Monday, September 22, 2014

Delubyo





Dumating na nga ang panahon,
Na ang tubig ng dagat, ng ilog, ng lawa at ng sapa na nagbibigay buhay sa lahat ng uri ng nilalang ng Langit ngunit ating binalahura, tinuyo at ginawang singrungis ng burak --- ang siya ring tubig na ating iinumin at lulunod sa marumi at makasariling pag-iisip natin. Aanurin ng tubig na ito ang mga tao, bagay at hayop sa isang lugar na tatawagin nating delubyo.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang ang mga punongkahoy sa gubat na ating itinumba upang gawin nating barong-barong, mesa, silya, panggatong, paddle, toothpick o chopstick --- ang siya ring kahoy na hahambalos at hahampas sa ulo o sa katawan ng mga kaawa-awa niyang biktima hanggang sa tuluyan tayong magtanda at maniwala na ang kalikasan ay may kakayahang gumanti sa inosente o sinumang umaabuso at lumalapastangan sa kanya.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang mga mababangis na hayop sa gubat na tinanggalan natin ng karapatang mabuhay sa kanyang sariling tahanan ay matutulad sa na-extinct na mga dinosaur at magiging bahagi na lamang sila ng pahina sa mga libro o karakter sa mga pabulang kuwento. Ngunit ituturing pa rin ng tao na mabangis ang mga hayop na ito kahit batid natin na tayo ang kadahilanan kung bakit sila bumabangis at unti-unting naglalaho. Kahit ang katotohana'y, ang mga tao sa sibilisadong lungsod ang nararapat at dapat na ituring na pinakamabangis na hayop na nabuhay sa mundo.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang bukiring noo'y liglig sa gulay, prutas at palay na ngayo'y tinamnan na natin ng magagarang bahay o himlayan ng mararangyang bangkay o ng matatayog at dambuhalang mall --- ang siyang bukiring magpapa-alala sa kasaysayan na ang tao'y minsang pinagpala ng malulusog, iba-iba at napakaraming pagkain. Kung kailan huli na'y saka pa lang natin mapagtatanto na mas mahalaga palang mabusog muna ang ating sikmura kaysa mabusog ang mapanlinglang nating mga mata.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang malinis at sariwang hangin na ating nilalason sa ngalan ng modernisasyon, pag-usbong umano ng ekonomiya, industriya at transportasyon na tinatawag nating polusyon --- ang siya ring hanging ating lalanghapin at nanasok sa ating mga baga upang unti-unti niyang sakalin at pigilin ang ating kinakapos na hininga. Ipadarama at sasabihin niya sa lahat na kaya niyang ibalik at isumbat sa atin kung anong kababuyan ang ginawa natin sa kanya.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang kabundukang ating inabuso at kinalbo upang minahin ang ginto, pilak, bakal, kemikal, mineral at kung ano pang pwedeng pakinabangan ay walang pasintabing guguho patungo sa kapatagan upang maghasik at isambulat niya sa atin at sa iyo ang isang babala na may kapasidad siyang wakasan ang kasaysayan ng tao. Ililibing niya ang mga mahal sa buhay ng mga tao at mamumuhay ito sa ating isip na parang multo, kikitil siya ng napakaraming buhay at katulad nati'y walang irirespeto.


Bubuka ang lupa at para itong hayok na lalamunin ang sinuman. Walang sisinuhin. Walang pipiliin.

Magagalit ang bulkan, lalapnusin at susunugin niya ang tahanan ng mga tao. Inosente man o gahaman.

Ang alon ay hindi na lang mananatili sa dagat kundi hahampasin at tatangayin na rin niya ang mga nandoon sa kapatagan.

At mararamdaman nating lahat na marunong ngang magtanim ng galit ang kalikasan.

5 comments:

  1. Ngunit mistulang hindi na darating ang panahon na lalaya ang ating bansa mula sa kurapsyon. :(

    We lose the good things, while gaining the bad things.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kanina may kausap ako, nakakalungkot na hindi lang pala ako ang may pananaw na wala na ngang pag-asa ang Pilipinas kung korapsyon ang pag-uusapan. Dumating na sa estadong halos lahat na yata tayo ay nabubwisit na sa kalagayan ng ating bansa. Tsk tsk

      Delete
  2. Sumasang-ayon po ako sa sinabi niyo. Mahirap na pong alisin ang korapsyon sa ating bansa. Sa barangay level na nga lang po, very rampant na po ang korapsyon. Nakalulungkot ang nangyayari ngayon sa Pilipinas. Buti na lang po, marami pa rin ang may mabubuting loob, na ang tanging gusto ay mapagsilbihan at makatulong sa kapwa. Mahalaga pong maturuan ang susunod na mga henerasyon tungkol sa disiplina at pagiging makatao. Siguro po ay gawing unang hakbang ng DepEd ang pag-adopt ng kurikulum ng Pilipinas sa Japan. Very disciplined po ang mga tao dahil simula pa lang ay naikikintal na sa isip ng mga bata ang disiplina at good values.

    ReplyDelete
  3. Isa itong eye opener sa lahat. Napakahusay po ng pagkalapat mo ng mga salita kund paano mo ipinaramdam ang puso ng kalikasan. Mabuhay ka sir :)

    ReplyDelete
  4. Salamat mga sir, sa pagbisita at pagkomento!

    ReplyDelete