Monday, September 1, 2014

Pista Kasi

Ang akdang ito ay para sa mga pilipinong patuloy na ipinagdiriwang ang kapistahan sa maluhong paraan dahil sa lamang sa pagsunod sa nakagawiang lumang tradisyong Pilipino.

"Sige kain lang kayo ng kain ha, pagkatapos ninyo diyan ipagbabalot kayo ni Mareng Lorie niyo ng maiuuwi." si Mang Caloy sa mga bisita.

"Lorie! Angelie! Pakiasikaso mo nga sila Mareng Juliet!" sigaw nito sa asawa at sa kanyang dalagitang anak.

Hindi magkandaugaga ang pamilya ni Mang Caloy sa pag-aasikaso sa kanilang mga bisita na tila hindi nauubos. Kakakaalis pa lang ng iba'y mayroon na agad kapalit, hindi na nga nila kilala minsan ang mga pumapasok at nakikikain sa kanilang bahay pero hindi sila nagdadalawang isip na alukin ang mga ito ng kanilang handa.

Pista kasi.
- - - - -

Sabado.
Abala ang mag-asawang Aling Lorie at Mang Caloy sa pamimili sa palengkeng bayan. Bitbit ni Mang Caloy ang dalawang malalaking bayong samantalang si Aling Lorie nama'y ilang plastik na sando bag ang tangan. Panay karne lang ang kanilang pinamili tulad ng manok, baboy, baka at mga panahog na magpapalasa sa kanilang lulutuing handa para sa kapistahan bukas.
Taon-taon ay ginagawa nila ito. Walang palya.
Tradisyon na kasi sa kanilang lugar ang maghanda para sa kaarawan ng pista. Malaki o maliit na bahay man sa kanilang baryo ay asahan mo nang may bongga at espesyal na handaan.
Makulay ang pista ng Patron ng Santisima Trinidad. Sa bisperas ng pista ay may Jamboree at patimpalak para sa pagkanta, pagsayaw at beauty contest ng mga bakla. May inimbitahan ding ilang hindi na gaanong sikat na artista at komedyante na hahatak at magpapasigla ng gabing iyon bago ang araw ng pista.

Linggo.
Abala ang pamilya ni Mang Caloy ng araw na iyon. Umaga pa lang ay marami-rami nang nailuto si Aling Lorie, katulong ang asawa at ang anak na si Angelie'y sinisigurado nilang masasarap ang iniluluto nilang mga putahe.
Nagsimulang umingay ang kanilang lugar bandang alas siyete ng umaga dahil sa rumurondang kombong may malalakas na tambol at mga nagsasayawang mga ati-atihan na gaya sa ati-atihan ng taga-Aklan tuwing may Festival doon. Ang handa nilang dalawang malaking kaldero ng kanin, walong putahe ng ulam at matatamis na panghimagas ay sapat na siguro upang makapagpakain ng halos dalawampung pamilya.
Sinisigurado nina Aling Lorie at Mang Caloy na busog ang kanilang bawat bisita at bukod dito ay may pabaon pa itong ilang supot ng ulam na iuuwi. Kung ano ang sayang babaunin ng kanilang bisita ay siya ring sayang namumutawi sa mukha ng mag-asawa habang ang kanilang anak na si Angelie ay mapapailing na lang. At kahit pagod sa dalawang araw na preparasyon ng pista ay wala kang maririnig na reklamo sa dalawa.

Pista kasi.

Lunes.
Abala ang mag-asawa kahit hindi pa ganap na sumisilay ang sikat ng araw. Pagkatapos magkape'y pumasada na si Mang Caloy ng kanyang tricycle samantalang si Aling Lorie naman ay nagtungo na sa isang maliit na supermarket sa kabilang bayan, cashier kasi siya doon. Ang kanilang mga espesyal na hinandang putahe kahapon hanggang sa kahuli-hulihan nitong patak ng sarsa ay naubos at walang natira kaya't nagkasya na lamang sila sa pag-inom ng mainit na kape at ilang piraso ng pandesal. Si Angelie naman ay naiwang mag-isa upang maglinis at mag-asikaso ng maruming bahay na kahapon lang ay dagsa ng mga tao.
Ang nakalulungkot dahil sa kagustuhan ng mag-asawang makibahagi sa kapistahan at sa pagsunod sa makalumang tradisyon kinailangan nilang umutang ng malaki-laking halaga upang makapaghanda at may maipakain para sa mga bisitang karamihan ay 'di naman nila kaanak at sa pakikiisa sa banal na selebrasyon ng patron ng kanilang lugar.
At ang malaking pagkakautang na ito ay kanilang huhulugan at babayaran sa susunod na anim na buwan, pagkakautang na dapat sana'y kanilang inipong pandagdag sa matrikula ni Angelie sa kolehiyo sa susunod na taon. Kahit nakararamdam sila ng malaking panghihinayang wala silang magawa.

Pista raw kasi.

1 comment:

  1. Reading this, na-miss ko bigla yung mga fiesta nung bata pa ko. Maingay, makulay, at bongga. Pero iba na ngayon, di na masyadong enjoy. Dahil kaya sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, o dahil sa tumanda na ako? *hmmm...*

    ReplyDelete