Monday, September 22, 2014

Delubyo





Dumating na nga ang panahon,
Na ang tubig ng dagat, ng ilog, ng lawa at ng sapa na nagbibigay buhay sa lahat ng uri ng nilalang ng Langit ngunit ating binalahura, tinuyo at ginawang singrungis ng burak --- ang siya ring tubig na ating iinumin at lulunod sa marumi at makasariling pag-iisip natin. Aanurin ng tubig na ito ang mga tao, bagay at hayop sa isang lugar na tatawagin nating delubyo.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang ang mga punongkahoy sa gubat na ating itinumba upang gawin nating barong-barong, mesa, silya, panggatong, paddle, toothpick o chopstick --- ang siya ring kahoy na hahambalos at hahampas sa ulo o sa katawan ng mga kaawa-awa niyang biktima hanggang sa tuluyan tayong magtanda at maniwala na ang kalikasan ay may kakayahang gumanti sa inosente o sinumang umaabuso at lumalapastangan sa kanya.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang mga mababangis na hayop sa gubat na tinanggalan natin ng karapatang mabuhay sa kanyang sariling tahanan ay matutulad sa na-extinct na mga dinosaur at magiging bahagi na lamang sila ng pahina sa mga libro o karakter sa mga pabulang kuwento. Ngunit ituturing pa rin ng tao na mabangis ang mga hayop na ito kahit batid natin na tayo ang kadahilanan kung bakit sila bumabangis at unti-unting naglalaho. Kahit ang katotohana'y, ang mga tao sa sibilisadong lungsod ang nararapat at dapat na ituring na pinakamabangis na hayop na nabuhay sa mundo.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang bukiring noo'y liglig sa gulay, prutas at palay na ngayo'y tinamnan na natin ng magagarang bahay o himlayan ng mararangyang bangkay o ng matatayog at dambuhalang mall --- ang siyang bukiring magpapa-alala sa kasaysayan na ang tao'y minsang pinagpala ng malulusog, iba-iba at napakaraming pagkain. Kung kailan huli na'y saka pa lang natin mapagtatanto na mas mahalaga palang mabusog muna ang ating sikmura kaysa mabusog ang mapanlinglang nating mga mata.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang malinis at sariwang hangin na ating nilalason sa ngalan ng modernisasyon, pag-usbong umano ng ekonomiya, industriya at transportasyon na tinatawag nating polusyon --- ang siya ring hanging ating lalanghapin at nanasok sa ating mga baga upang unti-unti niyang sakalin at pigilin ang ating kinakapos na hininga. Ipadarama at sasabihin niya sa lahat na kaya niyang ibalik at isumbat sa atin kung anong kababuyan ang ginawa natin sa kanya.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang kabundukang ating inabuso at kinalbo upang minahin ang ginto, pilak, bakal, kemikal, mineral at kung ano pang pwedeng pakinabangan ay walang pasintabing guguho patungo sa kapatagan upang maghasik at isambulat niya sa atin at sa iyo ang isang babala na may kapasidad siyang wakasan ang kasaysayan ng tao. Ililibing niya ang mga mahal sa buhay ng mga tao at mamumuhay ito sa ating isip na parang multo, kikitil siya ng napakaraming buhay at katulad nati'y walang irirespeto.


Bubuka ang lupa at para itong hayok na lalamunin ang sinuman. Walang sisinuhin. Walang pipiliin.

Magagalit ang bulkan, lalapnusin at susunugin niya ang tahanan ng mga tao. Inosente man o gahaman.

Ang alon ay hindi na lang mananatili sa dagat kundi hahampasin at tatangayin na rin niya ang mga nandoon sa kapatagan.

At mararamdaman nating lahat na marunong ngang magtanim ng galit ang kalikasan.

Monday, September 15, 2014

Dear Mayor Erap at Vice Isko




Dear Mayor Erap at Vice Isko,

Totoong naging kahanga-hanga kayo noong matagumpay pa kayong artista, pero ngayon kahit yata kapwa niyo artista ay 'di na humahanga sa inyo dahil sa malaking perwisyo at abala na ginawa ng inyong pamunuan na nakaapekto ng lubos sa marami.
Totoong maganda, makulay at matagumpay ang istorya ng inyong buhay at pelikula pero kung anong kulay, ganda at tagumpay ng inyong buhay ay siya namang saklap ng istorya ng Lungsod ng Maynila simula nang kayo ang nagtandem upang mamuno. 


Halos buong panahon ng aking buhay ay inilagi ko sa Lungsod ng Maynila --- magmula elementarya, sekondarya, kolehiyo hanggang sa ngayon kung saan ako nag-oopisina. Magmula sa sa panahon ni Lopez, Atienza, Lim hanggang sa ngayon na kayong dalawa na ang nakaupo sa trono ng kaharian ng Manila City Hall.
Pero iba ang pamamalakad ninyo sa pamumuno ng mga nauna. Ibang-iba. Dahil ngayon lang namin naranasan ang ganitong masikip na sitwasyon. Minsan kasi masdan, obserbahan at alalahanin niyo naman kalagayan naming motorista, negosyante at estudyante na nagnanais lang magkaroon ng matinong buhay, minsan unawaain niyo naman ang kalagayan ng mga taong naghahanapbuhay lang ng matino at parehas, minsan silipin niyo rin ang mga kalsada sa Maynila na araw-araw na lang ay parang pista ng Quiapo sa dami at nagsisiksikang tao at sasakyan,

Minsan sana maisip niyo na may mali sa inyong ipinapatupad na bagong-lumang sistema.


Natutuwa ba kayo na dumarami ang basura sa kalsada at patuloy na lumalala ang trapiko sa mga kalsada ng R-10, Abad Santos Ave., Recto Ave., Port Area, Bonifacio Ave., Bonifacio Drive, Roxas, Blvd., Rizal Ave., Quezon Blvd., Lawton, Binondo Area at marami pang lugar sa Maynila. Ang sitwasyon ng trapiko dito'y parang pila ng mga langgam na naghahagilap ng maiipon na pagkain bago sumapit ang tag-ulan.
Kung hindi ninyo ito alintana malamang ay pareho kayong sadista o masokista na natutuwa at nalilibang sa tuwing may nahihirapan.


Naiisip ko tuloy na buti pa 'yung saging may puso, 'yung MWSS may ginhawa, 'yung citizen may concerned, 'yung Coke may happiness, 'yung MERALCO may liwanag, 'yung gatas may progress --- e sa inyo kaya?

Siyanga pala, 'yung mga traffic enforcer na itinalaga ninyo sa mga lugar na nabanggit sa itaas ay parang mga tuod na nakatanghod lang na 'di ginagawa ang trabaho --- walang pakialam sa lantarang paglabag sa batas-trapiko ng pedestrian, ng mga jeep, ng mga naghahariang tricycle, pedicab at kuliglig at marami pa. 'Yung mga towtruck ninyong nag-aabang lang mga trak na lalabag sa ipinapatupad ninyong truck expresslane (na hindi naman express) --- hihilahin nila ito ng walang pasintabi para lang kayo/sila kumita at may ilang insidente pang sila'y nagbabanta o nananakot.

Dati, lantaran ang pag-ayaw ninyo sa mga trak na galing at patungong Pier pero hindi pala ganun dahil pumayag rin kayo kalaunan na pumasok ang mga trak sa inyong teritoryo sa kondisyong magbabayad sila ng Php112 kada container sus, gusto niyo lang palang makinabang, teka may legal na basehan ba ang dispatch fee na ito, mga ser? At pagkatapos maplantsa ang bayaran hinayaan na rin ninyo ang trapiko hanggang sa umabot na sa sitwasyong ganito. May patruckban-truckban pa kayong nalalaman. Tapos ayaw niyo pang aminin na may naging kontribusyon din kayong dalawa sa paglala ng port congestion at traffic congestion. Sh*t.


Anak ng huweteng naman kailangan din naming kumita at magtrabaho! At ang bawat minutong late namin sa opisina ay katumbas ng ilang piso na pwede sanang pandagdag namin sa Monggol o Crayola ng mga bata o pang-ipon para makabili ng bagong Bench T-shirt 'pag may sale sa SM Trinoma o pandagdag minuto sa aking pagpipisonet o kaya'y pandagdag pambili sa bagong CD ni Daniel Padilla.


At hindi pa kayo nakuntento ha, dahil hindi pa rin tapos at ayos ang kalsada sa Blumentritt, Hermosa, sa Bonifacio Drive (Pier area), sa kanto ng Abad Santos at Recto, pinasikip ninyo ang Avenida dahil sa naglipanang walang disiplinang mga vendor doon, at ngayon sarado na rin ang kalsada na magdudugtong sa Lawton patungong Intramuros. Kaya hayun nagkandaletse-letse na ang trapiko. Siyempre ang ikakatwiran ninyo para din naman sa ikagiginhawa ng mga motorista ang mga 'yun. Oo naman, naniniwala kami dun --- magagaling nga kayo 'di ba? At para kayo sa mahihirap 'di ba? E, kayo nga itong mahirap kausap e. Pero kailangan ba sabay-sabay? Kailangan ganun katagal?


Oo alam namin, ang dami nang problema ng Maynila pero sa tingin namin dumagdag pa kayo. Pakiusap, tapusin niyo na lang ang ang term ninyo hanggang 2016 dahil 'pag naextend pa 'yun mava-validate na talaga ni Mr. Dan Brown na ang Maynila nga ang 'Gates of Hell'. Okay na kami sa tatlong taon niyong pagmamatigas, okay na kami sa tatlong taon ninyong paghahari, salamat at naranasan ng mamamayan ng Maynila ang inyong mahusay na pamamalakad. Ang tambalang dadaig sa tandem nina Batman & Robin at Lone Ranger & Tonto, ang tambalang dadaig sa anumang disaster movie ng Hollywood ---  'The Erap & Isko Show'.


Nagmamahal (ang)


Taxpayer ng Maynila

Thursday, September 11, 2014

Crocs



Bago pa maitala ang kasaysayan
ng mundo, bago pa matutong
bumasa ng alpabeto ang mga
tao, bago pa natin sakupin
ang buwan, bago pa sumiklab ang
iba't ibang digmaan, bago pa
tayo matutong magsuot ng saplot
upang takpan ang ating kaselanan,
bago pa ang modernong teknolohiya
at imbensiyon ng telebisyon,
ng eroplano, ng telepono,
ng oto, ng computer,
ng Facebook at ng ripleng sa
kanila'y papaslang.


Kasabay na nila noong namuhay ang
nalipol ng mga dinosaur. Noong
mga panahong laksa-laksa pa ang
bilang at uri ng mga nilalang sa
tubig, noong mga panahong 'di
pa naabuso ang bundok at 'di pa
nasalaula ang gubat, noong mga
panahong magsingkulay pa ang
langit at dagat, noong mga panahong
wala pang nakahalong lason at
kemikal ang hanging ating lalanghapin
at tubig na ating iinumin.


Bago pa ang lahat ng mga ito'y
kaharian na nila ang sapa, ilog at
lawa. Ngunit kung papaano sila
namuhay ng may angas sa tubig,
ang siya ring angas na maghahatid
sa kanila sa bingit ng kapahamakan.
Ang kanilang matang makislap at
kumikinang sa pusod ng kadiliman
ay gagapiin ng kislap ng kamerang
sa loob ng kanilang santuwaryo na
tatawaging 'Zoo' nga mga tao.
Samantalang ang luhang papatak
sa kanilang mata ay metaporang
singkahulugan ng pagkaipokrito,
pagpapanggap o panggagago.


Ang tunay na talinghaga ng
mga buwaya sa daigdig ng mga
mortal na taong pinagpala
ng pag-iimbot,
ng pagkukunwari,
ng pagbabalat-kayo
ng pagiging makasarili ay
wala sa kanilang balat na sa
tatag, kunat at kapal ay makalilikha
ng maangas at mamahaling sisidlang
para sa mga taga alta-sosyedad na
nakahilata sa salapi at karangyaan.


Ang dating panginoon at dambuhala
ng tubig ay gagawin na lamang
dekorasyon para sa nangongoleksyon,
magiging adorno para sa lumilikha
ng kalupi at mapormang sapatos
o sinturon, magiging dahilan ng
pagiging palalo na sa kanya'y
makasisilo --- susukatin ang kanyang
haba mula sa nguso hanggang sa
bumahag nilang buntot, walang matatakot.
Sa ngalan ng yabang, sa ngalan ng
pandaigdigang Guiness book of records.


Ituturing na sila'y mabangis at
mapanganib na anumang oras ay
sasagpangin ang sinuman sa oras na
ang 'halimaw' ay makaranas nang
pagkalam. Mula sa liblib, mula sa
karimlan, mula sa pusod ng lawa
--- sila ay lalabas hindi upang maghasik
ng lagim o ng karahasan kundi upang
maghagilap lamang ng mailalaman
sa tiyan. Ano't ginagahasa ang kanilang
kanlungan? Ba't kinukubkob ang kanilang
kaharian? Ang pagkain nila'y sino'ng
kumakamkam?
Papaanong sila'y halimaw kung bansagan?


Dapat ba nilang ikasiya na sa kanilang
uri ipinangalan ang mamahaling tsinelas
at kasuotan gayong ang tahanan nila'y
patuloy na nilalapastangan. Malimit
na hinahambing sa mga mandarambong
na nananahan doon sa Senado, sa Batasan,
sa Munisipyo at sa Kapitolyo na
kumukulimbat ng bilyong piso
mula sa pondo ng kanyang Inang-
bayan. Datapwa't hindi naman sila
traidor sa kanilang lahi lalo't hindi sila
ngangasab ng labis sa kanilang
pangangailangan at nais.


Ngunit,
Sino nga bang higit na gahaman?
Sino nga bang higit na mapanganib?
Sino nga bang higit na nakagigimbal?

Ang crocs sa katihan o ang mga pulitiko sa kapatagan?