Tuesday, September 2, 2014

Pain In My Heart



Tuliro at lito.
Mag-isa at balisa.
Sa malungkot na silid na itong minsang naging saksi sa ating matamis na pagmamahalan.
Bantulot at lumilipad ang diwa patungo sa iyo at sa lahat ng masasayang alaalang ating pinagsaluhan.
Alaalang patuloy akong inaalila at inuulila.
Alaalang pilit ko mang iwan at kalimutan ay 'di ko magawa dahil bawat kilos, bawat bagay na aking nakikita ay nagpapaalala sa'yo at sa 'yong kagandahan, sa 'yong kabuuan at sa 'yong kahubdan.

Ang iyong ngiti. Ang iyong halakhak.
Ang iyong pagtangi kasama ng iyong pag-ibig. 
Na sa isang kurap ay nawala nang bigla.

Iglap. 
Sa 'di ko maunawaan at mahagilap na dahilan ay pinigtas mo ang bigkis na nagdudugtong sa ating pagmamahalan.
Madalas, kinakausap ko ang sarili --- nagtatanong kung bakit naging gano'n? Kung bakit sa ganito humantong?
Pinilit kong magpakatatag.
Pinigil ko ang luhang papatak.
Ngunit 'di ko nagawa.
Katulad nang pagkabigo ko sa'yo, nabigo rin akong pigilan ang luhang nagpupumilit na sumambulat.

'Di ko lang batid kung hanggang kailan ko ito kakayanin.

'Di ko lang alam kung hanggang saan ang aking mararating.

Maraming tanong ang kumukurot sa aking isipan --- mga tanong na hanggang ngayon ay wala pa ring tiyak na kasagutan. Ngunit nadagdagan pa ito simula nang bigla mo kong nilisan.
Naging balakid ang bulag na pagmamahal ko sa'yo kahit nararamdaman kong may pagbabago, naging sagabal ang namanhid kong damdamin para sa'yo na palaging nagugulumihanan.
Natakot akong magtanong.
Natakot ako na baka ang iyong tugon ay taliwas sa gusto kong kasagutan.
Ngunit hindi ko rin pala natakasan ang katotohanan.

Nabigla ako.

Hindi ko inasahan.

Hindi ko naiwasan.

Walang dahilan.

Ginagawa ko ang lahat upang ikaw'y malimutan, pilit na kinukumbinsi ang sarili na hindi ikaw ang nakatakda para sa akin at ang iyong paglayo ay makabubuti para sa ating dalawa. Ngunit ang anumang pagpipilit at pagtanggi ay lalo lang nagdadagdag sa naipon kong kamalian at kasinungalingan.
Iginugupo ako ng iyong alaalang ayaw akong iwan, alaalang 'di bumibitiw --- na hanggang ngayon ay nagmumulto sa aking kamalayan.
Mahal kita at ang pagwaglit sa anumang alaala mo'y 'di ko magawa at maisakatuparan tulad ng iyong pangakong sa matagal na panahon ay aking sinandigan at pinanghawakan.

Bilanggo ako sa selda ng iyong pag-ibig.
Bihag ako sa rehas ng iyong mga alaala.
Nakagapos ako sa tanikala ng iyong pagmamahal.

Sa taglay mong ganda at lambing hindi naging mahirap para sa akin na ikaw ay mahalin ngunit hindi pala madali ang ikaw ay ang limutin.

Hindi ganoon kadali. 

Hindi ganoon kabilis.

Ano ba ang naging mali? 

Ano ba ang pagkakamali?

Ayaw kong maniwala na wala ka na sa akin kahit alam kong wala ka na sa 'king piling.
Ayaw kong sabihing maramot ang tadhana kahit saglit ka lang niyang ipinagkaloob sa akin.
Ayaw kong banggiting malupit ang mundong ito kahit nararamdaman kong tampulan ako ng pagbibirong kayhirap tanggapin.

At kung ito nga'y panaginip ---- isa itong masamang panaginip na kabaligtaran sa nais kong mangyari.

Nakaukit ka sa aking mga alaala, habangbuhay.
Ikaw ang pintig sa bawat aking pagtibok, habang nabubuhay.
Ikaw ang kapayapaan sa mundong ito na napakaingay.


Hindi ko gustong alalahanin ang mga bagay na pinagsaluhan nating gawin.
Gusto kong kalimutan ang mga bagay na may kaugnayan sa atin.
Ayokong marinig ang mga kantang madalas nating awitin.
Sawa na akong maramdaman ang pighati at sakit ng nabigong pag-ibig natin.

Dahil bawat bagay na may kaugnayan sa 'yo at sa akin ay parang patalim na iuunday sa puso kong tila niyayapos ang dilim.


No comments:

Post a Comment