Monday, October 8, 2012

Iskwater




Relokasyon hindi demolisyon.
Bukambibig ng mga maralitang hikahos na nananahan sa gilid ng maliit ngunit multi-milyong pisong halaga ng kalsada mayroon din sa ilalim ng tulay na nakikinig sa saliw ng musikang nanggagaling sa busina ng magagarang oto at dumadagundong na mga trak. Halos tinakwil na sila ng lipunan at pinagkaitan ng biyaya ng kalangitan, may mga tumatawag pa ngang sila ay salot. Hindi ba't sa hanay umano nila nanggagaling ang kumukupit ng iyong kalupi? O pumipitas ng kumikinang na balagat? O ng seleponong nakuha sa koersyon? Maaring oo, maaring hindi pero sigurado hindi lahat. Ngunit teka saan ba nagmula ang umuumit sa kaban ng bayan? O umaabuso sa pobreng obrero? O gumagahasa sa sagradong saligang batas? May piring nga pala si Katarungan. Bulag nga pala ang hustisya.

Ilang beses na ba silang iniahon at iniligtas? Ilang ulit na ba silang kinalinga at inayudahan? Ilang beses na ba silang biniyayaan at tinulungan? Marahil mali ang katanungan. Dapat yata'y ganito: Ilang beses na ba silang ginamit at pinagsamantalahan? Ilang ulit na ba silang biniktima at binusabos? Ilang beses na ba silang inalipin at inalipusta? Libong pangako libo rin ang napako ng mga pulitikong umaastang santo na nagmumumog ng tubig na may basbas ngunit ang katauha'y kataliwasaan sa pagiging banal. Mga katawang gusgusin at nanlilimahid pero kinakamayan sa tuwing ikatlong taon ng mga tapat na lingkod-bayan. Tuloy po kayo sa mapagkunwaring mundo ng magkabilang mundo! Balatkayo sa balatkayo. Isang ang habol ay boto, ang isa nama'y habol ang ilang daang piso.

Dumadanak ng dugo, bumabaha ng luha.
Umuulan ng bote, ng bato, ng apoy, ng tae, ng bala. Literal.
Walang pakundangan kung sinuman ang tamaan, walang pakialam kung maging sanhi ng kamatayan. Iskwater sa sariling bansa, alipin ng mga may utak-banyaga. Salamin ng Pilipino, repleksyon ng Pilipinas. Wala kang dangal kung wala kang pera. Busabos ka kung taga-iskwater ka habang daig pa ang bathala kung umasta ang mga may kwarta at kapangyarihan. Ngunit ang Diyos sa langit hindi sinusuri kung ang bahay mo'y yari sa pader o pusali, kung ikaw man ay hikahos o sa kayamanan ay puspos. Mabuti na lamang.

Ngunit paano mo ba iuuri ang "Ugaling Iskwater"? Ito ba'y metapora sa mga taong sinaniban ng masamang asal o niliteral ng mga taong higit pa sa halang ang pang-unawa?  Bakit sa taga-iskwater hinahalintulad ang kriminal sa lansangan? Higit na nakakatakot naman ang heneral na protektor ng tumutulak ng droga. Bakit sa taga-iskwater hinahambing ang may kabastusang pag-aasal? E higit pa nga sa kabastusan ang halayin ang batas at katarungan? Bakit sa taga-iskwater hinahanay ang may barumbadong pag-uugali? Ano bang uri ng tao ang umaalipusta o tumututok ng baril sa sentido ng kaawa-awang traffic enforcer? Bakit sa taga-iskwater lang ibinibintang ang krimeng holdapan at snatching? Sandali..may ipiniit na ba sa hanay ng pulitikong kumukulimbat sa pondo ng bayan? Diskriminasyon makalipas ang diskriminasyon. Dahil ba sa ang taga-iskwater ay gusgusin? At ang mga disenteng kriminal ay mababango at nakapustura? Siguro nga.

Ilang sandali na lang at bubuwagin na ng otoridad ang kani-kanilang tahanan. Igugupo gamit ang kalawanging piko na hawak ng mamang inaambahan ang sinumang humaharang, mayroon ding gamit ang bareta de kabra na winawasiwas ng bata ni Meyor na makutim ang kulay ng pagkatao't balat at ang iba'y tangan ang martilyong handang ihampas sa hamba at dingding na ilang beses na inabuso o sa haligi ng tahanang humihiram ng katapangan sa taglay na kahirapan. At kung hindi kakayanin ng mano-manong pwersa't lakas itutumba ito sa ayuda ng dambuhalang buldoser na di kumikilala ng habag at pagkaawa.

Sa isang kisap mabubuwag na ang kanilang barong-barong na ang pundasyon ay pinatibay ng sapin-saping suliranin, mga bubong na kinalsohan ng lumang gulong ng sedan na pumuprotekta sa iba't ibang unos na kanilang dinaranas, mga dingding na pinagdikit-dikit ng hinaing at iba't ibang kadalamhatian sa buhay, mga bintana na pinalamutian ng inaagiw na kurtinang ipinangtatabing sa mga mukhang puno ng pighati na panakanaka'y sinusulyapan ang iba ring may gutom na diwa't kaluluwa at pintuang yari sa gulanit na lawanit na di-hamak na mas matibay pa ang pintuan ng kulungan ng mabagsik na Rottweiler na laging nakapinid upang hindi masilip ang kalungkutang nananahan sa loob nito.
Kahit anong pagsisigaw, pagtutol at pag-aklas ay wala ring nangyari nanaig pa rin ang utos ng korte na palayasin ang umano'y sagabal at masakit sa paningin ng mga timawa at salaula. Binusabos na busabos. Aliping inaalipin.

Malabo ang mundo. Mabuti pa ang aso may tahanang gawa sa matatag at di kinakalawang na bakal na higit ang halaga sa sampung libong piso na ang sukat lang ay wala pa sa tatlong metro kwadrado, may pagkaing mula sa karne na halos doble ang halaga ng isang kilong bigas ng nagdarahop na maralita, aabot o hihigit sa dalawampung libong piso ang halaga ng isang matakaw na aso pero ang halaga ng isang anghel na sanggol ay 'di pa aabot sa sampung libo. Mapapalad na mga aso; kinakalinga at inaaruga. Kulong ang katumbas kapag inabuso, pinatay o kinatay pero parang lunatikong walang nag-alala, walang napiit at walang nag-imbestiga noong may tumimbuwang na taga-iskwater na dukha. Lumaban daw kasi. Ganon ba? Bakit 'di ninyo paslangin ang mga sundalong pulitiko na lumaban noon sa gobyerno? Si Panfilo, si Antonio o ang matikas na si Gringo na mga loyalista raw ng kalayaan at demokrasya. Ito ang mundong mas matimbang na ang karapatang pang-aso kaysa karapatang pangtao.


"Masanting pin karela! Kaibat na ning adwang pulo banua apalakwan dala din, kalwat deng pekenabangan ing gabun, ede pa buring ibie keng talagamg mikibandi, kaibat ngeni mimimua la keng gobyerno uling apihan do kano. Didinan da noman a sapat a pera at alipatan da, eno man bisa uling malao't kanu keng pipagobran da at mas buri da pa ing , makipagmurahan la, makipagbaronggahan la, at makipaglabanan la, at makipagpatayan la kareng otoridad. King metung a banda, wa ,makalunos la pin peru makananu naman nung ila naman ing mikibandi keng gabun a tutuknangan da? Nanu ing gawan mu? Ninu kanyan ing akakit mong me agrabyadu?" Litanya at pangangatwiran ng kapitbahay kong si Nanay Conching habang pinanonood ang demolisyon sa paborito niyang 24 Oras.



Uy, may bago na palang tawag sa mga taga-iskwater, "Informal Settler" na daw ang dapat nating itinatawag sa kanila. Maganda raw kasing pakinggan, eh ano ba naman kayang ipinagkaiba nito kung tawagin man natin silang 'iskwater' o 'informal settler'? Tulad ng nakikita mo sa tuwing paligid ay dumidilim. Malagim.

2 comments:

  1. diskriminasyon..

    ang mga kriminal galing sa iskwater at ang mga taong naka suot ng puting barong tuwing may sesyon ay walang pinagkaiba. maliban na lamang sa paghusga ng nakakakita nito.

    panahon na naman ng eleskyon, sasalo na naman ang mga diumanoy kagalang galang na may ambisyon sa hapag kainan ng taong nagdarahop. nakangting sa aso lamang natin nakikita.

    napakagaling nitong inyong obra. direkteng tatama sa mga manhid na kalooban.



    ReplyDelete
  2. 'pag nawala na sa mundo ng blogosperyo ang site na ito malamang pinatanggal na ng gobyerno 'yun ang inaalala ko.

    dalawang mukha naman ang ipinakita diyan, ung litanya ni nanay conching sa panig naman ng nagmamay-ari ng lupa 'yun nga lang kapampangan, pakiresearch mo na lang sir.

    salamat sa muling pagbisita

    ReplyDelete