Monday, August 24, 2015

#Balikbayan Box


Trending sa lahat ng social media platform (hindi ang aldub) ang isyu tungkol sa Balikbayan Boxes na pinadadala ng ating mga kababayang OFW na kung tawagin ng gobyerno ay Bagong Bayani pero hindi naman bayani kung kanilang ituring.


Tinatayang aabot sa 12 milyon ang OFW na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo at kung susumahin ang kanilang remittances taon-taon, tinatayang mahigit ito sa US$21 bilyon. Ibig sabihin, ang OFW’s ay may napakalaking role na ginagampanan para sabihing ang ekonomiya ng bansang Pilipinas ay sumisipa pa at may ipinagyayabang pa.


Ang malaking bilang na ito (12 milyon) na ating mga kababayan ay nagsisikap, nagtitiis, nagpapaalipin, nagpapaalila, nagtitiyaga, nagtitipid para sa kinabukasan ng kani-kanilang pamilya para sa isang pangarap.
Isa sa munting paraan nila ng pagpapakita ng pagmamahal sa pamilya ay ang pagpapadala nila ng iba’t ibang mga gamit (ilan sa mga ito’y pinaglumaan na ng kanilang amo) karaniwan nilang pinapadala ay mga damit, toiletries, noodles, tsokolate, cellphone, gadgets, bags, sapatos, etc. at ang mga ito ay ilalagay nila sa isang hindi kalakihang karton na kung tawagin ay: Balikbayan Box.


Uminit at pumutok ang isyu dahil ang mismong commissioner ng Customs ang nagsabing iinspeksiyunin, hihigpitan at (kung maaari’y) bubuwisan nila ang laman ng mga kahong ito. Dahil (daw) sa mga kadahilanang ito:



Una, nawawala raw sa gobyerno ay mahigit Php60 milyong halaga ng buwis.

• Hindi ang mga padala ng OFW ang dapat nilang maging source ng pagkakakitaan dahil ang BOC ay kumikita ng average na Php31Bilyon kada buwan o humigit-kumulang sa isa’t kalahating bilyong piso kada buwan. Anong lohika meron ang BOC bakit ang mga pipitsuging laman ng balikbayan boxes ang kanilang pinagdidiskitahan?

 
Pangalawa, nagiging source daw ng technical smuggling ang laman ng balikbayan box.


• Mayroon ngang mga kaso na ang isang balikbayan box ay may lamang iligal o kontrabando pero ang mga ganito ay ‘isolated cases’ lang at kung ikukumpara mo ito sa marami at talamak na kaso ng pag-aangkat ng luxury cars, fireworks, ukay-ukay, at agricultural products na walang permits tulad ng bigas, bawang, sibuyas, gulay etc. ay parang patak lang ito ng tubig sa gabundok na yelo. 


• Totoong may karapatan ang BOC na buksan ang balikbayan box (nakasaad ito sa CMO 79-90/ 3.3.1) pero makatuwiran bang halughugin at bulatlatin ang isang kahon kung wala naman itong derogatory information? Ano ang silbi ng multi-milyong piso na halaga ng X-ray Machines kung kinakailangan din pala nang mano-manong inspeksiyon? 


Sa mga pagkakataong nababawasan, nabubulok o tuluyang nawawala ang laman ng isang balikbayan box, may nagawa bang paraan ang BOC para mahuli, masugpo o masakote ang mga sangkot dito?
Maganda sana ang layunin ng Adwana pero maganda ba ang kanilang sistema?
May nakasuhan at nakulong bang freight forwarder/NVOCC o customs employee dahil sa pagsalaula ng mga balikbayan boxes?



Sa kasalukuyang halaga ng piso, mas dapat pa ngang taasan ang limit ng halaga na US500 kada kahon, mas dapat pang dagdagan ang limit na isang beses kada anim na buwan. Pakonsuwelo na lang sana ito sa mga bagong bayaning nagtataas ng credit ranking ng bansang ito sa World Bank, pampalubag-loob sa mga bagong bayaning nagtitiis sa ibang bansa dahil ang kanya mismong bansa’y walang maiaalok na trabahong magtutustos sa pangangailangan ng kanyang kaawa-awang pamilya.


Ang balikbayan box ay parang isang love letter ng isang manliligaw sa kanyang nililiyag, puno ito ng pag-ibig at pagmamahal. 

Hindi lang basta gamit o pagkain ang nakapaloob sa kahong ito dahil kalakip nito ay isang hindi matatawarang pagmamahal na higit pa sa kayang sabihin ng mga salita. Ilang mga buwan ang bibilangin bago makapuno ng isang payak na balikbayan box,
ilang pakiusap sa amo na ibigay na lang sa kanya ang gamit na lotion o pabango,
ilang gabing pagpupuyat ang kinailangan para makabili ng cellphone na hiniling ng bunso,
ilang pag-skip sa lunch o dinner ang kinailangan para may maibiling damit ang nagdadalagang panganay.
 


Kaya napakahirap para sa ating isipin kung papaano nila naaatim
na bawasan ng ilang piraso ang tsokolate,
na kupitin ang ilang magagandang mga damit,
na agawin ang isang cute na manika,
na ipalaro sa kanilang anak ang nakaw na laruan,
na kotongan ang akala nilang mamahaling gadget,
na arborin ang pinaglumaang shoulder bag.
Wala ba silang mga pambili?!



Ang balikbayan box ay hindi lang basta kahon.
Ang laman nito’y sampung porsiyentong kagamitan at siyamnapung porsiyentong pagmamahal.

At sa bawat pirasong kagamitang nakapaloob dito na nawawala, nababawasan, nasisira o nabubulok dahil sa kagahamanan ng maraming kawani ng Adwana na walang awa, walanghiya at walang paggalang sa ating mga bagong bayani (kuno) ay para na rin nilang inaagawan ng kaligayahan ang pamilyang dapat sana’y nakakatanggap ng simpleng mga bagay na ito, na katumbas sa kanila’y labis na kasiyahan.

Thursday, August 13, 2015

Guni-guni

At ang lahat ay magyayabang na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay. 
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop. 
Kung papaano umasenso mula sa kawalan. 
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos. 
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain. 

At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman' 
kahit paulit-ulit na lokohin, 
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling, 
kahit paulit-ulit ang pangako.

Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman? Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka? Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila? Pera, talino at kapangyarihan.
Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim. 


Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi? Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.

May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil
sa pagkadismaya sa mundo,
sa sarili,
sa tadhana at doon sa nasa Itaas.

Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi. Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan? Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.
Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
Mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka,
sinadya mo man o hindi gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.

Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa. Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitiwan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas.
Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa
o lupaypay sa tambak na problema
o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.

Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing kasama ang syota,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.

Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan. Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat.
Kahit ang pasasalamat.

Paano kung ang rapture ay sa isang linggo?
O bukas?
O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi? Mainit daw doon.
Ewan.
Bahala na.

Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan... Madami.
Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa.
Pare-pareho ang katuwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko.
Ikaw rin.
At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.
Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao,
ng masama at mabuti,
ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal,
ng pagmamagaling at
ng kasakiman,
karamdamang walang lunas,
walang medisina. 


May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano'y) naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan. Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan,
ang prediksyong bulaan,
parang maligno na maghahasik ng lagim,
ng sindak,
ng takot.
Sa lahat.
Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.
At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax',
ng panggagago,
ng pang-uuto sa mga tao.
Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating.
Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan,
lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan,
lalo't may kasamang pangsuhol na bigas
o de-lata
o noodles
o tatlong daang piso
o rosaryo na may letrang B.
Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.

'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Ampatwan, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan. Ah, muntik ko nang malimutan ang VP na may maitim na balak. Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan. Marami pa sila.
Hindi na mabilang dahil nagkukubli
sa ganda ng ngiti,
sa mabuting salita,
sa talumpati,
sa pagkalinga,
sa huwad na surbey,
sa pagiging makatao,
sa pagiging maka-Diyos.

Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.

Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot.
Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari.
Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.
Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman.
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng satirical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan.
Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi
scandal,
tsimis sa idolo,
kalibugan,
ang mga pabebe,
ang magnae-nae
at kahalayan.
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam.
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong
sa alak, 

sa droga rin,
sa kontrobersiya at
sa kababuyan.

Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos;
iiyakan,
ipaglalaban,
hahagilapin,
tutunguhin,
sasambahin.

Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani.
May respeto.
May dangal.
May karangalan.

Isa na lamang itong panaginip.
Isang guni-guni.

Thursday, August 6, 2015

Hindi Ako Si Popoy



Hindi ako si Popoy at batid kong hindi rin ikaw si Basha.
Pero ang istorya ng pag-ibig nila ang magiging inspirasyon natin para ang ating love story ay magkaroon ng masaya at magandang ending.
At kung pwede pa'y lampasan at hihigitan pa natin sila.
Na kahit lumipas man ang five years, ten, eleven, twelve thirteen, fourteen, at kahit matapos pa ang forever gusto ko sabihin sa 'yo na, sana tayo na lang. Sana tayo na lang ulit.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na naniniwalang kaya tao iniiwan ng mga taong mahal natin kasi baka may bagong dumating na mas okay, na mas mamahalin tayo, 'yung taong 'di tayo sasaktan at paaasahin, 'yung nag-iisang taong magtatama ng mali sa buhay natin, ng lahat ng mali sa buhay natin -- Ayokong umasa sa salitang baka.
Ayokong iwan ako ng taong mahal ko para lang umasa na baka may mas okay, baka mas mamahalin ako at baka ang bagong 'yon ang magtatama ng mga kamalian ko sa buhay. Baka. Baka. Baka.

Hindi ako si Popoy at alam kong hindi ikaw si Basha.
Pero kung sakaling magkasakitan tayo hinding-hindi ko hahayaan ang sarili ko na iwan ng taong pinakamamahal ko dahil ang salitang 'baka' ay walang kasiguruhan.
Ayokong dumating ang panahon na sa tuwing tumutugtog at napapakinggan ko ang kantang 'Nanghihinayang' ay maalala kita habang tumutulo ang aking luha dahil sa maling desisyong aking nagawa.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na manhid na tatanungin ang kanyang Basha kung ano bang problema.
Dahil hindi kailanman na ang tulad mo ay dapat na masaktan.
Na hindi mo kailangang magtiis sa kung anumang sakit na iyong nararamdaman.
Na sa bawat kasiyahang nararamdaman ko ay naroroon ka at kasama kita.
Na hindi mo kailangang umasa at sabihing, 'ako na lang, ako na lang ulit' dahil hindi ikaw si Basha na binalewala lang lahat ng masasayang alaala nila ni Popoy at hinding hindi mo maririnig sa akin ang panunumbat na 'she love me at my worst and you had me at my best' at alam kong you will not choose to break my heart. Ever.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na magtatanong nang, 'paano na tayo?'
Na sasagutin mo naman nang, 'wala na tayo'.
Dahil naniniwala akong hindi natin itatapon ang lahat, hindi natin hahayaang masayang ang ilang five years na ating pagsasama.
We already give more than five years of our lives at alam kong hindi pa 'yun sapat at kung pagmamalabis ang hilinging 'wag kang mawala sa buhay ko, so be it -- siguro nga I am asking for too much.
Hindi ikaw si Basha at ayokong marinig mula sa'yo na, 'How I wish I could turn back time, so I can fix all my mistakes'.
Dahil wala ka namang dapat balikan at wala kang dapat pagsisihan.
Hindi ako si Popoy at hindi ako kasing kisig ni Popoy pero ang lahat ay gagawin ko para masabi mong worth at deserving ako para sa 'yo at pagmamahal mo.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na minsa'y naging manhid sa nararamdaman ni Basha.
Na hindi alam kung siya'y nakakasakit na ng damdamin ng iba.
Na ang pagmamahal na kanyang binibigay ay nagiging sanhi na pala ng pagtitiis at tampo ni Basha.
Na dapat ay batid niya na minsan hindi sapat ang pag-ibig lang kundi dapat ay may kasama rin itong respeto at pagtitiwala.
Ngunit hindi naman ikaw si Basha na kahit hindi niya alam kung tama ang kanyang ginagawa ay magdedesisyon pa rin na dapat nang tapusin ang relasyon nila ni Popoy.
Gagawin ko ang lahat upang  hindi ko marinig mula sa'yo ang sagot na 'I'm so sorry' sa tanong na 'Mahal po ba ako?'

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na nawala sa katwiran ang pagiging seloso.
Na minsa'y nagpadala sa bugso ng panibughong damdamin at hindi binigyan ng pagkakataong maipaliwanag ang mahahalaga sanang sasabihin ni Basha.
Na dahil sa walang basehang pagseselos at pagdududa ay tumungo ang relasyon nila ni Basha sa hiwalayan.
At sa kabila ng kanilang pagmamahalan sa isa't isa at ng mga katagang 'Mahal na mahal kita' ay nadugtungan na ito ng mga salitang 'Ang sakit sakit na'.

Hindi ako si Popoy.
Hindi ako si Popoy na minsa'y naging madamot at naging insensitibo sa nararamdaman ni Basha.
Na tila huli na nang siya'y humingi ng kapatawaran sa lahat ng nagawa niyang kasalanan.
Na kahit alam niyang nakakasakit na siya ng damdamin ng iba ay mas inisip pa niya ang kanyang sarili, ang gusto niya lang, at ang kanyang nararamdaman.
Na hindi niya inalintana na kailangan na palang hanapin 'yung Basha na nawala, 'yung Basha na minahal niya sa umpisa pa lamang.


Hindi ako si Popoy at hindi ikaw si Basha.
Hindi tayo sa karakter sa isang kathang-isip na istorya.
Na ang love story nila ay isinapelikula at ngayon nga'y ginawa pang nobela.
Na ang love story nila ay pinagkaguluhan, hinangaan, iniyakan, kinakiligan ng marami at hindi malayong magkaroon pa ito nang isa pang karugtong.
Ngunit hindi gaya nang kuwento ng pag-iibigan nina Popoy at Basha -- ang love story nating dalawa ay hindi fiction at hindi likha ng imahinasyon.
Ang love story natin ay hindi kinakailangang hangaan ng marami.
Ayokong humingi ng 'One More Chance' dahil baka hindi ito mangyari.
Pero sa palagay ko'y sapat na ang unang pagkakataon.
Sapat na ang unang beses. Hindi na ito masasayang.
Hindi na natin kakailanganin ang second, third o fourth chances na 'yan.