Friday, August 23, 2013

Tula para sa Flipino at Filipinas sa Buwan ng Wika




Matatagpuan sa timog ng Silangang Asya
Noon ay Pilipinas ngayon'y Filipinas na.
Perlas ng Silangan kung ito'y bansagan
Tagalog ang wika, Filipino ang nananahan.

Mayaman sa kasaysayan na 'di pinahahalaghan
Hikahos sa kapalaran sagana sa kayabangan.
Tulad ng kalikasan na winalang bahala
Gaya ng pondong maanomalyang kinukuha.

'Ako muna bago ang bayan'
Mentalidad ng namumuno ganundin ang mamamayan.
Ekonomiyang maunlad at progresibo umano
Higit sampung milyon walang makain ng husto.

Agrikulturang bansa ang nais na ipasikat
Tone-toneladang bigas ang taunang inaangkat.
Milyong bilang ang nakapagtapos ng kolehiyo
Tinumbasan ng milyong taong walang matinong trabaho.

Sangkatutak ang mga batas na nakalantad
Simpleng ilaw ng trapiko lantarang nilalabag.
Mga bagong bayani aabot sa labing isang milyon
Ngunit 'di sapat ang kalinga at proteskyon.

Masipag na manghikayat ng mga turista
Nagkalat naman nakasusulasok na mga basura.
Pulis at miyembro ng militar hinahalintulad sa kriminal
Patuloy na dumarami tinuturing na pusakal.

Bilyong dolyar ang ipinagmamalaking ipon
Ngunit sa pagkakautang ay lubog at baon.
Sa listahan ng mahihirap na bansa ay kabilang
Selepono ay lampas sa sandaang milyon ang bilang.

Proud sa tagumpay ng kanyang kababayan
Pikon naman kung magagapi ng kalaban.
Relihiyosong bansa kung ituring
'Di naman maiwan pananamantala at pagsisinungaling.

Galit sa mga dayuhang nagdidiskrimina
Ayaw makarinig ng negatibong mga puna.
Sagad naman kung pintasan at iaglahi ang banyaga
Maski ang sariling lahi ay inaalipusta.

Ang 'tangina' ko ay katumbas ng iyong Amen!
Ngunit 'di ka nahihiya na kumupit sa'min.
Ang yosi ko'y katumbas ng 'yong banal na ostiya
Ngunit ikaw'y ay pumapaslang sa ngalan ng pera.

Higit sandaang taon nang nakamit ang kasarinlan
Alipin pa rin ng kamangmangan at kahirapan.
Marami ang nagpasyang mangibang bayan
Ayaw masangkot sa sari-saring kahihiyan.

Pilipinas o Filipinas, walang pinag-iba
Kung hindi mamahalin ang sariling bansa.
Tagalog o Filipino, opisyal na pambansang wika
Walang halaga kung may kaisipang 'kanya-kanya'.


Marami ang sumisigaw ng "Proud to be Filipino!"
Kahit alam niyang hubad ang kanyang pagkatao.
Marami ang sumisigaw ng "Proud to be Filipino!"
Kahit 'di niya batid ang tunay na kahulagan nito.

Thursday, August 22, 2013

Phobia 101



Parang papunta na sa darkness ang huling mga blog entry ko kaya oras na siguro para magkaroon ng ang akdang hindi tungkol sa kamatayan, hindi tungkol sa kalungkutan, hindi gaanong seryoso, 'yung cool lang at kahit papaano'y medyo nakakaaliw basahin. 


* * *

May phobia ka ba?
Malamang mayroon dahil wala naman yatang taong walang phobia, lahat naman siguro tayo ay may mga bagay na kinatatakutan. Parang pinoy henyo lang - it's either tao, bagay, pangyayari, lugar, hayop o pagkain ang mga ito. Kahit pa nga ang pinakamatatapang o pinakaastig  na tao sa mundo meron ding kinatatakutan, madalas ayaw lang nila aminin.

Ako, mayroon akong Gerontophobia o fear of old age/getting old. Kahit alam kong lahat naman tayo ay papunta dun natatakot pa rin akong makita ang aking sarili na hirap sa maraming bagay siguro nga swerte ang mga taong hindi umabot sa ganoong stage pero naging successful sa buhay.

Pero hindi tungkol sa phobia ko ang paksa ng post na ito kundi sa iba't ibang phobia na binigyang ko ng sariling interpretasyon. 'Wag magseryoso at bawal ang violent reactions dahil lahat ito ay pawang humor lamang.



Acrophobia - Fear of heights
Halimbawa sa pangungusap: Pipilitin kong makabawas ng aking mga utang sa tindahan dahil natatakot akong TUMAAS ito ng husto.

Gerontophobia - Fear of getting old
Halimbawa sa pangungusap: Gusto ko nang palitan ng bagong iPhone 5 'yung cellphone ko dahil natatakot akong pagtawanan ang LUMA kong iPhone 4.

Philophobia - Fear of love
Halimbawa sa pangungusap - Ifu-fulltank ko na ng gasolina itong kotse ko dahil natatakot akong MAGMAHAL ito sa susunod na linggo.

Claustrophobia - Fear of closed spaces
Halimbawa ng pangungusap: Bibili na ako ngayon ng beer kay Aling Conching dahil natatakot akong baka MAGSARA na naman ang tindahan niya ng maaga.

Ophidophobia - Fear of snakes
Halimbawa ng pangungusap: Sa susunod na magkagirlfriend ako hindi ko na talaga ipapakilala sa mga barkada ko dahil natatakot akong AHASIN na namang muli ito sa akin.

Traumatophobia - Fear of getting wounded
Halimbawa ng pangungusap: Ayaw ko nang magmahal at umibig dahil sa letseng pag-ibig natatakot na ako ngayong masaktan at MASUGATAN ang puso kong palagi na lamang bigo at sawi.

Ornithophobia - Fear of birds
Halimbawa ng pangungusap: Kahit kailan hindi ko talaga nagustuhan ang kantang Hotel California ng The Eagles mayroon kasi akong Ornithopobia.

Aquaphobia - Fear of getting drowned
Halimbawa ng pangungusap: Pwede bang huwag mo ako bigyan ng sobra-sobrang atensyon? Natatakot kasi akong MALUNOD sa pagmamahal mo.

Papyrophobia - Fear of paper
Halimbawa ng pangungusap: Iiwasan ko nang kausapin 'yang si Mandong Epal lagi lang kasi akong napapahamak sa kanya, natatakot na ako sa pagiging MAPAPEL niya.

Peniaphobia - Fear of poverty
Halimbawa ng pangungusap: Bilib din ako diyan kay Tony ginamit niya sa kanyang pagpapakamatay ay silver cleaner, hindi ko kasi kayang gawin 'yun dahil ayokong MAGHIRAP bago mamatay.

Thanatophobia - Fear of death
Halimbawa ng pangungusap: Sampung beses sa isang araw ko chinacharge ang cellphone ko natatakot kasi akong MAMATAY ito 'pag oras na gagamitin ko na.

Chrematophobia - Fear of money
Halimbawa ng pangungusap: (Batugan na kausap ang nanay) "Alam mo 'Nay kaya hindi ako naghahanap ng trabaho takot kasi akong magkaroon ng PERA, 'di ba nga may verse sa bible na ang pera daw ay ugat ng kasamaan? Pag walang pera walang kasalanan."

Pediophobia - Fear of dolls
Halimbawa ng pangungusap: Kahit ilibre mo pa ako ng tiket sa concert ng Pussycat Dolls hindi talaga ako manonood dahil meron na nga akong Ailurophobia meron pa akong Pediophobia.

Arithmophobia - Fear of numbers
Halimbawa ng pangungusap: Hindi ko na binibilang kung gaano na kalaki ang nakurakot ko galing sa Pork Barrel Fund, malaki kasi ang takot ko sa NUMERO.

Atychiphobia - Fear of failure
Halimbawa ng pangungusap:  "Pakiusog mo nga maigi 'yang TV natin natatakot akong baka mahulog 'yan sigurado na namang gastos 'yan."

Lachanophobia - Fear of vegetables
Halimbawa ng pangungusap: Pasensya ka na kung hindi ko nadadalaw sa ospital si Pareng Emong balita ko kasi lantang GULAY na siya takot pa naman ako sa mga gulay.

Erythryphobia - Fear of the color red
Halimbawa ng pangungusap: (Sa Enforcer na humuhuli) "Bossing, pasensya na at nag-go ako kahit stop na ang ilaw mayroon kasi akong Erythryphobia, tanggapin niyo na lang itong aking singkwenta." (Sumagot ang Enforcer) "Ah, ganun ba? 'Tangina mo akin na ang lisensya mo mayroon akong Chrematophobia".


Ikaw, ano ang phobia mo?
Share mo naman para maidagdag sa listahan. :-)

Thursday, August 15, 2013

Euthanasia (reblog)

Bilang pag-gunita sa ikatlong anibersaryo ng kamatayan ng aking ama muli kong ipapaskil ang akdang isinulat ko para sa kanya. Ang kwento ng mga huling sandali ng kanyang buhay, ang istoryang tungkol sa paglaban, pagsuko at pamamaalam.
* * *
Nakapanglulumo.
Tila naka-uubos ng lakas at katinuan ang eksenang tumatambad sa akin sa tuwing ako’y papasok sa silid na ito ng pagamutan. Walang puwang ang kasiyahan kung sa bawat paling ng iyong leeg, bawat sulyap ng iyong mga mata, bawat hakbang ng iyong mga paa ay pulos pasyenteng may iba't ibang karamdaman na nakaratay ang iyong mamamasdan; mga taong humihiram ng karagdagang oras ng buhay sa aparatong nakakabit sa kani-kanilang katawan.

At isa sa mga nakaratay na iyon ay ang aking ama.
Ilang linggo na rin siyang naririto, pilit na nilalabanan ang sakit na nagpapahirap sa kanyang bawat kalamnan. Bago pa ito'y ilang beses na rin siyang nagpapabalik-balik sa mga dalubhasa saiba’t ibang pagamutan; para siyang isang pusakal na hindi maiwasang maglabas-masok sa bilangguan; parang kirot na sa kanya'y parating dumadalaw pansamantalang lumilisan ngunit matagal na nananahan.

Bawat hinaing niya'y akin ding nararamdaman ang sakit na kanyang nararanasan, sa bawat daing niya'y tila hinihiwa din ang himaymay ng aking puso. Higit sa sakit at kirot mas nangingibabaw sa akin ang labis na pagkahabag at awa.
Ang larawan ng aking ama'y tulad rin ng maraming amang pigil ang emosyon, kinikimkim ang damdamin at kung matuwa ay palihim. Mula pa sa aking pagkapaslit hanggang sa ako'y magkamalay nagisnan ko nang siya'y ganyan ngunit sa pagkakataong ito'y nakikita kong siya'y nahihirapan, dumadaing at lumuluha.
Ilang anak ba ang kayang tiisin ang ganitong pangyayari?
Sinong anak ba ang hindi maantig sa kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang sariling ama?

Ang kanyang dating matikas na katawan, ngayon ay pispis na at said na ang lakas;
ang kanyang bibig na palaging may nakasuksok na yosi noon, ngayon ay may plastik na tubo na daluyan ng hanging binabayaran na nagmumula sa isang cylinder na gawa sa metal;
ang kanyang matikas na tinig na parang sa hari na kanyang ginagamit sa tuwing kami'y pinagsasabihan dahil sa aming kakulitan noon, ngayon ay paos na at humahabol sa kanyang bawat paghinga;
ang kanyang mga kamay na ginagamit niya noong pangdisiplina sa aming magkakapatid ay hindi niya man lang maiunat at maiangat ng matagal ngayon.
Kung alak ang palagi niyang nilalagok noon, ngayon ay iba't ibang uri na ng gamot at medisina ang kanyang iniinom; pamatid-kirot. Ang alak at sigarilyo na kanyang matalik na kaibigan noon ang siya ngayong tumutugis sa kanyang kalusugan.

Habang mugto kong minamalas ang kanyang kahabag-habag na kalagayan siya'y tumitig sa akin at minuwestrang nais na niyang umuwi, umiling at wari'y sinukuan na ng pag-asang bumuti at gumaling.
Ilang araw lang ang nakalipas nang matapat na kaming sinabihan ng doktor na ang kanyang karamdaman ay malabo nang malunasan. Ilang linggo, araw o oras na lang ang hihintayin at dapat ng asahan ang hindi inaasahan.
Ito ba'y kanya na ring naramdaman?
Paano mo haharapin ang ganitong uri ng sitwasyon?
Iilang matapang lang ba ang kayang harapin ang kanya mismong katapusan?
Ngunit bilang anak marapat lang na gawin mo ang lahat at buo mong kakayanan upang madugtungan pa ang oras na pananatili sa mundo ng iyong ama kahit katumbas nito'y pagod na isip at katawan, hirap at pighati sa kalooban at paggugol ng salaping pangtustos sa bawat araw na kanyang pananatili sa silid na ito at sa medisinang magdudugtong sa kanyang paghinga sa tuwing ika-anim na oras.

Kasabay sa pagkaubos ng aming pag-asa ay ang unti-unting pagkaubos ng pondong pandugtong sa buhay ni itay. Balot na ng lungkot ang aking lumuluhang damdamin at hindi na mawari kung ano ang isusunod na magiging pasya.
Makabubuti ba talagang wakasan na ang paghihirap na nararanasan ng isang may karamdaman?
Anong ganda ang maidudulot nito kung katumbas nito ay ang pagkabatid mong agad na paglisan ng iyong mahal sa buhay?
Ito ang sandaling kahit na anong maging iyong pasya ay mali, ang sandaling ni sa panaginip ay hindi mo pinangarap at inisip. Ngunit kailangan nang isang pagpapasya.

Sumasabay sa patak ng ulan ang luha kong aking pinigil sa loob ng silid; ang kidlat na aking naririnig ay parang aking sigaw na pinipilit ikubli, ang kadiliman ng paligid ay katulad ng akin ngayong nararamdaman; kalungkutan.
Kung naiipon lang ang lakas ng loob, iyon ang aking gagawin upang walang pangamba akong haharap sa aking amang iginupo ng kapusukan, ng kabataan, ng karamdaman. Walang salitang makakapagpakalma sa aking nararamdaman sa sandaling ito, pilit kong pinasisinungalingan na ang nagaganap ay hindi katotohanan ngunit anumang dagdag na pagtanggi ay lalo lang nagpapahirap sa aking kalooban. Mas maraming katanungan kaysa kasagutan ang bumabagabag sa aking isipan.

Nakakagago.
Isang abnormal na pagpapasya ang aking ginawa. Kinailangan pa naming umupa ng taong may sapat na tapang at lakas ng loob na magpapatid ng kung anumang instrumentong nagdudugtong sa gahiblang pagitan ng buhay at kamatayan.
Kung ito'y isang pagkakasala sana ay mapatawad ako sa pasya kong ito. Patawad dahil sa sandaling iyon hindi ko na batid ang mali sa tama. Isinama ko na rin sa paghingi ng tawad ang lahat ng kasalanang nagawa ng aking ama; lantad man o hindi nailahad.
"Panginoon Kayo na pong bahala sa kanya".

Sadyang napakabilis ng oras kung ang bawat sandali'y iyong pinahahalagahan parang isang kidlat na kumislap na sa isang iglap ay maglalaho. Ilang oras makalipas na marating ang kanyang tahanan tuluyan na ngang si itay ay nagpaalam. Ang tinuran ng doktor na asahan namin ang ‘di namin dapat asahan ay amin na ring inasahan ganunpaman nagdulot pa rin ito ng labis na pighati at kalungkutan.
Wala na nga si Itay ngunit ang kanyang mga aral at pangaral ay pipilitin kong isabuhay at isapuso hangga't ako'y nabubuhay.

Monday, August 12, 2013

Ang Gilas at Tikas ng Gilas Pilipinas



Abala at nagbubunyi ang lahat.
Hindi magkamayaw sa pagsigaw ng "Whooo!" at "Ang galing!" pero sa tuwing sumasala, sila rin ang nagsasabing "Tangna ang bobo!", "Kinangina kasi ang buwaya!", tipikal na pinoy kung sumuporta sa kapwa pilipinong lumalaban sa bayan tulad ng pagsuporta natin sa mabagsik na Gilas Pilipinas.

Hindi ba ganyan din ang pagtanggap natin kay Manny noong nagtatamasa pa ito ng sunod-sunod na karangalan para sa Pilipinas? Pero katulad ng pagkawala ng liwanag ng araw sa pagsapit ng dapit-hapon ang pagtrato ng maproud na pilipino nang makaranas siya ng pagkabigo, lumamlam rin ang pagsuporta natin dito parang balat na sapatos na kinalimutan nang lagyan ng biton.

Nakatutok at nananabik ang lahat.
Walang gabing 'di pinalalampas at 'di pumapalya sa panonood at pagsuporta sa bawat laro ng pambato natin ngayon sa FIBA Asia 2013; sa telebisyon man o sa MOA Arena.
Ang bawat buslo nila ay siguradong dagundong ang katumbas sa mga tagahangang gutom na mapunan ang katagang "Proud to be Filipino", ang bawat posesyon nila ng bola ay siya ring pagkislap ng mga mata ng bawat pinoy na manonood, ang pagkaubos ng oras sa tuwing lamang tayo sa laban ay may kakaibang pagkasabik na dulot at ang bawat pagwawagi ay kahulugan ng pangingibabaw ng kanyang lahi sa buong mundo, oo sa BUONG MUNDO.

Dalawang magkasunod na talo na ang nalasap ng "Pambansang Kamao", purdoy din ang laban nina "The Filipino Flash" at ng "The Hawaiian Punch" na tubong ibang bansa pero inangkin na rin natin. Bigo rin ang iba pang nagtangkang pumalaot sa mundo ng boksing. Tahimik din ang Azkals, wala pang pagputok ang Volcanoes, wala ring ingay ang pinoy greats sa billiards, hindi pa tumutimon ang Dragonboat, wala pa uling dugong-pinoy na pumapailanlang sa American Idol, nakatengga ang world class talent nina APL de Ap at Lea Salonga sa The Voice Phils, wala pang gigs na sked ang Journey ni Arnel Pineda, naghihintay na muli ang lahat na makilala ang galing ng Pinoy sa WCOPA o ng Film Festival ng iba't ibang bansa. Kaya ang FIBA ngayon ang mainit na dapat suportahan sa pamamagitan ng matitikas na Gilas Pilipinas.

Nakakasawa na kasi ang kontrobersiya.
Nakakahiya na masyado sa buong mundo ang katiwaliang kinasasangkutan ng ating mga pulitiko.
Ipinangangalandakan nating umuunlad ang ating ekonomiya pero nadagdagan naman ang nagugutom na mga Pilipino at milyon-milyon ang nagpapasyang magpaalipin sa ibang bansa, ano ba tayo naglolokohan?
Masakit kasing harapin ang katotohanang sumasampal sa bansa natin kaya sa pagkakataong man lang na ito kailangang may magpalutang at magsalba sa lumulubog na bangka natin na kung tawagin ay 'The Filipino Pride'. Kaya ganito na lang katindi ang suporta natin sa mga manlalarong ibinuhos ang lahat ng galing at talento sa paglalaro laban sa de-kalibreng cagers ng iba't ibang bansa sa Asya.

Sa halip na magbigay suporta sa iba't ibang programa na may kinalaman sa paglinang ng talino, talento at galing ng Pilipino tila mas inuuna natin ang ilang mabababaw na usapin. Ang salitang 'Pilipinas' dapat daw tawagin na nating 'Filipinas', ang bigat ng problema natin 'di ba? Eh 'yung kontrobersiyang nagsasangkot sa mga congressman sa nakakalulang sampung bilyong pisong Fertilizer Fund Scam, may intensibong imbestigasyon nga kaya? May makukulong naman ba? Siyempre wala.
Kung ano 'yung galing ng mga namumuno natin sa pagpapakialam sa maraming bagay, kung ano 'yung bilis nilang magpamudmod ng pera ng bayan sa bogus na NGO, sana man lang nagbigay din sila ng kalinga at tensyon sa Gilas Pilipinas noong nasa "struggling stage" pa lang sila o sa kahit sinong Pilipinong lumalaban para sa karangalan ng bayan na nangangailangan ng tulong ng gobyerno gaya ng ginagawa ng mga bansang South Korea, China, Japan, Chinese Taipei at iba pa sa kani-kanilang atleta. Paano na lang kung walang isang Manny Pangilinan? Nakikita mo ba kung saan tayo pupulutin? Malamang na kapwa pilipino ang unang mangangantiyaw sa kakulangan natin.

Pagkatapos nang napakatagal na preparasyon, pagpupursigi at sakripisyo ng bawat miyembro ng Gilas mas malamang na ang mga pulitikong nakinabang sa scam ay magbibigay ng kanya-kanyang pahayag at suporta sa tagumpay ng Gilas. Ganundin ang kasalukuyang gobyerno na halos wala man lang napakitang suporta noong nag-uumpisa pa lamang ito ay tiyak nang magbibigay ng congratulations na pahayag sa nakamit ng Gilas. Sasakyan at gagamitin ang napagtagumpayan ng Gilas para sa sariling kapakanan, kunsabagay may bago pa ba dito?

Sabi, walang nagmamahal sa talunan kaya ba todo-suporta ang mga kababayan natin sa Gilas Pilipinas dahil nagpapa-panalo tayo?
Ewan ko. Siguro nga, pansin mo din ba ang sabayang pagbagsak ng suporta ng mga tao at ng career ni Manny Pacquiao?
Sana, parehong suporta ang ibinibigay natin sa bawat Pilipinong lumalaban sa ngalan ng bansa; manalo man o matalo, mag-champion man o mag-fourth place, pumasok man o sumablay ang kanilang mga tira - ganun kainit, ganun katindi. Hindi 'yung dumaranas na nga ng pagkatalo eh ibabagsak at itutulak pa natin sa putikan, nasaan ang tunay na pagsuporta natin dito?

Panandalian nga lang ang hatid na kaligayahan ng pagwawagi ng Gilas Pilipinas pero higit sa tagumpay sana maging pangmatagalang inspirasyon ang hatid nitong pagsusumikap, pagtitiyaga at paghahasa kanilang kakayahan, sana tularan natin ang kanilang katatagan at hindi pagsuko sa bawat kanilang laban, sana gaya nila matuto tayong humarap sa katotohanan pagkabigo man ito o pagkasawi.

Tapos na ang FIBA Asia bagama't ikalawang pwesto lang ang ating nakamit naiangat naman ng Gilas ang pangalan ng bansang Pilipinas sa larangan ng larong Basketball, oo nga na walang naidulot na pag-unlad sa ating personal na buhay ito pero kahit sa ganitong paraan man lang nagkaisa ang lahat karamihan sa mga Pilipino.

Ayaw kong sabihing "I am proud to be Filipino" dahil unang-una mas magandang nakaapak ang paa natin sa lupa kahit may napagtagumpayan tayo (kaysa magyabang) pangalawa, ang galing at husay ng Gilas Pilipinas ay hindi sumasalamin sa KABUUAN o majority ng mga Pilipino. Sapat nang suportahan natin sila sa ipinakita nilang dedikasyon sa bayan.

Marahil sa susunod na mga araw lang lumipas na agad ang adrenaline at kasiyahang ibinigay ng Gilas Pilipinas sa mga Pilipino, babalik na muli tayo sa reyalidad na kailanman ay hindi mapagtatakpan ng anumang tagumpay o pagkawagi ng sinumang pilipino sa anumang larangan ang patuloy na kapalpakan natin sa larangan ng ekonomiya, pulitika at pagpapatupad ng batas - dapat natin itong maintindihan at maunawaaan.

Pansamantala, malunod ka muna sa karangalang ibinigay at idinulot na kaligayahan ng buwis-buhay na inilaro ng magigilas na Gilas Pilipinas, hangaan at gawin mo sanang motibasyon ang kanilang ipinakitang determinasyong magpunyagi laban sa mga higanteng nakasagupa nila sa kompetisyon.