Showing posts with label advise. Show all posts
Showing posts with label advise. Show all posts

Monday, October 15, 2012

Payong 2/2




Kadalasang ang buhay ay umiikot sa bahay at opisina/trabaho panaka-nakang may naisisingit na pamamasyal o gimik pero babalik ka pa rin sa normal na ikot ng buhay. Nakakabato? Oo. Kaya dapat 'wag nating lubos na ibuhos, ikulong at ilaan ang buong buhay natin sa trabaho o opisina may mga bagay na mas importante pa kaysa sa kumita ng pera. Hindi mo na mababalik ang mga importanteng okasyon na dapat sana'y iyong napuntahan kundi lang conflict sa iyong trabaho. Maglaan ng oras para sa pamilya, sa kaibigan, sa kaanak at higit sa lahat sa sarili. Ano na ba ang nagawa mo para sa sarili mo at sa iyong pamilya? Hindi materyal na bagay ang tinutukoy ko dito kundi ang nawawalang sandali para sa mga nangangailangan ng iyong presensiya. Minsan magtungo ka sa isang lugar na payapa, malayo sa paningin ng mapanghusgang mundong ating ginagalawan, ikaw lang at ang iyong sarili. Balikan ang mga alaala malungkot man ito o masaya. Lahat ng mga ito'y humubog sa iyong pagkatao, sa kung ano ka ngayon at kung sino ka bukas. Minsan masarap din ang mag-isa subukan mo at matutuklasan mong ang dami palang nawawala sa buhay mo.

Masarap ang uminom ng alak sa tuwing may problema o sa tuwing nandiyan ang mga kaibigan o barkada bumabalik ang ating pagkabata sa mga kwentuhang paulit-ulit. Masarap din ang yosi, ang kakaibang kasiyahan na hindi mo maipaliwanag sa tuwing hihithitin at sasamyuhin ang bango nito. Masarap ang kabataan lalo't wala ka na namang inaalalang nasasayang na oras pero hindi pa rin katwiran para sayangin natin ang ating buhay at kalusugan. Walang nasolve na problema sa pag-inom ng alak. Huwag magpakalulong. Walang hindi nakakaalam na masama ang yosi sa katawan kaya't ikaw nang bahalang kumontrol nito. Ang pagiging kabataan ay pansamantala lang samantalahin natin ito dahil 'di na ito kailanman maibabalik ninuman ngunit di naman ibig sabihin nito na okay lang ang umabuso dahil pag nangyari ito hindi lang sarili mo ang apektado kundi ang buo mong pamilya. Mura ang alak, mura ang yosi pero mahal ang bayad sa operasyon, sa gamot at sa doktor, saka pala gastos sa burol at pagpapalibing.

Iisa lang ang buhay 'wag itong sayangin sa mga walang kapararakang bagay. May mga taong humihiram ng sandali sa aparatong nakakabit sa kanilang katawan, may mga taong bumibili ng hangin pandugtong ng kanilang oras sa mundo at may mga taong tumatangis dahil sa nakaraan. Tama nga na madaling maging tao pero mahirap magpakatao lalo't ang iyong kapalaran ay nakasalalay sa tuksong nasa paligid mo lang. Hindi lahat ay may kakayahang maging matalino pero lahat tayo ay may kakayahang maging matino. Hindi natin kayang maging anghel pero may kakayahan tayong hindi maging demonyo. Kung ano ka ngayon ay dahil sa naging desisyon mo kahapon at kung ano ka bukas ay dahil sa kung anong gagawin mo ngayon.

Hanggat maari 'wag magmagaling sa lahat ng bagay baka iyon ang maging dahilan para pagtawanan ka ng kapwa mo hindi sa lahat ng oras ay alam natin ang lahat kaya't 'wag maging palalo magugulat ka na lang na mayroon nang isang tao hihigit sa kung anumang kagalingang taglay mo. Hangga't maari 'wag maging mayabang, 'wag ipagyabang kung ano ang mayroon ka, kung gaano karami ang iyong natulungan o kung gaano kataas ang iyong katungkulan dahil sa isang iglap lang hindi mo aakalaing lahat ng nasa sa iyo ay maaring mawala gaya ng biglang pagkawala ng kapangyarihan nina Marcos, GMA, Hitler, Saddam, Tyson at marami pang iba, mas kahanga-hanga ang mga taong low profile at nakakabanas naman ang mga taong laging ipinagyayabang ang kanyang yaman o posisyon, hayaan mong ang mga tao sa paligid mo ang makapansin o pumuri sa kagandahang loob mo kung mayroon man ganunpaman hindi kinakailangang lumaki ang iyong ulo dapat manatiling nakatapak ang mga paa sa lupa. Hangga't maari 'wag magmalinis dahil mas nakakahiya at nakakapangliit kung ikaw ay magkaroon ng isang maling desisyon na sisira sa lahat ng pagmamalinis mo sa buhay mas masakit ang panglalait ng mga tao sa mga tulad ng pari, pastor, guro at iba pa na nagtuturo ng kagandahang asal pero di naiwasang gumawa ng kabalastugan lalo't kahalayan, napansin mo din ba iyon? Mas malakas ang lagapak kung mataas ang pinanggalingan.

Hindi lahat ng ating kagustuhan ay ating makukuha ganundin naman sa ating mga pangarap. Maging bukas sana tayo sa lahat ng bagay; positibo man ito o negatibo datapwat hindi ito sapat na dahilan para sumuko sa buhay. Maging optimistiko pero huwag mong ihiwalay ang reyalidad. Kung hindi mo man makamit ang ibang minimithi mo may ibang nakalaan para sa'yo na kung minsan higit pa sa inaakala mo, kahit hindi madaling tanggapin at paniwalaan lahat ng bagay ay may dahilan. May dahilan kung bakit nandiyan ka sa pinagtatrabuhan mo, may dahilan kung sino-sino ang kaibigan mo, may dahilan kung saan man nakaposisyon ang mundo, may dahilan kung bakit nababasa mo ang akdang ito, may dahilan kung bakit asawa mo ang asawa mo ngayon. Ang pagkakaroon ng kapartner sa buhay ay tapat-tapat lang maari kang magkaroon ng maganda/gwapong karelasyon pero hindi kayo magtatagal kung hindi niyo kayang tiisin ang ugali niyo sa isa't isa at kung hindi ka-match ng ugali mo ang ugali niya. Maniwala ka panandalian lang ang panglabas na kaanyuan mas importante pa rin ang may magandang kalooban pero mas okay kung makakahanap ka ng taong maganda ang loob at labas. Uulitin ko lahat ng bagay ay may kadahilanan ngunit kung ito ang katwiran mo upang ikaw ay mangalunya, manloko, magsamantala sa kahinaan ng iba may dahilan din ang mundo kung bakit ka kinakarma.

Sa bilis ng takbo ng panahon hindi mo namamalayan nagsasawa ka na sa dati mong ginagawa, sa dati mong pinupuntahan, nag-iiba ang batayan ng kaligayahan, nag-iiba ang ilang pananaw sa buhay at nag-iiba ang kasama sa buhay. Nagbabago, tumatanda. Huwag hayaan ang sarili na nagmumukmok sa isang tabi ng matagal, huwag isisi sa iba ang kinahinatnan at naging kapalaran ng iyong buhay. Laging bumangon sa tuwing madadapa walang totoong ibang makakatulong sa iyo kundi ang sarili mo mismo, kung gusto kang iahon ng iba pero hindi mo gustong sumama kahit anong gawin nila wala silang magagawa malulugmok ka kung saan ka nadapa.  Wala kang makikitang repleksyon kung kumukulo ang napakainit na tubig hindi mo makikita ang iyong tunay na sarili ganundin sa pagdedesisyon 'wag itong gawin kung punong-puno ka ng galit at emosyon magdadala ito sa kapahamakan at tiyak na pagsisisi. Sa panahon ng iyong paglalakbay na kung tawagin ay buhay 'wag natin kalimutang banggitin ang mga salitang "Salamat", "Patawad" at "Mahal kita" sa mga taong nararapat bago pa natin marealize na huli na ang lahat dahil pwedeng bukas o sa isang araw, maaring mawala na sila o ikaw mismo ang mawala.

Payong 1/2



Komplikado ang buhay, magulo ang mundo, mapagkunwari ang mga tao. Hindi madaling hanapin ang tunay na kasiyahan, ang tunay na pag-ibig at ang tunay na kaibigan. Minsan akala natin masaya na tayo pero sa paglapat ng ating katawan sa kama sa tuwing gabi huwad lang pala ang maraming kasiyahang iyong naranasan. Ang mga kaibigan iisipin nating lagi lang silang nariyan para sa atin; sasamahan, aalalayan, papayuhan, kasama sa lahat ng ating pupuntahan, sa inuman, sa pasyalan at sa kalokohan pero sa paglipas ng panahon matutuklasan mong marami sa kanila ang hindi pala totoo, marami sa kanila ang gusto ka lang kasama dahil sa napapakinabangan ka nila maging bagay man ito o personal na kadahilanan.

Mahirap uriin sa biglang tingin ang mga nagpapanggap na kaibigan pero sa kalaunan mararamdaman mo kung sino-sino ang totoo sa kanila. Hangga't bata tayo matuto tayong pahalagahan ang oras, ang kabataan, ang kaibigan at lahat ng ating mahal sa buhay huwag nating hintayin ang sandaling wala tayong makakausap, wala tayong matatawagan at wala tayong makakasama sa oras na bagsak ang ating emosyon at puno ng iba't ibang problema. Hindi sa lahat ng oras ay may dumadaan na matinong kaibigan 'wag nating ipagpalit ito sa mga taong magaling sa kwentuhan sa tuwing may inuman o gimikan.

Sa modernong panahong ito marami tayong pagkukunan ng ating pagkasiya dahil sa iba't ibang uri ng teknolohiyang nag-aanyaya bukod pa ito sa mga taong ating araw-araw na nakakasama at nakakasalamuha pero hindi rin sasapat ang lahat ng ito para malubos ang kaligayahan natin. Bahagi ito ng ating buhay; ang maging masaya at malungkot. Kung paano mo i-handle ang problema ay tanging ikaw lang ang makakaalam nito kaya marami ang nagpapakamatay at hindi nakakayanan ang unos ng buhay dahil sa depresyon at kawalan ng pag-asa huwag natin silang husgahan dahil hindi natin alam kung gaano kahirap ang pinagdadaanan nila baka kung ikaw ang may ganoong problema mas malala pa ang maging 'solusyon' mo dito.

Walang perpekto. Kahit anong ganda/gwapo mo darating ang puntong mararamdaman mong may kulang pa rin sa'yo at may hahangaan kang iba na taglay o na-achieve niya. Kahit anong ingat mo magkakamali ka pa rin, sabi nga sa isang kanta kung wala ka pang sala wala ka pang ginawa. Kahit anong talino mo mayroon ka pa ring hindi kayang gawin at iisipin mong sana mayroon kang ganito o ganoong kakayahan. Kahit anong husay o galing mo mararamdaman mong hindi pa rin sasapat ito na kahit anong pagpupursigi mo hindi pa rin masa-satisfy ang kakulangang ito. Kahit anong saya ang nararamdaman mo sa iyong kapartner sa buhay maging BF/GF o asawa mo man ito, hindi maiiwasang ma-bored ka sa kanya; ito rin ang dahilan kung bakit maraming mag-asawa o magkarelasyon ang naghihiwalay, kung ma-bored ka man sa relationship ninyo pansamantala lang ito kung talagang tapat na pagmamahal ang nararamdaman mo sa kanya at makabubuting gumawa ng paraan upang unti-unting manumbalik ang dating tamis ng pagmamahalan; hindi solusyon ang maghanap ng iba lalo lang nitong palalalain ang emotional breakdown na iyong nararanasan. Ang bawat isang indibidwal ay may kanya-kanyang katangian kung mahahanap mo sa iba ang iyong ninanais hindi ibig ipakahulugan nito siya na ang pinakaperpektong nilalang para sa'yo maaring hindi mo pa lang nakikita kung ano ang mali at ayaw mo sa kanya. Hindi natin kailangang maging perpekto mas kailangan natin ang ganap na pagtanggap sa kanyang buong pagkatao.

Kung mahal mo ang isang tao hindi mo hahanapin sa kanya kung ano ang kulang niya bagkus tatanggapin mo siya kung ano siya kasama ang lahat ng kanyang kapintasan hindi lang ang positibo at magagandang ugali at katangiang nasa kanya. Totoong nakakabighani ang magaganda/gwapo sa ating paningin lalo't minsan nakakaramdan ka ng pagkaburyong sa inyong relationship pero sapat na ba ito para iwanan mo ang taong nakasama mo at sinamahan ka sa mahabang panahon? Kung iisipin mong nagtitiyaga ka lang sa kanya dahil sa mga anak ninyo o pinanghihinayangan mo ang nasayang na panahon o sa simpleng dahilan na nawala na ang magic sa tuwing kayo'y magkasama, naisip mo bang baka ganun din siya sa'yo? Naisip mo bang baka nagtitiis lang din siya sa'yo at sa ugali mo? Maraming mga tao ang sumasama sa iba at iniwan ang kani-kanilang asawa pero karamihan sa kanila (hindi man lahat) ay hindi naging lubos ang ligaya may mga pilit pa ngang bumabalik sa dating karelasyon kasi iba talaga ang orihinal. Ngunit hindi lahat ay nabibigyan ng ikalawang pagkakataon mas malaki ang pagsisi kung magpapadala sa ganda ng ngiti o sa kakaibang saya sa tuwing kasama ang bagong nakilala. Hindi madali ang magmahal ng walang bahid pero kung may kakayanan kang magmahal ng magpakailanman para ka na ring superhero sa taglay mong kapangyarihan.

Tulad mo may mga bagay din akong hinangad na wala sa akin, may mga bagay akong pinangarap na sana mayroon din ako ngunit maluwag sa loob kong tinanggap na hindi na ito mapapasaakin dahil ito'y hindi naman materyal na bagay. Minsang... may pinagsisihang desisyon, may pinangarap na panahong sana'y maibalik, may mga salitang masasakit na binitiwan. Minsang... may pagkakataong walang maisip na maisulat, walang laman ang pag-uutak, walang sumisilay na ligaya sa puso at walang gana sa halos lahat ng bagay. Napapagod kahit wala namang pisikal na pinagkaabalahan, nalulungkot kahit hindi batid ang tunay na kadahilanan, napapangiti sa nangyari sa nakaraan, nababad trip sa nangyayari sa mundo, sa opisina, sa mga pilipino, sa pulitiko at sa Pilipinas.

Wala akong karapatang magreklamo sa buhay at kung tutuusin mas mapalad ako sa ibang mga tao dahil natupad ko ang marami sa aking mga pangarap; nakapasa sa board exam kahit di naman matalino, may matinong trabaho, nagkabahay, nakapaglalakbay, may sariling sasakyan, nakapagpublish ng libro, may magandang love story at may masayang pamilya at lahat ng ito'y aking pinagpapasalamat sa Kanya. Hindi ako relihiyoso pero alam kong parating dinidinig ang aking dasal at panalangin dahil naniniwala ako na hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao. Naniniwala rin ako na malaking bagay ang edukasyon upang kahit papaano'y umalwan at umangat ang ating buhay at pamumuhay. Bagamat hindi pa ako tapos mangarap hindi rin naman katumbas nito na ako ay walang kakuntentuhan sa buhay. Ang pangarap ay inspirasyon na magsisilbing gabay patungo sa magandang landas ng buhay at bukas. Hindi ko hinahangad ang sumikat o maging popular dahil alam kong may kaakibat na na malaking responsibilidad ang pagkakaron nito at alam ko rin wala akong kapasidad para dito. Pero ako'y puno ng mga pangarap at kasama sa pangarap ko ang maganda at mabuting Pilipinas, magkaroon ng isang magarang bahay, matikas na SUV, makapunta sa iba't ibang mga bansa sa Europa, magandang edukasyon at trabaho sa aking mga anak at ilan pang librong magsisilbing inspirasyon sa tulad kong manunulat at may mga ligaw ang isipan. Kung sakaling hindi ko man matupad ang karagdagang pangarap kong ito hindi ito dahilan para magalit ako o magtampo sa mundo, sa buhay at sa Diyos.