Kadalasang ang buhay ay umiikot sa bahay at opisina/trabaho
panaka-nakang may naisisingit na pamamasyal o gimik pero babalik ka pa rin sa
normal na ikot ng buhay. Nakakabato? Oo. Kaya dapat 'wag nating lubos na
ibuhos, ikulong at ilaan ang buong buhay natin sa trabaho o opisina may mga
bagay na mas importante pa kaysa sa kumita ng pera. Hindi mo na mababalik ang
mga importanteng okasyon na dapat sana'y iyong napuntahan kundi lang conflict
sa iyong trabaho. Maglaan ng oras para sa pamilya, sa kaibigan, sa kaanak at
higit sa lahat sa sarili. Ano na ba ang nagawa mo para sa sarili mo at sa iyong
pamilya? Hindi materyal na bagay ang tinutukoy ko dito kundi ang nawawalang
sandali para sa mga nangangailangan ng iyong presensiya. Minsan magtungo ka sa
isang lugar na payapa, malayo sa paningin ng mapanghusgang mundong ating
ginagalawan, ikaw lang at ang iyong sarili. Balikan ang mga alaala malungkot
man ito o masaya. Lahat ng mga ito'y humubog sa iyong pagkatao, sa kung ano ka
ngayon at kung sino ka bukas. Minsan masarap din ang mag-isa subukan mo at
matutuklasan mong ang dami palang nawawala sa buhay mo.
Masarap ang uminom ng alak sa tuwing may problema o sa tuwing
nandiyan ang mga kaibigan o barkada bumabalik ang ating pagkabata sa mga
kwentuhang paulit-ulit. Masarap din ang yosi, ang kakaibang kasiyahan na hindi
mo maipaliwanag sa tuwing hihithitin at sasamyuhin ang bango nito. Masarap ang
kabataan lalo't wala ka na namang inaalalang nasasayang na oras pero hindi pa
rin katwiran para sayangin natin ang ating buhay at kalusugan. Walang nasolve
na problema sa pag-inom ng alak. Huwag magpakalulong. Walang hindi nakakaalam
na masama ang yosi sa katawan kaya't ikaw nang bahalang kumontrol nito. Ang
pagiging kabataan ay pansamantala lang samantalahin natin ito dahil 'di na ito
kailanman maibabalik ninuman ngunit di naman ibig sabihin nito na okay lang ang
umabuso dahil pag nangyari ito hindi lang sarili mo ang apektado kundi ang buo
mong pamilya. Mura ang alak, mura ang yosi pero mahal ang bayad sa operasyon,
sa gamot at sa doktor, saka pala gastos sa burol at pagpapalibing.
Iisa lang ang buhay 'wag itong sayangin sa mga walang
kapararakang bagay. May mga taong humihiram ng sandali sa aparatong nakakabit
sa kanilang katawan, may mga taong bumibili ng hangin pandugtong ng kanilang
oras sa mundo at may mga taong tumatangis dahil sa nakaraan. Tama nga na
madaling maging tao pero mahirap magpakatao lalo't ang iyong kapalaran ay
nakasalalay sa tuksong nasa paligid mo lang. Hindi lahat ay may kakayahang
maging matalino pero lahat tayo ay may kakayahang maging matino. Hindi natin
kayang maging anghel pero may kakayahan tayong hindi maging demonyo. Kung ano
ka ngayon ay dahil sa naging desisyon mo kahapon at kung ano ka bukas ay dahil
sa kung anong gagawin mo ngayon.
Hanggat maari 'wag magmagaling sa lahat ng bagay baka iyon
ang maging dahilan para pagtawanan ka ng kapwa mo hindi sa lahat ng oras ay
alam natin ang lahat kaya't 'wag maging palalo magugulat ka na lang na mayroon
nang isang tao hihigit sa kung anumang kagalingang taglay mo. Hangga't maari
'wag maging mayabang, 'wag ipagyabang kung ano ang mayroon ka, kung gaano
karami ang iyong natulungan o kung gaano kataas ang iyong katungkulan dahil sa
isang iglap lang hindi mo aakalaing lahat ng nasa sa iyo ay maaring mawala gaya
ng biglang pagkawala ng kapangyarihan nina Marcos, GMA, Hitler, Saddam, Tyson
at marami pang iba, mas kahanga-hanga ang mga taong low profile at nakakabanas
naman ang mga taong laging ipinagyayabang ang kanyang yaman o posisyon, hayaan
mong ang mga tao sa paligid mo ang makapansin o pumuri sa kagandahang loob mo
kung mayroon man ganunpaman hindi kinakailangang lumaki ang iyong ulo dapat
manatiling nakatapak ang mga paa sa lupa. Hangga't maari 'wag magmalinis dahil
mas nakakahiya at nakakapangliit kung ikaw ay magkaroon ng isang maling
desisyon na sisira sa lahat ng pagmamalinis mo sa buhay mas masakit ang
panglalait ng mga tao sa mga tulad ng pari, pastor, guro at iba pa na nagtuturo
ng kagandahang asal pero di naiwasang gumawa ng kabalastugan lalo't kahalayan,
napansin mo din ba iyon? Mas malakas ang lagapak kung mataas ang
pinanggalingan.
Hindi lahat ng ating kagustuhan ay ating makukuha ganundin
naman sa ating mga pangarap. Maging bukas sana tayo sa lahat ng bagay; positibo
man ito o negatibo datapwat hindi ito sapat na dahilan para sumuko sa buhay.
Maging optimistiko pero huwag mong ihiwalay ang reyalidad. Kung hindi mo man
makamit ang ibang minimithi mo may ibang nakalaan para sa'yo na kung minsan
higit pa sa inaakala mo, kahit hindi madaling tanggapin at paniwalaan lahat ng
bagay ay may dahilan. May dahilan kung bakit nandiyan ka sa pinagtatrabuhan mo,
may dahilan kung sino-sino ang kaibigan mo, may dahilan kung saan man
nakaposisyon ang mundo, may dahilan kung bakit nababasa mo ang akdang ito, may
dahilan kung bakit asawa mo ang asawa mo ngayon. Ang pagkakaroon ng kapartner
sa buhay ay tapat-tapat lang maari kang magkaroon ng maganda/gwapong karelasyon
pero hindi kayo magtatagal kung hindi niyo kayang tiisin ang ugali niyo sa
isa't isa at kung hindi ka-match ng ugali mo ang ugali niya. Maniwala ka
panandalian lang ang panglabas na kaanyuan mas importante pa rin ang may
magandang kalooban pero mas okay kung makakahanap ka ng taong maganda ang loob
at labas. Uulitin ko lahat ng bagay ay may kadahilanan ngunit kung ito ang
katwiran mo upang ikaw ay mangalunya, manloko, magsamantala sa kahinaan ng iba
may dahilan din ang mundo kung bakit ka kinakarma.
Sa bilis ng takbo ng panahon hindi mo namamalayan nagsasawa
ka na sa dati mong ginagawa, sa dati mong pinupuntahan, nag-iiba ang batayan ng
kaligayahan, nag-iiba ang ilang pananaw sa buhay at nag-iiba ang kasama sa
buhay. Nagbabago, tumatanda. Huwag hayaan ang sarili na nagmumukmok sa isang
tabi ng matagal, huwag isisi sa iba ang kinahinatnan at naging kapalaran ng
iyong buhay. Laging bumangon sa tuwing madadapa walang totoong ibang
makakatulong sa iyo kundi ang sarili mo mismo, kung gusto kang iahon ng iba
pero hindi mo gustong sumama kahit anong gawin nila wala silang magagawa
malulugmok ka kung saan ka nadapa. Wala
kang makikitang repleksyon kung kumukulo ang napakainit na tubig hindi mo
makikita ang iyong tunay na sarili ganundin sa pagdedesisyon 'wag itong gawin
kung punong-puno ka ng galit at emosyon magdadala ito sa kapahamakan at tiyak na pagsisisi. Sa
panahon ng iyong paglalakbay na kung tawagin ay buhay 'wag natin kalimutang
banggitin ang mga salitang "Salamat", "Patawad" at
"Mahal kita" sa mga taong nararapat bago pa natin marealize na huli
na ang lahat dahil pwedeng bukas o sa isang araw, maaring mawala na sila o ikaw
mismo ang mawala.
Malaki ang magigng impact nito sa makakabasa, gayon ang naging dating sa akin. May tama, may lakas, may uga. Lasing ako sa ganda ng panulat na ito pero hindi ako hilo para isuka ang pulutang inihain mo.
maramng salamat dito sir. :)
salamat sa pag-tambay sir
Delete