Monday, September 14, 2015

Reunion II





December 6, 2014. 6PM
Eksakto lang sa oras ang dating ko sa venue ng Get Together ng Marcelo Del Pilar HS Batch 94.
Kaunti lang ang customer ng restaurant. Siguro dahil medyo nakakatamad ang panahon -- maulan kasi, idagdag pang may kalamigan ang klima. Ngunit sa kabila nito alam kong hindi ang mga ito lang ang pipigil sa batch para um-attend sa naka-schedule na mini-reunion. Sila pa na matagal na hinintay at inabangan ang espesyal na araw na ito.


Walang pasok sa opisina namin kung Sabado pero pumasok ako.
Araw 'yon ng aking pahinga pero okay lang sa'kin na ipagpaliban ko ito.
Kahit may kalayuan ang Bulacan sa Max's 10th Avenue, Caloocan walang problema sa 'kin 'yon.
Dahil tulad ng maraming aattend sa event na ito, may kanya-kanya ring silang sakripisyo.


Bitbit ko ang paperbag na may lamang pang-exchange gift at kakarampot na lakas ng loob na may halong kapal ng mukha dahil sa ako ang naatasang gumawa at magbigay ng opening remarks sa batch. Hindi ako sanay na humarap at magsalita sa harap ng maraming tao pero teka sino ba ako para tumanggi? Ano ba naman kontribusyon kumpara sa partisipasyon ng iba? Sa edad kong ito -- wala akong karapatang mag-inarte. Siguro ituturing ko na lang na isang pribelehiyo ang gagawin kong ito.


'Yung totoo, hindi ako komportable sa ganitong klase ng pagtitipon, sa katunayan sa ilang ulit na mini-reunion o get-together ng batch - ito pa lang ang aking ikalawa.
May kaunting pangamba na naglalaro sa aking isip, mga pangambang alam kong nilikha lang ng pagiging paranoid ko. Iniisip kong baka ma-out of place ako o baka mabored lang ako at baka hindi ko maenjoy ang gabing ito. Wala kasi akong naging close ng husto noong nag-aaral pa ako sa Del Pilar. Sabi nila, introvert daw ang tawag dun. Ewan ko. Introvert na kung introvert pero kaya nga ako nagtungo rito para makisaya, makipagkwentuhan at para muling buksan ang nakaawang na pinto ng pagkakaibigan.


Sa third floor ang event pero sa ground floor pa lang ng building ay dinig na ang bahagyang dagundong ng bass speaker mula sa itaas kung saan ginaganap ang party-party. Kung ano ang tahimik at payapa ng mga nasa ground floor ay sigurado akong sobra naman ang ingay at gulo ng mga nilalang na nasa ikatlong palapag. Maingay hindi lang marahil sa tunog na nanggagaling mula sa subwoofer speaker kundi mula sa mga halakhak ng mga taong panandaliang babalikan ang kanilang kabataan.


"Sa third floor ser!" sabi ng isang waiter sa'kin na nagbukas sa akin ng pinto kahit wala pa akong tinatanong sa kanya kung saang floor ang event. Hindi na nga siguro maitatago pa ang edad ko sa kanya dahil alam na niyang sa 'Get Together' ng Batch 94 ang aking destinasyon.
Habang papaakyat ang elevator ay pilit kong ikinukubli ang aking kaba at ngiti.
Kaba dahil ano ba ang dapat kong asahan sa okasyong ito?
Ngiti dahil mula sa aking kinalalagyan ay dinig ko ang musikang aking pinakikinggan sa tuwing araw ng Biyernes, mga kantang nagpapaalala sa akin na minsan akong naging bata: Music from the 80's!

Bago pa makarating ng 3rd floor ang elevator na sinasakayan ko'y saglit kong ipinikita ang aking mata. At sabay sa pagbukas ng pinto ng elevator ay ang aking pagdilat. Bumalik ako sa pagkabata.


Marami na ang nasa loob.
Kahit saan ko idako ang mga mata ko'y larawan ng kasiyahan ang aking nakikita. Hindi mga 30+ years old na kalalakihan at kababaihan ang nasa harapan ko kundi mga kabataang nagtatawanan at nagkakatuwaan.
Gusto kong ituring na Time Warp o Time Machine ang anumang reunion -- malaki man ito o maliit. Gaya ng pagtitipong ito, gaya ng nararamdaman ng bawat isang naririto. Ano pa nga bang mas sasaya sa alaala ng iyong kabataan?
Ano pa nga bang mas nakakatuwa kung muli mong makita ang dating mga kaibigan?
Sino lang ba ang tanging makakarelate sa mga walang kwentang mga kwentuhan?
Sino nga ba ang makakaunawa kung sa sandaling ganito'y lumabas ang iyong mga kalokohan?


Komportable akong nakaupo sa isang upuang tanaw ang halos lahat ng mga naroroon. Pilit na nililibang ang sarili sa larong Candy Crush sa Tablet habang bukas ang isip at pandinig sa nangyayari sa paligid.
Napupuno ang lugar nang malalakas na tawanan at walang katapusang kumustahan mula sa dating magkakaibigang tila pilit na pinatatanda ng panahon. Sumasabay sa kanilang mga boses ang ayaw paawat at nag-aanyaya nang sayaw na pop at new wave songs na umaalingawngaw sa bawat sulok ng paligid na tila nagsasabing: "Hoy pansinin mo naman ako! Pakinggan mo naman ako! Sumayaw ka naman! Hindi ba gustong-gusto mo ako dati?"


Akala ko'y nalilibang ako sa paglalaro ko ng Candy Crush pero hindi pala. Dahil mas nalilibang ako sa katitingin at kahuhula kung sino 'yung tumawa ng malakas o kung sino 'yung may matamis na ngiti, kung sino 'yung maingay at magulo, kung sino 'yung aligaga sa pag-aasikaso sa lahat at kung sino ang dumarating sa pagbukas ng pinto. Para akong estudyanteng naatasan ng Teacher na isulat at ilista ang mga magugulo at maiingay sa klase.

Tila may sariling isip ang aking labi -- napangiti na rin ako.

Itinigil ko ang paglalaro ng Candy Crush at ako'y nakipagkwentuhan sa mga naroroon. Nagbabakasali ring makakalap ng kwentong  maisusulat sa blog. Ngunit higit pa pala sa kwento ang makukuha ko. Kwentong hindi lang dapat na pakinggan kundi mas dapat na intindihin at unawain. Kwentong hindi na kailangang isulat at muli pang ikwento kundi mas dapat na manatiling lihim at sikreto.
At sa likod ng dramarama sa mga kwentong ito ay naroroon pa rin ang kanilang harot, halakhak at kasiyahan.


Maya-maya pa'y nadagdagan pa ang ingay sa paligid dahil sa halos sabay-sabay na pagdating ng mga kabatch. May kanya-kanya silang ngiting baon -- mga ngiting pwedeng gawing poster ads ng commercial ng Close-Up o Hapee Toothpaste.
Sa pagdami ng mga tao, hudyat na ito na kaunting sandali na lang ay mag-uumpisa na ang event.


Ilang minuto pa'y nagsimula na nga ng programa.
Sinimulan ito sa isang maiksing panalangin, candle lighting, kaunting speech at sa inihanda kong three pages na opening remarks. Makalipas ang humigit-kumulang limang minutong pagbabasa na may kahalong nerbiyos at kapal ng apog natapos din sa wakas ang aking napahabang speech. Kahit hindi naman interesado ang iba sa aking pinagsasabi - masaya na rin akong naging bahagi ako at ang aking sinulat ng mahalagang okasyong ito.


Gaya ng inaasahan naging masaya ang lahat hindi lang dahil sa maharot na host ng event kundi dahil na rin sa inihandang parlor games, kabi-kabilang picture taking, exchange gifts at sa bonggang paraffle na ang grand prize ay tumataginting na php5,000.
Nabusog din ang lahat dahil ang pagkain ay hindi tinipid. May mga kabatch na nag-volunteer na mag-sponsor ng malamig na beer para sa mas makulit at mahaba-habang inuman. Dahil sa kalaliman ng gabi at sa layo ng aking uuwian nagpasya akong magpaalam kasama ng iba pa. Masaya akong uuwi katulad ng maraming pumarito.

Bagama't hindi man lang nabunot ang pangalan ko sa raffle mag-uuwi naman ako ng masayang alaalang higit pa sa isang papremyo.

- - - - - -
Sa pagtatakda ng ganitong klase ng School Reunion o Get Together sana'y 'wag tayong magdalawang-isip na magparticipate, makibahagi, makisaya at dumalo dahil ang kasiyahang dulot nito ay maghahatid ng kasiyahan, kasiyahang magiging bahagi ng ating nakaraan na walang katulad.
Isang alaalang hindi matutumbasan ng kung anupaman, alaalang paulit-ulit na magpapaalala sa ating lahat na masarap pa ring kasama at kakwentuhan ang mga taong kasabay nating mangarap noon.

Tunay nga na ang ganitong muling pagsasama-sama ang magbabalik sa ating kabataan.

Kahit sa alaala na lang. Kahit minsan lang. :)

No comments:

Post a Comment