maging demonyo. Kung ano ka ngayon ay dahil sa naging desisyon mo kahapon at kung ano ka bukas ay dahil sa kung anong gagawin mo ngayon.

Hanggat maari 'wag magmagaling sa lahat ng bagay baka iyon ang maging dahilan para pagtawanan ka ng kapwa mo hindi sa lahat ng oras ay alam natin ang lahat kaya't 'wag maging palalo magugulat ka na lang na mayroon nang isang tao hihigit sa kung anumang kagalingang taglay mo. Hangga't maari 'wag maging mayabang, 'wag ipagyabang kung ano ang mayroon ka, kung gaano karami ang iyong natulungan o kung gaano kataas ang iyong katungkulan dahil sa isang iglap lang hindi mo aakalaing lahat ng nasa sa iyo ay maaring mawala gaya ng biglang pagkawala ng kapangyarihan nina Marcos, GMA, Hitler, Saddam, Tyson at marami pang iba, mas kahanga-hanga ang mga taong low profile at nakakabanas naman ang mga taong laging ipinagyayabang ang kanyang yaman o posisyon, hayaan mong ang mga tao sa paligid mo ang makapansin o pumuri sa kagandahang loob mo kung mayroon man ganunpaman hindi kinakailangang lumaki ang iyong ulo dapat manatiling nakatapak ang mga paa sa lupa. Hangga't maari 'wag magmalinis dahil mas nakakahiya at nakakapangliit kung ikaw ay magkaroon ng isang maling desisyon na sisira sa lahat ng pagmamalinis mo sa buhay mas masakit ang panglalait ng mga tao sa mga tulad ng pari, pastor, guro at iba pa na nagtuturo ng kagandahang asal pero di naiwasang gumawa ng kabalastugan lalo't kahalayan, napansin mo din ba iyon? Mas malakas ang lagapak kung mataas ang pinanggalingan.

Hindi lahat ng ating kagustuhan ay ating makukuha ganundin naman sa ating mga pangarap. Maging bukas sana tayo sa lahat ng bagay; positibo man ito o negatibo datapwat hindi ito sapat na dahilan para sumuko sa buhay. Maging optimistiko pero huwag mong ihiwalay ang reyalidad. Kung hindi mo man makamit ang ibang minimithi mo may ibang nakalaan para sa'yo na kung minsan higit pa sa inaakala mo, kahit hindi madaling tanggapin at paniwalaan lahat ng bagay ay may dahilan. May dahilan kung bakit nandiyan ka sa pinagtatrabuhan mo, may dahilan kung sino-sino ang kaibigan mo, may dahilan kung saan man nakaposisyon ang mundo, may dahilan kung bakit nababasa mo ang akdang ito, may dahilan kung bakit asawa mo ang asawa mo ngayon. Ang pagkakaroon ng kapartner sa buhay ay tapat-tapat lang maari kang magkaroon ng maganda/gwapong karelasyon pero hindi kayo magtatagal kung hindi niyo kayang tiisin ang ugali niyo sa isa't isa at kung hindi ka-match ng ugali mo ang ugali niya. Maniwala ka panandalian lang ang panglabas na kaanyuan mas importante pa rin ang may magandang kalooban pero mas okay kung makakahanap ka ng taong maganda ang loob at labas. Uulitin ko lahat ng bagay ay may kadahilanan ngunit kung ito ang katwiran mo upang ikaw ay mangalunya, manloko, magsamantala sa kahinaan ng iba may dahilan din ang mundo kung bakit ka kinakarma.

Sa bilis ng takbo ng panahon hindi mo namamalayan nagsasawa ka na sa dati mong ginagawa, sa dati mong pinupuntahan, nag-iiba ang batayan ng kaligayahan, nag-iiba ang ilang pananaw sa buhay at nag-iiba ang kasama sa buhay. Nagbabago, tumatanda. Huwag hayaan ang sarili na nagmumukmok sa isang tabi ng matagal, huwag isisi sa iba ang kinahinatnan at naging kapalaran ng iyong buhay. Laging bumangon sa tuwing madadapa walang totoong ibang makakatulong sa iyo kundi ang sarili mo mismo, kung gusto kang iahon ng iba pero hindi mo gustong sumama kahit anong gawin nila wala silang magagawa malulugmok ka kung saan ka nadapa.  Wala kang makikitang repleksyon kung kumukulo ang napakainit na tubig hindi mo makikita ang iyong tunay na sarili ganundin sa pagdedesisyon 'wag itong gawin kung punong-puno ka ng galit at emosyon magdadala ito sa kapahamakan at tiyak na pagsisisi. Sa panahon ng iyong paglalakbay na kung tawagin ay buhay 'wag natin kalimutang banggitin ang mga salitang "Salamat", "Patawad" at "Mahal kita" sa mga taong nararapat bago pa natin marealize na huli na ang lahat dahil pwedeng bukas o sa isang araw, maaring mawala na sila o ikaw mismo ang mawala.