Tuesday, October 23, 2012

The Eraserheads Chronicles 1/4




Eraserheads
1993 - 2002

"Minsan ay hindi ko na alam ang nangyayari, kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan."

Dumilim ang paligid. Nang sila'y mamaalam sa isa't isa.
Ang grupong kinagisnan ko'y tuluyan na ngang bumitiw. Ang musikang kanilang nilikha ay nakasulat na sa libro ng kasaysayan. Ang kanilang mga awitin ay nakaukit na sa ating puso't isipan. Ang legasiyang kanilang iniwan sa aking palagay ay 'di na kailanman mapapantayan sa panahong ito.

Wala na nga ang Eraserheads. Ang pangalan ng grupong kaisa-isa kong lubos na hinangaan mula sa kanilang unang kanta hanggang sa huling hirit na konsyerto nila. Alam kong masyado ng matagal nang sila'y magkanya-kanya ng landas, nang sila'y gumawa ng sarili at bago nilang pamilya, nang tangkaing lumutang muli sa lumulubog na industriya ngunit hindi mapipigil nito ang sinumang gustong dumakila at umalala sa markang kanilang nililok hindi lang sa mundo ng musika kundi dahil sa kasiyahang inihatid at nanahan sa mga nagmamahal sa kanila.

Ang Eraserheads ay hindi lang si Ely Buendia at si Ely Buendia at ang Eraserheads ay hindi iisa. Kung wala ang tatlong iba pa na sina Raymund, Marcus at Buddy ay hindi isinilang ang Eraserheads. Kahit si Sir Ely pa ang gumawa ng maraming sumikat na kanta nila, kahit siya pa ang pinakapopular sa kanilang lahat, kahit siya pa ang angat kong hinangaan sa apat alam kong bahagi lang siya nito. Nang sila'y nagkaroon ng kanya-kanyang grupo alam din nilang hindi na nila maibabalik pa ang ningning ng kanila noong mga bituin. Kasabay ng kanilang pamamaalam ang paglamlam ng Industriya ng Musikang Pilipino.

1993. May tumawag sa pangalan ko.
Isang kantang tila hinihimok kang lumapit at pakinggan ang kakaibang tunog na pumailanlang sa radyo. "Ligaya". Tunog lata. Pero ang tunog latang ito ang nagbukas ng oportunidad sa napakaraming bandang nagsulpotan ng panahong iyon. Ang natutulog na diwa ng mahihilig sa musikang pilipino ay muling napukaw at nagkamalay. Sinong mag-aakala na ang apat na patpating ito ay magiging alamat sa loob lamang ng sampung taon?
Ang kanilang mga kanta'y magsasalinlahi lang at kahit ang mga anak natin'y hahanga pa rin sa tila may gayuma nilang mga komposisyon. Uulitin at muling aawitin ng mga bago at lumang mukha sa industriya ngunit ang maalala ay ang orihinal na may gawa. Ilang grupo na nga ba ang muling inareglo ang kanilang mga kanta? Ilang mang-aawit na nga ba ang tinangkang sumikat at pasikatin gamit ang kanta nila? Ilang prodyuser na ba ang muling pinagkakitaan ang kanilang mga obra?
Hindi ko na mabilang.
Ang alam ko lang walang hindi rumerespeto sa kanilang mga kanta.
Aiza Seguerra, South Border, 6 Cycylemind, Callalily, The Company, Imago, Barbie Almalbis, Kitchie Nadal, Itchyworms, Paulo Santos, Rico Puno mga pangalang nagbigay pugay sa kanilang mga awitin. Marami pa sila at madadagdagan pa iyan sa ilan pang panahon. Parang librong muling babasahin, parang kasaysayan na muling sasariwain. Mga imortal na mga kanta na babalikan at hanggang sa susunod na henerasyon ay mananatili.

Ilang buwan na ang lumipas hindi pa rin ako nakakabili ng cassette tape ng Ultraelectromagneticpop! Paano nga ba? Eh, isandaang piso lang noon ang sweldo ko sa isang araw at hindi pa libre ang pagkain ko.
Magkasunod na lumabas ang mga single na: "Pare ko" at "Toyang". Lalo akong nanggigil na magkaroon ng kanilang album. Parang isang adik na nagigiyang, parang isang asong mauulol pag hindi napagbigyan. Parang guguho na ang mundo ko 'pag hindi pa ako nakagawa ng paraan na makabili ng letseng album nila na laging nasa isip ko.
May naisip akong paraan. Uso pa noon ang eyeball sa ka-phonepal at nakatakda akong may maka-eyeball isang araw ng Sabado. Bitbit ang ilang daang piso na aking inipon nagpasya akong hindi na lang sumipot. Diretso ako sa Farmers Cubao at bumili ng album na pangarap na Ultraelectromagneticpop! Sulit ang pera ko pero kawawa naman ang ka-eyeball kong namuti ang mata sa kakahintay sa'kin. Kung sino man siya sana napatawad na niya ako.

Halos magasgas ang cassette tape na iyon sa walang patid na pagpapatugtog ko nito. Ayos, sulit ang isangdaan at sampung piso ko! Alam kong hindi lang ako ang napapangiti at sumasaya sa tuwing tumutugtog ang kanta nila kundi lahat nang naging instant nilang tagahanga. Hindi ko binili ang tape na 'yun (hanggang ngayon ay buhay pa 'to) dahil nagustuhan ko ang lyrics na "tangina!" sa kantang Pare ko, binili ko 'yun dahil nararamdaman at nakikita ko ang sarili ko sa kanila.
Nagsisimula pa lang silang bumuo ng pangarap sa kanilang unang album at ako nama'y kakatapos lang noon sa kolehiyo at nagsisimula ding bumuo ng pangarap. Nang makamit na nila ang kanilang pangarap sa loob ng sampung taon, unti-unti na ring natutupad ang aking mga pangarap sa buhay. Bahagi sila at ng kanilang musika ng aking pagkatao at hindi ko na ito makakalimutan pa.

Nang pumailanlang ng husto ang Eraserheads at ang kanilang mga kanta sunod-sunod na ang paglabasan ng mga bandang nais ding sumikat, nagkukumahog ang mga producer sa paghahagilap sa mga bagito ngunit talentadong mga grupo. At nagsimula na ngang mabuhay na muli ang Musikang Pilipino.

* * *
Sa pag-aakalang ng mapagkunwaring kritiko na nakatsamba lang ang grupo sa kanilang unang album, inabangan ang ikalawa nitong album. CiRcuS. Sa pagkakaalam ko kaya CiRcuS ang titulo ng album na 'to dahil tulad ng Circus ang nais nito'y aliwin, libangin o laruin ang inyong isip hindi sa pamamagitan ng flying trapeeze, escape act o magic acts kundi dahil sa mga kantang animo'y maghihipnotismo sa iyong kamalayan. At ang alam ko rin noon na ang album na ito ang magpapatunay na ang Eraserheads ay malayo ang mararating sa larangan ng musika.
Sino ba ang hindi nagayuma sa kanta nilang 'With A Smile'?
Bakit napraning ang ilang pulitiko sa lyrics ng 'Alapaap'?
Hindi ka ba naantig sa kanilang istorya ng buhay sa 'Minsan'?
Hindi ka ba napangiti sa ending ng binasa mong 'Magasin'?

Hindi na nga mapipigilan pa ang pagkahumaling ko sa grupong ito. Halos walang filler sa album na ito. Nadagdagan pa ang paghanga ko sa kanila ng magkaroon ako ng pagkakataon na sila'y mapanood sa isang mini-concert sa may Intramuros! Tamang-tama malapit sa bago ko noong opisina. Bukod sa bagong bili kong tape na CiRcuS agad na rin akong nakadiskarte kung paano at saan makakabili ng ticket (medyo maganda na kasi ang trabaho ko nang taong ito). Hitting two birds in one stone. Nakapanood na ako ng concert ng Eheads kasama ko pa ang nililigawan ko. Ayos. Malupit na banda, malupit ang kasama.
Hatinggabi na nang kami'y magkauwi. Hindi ko alam kung saan ako mas nag-enjoy sa mga kinanta ng Eheads o sa aking kasama ng gabing iyon na itatago na lang natin sa pangalang Arlene. Hanggang sa kinabukasan naririnig ko pa rin sa aking isip ang impit na boses ni Sir Ely habang hinihiyaw ang kanyang mga kanta, iba pala talaga ang buhay na musika kaysa pinakikinggan mo lang sila sa radyo. 




 

5 comments:

  1. Hi! First time ko sa blog mo :) keep sharing po! Idol ko din ang Eheads, at ang kantang Para Sa Masa, Minsan, at personal peborit kong Poorman's Grave ay ilan lang sa mga kanta nilang sorbang hinangaan ko.

    ReplyDelete
  2. Hi, Amphie. Masayang pagbisita. Alam ko medyo late na ang pagbibigay-pugay ko na 'to sa Eheads pero alam ko marami naman tayong makakarelate pa rin kahit paano :) rock en roll \m/. ipupost ko na ung Eheads Chronicles 2/4 mamaya lang.

    PS. Nagsubscribe ako sa blog mo hindi dahil nag-follow ka sa akin kundi maganda pala yung blog mo. gandang araw.

    ReplyDelete
    Replies
    1. join na kayo dito https://www.facebook.com/EraserheadsComboNation

      Delete
  3. abangan ko yan idol! hehe! thanks sa pagbisita ;) astig din ng blog mo, at nga mga nilalaman nito.. dami kong na-backread kagabi, keep sharing!

    ReplyDelete
  4. https://www.facebook.com/EraserheadsComboNation

    ReplyDelete