Showing posts with label kasaysayan. Show all posts
Showing posts with label kasaysayan. Show all posts

Thursday, September 11, 2014

Crocs



Bago pa maitala ang kasaysayan
ng mundo, bago pa matutong
bumasa ng alpabeto ang mga
tao, bago pa natin sakupin
ang buwan, bago pa sumiklab ang
iba't ibang digmaan, bago pa
tayo matutong magsuot ng saplot
upang takpan ang ating kaselanan,
bago pa ang modernong teknolohiya
at imbensiyon ng telebisyon,
ng eroplano, ng telepono,
ng oto, ng computer,
ng Facebook at ng ripleng sa
kanila'y papaslang.


Kasabay na nila noong namuhay ang
nalipol ng mga dinosaur. Noong
mga panahong laksa-laksa pa ang
bilang at uri ng mga nilalang sa
tubig, noong mga panahong 'di
pa naabuso ang bundok at 'di pa
nasalaula ang gubat, noong mga
panahong magsingkulay pa ang
langit at dagat, noong mga panahong
wala pang nakahalong lason at
kemikal ang hanging ating lalanghapin
at tubig na ating iinumin.


Bago pa ang lahat ng mga ito'y
kaharian na nila ang sapa, ilog at
lawa. Ngunit kung papaano sila
namuhay ng may angas sa tubig,
ang siya ring angas na maghahatid
sa kanila sa bingit ng kapahamakan.
Ang kanilang matang makislap at
kumikinang sa pusod ng kadiliman
ay gagapiin ng kislap ng kamerang
sa loob ng kanilang santuwaryo na
tatawaging 'Zoo' nga mga tao.
Samantalang ang luhang papatak
sa kanilang mata ay metaporang
singkahulugan ng pagkaipokrito,
pagpapanggap o panggagago.


Ang tunay na talinghaga ng
mga buwaya sa daigdig ng mga
mortal na taong pinagpala
ng pag-iimbot,
ng pagkukunwari,
ng pagbabalat-kayo
ng pagiging makasarili ay
wala sa kanilang balat na sa
tatag, kunat at kapal ay makalilikha
ng maangas at mamahaling sisidlang
para sa mga taga alta-sosyedad na
nakahilata sa salapi at karangyaan.


Ang dating panginoon at dambuhala
ng tubig ay gagawin na lamang
dekorasyon para sa nangongoleksyon,
magiging adorno para sa lumilikha
ng kalupi at mapormang sapatos
o sinturon, magiging dahilan ng
pagiging palalo na sa kanya'y
makasisilo --- susukatin ang kanyang
haba mula sa nguso hanggang sa
bumahag nilang buntot, walang matatakot.
Sa ngalan ng yabang, sa ngalan ng
pandaigdigang Guiness book of records.


Ituturing na sila'y mabangis at
mapanganib na anumang oras ay
sasagpangin ang sinuman sa oras na
ang 'halimaw' ay makaranas nang
pagkalam. Mula sa liblib, mula sa
karimlan, mula sa pusod ng lawa
--- sila ay lalabas hindi upang maghasik
ng lagim o ng karahasan kundi upang
maghagilap lamang ng mailalaman
sa tiyan. Ano't ginagahasa ang kanilang
kanlungan? Ba't kinukubkob ang kanilang
kaharian? Ang pagkain nila'y sino'ng
kumakamkam?
Papaanong sila'y halimaw kung bansagan?


Dapat ba nilang ikasiya na sa kanilang
uri ipinangalan ang mamahaling tsinelas
at kasuotan gayong ang tahanan nila'y
patuloy na nilalapastangan. Malimit
na hinahambing sa mga mandarambong
na nananahan doon sa Senado, sa Batasan,
sa Munisipyo at sa Kapitolyo na
kumukulimbat ng bilyong piso
mula sa pondo ng kanyang Inang-
bayan. Datapwa't hindi naman sila
traidor sa kanilang lahi lalo't hindi sila
ngangasab ng labis sa kanilang
pangangailangan at nais.


Ngunit,
Sino nga bang higit na gahaman?
Sino nga bang higit na mapanganib?
Sino nga bang higit na nakagigimbal?

Ang crocs sa katihan o ang mga pulitiko sa kapatagan?

Sunday, November 27, 2011

Glorya!


"Marami ang nag-umpisa ng may mabuting adhika ngunit marami rin sa kanila ang nagtapos na nabihag ng masama." Isa itong katotohanan dahil marami naman talagang pulitiko ang nagnanais nang maganda at mabuti para sa bayan; paunlarin, payamanin, pasaganain ang mamamayan at ang kanyang bansang nasasakupan subalit sa kalaunan ang kanyang mabuting adhikaing ito ay unti-unting maglalaho at siya'y malulunod sa kapangyarihan. Ang pulitika ay isang malawak na putikan na kung lulusungin mo ito'y hindi maaaring hindi ka madungisan. Tulad ng aming dating pangulo na nalunod sa kapangyarihan at 'di lang siya basta narungisan nagtampisaw at inilubog pa niya ang kanyang sarili sa putikan; ang pangalang niya'y Glorya. Glorya ng (dating) kaitaasan!

Ang ngalan mo'y tagumpay ngunit ikaw ngayon ay nasaan?
Wagi ka sa pinili mong larangan pero binigo mo ako at ang sambayanang Pilipino. Mas ninais mong pagsilbihan ang iyong sarili kaysa taumbayan, mas ninais mong pagyamanin ang iyong sarili kaysa bayan naming mahal, isa kang paladasal pero nais mo’y magkamal. Aanhin mo ang dami ng salapi kung pambayad lang ito sa mga dalubhasa na sa iyo'y nangangalaga, sa mahuhusay na tagapagtanggol na handa kang ipaglaban kahit batid nilang ikaw’y may sala, sa malamig na silid ng pagamutan na nais mong maging tahanan, sa kamang malambot na sumusuporta sa iyong bagsak na katawan, sa mga medisina na pansamantalang nagtatanggal ng sakit ng iyong nararamdaman. Ngunit wala nang hihigit pa sa sakit na iginagawad sa'yo ng taong-bayan; sakit na tumitimo sa iyong ubod-talinong isipan, sakit na tumatagos sa mahihina mong mga buto, sakit na hanggang sa panaginip ay iyong nararamdaman at nararanasan, sakit na walang lunas at kagalingan. Kahit anong pagtatakip ng iyong mga alagad ay wala nang nananalig pa dito, kahit na anong kasinungalingan ang iyong sinasambit sampu ng iyong mga tau-tauhan ay mas lumilitaw ngayon ang katotohanan, kahit anong pagpapaawa ang iyong ipinapakita ay tila manhid na ang marami sa iyong gustong drama.


Maaring naging mabuti kang ina sa iyong pamilya pero naging mabuti ka bang ina sa mga Pilipino? Sa halip na kami'y iyong arugain upang gabayan sa pagtahak ng mabuting pamumuhay kami'y iyong tinalikdan at nagbigay ng isang maling halimbawa; sa halip na bigyan mo kami ng kapayapaan at kapanatagan sa aming isipan ang binigay mo'y kaguluhan at pagkalito 'di lang ng isipan ngunit pati ng kinabukasan; sa halip na maging maligaya kami sa'yong pangangalaga ay lalo pa kaming nagkaroon ng poot at pighati sa aming mga puso; sa halip na mag-alala ka sa kalagayan ng aming bansa at mamamayang dalita ang idinulot mo'y isang bangungot at masamang alaala, sa halip na paunlarin at hanguin mo ang naghihingalong ekonomiya ng bansa ay isinadlak mo pa lalo ito sa kahirapan, sa halip na iligtas at iahon mo ang iyong mga anak sa pagkakalubog ay lalo mo pa itong pinagsamantalahan at nilunod.

Ilang buhay ang nasira dahil sa pagiging malapit sa'yo at napipilitang gawin lahat ng iyong kagustuhan?
Ilang buhay ang binawi dahil sa'yong pagmamalabis? At may isang heneral pa nga na 'di nakatiis at kinitil ang kanya mismong sarili.
Ilang buhay ang nasayang ng dahil sa'yong kasakiman? Ang narapat nga naming pangulo'y dinamdam ito at nagbuwis nang 'di niya ninais.
Ilang buhay ang naglaho nang sa iyo'y sumalungat? Ang aktibistang may ngalang Jonas hanggang ngayo'y 'di pa nahahanap.
Ilang buhay ang nautas dahil sa pangangalaga mo sa pusakal na nag-aanyong lingkod-bayan? Limampu't walo ngang buhay ang wala sa oras at walang habas na napaslang.

Ang ngalan mo'y pagpupuri at luwalhati subalit ito ba ang sa iyo’y nararapat?
Nagpuri ka noon sa iyong kasapakat at kauri upang manatili sa kapangyarihan ngunit nasaan ba sila ngayon? Iilan lang kayong nagdurusa at tumatanggap ng paglibak ng bayan habang ang dati mong pinuri’y iniwan ka’t tinalikdan. Nagpuri ka noon sa inaakala mong magsasalba sa iyo sa labis na kapahamakan at binaluktot ang batas na dapat sana’y matuwid ngunit bakit parang ikaw lang ang nasuong sa gitna ng panganib? Mas niluwalhati mo ang salapi at inabuso mo ang nasayang na kapangyarihang sa iyo’y ipinagkaloob at ang pagkakataong makapaglingkod; ang dati ng may piring na katarungan ay dinagdagan mo pa ng piring mistula itong bulag noon na ang lahat ng iyong kabuktutan ay malamahikang mong naikukubli, ginawa mo rin itong bingi upang ‘di marinig ang hinaing at daing ng paglapastangan mo sa mga mahihina at inakala mong mga tanga. Sapantaha mo’y habangbuhay kang nasa kapangyarihan at ang lahat ay kayang maresolba ng iyong kwarta't kayamanan.

'Di namin lubos na batid kung ikaw'y lumuluha sa gabi kahit kay saklap tanggapin nang iyong nararanasan at 'di mo akalaing sa isang iglap ay maglalaho ang lahat ng iyong kasaganaan sa kapangyarihan pero kami'y matagal nang tumatangis; umiiyak sa nararanasang kahirapan, umiiyak sa pagwawalang-bahala, umiiyak sa kawalan ng pag-asa; panahon pa noon ng Kastila ng magsimula kaming umasa siglo na ang lumipas hanggang ngayo'y tila 'di na namin alam ang kahulugan nito. Batid naming ang iyong kalagayan ng kalusugan ay nakakaawa pero hindi ang iyong pagkatao; ang katawan mo'y mahina pero ang masamang impluwensiya mo'y malakas na sa isang kisap-mata'y magagawa mong muling bumangon at maghiganti galing sa pagkakadapa. Mas nakakaawa ka dahil sa'yo'y walang naaawa hindi na yata epektibo ang ginagawa mong istilo, marami ang ginawa kang katuwaan kaysa kaawaan masasabi mong wala silang puso pero itanong mo rin 'yan sa sarili mo. Nakakaawa ka dahil mas ninanais mong magkasakit kaysa gumaling sa karamdaman upang maiwasan lamang ang lamig ng bakal na rehas. Pero...

Naawa ka ba sa bansa ng panahong nagpapakasasa ka at ng iyong kapanalig? Kay rami niyo noong pinaghahatiang kayamanan na 'di namin alam kung saan ang pinanggalingan.
Naawa ka ba sa mga Pilipinong kumakalam ang sikmura habang kayo'y lumalamon ng milyones na pagkain?
Naawa ka ba sa aming masa na pinagkaitan mong pumili ng sarili naming pangulo?
Naawa ka ba sa mga taong nagbabayad ng buwis habang ang kalsada sa mga lalawigan ay 'di madaanan, ang isang kalsada sa Kamaynilaan ay bilyones ang halaga?
Naawa ka ba sa mga magsasaka na wala nang maitanim dahil sa kakapusan ng puhunan samantalang namahagi naman kayo ng daang milyong halaga ng abono at pataba sa mga 'di nararapat?
Naaalala ko pa ang sinabi mo noon sa isa sa'yong mga SONA: "I ask our people to spend on the basics before the luxuries so that our children will have enough to eat". Napaka-inspirational! Sana nagawa mo 'yan nang ikaw'y nanunungkulan pa, pero hindi! Dahil sa sampung taong iyong pagbubuhay reyna ay gumastos ka ng P2.85 bilyong piso! At ito'y sa byahe mo pa lang at ng iyong mga alagad sa abroad habang ang mga obrero'y halos walang pamasahe sa taas ng pasahe at bilihin.
Sino ba ang mas nakakaawa?

Habang ang katulad nami'y nagkukumahog sa trabaho na ang dapat na sana'y pambili namin ng sangsakong bigas ay nagiging buwis na kada buwan ay kinakaltas, ginagamit mo lang pala ito para baluktutin ang batas. Sino ba ang mas masahol ikaw o ang mga kriminal ng lansangan?
Hindi na lang kami ngayon nakalubog. Kami ngayo'y nalulunod at walang naglalakas loob na kami'y sagipin at iahon dahil ang lahat nang nagtatangkang kami'y iligtas kung hindi nagmamagaling ay ipinagtatabuyan. Marami na ang pumiling magpakalunod at ang iba'y tuluyang nagpatianod lumayo na at iniwan dahil sa kawalan ng tiwala at pag-asa.
Masisisi mo ba sila? Kung palagi at parati na ang namumuno'y iyong kawangis na mas inuuna ang sarili kaysa kapakanan ng iba ganoon naman talaga wala ka ring pinagkaiba sa kanila. Ang talo mo lamang ay sila'y nanatiling nakapwesto at ikaw ay ipi-prisinto. Ngayon mo sabihin ang katagang: "I am sorry" tutal eksperto ka naman sa pagsambit nito samahan mo na rin ng pagmamakaawa ng todo habang nakasuwero pero dapat ay doon sa "loob" na marami kaming kakosa na handa kang tanggapin hanggang ikaw ay tuluyang magbago. 'Di ka bagay sa palasyo, sa congress o sa senate dahil mas okay sa amin kung ikaw ay isang inmate at baka doon mo pa makita't mahanap ang tunay na kahulugan ng salitang kaibigan.

Pero 'wag kang mag-alala ilang panahon lang ang iyong kailangan dahil tiyak na lahat ng iyong ginawang 'di kabutihan ay magiging bahagi na lamang ng kasaysayan; lahat ng iyong ginawa'y makakalimutan at ang pagpapatawad ay 'di malayong sa'yo ay igawad dahil ang mga Pilipino'y likas na makakalimutin at mapagpatawad tulad nang ginawa ng mga Pilipino sa diktador na namuno at kaanak nito. Baka sakali, sa oras na ikaw ay pumanaw ituring ka pang martir ng taumbayan at maihimlay pa sa Libingan ng mga Bayani.
At muli, mauulit ang kasaysayan.