Tuesday, November 8, 2011

Hindi pwedeng walang Diyos

Kasabay ng patuloy na pagiging abnormal na pagsama at paglala ng panahong nararanasan ngayon ng mundo ay ang pagiging abnormal din ng kawalanghiyaan ng tao. Animo'y pinapantayan ng tao ang mga matitinding pag-ulan at pagbaha, mga nakakatakot na lindol at tsunami, ang masisidhing tag-tuyot at tag-init. Tinutumbasan ito ng tao ng kanyang kakaibang kasalbahehan; mga ugaling hindi mo lubos maisip kung tao pa ba ang may gawa o hayop o demonyo; mga nakagigimbal na pangyayaring nakabalandra sa pahayagan, radyo, internet at TV; mga nakapanggigil na iba't-ibang uri ng krimen na 'di mo aakalain na kaya palang gawin ito ng mga tao sa ngayong panahon.

Bukod pa ito sa pangkaraniwang kaganapan ng krimen na nangyayari sa araw-araw at tila nasanay na rin tayo sa kasamaan at kawalanghiyaan ng tao dahil bahagi na lamang ito ng balita sa araw-araw. At iniakyat pa ito ng tao sa mas mataas na antas, hindi ito dapat. Hindi naman tayo nilikha para pumatay o magmasaker, magnakaw o maging mandarambong, mandaya o maging utak ng malawakang election fraud, mangmolestiya o manghalay ng mahihinang biktima, magbenta ng droga o mambugaw ng kababaihan, lalo't ang menor-de-edad. Sa kadahilanang pera lang ba kung bakit ang tao'y nalulubog sa kumonoy ng kasamaan? O pagiging sakim sa kapangyarihan at wala na tayong pagrespeto at pagkilanlan sa ating kapwa at higit sa Diyos. Mas masahol pa tayo sa hayop.

Tila walang pinipiling kasarian, estado, nasyonalidad, propesyon, kalagayan sa buhay ang gumagawa ng krimeng ito. Magmula sa maliliit na tao hanggang sa "nirerespeto" ay capable na gawan tayo ng krimen. Mga taong ikinukubli ang kawalanghiyaan, mga taong nag-aanyong anghel sa kabila ng kademonyohan, mga taong walang inisip kung 'di ang manglamang sa kapwa. Kung kagyat na mamamatay ang mga may masisidhing kasalanan...baka mga sanggol na lang ang matira sa mundo. Nakakatakot.

Heneral, presidente, pari, doktor, abogado, pastor, pulitiko, pulis, pulubi, militar, sibilyan, kapatid, kaanak, kapitbahay, kabataan, mayaman, mahirap, lahat na. Tila wala nang ligtas na lugar tayong masisilungan at kahit ang mismong ating tahanan na dapat ay tahimik at payapa ay anumang oras ay maaaring pasukin at looban ng mga taong tila nasaniban ng kademonyohan o mga taong halang ang kaluluwa o sadyang wala nang kaluluwa. At ang mga alagad ng batas na dapat ay magtatanggol at magpo-protekta sa atin ay minsan na ring kwestyonable ang katauhan, ang mga gwardiyang nasa paligid at inaakalang magbabantay sa'tin ay nasasangkot na rin sa krimeng panghahalay, ang mga tagapagdala ng magagandang balita na dapat ay naggagabay sa atin sa tamang landas ay nagkukubli rin pala sa salitang kabanalan, ang mga abogadong nagtatanggol ay hindi na lang nagtatanggol kundi umaayuda na rin upang pagtakpan ang kasamaan. Oo, hindi lahat ay ganito kasama pero lahat ay may posibilidad. Sinong mag-aakala na sa panahong ito ay laman sa laman ang magpapatayan? Kapatid pinapatay ng kapatid dahil sa inggit, Ina pinatay ng anak dahil nairita, Amang minartilyo dahil sa sermon. Nakakalungkot. Nakakawindang.

Ang mas nakabibigla madalas na ring hindi nahuhuli ang mga may sala; mga salarin. Walang naparurusahan, walang katarungan. May pagkakataong nangingibabaw ang kasamaan laban sa kabutihan, may pagkakataong pera ang matimbang kaysa hustisya, may pagkakataong ang mga may kapangyarihan ang siyang batas, ang mga may impluwensiya ang pinapanigan kaysa ang biktima. At minsan naman, hindi kumikilos ang batas kung walang padulas. Kung masawi man tayong lahat na mahanap ang mailap na katarungang ito dito sa lupa asahan natin ang pantay na hustisya ang igagawad sa kabilang mundo. Kaya para sa akin at sa maraming biktima ng lipunan sasabihin ko: Hindi pwedeng walang Diyos.

Dahil kung walang Diyos napakaswerte naman ng mga taong yumaman dahil sa panggigipit, pangungurakot o pagnanakaw...Paano na lamang ang ika-walong utos?

Paano na lamang ang hustisya sa mga biktima ng katulad ng Maguindanao Massacre o nang walang naparusahang Vizconde Massacre o ng iba pang karumal-dumal na massacre?

Paano na lamang ang hustisya sa mga biktima ng katulad ni Givengrace na matapos halayin ay wala pang awang pinaslang?

Sino na lang ang mananagot sa mga sanggol na anghel na walang dalawang-isip na kinitil ang buhay at sapilitang ipinalaglag?

Paano na lamang ang hustisya sa mga bikitma ng libo-libong dinukot tulad nina Bubby Dacer o Jonas Burgos, na biglang nawala at 'di na muling nakita?

Sino na lamang ang maghahabol sa mga taong matagumpay na nakapagkubli sa batas ng tao na utak sa pagpaslang sa katulad na krimen ng pagpatay kay Ninoy?

Sino ang uusig sa mga bayaring kriminal na hindi nagdadalawang-isip na pumatay sa ngalan ng pera katulad ng ginawa nila kay Augustus Cesar na opisyal ng PUP?

Kanino hihihingi ng matinong katarungan ang mga biktima ng panghahalay at panggagahasa? Lalo't higit ang iba rito'y mga walang muwang na paslit.

Sino ang kayang maggawad ng katarungan sa mga nagtutulak ng droga na lumalason sa isipan ng mga tao?

Paano na ang paghahanap ng hustisya ng mga biktima ng karahasan na pasimpleng natakasan ang makupad at mahinang batas ng tao?

Sino ang magbigigay hustisya sa mga taong dagliang kinitil ang buhay sa simpleng dahilan o walang kadahilanan?

Sino ang magpapataw ng katarungan sa mga makapangyarihang Husgado na pinapaboran ang maiimpluwensya't mayayaman sa halip na ipatupad ang patas na batas?

Sino ang maggagawad ng hustisya sa mga rebelde ng lipunan na umaastang may mabuting ipinaglalaban subalit ang layon pala'y maghasik ng takot at terorismo sa mga inosenteng nadadamay sa kanilang krimen?

Napakalaki na ng butas ng batas ng tao; ang ngipin nito'y tila unti-unti nang nalalagas. Ang simbolo ng hustisya ay nakapiring ngunit tila salapi ang ginawang panakip sa paningin. Ang timbangan ng katarungan ay animo kumikiling at pumapabor sa may kapangyarihan. Tsk tsk. Napakarami na ang nabubulag sa kislap ng pera. Ginagago na rin tayo ng mas matatalinong nasa pwesto. At tila nalulukuban na ng masasamang ispiritu ang mga taong gumagawa ng ganitong nakakahindik na krimen; ang iba'y kilala mo at ang iba nama'y nakatago. Kung marami na silang gumagawa ng krimen sa kapwa tao o sa kalikasan dalangin nating sila'y tumigil at kung maaari'y maparusahan. Ang Diyos ay mapagpatawad sa mga taong taos na humihiling nito. Inuulit ko hindi ako malinis, hindi ako nagmamalinis, hindi ako mabait pero pinipilit kong magpakabait pero sa maraming pagkakataon bigo ako. Gayunpaman, ayokong lumangoy at malunod sa dagat nang lumalagablab na apoy; kung dito pa lang sa lupa ay nakakapaso na init na ang nararanasan tuwing tag-init, sigurado ako higit pa ito sa iniisip mo.

Tulad mo ako'y nangangarap din ng payapang mundo dahil tila hindi ko na ito makakamit sa ating mundo dito. Pero para sa mga taong nag-astang demonyo dito sa lupa dapat lang siguro na pagbayaran nila ang lahat ng kanilang kawalanghiyaang ginawa upang maging ganap ang katarungan sa kanilang naging biktima. At para sa'kin hindi pwedeng langit, hindi pwedeng walang impiyerno, hindi pwedeng walang Diyos.


PAUNAWA: ANG INYONG NABASA AY PANANAW LAMANG NG MAY AKDA. KUNG NAAPEKTUHAN MAN KAYO NG AKING PANANAW AT PANINIWALA AY 'DI ITO SINASADYA. ANG DIYOS AY HINDI DIYOS NG PAGHIHIGANTI KUNDI DIYOS NG PAGPAPATAWAD, PAG-IBIG AT PAGMAMAHAL NGUNIT NASASAAD DIN NAMAN NA ANG MAKASALANAN AY MAGBABAYAD NG KANYANG MGA PAGKAKASALA. KUNG ANO MAN ANG AKING NAGAWANG PAGKAKAMALI AT PAGKAKASALA ALAM KO MAYROON DIN ITONG KAPARUSAHAN.



No comments:

Post a Comment