Showing posts with label buddy. Show all posts
Showing posts with label buddy. Show all posts

Friday, January 25, 2013

The Eraserheads Chronicle 3/4




Sa taglay na kasikatan ng banda hindi lang sa bansang Pinas kabilang na rin ang karatig bansa sa Asya naglabas sila ng album target ang kanilang fans sa Asya ang "Aloha Milkyway". 14 Tracks; siyam na remastered tracks at limang orihinal na tracks. Sa limang orihinal na tracks na narito hindi ko pinagsasawaang pakinggan ang "Scorpio Rising" ibang-iba ang kantang ito sa mga naunang komposisyon ng grupo bihira din nila kantahin ito sa kanilang mga gig ewan ko kung bakit. Kahit nga sa kanilang dalawang Reunion Concert ay hindi nila ito isinama. Sa lupit ng guitar at drum solo ng kantang ito mapagkakamalan mong isang foreign band ang tumutugtog nito.

Sa ilang taon lang na pagtugtog ng grupo hindi na mabilang ang kanilang mga achievements, awards, naitalang record at ang pinakaimportante ang buhay na kanilang pinasaya; oo nga't musika lang ang inihandog nila ngunit higit pa rito ang ibinigay nila sa kanilang tagahanga. Hindi biro ang gumawa ng kanta na magugustuhan at mamahalin ng masa, para sa iba madali ang gumawa ng kanta ngunit ito ba'y tatanggapin ng mapanuri at mapanghusgang lipunan? At lahat ito'y nalagpasan ng grupo dumaan din sila sa hindi magandang simula tulad ko at ng maraming tao; hinusgahan, hinamak at minaliit ang kakayahan ngunit hindi sumuko at lalong nagpursigi na makamit ang pangarap.

Napatunayan din nila na hindi mo kailangan ng napakaganda at napakataas na boses para maging matagumpay sa industriya ng musika, hindi mo kailangang maging ubod ng gwapo para magustuhan ng masa, hindi mo kailangang magsuot ng magagarang damit para tangkilikin ng tagahanga, ang kailangan mo lang ay talento at pagmamahal sa larangang iyong nagustuhan kung wala ka nito hindi ka pa sumisikat malalaos ka na.

* * *
Natin 99 - obviously ay inirelease ng taong 1999. Ipinakita rito na ang ibang miyembro ng Eheads ay mahusay din sa paglikha ng awitin dahil ito ang album na mas kakaunti ang nai-contribute na kanta ni Sir Ely kumpara kina Raimund, Marcus at Buddy.
Mula sa tunog techno at electronic na album na Sticker Happy, ang Natin 99 naman ay tunog Manila Sounds - tunog 70's. Kakaiba. Tunay ngang hindi tumitigil ang Eheads sa pagpapahusay sa kanilang naibigang craft. Bumalik ang sigla at saya ng kanilang mga kanta sa pamamagitan ng album na ito.

Wala na silang dapat patunayan pa. Mula sa pagiging bagito nila sa pagtugtog ng instrumento naging isa silang propesyonal na halos lahat ng instrumento'y kanilang sinubukan. Hindi natakot mageksperimento, hindi nagpatali sa panuntunan ng industriyang kanilang ginagalawan. Dahil sa karamihan sa mga kantang narito ay hindi composition ni Sir Ely iba ang naging dating nito sa mga tao. Ibang-iba. Hindi man kumita ng napakalaki ang album na ito hindi rin naman ito lumagapak. Ano kaya ang nasa isip ni Sir Ely ng panahong ginagawa ito? Bakit kakaunti ang contribution niya sa album na ito? Nag-uumpisa na ba siyang tabangan sa paggawa ng malulupit na mga kanta? O saan siya nagsasawa, sa pagku-compose o sa mga kasama niya sa grupo? Ewan ko, hindi ko alam. Pwede bang 'wag na lang nating pag-usapan?
* * *
Mayroon akong weird feeling na kapag naglabas na ng Greatest Hits Album ang isang artist malamang papunta na ito sa pagkakawatak-watak o paglamlam ng kanilang kasikatan. Nang mapakinggan at ninamnam ko ang mensahe ng kantang "Para sa Masa" parang pahiwatig na rin ito ng kanilang pamamaalam sa mga fans na karamihan ay Masa. Ang kantang ito'y katumbas ng "Handog" ni Florante na isa ring pasasalamat at farewell song. At nang inilabas ang Eraserheads: The Singles noong year 2000 nakikita ko nang papunta na sa sukdulan ang ang kanilang pagsasamahan bagamat mayroon pa silang isang album na inilabas pagkatapos nito, ang Carbon Stereoxide ng taong 2001. Maaring hindi nila alam na ito na ang kanilang huling studio album as a band pero more or less alam nilang iba ang magiging pagtanggap ng tao sa album na ito.

Hindi maiko-compare ang Carbon Stereoxide sa kanilang mga previous album dahil malayong-malayo ito sa mga ito. Ipinakita rito ng Eheads na may iba pa silang kayang gawin bukod sa pop-rock music kung saan sila nakilala. Kung hindi ka die hard fans ng Eheads malamang hindi mo magustuhan ang ilan sa mga kantang nakapaloob dito bagamat okay naman ang Maskara at Pula parang hindi ka naman makakarelate sa ibang mga songs dito. Personally, gusto ko ito dahil sa medyo malalim at mabigat ang compositions dito pero hindi iyon ang gusto ng maraming fans kaya hindi ito gaanong nag-hit sa music charts at di rin gaanong nagclick sa masa.

Kung tutuusin wala naman nang dapat pang patunayan pa ang grupo dahil lahat na ng gustong makamit ng sinumang artist ay nakuha na nila; awards, fame, fortune, hits, popularity, respect at sandaling panahon ng kanilang pagtugtog itinuring na silang Icon at alamat. Kung magdisband man sila wala na rin silang dapat pagsisihan pa; ang kontribusyon nila sa daigidig ng musika ay mahirap nang pantayan ninuman sa maraming kadahilanan.

At nang magising ako ng isang umaga ng taong 2002 nakarating sa kaalaman ko na tuluyan na ngang nagdisband ang bandang Eraserheads nalungkot ako pero hindi na rin ako nagulat. Papunta naman ang lahat sa ganoon. Kung hindi ka na komportable, kung hindi ka na masaya mas mabuti ngang siguro humiwalay ka na; pero alam ko may malalim na kadahilanan kung bakit nagdesisyon si Sir Ely na iwan ang kanyang bandang naghatid sa kanya sa pagyaman at sa kasikatan. Sa katunayan sa pagkawala ng Eraserheads mas lalo kong na-appreciate ang mga kanta nila. Na hindi lilipas ang buong linggo na hindi ako makikinig ng isa sa mga album nila. Tunay ngang kahit anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan. Kaya lang alam kong may malalim na kadahilanan pa kung bakit humiwalay sa grupo si Sir Ely kung hindi ba naman bakit sa isang text message lang tatapusin ang higit sa isang dekadang kanilang pagsasamahan? At hindi lang unprofessional-ism ang dahilan nito.



The day the music died - isa itong linya sa malupit na kantang American Pie ni Don Mclean sinulat niya ito bilang tribute sa mga namatay na miyembro ng Buddy and The Hollies sanhi ng isang plane crash. Sa ganito ko rin nais ipahayag ang aking naramdaman nang magdisband ang grupo - The day the music died. Bagamat may mangilan-ngilan pa ring gumagawa ng matitinong kanta hindi naman maitatanggi na mas malakas ang karisma ng Eraserheads kumpara sa iba. Mabuti na lang at hindi pa nadidisband ang Parokya Ni Edgar (minus Vinci) mayroon pang isang dahilan para makinig ng OPM.
 

Thursday, November 1, 2012

The Eraserheads Chronicles 2/4




Marami-rami na ring banda ang unti-unting sumisikat sa panahong ito. Gumagawa ng sariling pangalan gamit ang sari-sarili nilang komposisyon. Hindi man sila tuwirang natulungan ng Eraserheads hindi naman maikakailang malaki ang naging impluwensiya ng grupo sa mga nagsulputang bagong banda. Maraming kabataan din noon ang nahiligan at nagnanais na matuto ng gitara; ang iba'y nangangarap na magkaroon ng sariling banda, ang iba naman ay sa simpleng dahilan na basta makatugtog lang nito.

Nasa rurok na nga ng tagumpay ang Eraserheads ngunit ang miyembro ng grupo ay tila hindi sanay sa popularidad na kanilang tinatamasa; magmula sa dating simpleng pamumuhay lang heto sila ngayon minamahal ng madla, magmula sa Crowd A na maselan ang panglasa sa tugtugin hanggang sa Crowd D na may kahirapan ang estado sa buhay.

Cutterpillow. Ikatlong album. Muling umukit ng kakaibang kasaysayan ang Eraserheads nang sa unang araw ng (unofficial) release ng kanilang album ay kaagad itong nakabenta ng higit sa 40,000 copies! Agad itong ginawaran ng Gold record award kahit hindi pa ito available sa mga record bar. Ini-launch noon ang album sa Sunken Garden ng UP Diliman Disyembre 8, 1995 at para makapasok ka kailangan mong bumili ng advanced copy ng album na magsisilbi mong ticket papasok. Sa sumunod na mga taon ipinagbawal ang mga katulad na concert dahil sa pinsala na nangyari sa lugar.

Kabilang sa album na ito ang pinakamagandang nagawang kanta sa kasaysayan ng musika ang: 'Ang Huling El Bimbo'. Higit sa pitong minutong kanta na puno ng kaluluwa, komposisyong aakalain mong ginawa sa langit, sa saliw ng instrumentong animo'y nilapatan ng salamangka. Sa ganda ng awit na ito nais kong ibilang ito sa pinakamagagandang kanta sa mundo tulad nang obra ng The Eagles na 'Hotel California' at 'Bohemian Rhapsody' ng The Queen minus the subliminal message.

Sandali, mayroon ba talagang subliminal na mensahe ang mga kantang ito? Hindi ba't nalagay din noon sa ganoong kontrobersiya ang Eraserheads nang bigyan ng mas malalim na kahulugan ang kanilang mga kanta? Hindi ba't natampok pa sila noon sa MGB ni dating Bise-presidente Noli dahil sa parehong rason? Sa kasalukuyang panahon ang mga kanta naman ni Lady Gaga o Rihanna ang binibigyan ng malisyosong kahulugan ng mga moralista. Subliminal raw ang mensahe ng ilang mga kanta at lumampas sa isyung moralidad. Hanggang saan ba ang hangganan ng sining? May hangganan ba ito? Kung ano ba ang interpretasyon ng isang tao sa isang sining 'yun na rin ang dapat nating paniwalaan? Panahon pa ng The Beatles, 'American Pie' ni Don Mclean, hanggang ngayon sa panahon ng RNB nina Jay Z o Lady Gaga hindi pa rin namamatay ang isyung ito. Sadyang malalim talaga ang sining.

Kung mayroon kang kopya ng Cuttepillow at Ultraelectromagneticpop! mapapansin mong malayong-malayo ang tunog ng una nilang album sa ikatlo. Ang una'y bagitong-bagito sa halos lahat ng aspekto; lyrics, tunog at instrumento samantalang ang ikatlo ay hinog na hinog sa pagiging propesyonal. Pagbabagong positibo na muling kinabiliban ng kanilang mga tagahanga.
Sa album din na ito ay maiibigan mo ang halos lahat ng kantang nakapaloob dito. Mula sa unang track na Superproxy hanggang sa huling track nito na Overdrive. Sa panahong ito kabi-kabila na ang kanilang mga pangaral, guestings, record awards, gigs sa iba't ibang lugar ng Pinas at sa ibang bansa. Bukod sa record na ang Cutterpillow ang pinakamabenta nilang album, ang isa pang pinalamalaking achievement nila ng taong iyon ay ang pagkakapanalo nila MTV Asia Viewer's Choice Award. Ang award na iyon ang nagbigay daan sa kanila para lalong umusbong ang kanilang career at makilala hindi lang sa Pilipinas kundi kasama na rin ang ilang bansa sa Asya at ibang bahagi ng mundo.

* * *
Halos lahat yata ng sumikat na singer/grupo na nabigyan ng pagkakataon na magrelease ng Christmas Album at hindi ipinagkait ito sa Eraserheads sa pamamagitan ng kanilang kaisa-isang All English album ang: 'Fruitcake'.
Sa unang track ng album na may parehong title mapapansing sa intro nito ay may backmask, ito ay bilang 'pang-resbak' nila sa mga kritikong nagbackmask sa kanilang ilang kanta at malisyosong binigyan ng ibang kahulugan.
Bagamat isang christmas song ang Fruitcake all year round naman ay maari mo itong ulit-uliting patugtugin. Isa na namang experimental ang album na ito dahil inspired ito ng musical play bagaman hindi naman ito naging ganap na play.

Trivia sa album na ito:
1.        ito ang una at huli nilang all english album
2.        ito ang may pinakamaraming kanta sa lahat ng kanilang nagawang album
3.        may kwentong magkakadugtong dito mula umpisa hanggang huling track

Pagkatapos ng ilang buwang pagkakarelease ng Fruitcake the album ay inilabas naman ang Fruitcake the book na matiyaga ko ring inabangan at binili sa National Book Store. Sa puntong ito parang lahat na yata ng merchandise na nakakabit o may kaugnayan sa paborito kong Eraserheads ay hindi ko pagdadalawang-isipang bilhin. Bukod sa consistent kong pagbili ng kanilang album at pagtangkilik sa kanilang mga awitin may iba't ibang koleksyon din ako ng kanilang dalawang magazine na Pillbox, Eraserheads theme na T-Shirts, Tikman ang Langit (book of essays about the band), Songbook / magazines about the Eraserheads. Hindi pa ko nakontento dahil ang sunvisor ng sasakyan ko ay "Overdrive" decal at ang sparetire cover naman nito ay ang naka-paintbrush na larawan nilang apat. Kaya kung sakaling makita mo sa kalsada ang artwork na ito maalala mo ang sumulat nito. Adik sa Eheads. Haha.
  * * *
Walang nagbago.
Muli akong nagkaroon ng pagkakataon na mapanood ang Eheads sa isang gig sa bagong bukas na bar sa Gracepark (sarado na ito ngayon) at isa pa sa halftime break ng PBA Finals noong 1997. Ganun pa rin sila, walang kupas sa galing. Walang pagbabago sa kahusayan.

Hindi nabawasan ang paghanga sa grupong ito lumipas man ang ilang mga album, may mga fans na bumitiw dahil hindi nakarelate sa mga kantang nakapaloob sa Fruitcake. Ngunit ako at ang mga die hard fan ng Eheads na tinanggap ang "pagbabago" ng grupo ay patuloy na sumuporta. Walang iwanan, walang nagbago.

Sa panahon ng kasikatan ng Eraserheads marami na ring banda ang gumawa ng sariling tatak at pangalan, tinangkilik at nagkaroon ng sarili nilang tagahanga. Hindi man tuwirang may kaugnayan dito ang Eheads, sa ibang paraan ay maikokonekta mo sila dito. Kung ang Dekada 70 ang tinaguriang Golden Years ng musikang pilipino dahil sa pamamayagpag ng Manila Sounds, Dekada 80 naman ay ang pagsikat ng filipino solo artist, sa buong panahon ng Dekada 90 ay ang paghahari sa airwaves ng mga banda; ang ilan sa mga bandang sumikat din noon ay The Teeth, Yano, Siakol, The Youth, Orient Pearl, True Faith, Hungry Young Poets, Barbie's Cradle, Alamid,  Grin Department, Afterimage, Color it Red, Rivermaya, at ang isa pang malupit na Parokya ni Edgar. Malaki ang aking pasasalamat na nabuhay ako sa panahong iyon dahil nasaksihan ko ang husay at galing ng mga OPM band na ito; mga musikerong inuunang gumawa ng magagandang kanta kaysa magsuot ng magagandang damit, may mga orihinal na malulupit na kanta at hindi humihiram ng kanta sa iba upang agad na sumikat.

Sticker Happy - ikalimang album, wordplay ng salitang Trigger Happy. Bagamat tunog techno o electronic ang ilang kantang nakapaloob rito hindi pa rin nawala nang tuluyan ang tunog pop-rock na hinahanap ng karamihan sa mga fans. Kabilang sa album na ito ang "Spoliarium" na hango sa titulo ng isang artwork ni Juan Luna. Spoliarium na higit pa sa isang kanta ang mensaheng gustong ipahatid; parang Noli me Tangere ni Jose Rizal o Monalisa ni Leonardo Da Vinci na may malalim na kwento sa likod ng isang sining. Para namang isang farewell song ang kantang "Para sa Masa" na sa tema ng kanta ay parang pasasalamat sa lahat ng nagmahal at tumangkilik sa kanila (binanggit din dito si Sharon Cuneta dahil sa naging isyu ng guesting ng Eheads sa programang Sharon).

Isang kakatwa na sa kaisa-isang pelikulang nilabasan ng grupo ay kasama nila si Joey de Leon (Run Barbi Run) ng sikat na triumvirate na Tito, Vic and Joey; si Joey na kaibigan ni Tito Sotto na naging numero unong kritiko noon ng banda dahil sa pagbibigay malisya sa kantang "Alapaap". Isang EP rin ang inilabas ng grupo para sa pelikulang ito kabilang sa EP ang kantang "Tikman" na ginamit sa commercial ng Burger Machine na sikat pa ng panahong iyon.

TRIVIA: Ang babae sa cover album ng Sticker Happy ay si Joey Mead ng Channel V.

Tuesday, October 23, 2012

The Eraserheads Chronicles 1/4




Eraserheads
1993 - 2002

"Minsan ay hindi ko na alam ang nangyayari, kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan."

Dumilim ang paligid. Nang sila'y mamaalam sa isa't isa.
Ang grupong kinagisnan ko'y tuluyan na ngang bumitiw. Ang musikang kanilang nilikha ay nakasulat na sa libro ng kasaysayan. Ang kanilang mga awitin ay nakaukit na sa ating puso't isipan. Ang legasiyang kanilang iniwan sa aking palagay ay 'di na kailanman mapapantayan sa panahong ito.

Wala na nga ang Eraserheads. Ang pangalan ng grupong kaisa-isa kong lubos na hinangaan mula sa kanilang unang kanta hanggang sa huling hirit na konsyerto nila. Alam kong masyado ng matagal nang sila'y magkanya-kanya ng landas, nang sila'y gumawa ng sarili at bago nilang pamilya, nang tangkaing lumutang muli sa lumulubog na industriya ngunit hindi mapipigil nito ang sinumang gustong dumakila at umalala sa markang kanilang nililok hindi lang sa mundo ng musika kundi dahil sa kasiyahang inihatid at nanahan sa mga nagmamahal sa kanila.

Ang Eraserheads ay hindi lang si Ely Buendia at si Ely Buendia at ang Eraserheads ay hindi iisa. Kung wala ang tatlong iba pa na sina Raymund, Marcus at Buddy ay hindi isinilang ang Eraserheads. Kahit si Sir Ely pa ang gumawa ng maraming sumikat na kanta nila, kahit siya pa ang pinakapopular sa kanilang lahat, kahit siya pa ang angat kong hinangaan sa apat alam kong bahagi lang siya nito. Nang sila'y nagkaroon ng kanya-kanyang grupo alam din nilang hindi na nila maibabalik pa ang ningning ng kanila noong mga bituin. Kasabay ng kanilang pamamaalam ang paglamlam ng Industriya ng Musikang Pilipino.

1993. May tumawag sa pangalan ko.
Isang kantang tila hinihimok kang lumapit at pakinggan ang kakaibang tunog na pumailanlang sa radyo. "Ligaya". Tunog lata. Pero ang tunog latang ito ang nagbukas ng oportunidad sa napakaraming bandang nagsulpotan ng panahong iyon. Ang natutulog na diwa ng mahihilig sa musikang pilipino ay muling napukaw at nagkamalay. Sinong mag-aakala na ang apat na patpating ito ay magiging alamat sa loob lamang ng sampung taon?
Ang kanilang mga kanta'y magsasalinlahi lang at kahit ang mga anak natin'y hahanga pa rin sa tila may gayuma nilang mga komposisyon. Uulitin at muling aawitin ng mga bago at lumang mukha sa industriya ngunit ang maalala ay ang orihinal na may gawa. Ilang grupo na nga ba ang muling inareglo ang kanilang mga kanta? Ilang mang-aawit na nga ba ang tinangkang sumikat at pasikatin gamit ang kanta nila? Ilang prodyuser na ba ang muling pinagkakitaan ang kanilang mga obra?
Hindi ko na mabilang.
Ang alam ko lang walang hindi rumerespeto sa kanilang mga kanta.
Aiza Seguerra, South Border, 6 Cycylemind, Callalily, The Company, Imago, Barbie Almalbis, Kitchie Nadal, Itchyworms, Paulo Santos, Rico Puno mga pangalang nagbigay pugay sa kanilang mga awitin. Marami pa sila at madadagdagan pa iyan sa ilan pang panahon. Parang librong muling babasahin, parang kasaysayan na muling sasariwain. Mga imortal na mga kanta na babalikan at hanggang sa susunod na henerasyon ay mananatili.

Ilang buwan na ang lumipas hindi pa rin ako nakakabili ng cassette tape ng Ultraelectromagneticpop! Paano nga ba? Eh, isandaang piso lang noon ang sweldo ko sa isang araw at hindi pa libre ang pagkain ko.
Magkasunod na lumabas ang mga single na: "Pare ko" at "Toyang". Lalo akong nanggigil na magkaroon ng kanilang album. Parang isang adik na nagigiyang, parang isang asong mauulol pag hindi napagbigyan. Parang guguho na ang mundo ko 'pag hindi pa ako nakagawa ng paraan na makabili ng letseng album nila na laging nasa isip ko.
May naisip akong paraan. Uso pa noon ang eyeball sa ka-phonepal at nakatakda akong may maka-eyeball isang araw ng Sabado. Bitbit ang ilang daang piso na aking inipon nagpasya akong hindi na lang sumipot. Diretso ako sa Farmers Cubao at bumili ng album na pangarap na Ultraelectromagneticpop! Sulit ang pera ko pero kawawa naman ang ka-eyeball kong namuti ang mata sa kakahintay sa'kin. Kung sino man siya sana napatawad na niya ako.

Halos magasgas ang cassette tape na iyon sa walang patid na pagpapatugtog ko nito. Ayos, sulit ang isangdaan at sampung piso ko! Alam kong hindi lang ako ang napapangiti at sumasaya sa tuwing tumutugtog ang kanta nila kundi lahat nang naging instant nilang tagahanga. Hindi ko binili ang tape na 'yun (hanggang ngayon ay buhay pa 'to) dahil nagustuhan ko ang lyrics na "tangina!" sa kantang Pare ko, binili ko 'yun dahil nararamdaman at nakikita ko ang sarili ko sa kanila.
Nagsisimula pa lang silang bumuo ng pangarap sa kanilang unang album at ako nama'y kakatapos lang noon sa kolehiyo at nagsisimula ding bumuo ng pangarap. Nang makamit na nila ang kanilang pangarap sa loob ng sampung taon, unti-unti na ring natutupad ang aking mga pangarap sa buhay. Bahagi sila at ng kanilang musika ng aking pagkatao at hindi ko na ito makakalimutan pa.

Nang pumailanlang ng husto ang Eraserheads at ang kanilang mga kanta sunod-sunod na ang paglabasan ng mga bandang nais ding sumikat, nagkukumahog ang mga producer sa paghahagilap sa mga bagito ngunit talentadong mga grupo. At nagsimula na ngang mabuhay na muli ang Musikang Pilipino.

* * *
Sa pag-aakalang ng mapagkunwaring kritiko na nakatsamba lang ang grupo sa kanilang unang album, inabangan ang ikalawa nitong album. CiRcuS. Sa pagkakaalam ko kaya CiRcuS ang titulo ng album na 'to dahil tulad ng Circus ang nais nito'y aliwin, libangin o laruin ang inyong isip hindi sa pamamagitan ng flying trapeeze, escape act o magic acts kundi dahil sa mga kantang animo'y maghihipnotismo sa iyong kamalayan. At ang alam ko rin noon na ang album na ito ang magpapatunay na ang Eraserheads ay malayo ang mararating sa larangan ng musika.
Sino ba ang hindi nagayuma sa kanta nilang 'With A Smile'?
Bakit napraning ang ilang pulitiko sa lyrics ng 'Alapaap'?
Hindi ka ba naantig sa kanilang istorya ng buhay sa 'Minsan'?
Hindi ka ba napangiti sa ending ng binasa mong 'Magasin'?

Hindi na nga mapipigilan pa ang pagkahumaling ko sa grupong ito. Halos walang filler sa album na ito. Nadagdagan pa ang paghanga ko sa kanila ng magkaroon ako ng pagkakataon na sila'y mapanood sa isang mini-concert sa may Intramuros! Tamang-tama malapit sa bago ko noong opisina. Bukod sa bagong bili kong tape na CiRcuS agad na rin akong nakadiskarte kung paano at saan makakabili ng ticket (medyo maganda na kasi ang trabaho ko nang taong ito). Hitting two birds in one stone. Nakapanood na ako ng concert ng Eheads kasama ko pa ang nililigawan ko. Ayos. Malupit na banda, malupit ang kasama.
Hatinggabi na nang kami'y magkauwi. Hindi ko alam kung saan ako mas nag-enjoy sa mga kinanta ng Eheads o sa aking kasama ng gabing iyon na itatago na lang natin sa pangalang Arlene. Hanggang sa kinabukasan naririnig ko pa rin sa aking isip ang impit na boses ni Sir Ely habang hinihiyaw ang kanyang mga kanta, iba pala talaga ang buhay na musika kaysa pinakikinggan mo lang sila sa radyo.