Bihirang-bihira lang tayo
makaranas ng matitinong pelikula, 'yung pelikulang maaari mong tawaging sining
at maaari mong ipagmalaki saan mang film festival mo ito ilahok.
At kung sakaling mayroong
ganitong klase ng palabas sa sinehan, nakalulungkot na madalang naman ang
suportang ibinibigay ng mga pilipino sa ganitong klase ng pelikula. Kadalasan
pa nga ang mga ganitong matitinong pelikulang ginawa ng mga producer, writer at
director na may tunay na pagmamahal sa sining ay mas naa-appreciate pa ng mga
kritiko sa ibang bansa. At 'pag nabigyan na ng karangalan sa International Film
Festival, isa-isa nang maglalabasan ang magki-claim na proud (daw) silang
maging Filipino -- isang kaplastikan, isa na namang pagpapanggap.
'Pag walang saysay ang isang
pelikula mananawagan ang iba na (kunwari) 'wag manood sa ganitong uri ng basura
pero kung mayroon namang matinong pelikula kulang naman ang marami sa
ipinapakitang suporta. Tila wala tayong consistency at pinipili lang natin ang
gusto nating purihin para tayo'y papurihan.
Bawat pelikula ng Star
Cinema (OA na komedya man ito o tungkol sa walang pagkasawang tema ng
pangangalunya, pabebe love story man ito o gasgas na kuwento ng katatakutan na
hindi naman nakakatakot) ay tumatabo ng mahigit ng isandaang milyong piso sa
takilya. 'Wag na lang nating sabihing walang sining sa likod ng mga nalikhang
pelikulang ito, 'wag na lang nating sabihing basura ang pagkakagawa ng mga
pelikulang ito, 'wag na lang nating sabihing hindi pinag-isipan ang mga istorya
nito. Nakakalungkot lang kasi na marami na nga tayong ganoong uri ng pelikula
hindi pa ito natutumbasan ng maayos-ayos namang palabas; kahit isa man lang
matino sa bawat sampung pelikula ay sapat na siguro para sa ngalan ng totoong
sining at para sa kapakanan ng pilipinong tinatanga, ginugutom at inuuuhaw sa
ganitong uri ng programa at palabas.
Ang mga tao sa likod ng mga
pelikula nina Vice Ganda, Kim Chiu, Daniel Padilla at iba pa ay hindi mo
pwedeng sabihing walang utak at hindi nag-iisip, dahil ang katotohanan ay
matataas ang kanilang edukasyon at pinag-aralan na may kinalaman at kaugnayan
sa film making at creative writing -- nagkataon lang kasi na ang pelikulang
kanilang ginagawa ang karaniwang gusto ng nakararaming masa. Kumbaga kung ano
ang hinihiling 'yun ang ibinibigay. At kung gagawa nga naman sila ng matinong
pelikula may manonod ba? Kikita ba ito ng mahigit sa isandaang milyong piso?
Sisikat ba ng husto ang mga bidang artista dito? Mamahalin ba sa sila ng masa?
Nakakadismaya lang na silang
may kakayahan at may kapangyarihan na mga nasa industriya ng pelikula ay
nagpapalamon sa kinagisnang sistema. Ang tanong: kailangan ba na palaging pera
ang motibasyon sa paggawa ng programa at pelikula?
Sa kabila nang
naghihingalong industriya ng pelikula at sining dito sa atin tila
nakakamanghang malaman na mayroon pa ring (mga) producer na pursigidong
mamuhunan at sumugal para sa isang matino, matalino, makasaysayan at
pinag-isipan nang hustong pelikulang tulad ng 'Heneral Luna'.
Ang tanong sa 'Luna': Bayan
o Sarili?
Walang pag-aalinlangang
Bayan ang sagot pero kaya ba nating pangatawanan ito gaya ng ginawang
sakripisyo ng katulad ni Heneral Antonio Luna? Baka hanggang salita lang tayo,
baka matapang lang tayo sa social media, baka magtaksil ka rin sa bayan gaya ng
pagtataksil ng maraming pilipino noong panahon ng una at ikalawang giyera.
Sa nakikita nating ugali,
asal at gawi ng bagong henerasyon ng kabataan ngayon tila iba ang nakikita at
namamasid nating kanilang ipinaglalaban; handa silang makipagmurahan,
makipaglaitan at magbanta para sa kanilang dinidiyos na mga idolo o para sa
higanteng istasyon ng telebisyong nakikinabang sa kanila.
Si Heneral Luna ay
ipinaglaban ang kalayaan ng kanyang Inang-Bayan samantalang ang bagong
henerasyon ng kabataan ay ipinaglalaban ang kanilang mga idolong nagpapakilig
sa kanilang kalamnan.
Saan ba nagkulang si Heneral
Luna at ating mga bayani?
Nagkamali ba Si Dr. Jose
Rizal nang sabihin niyang ang kabataan ang pag-asa ng bayan?
Sa kalayaang tinatamasa ng
ating bayan hindi naman natin kailangan ng karagdagang bayani, ang kailangan
lang natin ay disiplina sa ating mga sarili.
Sining o pera?
Sa komersiyalismong
sumasakop sa industriya ng musika, telebisyon at pelikula tila hindi na
kailangan pang sagutin ang tanong na 'yan. Kung talagang may pagpapahalaga at
wagas ang pagmamahal ng mga producer ng pelikulang pilipino, telebisyon at
musika sa sining -- mas marami pa sana tayong napapanood at naririnig na may
saysay na kanta, programa at pelikula. Pero hindi e, dahil mas matimbang na nga
ang pera sa halos lahat ng bagay dito sa mundo tila (halos) wala nang pakialam
ang lahat sa halaga ng sining. Bukod sa komersiyalismo idagdag pa natin ang
mentalidad ng kolonyalismo, saan na kaya patungo ang industriyang ito? Oo ang
mga industriyang ito'y kailangan ng pera para patuloy na manatili pero kung
kanilang gugustuhin maaari namang makalikha ng sining na hindi kailangang
malugi.
Gusto kong mangarap na ang
pelikulang 'Heneral Luna' ay ang magiging ehemplo at susi sa panunumbalik ng
matitino at de-kalidad na pelikula sa bansa. Gustong-gusto ko.
Humigit-kumulang isandaang
milyong piso ang budget nito para mapaganda at magmukhang makakatotohanan ang
bawat eksena ng naturang pelikula -- malaking halagang mawawala at malulugi
kung sakaling hindi ito tumabo at pumatok sa takilya. Sa unang mga araw nang
pagpapalabas ng 'Heneral Luna' sa sinehan nag-abiso ang pamunuhan nito na
ipu-pull out na ang pelikula dahil sa mababang benta ng tiket at upang magbigay
daan sa mas malalaki, mas siguradong hit na pelikula ng Hollywood -- ito ay sa
kabila ng limampung porsiyentong diskuwento sa tiket para sa mga estudyante.
'Pag sinabing estudyante
sila ay ang mga kabataang pag-asa umano ng bayan. Sila ang balang-araw ay
papanday sa ekonomiya ng bansa at magiging lider ng masalimuot na mundo ng
pulitika. Hindi deserve ng 'Heneral Luna' na kalahati lang ang ibayad natin sa
pelikulang ito dahil sa makatotohanan, husay, pulido at world class na
pagkakagawa nito pero dahil nais ng mga producer ng pelikula na mas maunawaan
at mas makilala nang malaliman ng mga kabataan ang karakter na si Antonio Luna
at iba pang may kinalaman sa istorya ng kanyang buhay -- nagbigay sila ng
malaking diskuwento.
Hindi ba't nakakagago lang
kung iisipin na ang lahat ay willing na magbayad ng halos dalawandaang piso
para sa mga pelikulang tulad ng 'Praybeyt Benjamin', 'Sisterakas', 'Girl, Boy,
Bakla Tomboy', 'Enteng Kabisote', 'Pagpag' at iba pa pero sa makasaysayan at
makabuluhang pelikulang 'Heneral Luna' ay tila hindi pa ito masuportahan, ito
ay sa kabila ng discounted na ticket price nito.
Dahil sa maganda at
positibong feedback, 'ingay' at panawagan ng maraming netizen na panoorin ang
obrang 'Luna' napuwersa ang mga theater management na huwag munang i-pull out
ang naturang pelikula at sa ikalawang linggo ay medyo nakabawi ang mga producer
nito; tumaas ang ticket sales ng pelikula, dumami ang nanood at naging
interesado kung ano ang mayroon sa 'Heneral Luna'. Salamat at naabot na ng
pelikula ang isandaang milyong pisong kita. At isa pang magandang balita, ang
pelikulang 'Heneral Luna' ang kinatawan ng bansa para sa Oscar's sa susunod na
taon.
Kamakailan nag-trend sa
Twitter ang isang post tungkol sa pelikulang Heneral Luna; may isa raw
kabataang manonood ang narinig niyang nagtanong na kung bakit daw sa buong
durasyon ng palabas ay nakaupo lang si Apolinario Mabini (Epi Quizon).
Nakakatawang nakakainis lang na ang mga kabataang ito ay mas kabisado pa ang
mga kanta ni Beyoce at Justin Bieber, alam ang dahilan ng paglisan ni Zayn
Malik sa grupong One Direction at kilala ang bawat miyembro ng hinahangaang
K-pop group pero mga mangmang at wala namang alam sa maliit na detalye sa isang
bahagi ng kasaysayan.
Hindi man mabago ang iyong
pananaw sa panonood ng pelikulang 'Heneral Luna', hindi man direktang maiba ang
ibang aspekto ng iyong buhay -- makaka-relate ka naman sa maraming eksena ng
obra-maestrang ito at mari-realize mong ang mga pilipino'y tila hindi nagbago.
Na ang mga pilipino'y sadyang kulang sa pagkakaisa. Na may mga pilipinong may
pagka-traidor sa kanya mismong bansa. Na may mga pilipinong pinahahalagan ang
sariling interes kaysa sa interes ng kanyang nakararaming kababayan.
Habang may mga taong gustong
lumaya marami naman ang gustong magpasakop sa banyaga.
Habang may mga polisiya na
dapat ipatupad para sa layuning pagkakaisa, may mga ayaw namang magpasakop sa
umiiral na batas.
Habang may mga bayaning
handang ibuwis ang buhay para sa bayan, may mga pilipino namang pipigil at
kikitil sa kadakilaan ng hangaring ito.
Ang karakter sa pelikulang
'Heneral Luna' ay nasawi at nabigo at ang kanyang istorya'y nauwi sa malungkot
at masaklap na trahedya. At gaya ng pelikulang 'Heneral Luna' tila kabiguan at
trahedya rin ang kinasasadlakan ng bansang kanyang ipinaglaban. Ito ay sa
kabila ng mahigit isandaang taong kasarinlan at kalayaang ating tinatamasa.
At patuloy tayong malulugmok sa kabiguan at trahedyang ito hangga't pinipili at inuuna natin ang ating
sariling interes kaysa ang kapakanan ng bayan.