Thursday, August 1, 2013

Paranoia


Kanina pa lakad-takbo ang aking ginagawa, binabaybay ang liblib na kalsadang patungo sa kawalan.  Pero tila hindi naman ako nakakalayo, wari ko'y paikot-ikot lang sa ako nakakahilakbot na lugar na ito at ang mga taong humahabol sa akin parang mga demonyong may mapupula at nakalisik na mga mata. Mistulang mga gutom na halimaw na handang akong lapain sa oras na ako'y kanilang maabutan.


Hindi sila napapagod. 'Di tulad kong halos 'di na maihakbang ang nangangalay na mga paa dahil sa labis na pagkahapo. Hindi ko alam kung ilang oras ko na silang tinatakbuhan at tinatakasan, 'di ko batid kung anong atraso ko sa kanila at para akong pusakal na kriminal kung ako'y kanilang tugisin. Pagod na ako, gusto ko nang sumuko ngunit panigurado kamatayan ang kahulugan nito sa akin.
Magkakahalong gutom, uhaw, antok at pagkapagal na ang aking nararamdaman.
Pawisan. Tuliro. Balisa.
Nagtataka kung bakit at kung paano ako nakarating at nasadlak sa lugar na ito.
Madilim. Masukal. Nakakatakot.


Nakakabingi ang katahimikan kahit huni ng insekto ay halos wala akong maulinigan kung mayroon man, ingay ang dulot nito sa akin. Dumadagdag pa sa aking pagkaantok ang tahimik at lalim ng gabi ngunit hindi ko makuhang kumurap dahil baka maging katumbas ito nang habangbuhay na hindi ko na pagdilat.
Kalaunan, unti-unti na ring lumilisik ang aking mga mata, ang dalawang itim nito'y parang may sariling isip na pumapaling sa kaliwa, kanan, ibaba at itaas.


Halos walang silbi ang liwanag ng buwan sa kadiliman ng paligid.
Tulad ko tila nababahag rin ang kanyang buntot na magpakita, animo'y nagdadamot.
Tulad niya nais ko ring maikubli ang lahat ng aking kahinaan, wari'y natatakot.
Ngunit ang kanyang kadiliman ang magsisilbi kong kakampi upang magtago sa mga taong-halimaw na humahangos patungo sa akin.


Ang tapang ko'y unti-unti nang napapalitan ng pagkatakot, ang angas ko'y hindi ko maipakita sa pagkakataong ito - kung kailan labis ko itong kailangan, tinangka kong sumigaw ngunit walang tinig na lumabas sa aking bibig. Naghahanap ng tulong ngunit tila ako na lang ang nalalabing tao sa daigdig.
Katapusan na ba ng sangkatauhan?
O ito na ang tinatawag na Impiyerno?


Kanina lang masaya akong umiinom ng paborito kong alak, nagyoyosi at oo...dumudroga. 
Laging ganito. Sa tuwing may pagkakataon ito ang aking ginagawa, parang walang katapusan ang kaligayahang nadarama ko dito. 
Masarap ang ganitong buhay, walang inaalalang problema, niwawaglit ang lahat, walang paghihirap.
Ang bawat singhot ko ng pinong bulbos nang napakasarap na "coke" katumbas ay walang hanggang langit para sa akin! Paraiso ang hatid nito sa bawat pagpikit ko ng aking mga mata at umiikot ang aking paligid sa tuwing nararating ko ang tugatog na hatid nito. Nalilimot ko kung sino ako, kung ano ako. Ang mga paa ko'y tila 'di sumasayad sa lupa at ang katawan ko naman'y kasama ng aking diwa'y palutang-lutang sa hangin. Pakiramdam ko'y walang sinumang kayang makapanakit sa akin, lahat ay kaya kong gapiin at kitilin. Wari ko'y hindi ako nasusugatan, hindi ako nasasaktan.


Sa itinatago kong kahinaan, dito ko kinukuha ang aking kakaibang lakas, ang aking kakaibang tapang - kahit pansamantala.
Walang lugar ang lungkot sa tuwing lango ako sa alak at droga. Dito, hindi ko kailangang magmadali, walang magbabawal sa gusto kong gawin, walang magsasabing mali ang aking ginagawa, walang sinuman ang kaya akong manduhan.
Ito ang tunay na kalayaan para sa akin, simula noong una ko itong matikman ito na rin ang itinuring kong matalik na kaibigan.


Ngunit sa pagkakataong ito iba ang aking pakiramdam tila sinusupil ang aking kalayaan sa lugar na ito, sa halip na langit ay impiyerno ang aking kinasadlakan. Kung ito'y isang bangungot masidhi na ang pagnanais kong gumising at bumangon. Ayaw ko na, nais ko nang makatakas at makaalis kung saan man ako naroon ngayon. Ayaw kong tuluyan akong paslangin at katayin, ayaw kong masayang ang buhay ko sa ganito lang, ayaw kong mapunta sa wala ang aking kasikatan at kayamanan.
Ngunit higit sa yaman at popularidad ay ang pag-aalala ko sa maiiwan kong pamilya, pero papaano?


Nangingingig na ang buo kong kalamnan, nangangatog na ang magkabila kong tuhod. Pawisan na ang buo kong katawan, said na ang luha sa mugto kong mga mata. Balot na ako ng pagkahilakbot at labis na pagkatakot.
Kung maari lang sana na ang mga iyak ko'y masusuklian ng kanilang pagka-awa. Kung ang pagsusumamo ko'y katumbas ng aking paglaya, kung ang pagluhod ko'y katumbas ng kanilang pagpaparaya sa akin...gagawin ko ang lahat ng ito.


Hindi ko rin napigilan ang aking pagkaantok. Paupo akong nakaidlip sa likod ng napakalaking punong hindi ko makita ang dulo sa taas, nang marinig kong may tinig na tumatawag sa akin.
"Corey..."
Napakislot ako mula sa pagkakaidlip, hinagilap ang tinig kung saan ito nanggagaling. Agad akong tumayo ngunit manhid ang aking mga paa. Tinangka ko itong ihakbang bagamat makirot pinilit ko pa rin.
Palakas nang palakas ang mga boses na tumatawag sa aking pangalan. "Corey, Corey!"


Muli akong humakbang. Hindi ko na iniinda kung mahapdi man o hindi ang aking mga paa, ang importante marating ko ang kinalalagyan ng mga boses na tumatawag sa akin. Nasabik ako at nagkaroon ng bahagyang pag-asa. Sa wakas, may magliligtas at tutulong sa akin.


Hindi pa ako lubos na nakakalayo nang maramdaman kong may humampas sa ulo ko mula sa likuran. Bumagsak akong paharap. Ang mga taong-halimaw na kanina pa humahabol sa akin ang sila mismong nasa aking harapan ngayon. Sa tantiya ko'y higit sila sa lima. Ang apat sa kanila'y hawak ang aking magkabilang mga kamay at paa. At ang panglima'y nakadagan sa akin, sakal-sakal ang aking leeg. Higit pa sa inaakala ko ang kanilang itsura, nakakahindik ang madilim nilang mukha, mapupula nga ang nakalisik na mga matang nakatitig sa akin na tila hinihigop ang aking kaluluwa, ang kanilang mga ngipin ay katulad ng kanilang mga kuko - matutulis. 


Kahit anong pagpupumiglas ko'y walang silbi kumpara sa kanilang lakas. Tila kinakapos na ako ng hininga, dumidilim na rin ang aking nakikita.
"Corey! Corey! Wake up man! Stand-up man, Hey, somebody help us here!!!", ang huling mga tinig na aking narinig hanggang sa tuluyan na akong panawan ng ulirat at bawian ng hininga.

* * *
Kinabukasan, laman ng lahat ng balita sa pahayagan, sa radyo, sa telebisyon at sa internet ang pagkamatay ng isang sikat na celebrity, ayon sa ulat ng autopsya namatay ang naturang celebrity dahil sa tinatawag na "mixed drug toxicity".


Paranoia [ˌpærəˈnɔɪə]n
1. (Psychiatry) a form of schizophrenia characterized by a slowly progressive deterioration of the personality, involving delusions and often hallucinations
2. (Psychiatry) a mental disorder characterized by any of several types of delusions, in which the personality otherwise remains relatively intact
3. (Psychology) Informal intense fear or suspicion, esp when unfounded

6 comments:

  1. tatlo lang ang masasabi ko sa akda mong 'to, adre:

    ha. li. maw.

    ipagpatuloy!

    ReplyDelete
  2. sabi na eh... tigilan kasi ang drugs.... inom.... drugs.... inom.....masama yan....

    mabagsik ka pa rin talaga ser... walang kupas.. :D

    ReplyDelete
  3. Nyay! Akala ko pumasok yung comment ko. tsk tsk tsk.

    Sir pahingi naman ako ng drogang ginagamit mo. Mukhang ok eh. Baka kagaya mo magiging halimaw na halimaw ako magsulat. :D

    Parang yung namayapa talaga ang nagsulat dito

    ReplyDelete
  4. @Sir JH: Hindi ko alam kung ako 'yung halimaw o 'yung istorya, hehe.
    @Shyvixen: Natigilan ko na ang drugs, alaala na lang 'yang nabasa mo. :)
    @Sir Joey: Hindi na talaga ako nagda-drugs, pramis! Inisip ko lang baka 'yan 'yung nasa isip ni Corey bago siya malagutan ng hininga, hindi kaya?

    Salamat sa pag-appreciate, sabi ko na eh iilan lang talaga bumabasa ng akda ko pero okay lang. basta merong hits pwede na 'yun :)

    ReplyDelete
  5. Ang lalim at may aral. Hindi nakukuha sa alak at drugs ang kaligayahan. Sa Dyos lang talaga natatagpuan ang tunay na freedom.
    Anyway, just want to thank you for visiting and the comment. It ispires ne more to continue to share my life as an inspiration or lesson to learn in life with the help of God. When I looked back, I can see how amazing God worked in my life considering na ang buhay ko before ay full of heartaches.

    ReplyDelete
  6. hello, Limarx... ang galing, kapatid. ito pala ang kwento ni Corey, ba't di ko nabasa sa Yahoo? hehehe... ang natutuwa ako sa writings mo, paanong you could put in so much details, paano mo nire-reconstruct sa akda ang scenario. kokonti kayong nakikita ko, kayang gumawa ng ganyan, ahaha. kayo na... :) saka, saan kayo kumukuha ng galit pala? hahaha.

    btw, your composition is quite literary as much as effective, hala pa... but then, i've encountered several people with steady bouts of paranoia (relatives), parang mas complex than what's rendered here ang totoo, both - the delusions and the hallucinations. just saying, ha... ako mismo, can't do, render, a piece like what you just did, hehe.

    what about writers' paranoia, kapatid? artists' paranoia? meron din noon.... except, mas occasional and less intense, as far as I know...what about those who have been traumatized, those who underwent severe, above normal experiences? ahaha, di kita pini-pressure, ha... i am just crossing my fingers, isang araw, may mababasang compositions mo to that effect, hehehe...

    thanks for this. naalala ko tuloy si Heath Ledger, kainaman na... kaway-kaway... :)

    ReplyDelete